SEKSIYON 6
Nanatiling Tapat si Job
Hinamon ni Satanas ang katapatan ni Job sa Diyos, pero nanatiling tapat si Job
MAY tao kayang makapananatiling tapat sa Diyos kahit dumaranas ng napakatinding pagsubok, o kahit wala namang makukuhang materyal na pakinabang sa pagsunod sa Kaniya? Ang tanong na iyan ay bumangon—at nasagot—sa kaso ni Job.
Noong nasa Ehipto pa ang mga Israelita, ang kamag-anak ni Abraham na si Job ay naninirahan sa lugar na kilala ngayon bilang Arabia. Samantala, nagtipun-tipon ang mga anghel sa harapan ng Diyos, at isa na rito ang rebeldeng si Satanas. Bago ang pagtitipong iyon sa langit, ipinahayag na ni Jehova ang kaniyang pagtitiwala sa kaniyang tapat na lingkod na si Job. Sa katunayan, sinabi ni Jehova na walang ibang taong nakapantay sa katapatan ni Job. Pero iginiit ni Satanas na naglilingkod lang daw si Job sa Diyos dahil sa nakukuha nitong biyaya at proteksiyon. Sinabi rin ni Satanas na kung aalisin kay Job ang lahat ng tinataglay nito, isusumpa nito ang Diyos.
Hinayaan ng Diyos si Satanas na kunin ang lahat kay Job—ang kaniyang kayamanan, mga anak, at kalusugan. Palibhasa’y hindi alam ni Job na si Satanas ang nasa likod ng lahat ng ito, hindi niya maintindihan kung bakit hinayaan ng Diyos na dumanas siya ng ganitong mga pagsubok. Gayunman, hindi pa rin niya itinakwil ang Diyos.
Tatlong naturingang kaibigan ni Job ang lumapit sa kaniya. Sa kanilang pakikipag-usap kay Job na nakasulat sa maraming pahina ng aklat ng Job, isiniksik nila sa isipan niya na pinarurusahan siya ng Diyos dahil may itinatago siyang mga kasalanan. Sinabi pa nga nila na ang Diyos ay hindi natutuwa sa kaniyang mga lingkod ni nagtitiwala man sa mga ito. Hindi pinatulan ni Job ang kanilang maling pangangatuwiran. Buong-pagtitiwalang sinabi ni Job na mananatili siyang tapat hanggang kamatayan!
Pero masyado namang naging mapagmatuwid sa sarili si Job. Nagsalita ngayon ang nakababatang si Elihu, na nakikinig sa kanilang pagtatalo. Itinuwid ni Elihu si Job dahil naging mas importante pa rito ang sariling reputasyon kaysa sa pagbabangong-puri sa soberanya ng Diyos na Jehova. Pero mariin ding sinaway ni Elihu ang mga naturingang kaibigan ni Job.
Ang Diyos na Jehova naman ang nagsalita kay Job, at itinuwid Niya ang pag-iisip nito. Tinulungan ni Jehova si Job na makita ang napakalaking kahigitan ng Diyos sa hamak na tao sa pamamagitan ng pagbanggit sa maraming kamangha-manghang bagay sa paglalang. Mapagpakumbaba namang tinanggap ni Job ang pagtutuwid ng Diyos. Palibhasa’y “napakamagiliw sa pagmamahal at maawain,” ibinalik ni Jehova ang kalusugan ni Job, dinoble ang dati niyang kayamanan, at biniyayaan ng sampung anak. (Santiago 5:11) Dahil nanatiling tapat si Job kay Jehova, matagumpay niyang nasagot ang hamon ni Satanas na hindi raw mananatiling tapat sa Diyos ang mga tao sa ilalim ng pagsubok.
—Batay sa aklat ng Job.