Kapaki-pakinabang ba ang Iyong Paglilibang?
“Patuloy ninyong tiyakin kung ano ang kaayaaya sa Panginoon.”—EFE. 5:10.
1, 2. (a) Paano ipinakikita ng Salita ng Diyos na gusto ni Jehova na masiyahan tayo sa buhay? (b) Kung itinuturing nating “kaloob ng Diyos” ang paglilibang, ano ang dapat nating gawin?
IPINAKIKITA ng Bibliya na hindi lang gusto ni Jehova na mabuhay tayo kundi masiyahan din tayo sa buhay. Halimbawa, sinasabi ng Awit 104:14, 15 na si Jehova ay naglalabas ng “pagkain mula sa lupa, at ng alak na nagpapasaya sa puso ng taong mortal, upang paningningin ng langis ang mukha, at ng tinapay na nagpapalakas sa puso ng taong mortal.” Oo, pinasisibol ni Jehova ang mga pananim na naglalaan sa atin ng butil, langis, at alak bilang panustos. Pero ang alak ay “nagpapasaya [rin] sa puso.” Kahit hindi ito kailangan para mabuhay tayo, nakadaragdag ito sa ating kagalakan. (Ecles. 9:7; 10:19) Talagang gusto ni Jehova na mapuno ng “pagkagalak” ang ating puso.—Gawa 14:16, 17.
2 Kaya hindi tayo dapat makonsiyensiya kung paminsan-paminsan ay nag-iiskedyul tayo ng panahon para ‘masdang mabuti ang mga ibon sa langit’ at “mga liryo sa parang” o para masiyahan sa mga gawaing nakarerepresko sa atin at nagbibigay-kulay sa ating buhay. (Mat. 6:26, 28; Awit 8:3, 4) Ang kasiya-siyang buhay ay “kaloob ng Diyos.” (Ecles. 3:12, 13) Kung itinuturing nating kasama sa kaloob na iyon ang paglilibang, gagamitin natin ito sa paraang kalugud-lugod sa Isa na nagbigay nito.
Iba’t Ibang Uri at mga Limitasyon
3. Bakit magkakaiba ang pinipiling libangan ng mga tao?
3 Alam ng mga may tamang pangmalas sa paglilibang na bagaman may kalayaan silang pumili, kailangan din nilang kilalanin ang ilang limitasyon. Bakit? Para masagot ito, ikumpara natin sa pagkain ang paglilibang. Magkakaiba ang popular na pagkain sa iba’t ibang panig ng mundo. Sa katunayan, ang paboritong pagkain ng mga tao sa isang bansa ay baka hindi naman magustuhan ng mga tao sa ibang lugar. Sa katulad na paraan, ang paboritong libangan ng mga Kristiyano sa isang panig ng mundo ay baka hindi naman magustuhan ng mga Kristiyano sa ibang lugar. Kahit nga sa iisang lugar, baka magkakaiba rin ang libangang pinipili ng mga Kristiyano. Halimbawa, baka nakarerelaks sa iba ang pagbabasa ng isang magandang libro, pero baka nakababagot naman ito sa iba. Baka nakarerepresko sa iba ang pisikal na mga gawain gaya ng pagbibisikleta, pero baka nakapapagod ito para sa iba. Kung paanong makapipili ang mga tao ng gusto nilang pagkain, makapipili rin sila ng gusto nilang libangan.—Roma 14:2-4.
4. Bakit kailangan tayong magtakda ng limitasyon sa pinipili nating libangan? Ilarawan.
4 Pero alam din natin na kahit may kalayaan tayong pumili, hindi lahat ng libangang gusto natin ay puwede. Para ilarawan ito, balikan natin ang halimbawa tungkol sa pagkain. Baka gusto nating tumikim ng iba’t ibang pagkain. Pero siyempre, hinding-hindi tayo kakain ng bulok dahil makasasamâ ito sa kalusugan. Sa katulad na paraan, marami tayong mapagpipiliang libangan. Pero tiyak na hindi tayo pipili ng libangan na mapanganib, marahas, o bulok sa moral. Salungat iyan sa mga simulain ng Bibliya at makasasamâ sa ating pisikal at espirituwal na kalusugan. Kaya para matiyak na nasusunod natin ang makatuwirang mga limitasyon, makabubuting alamin muna natin kung ang gusto nating libangan ay kapaki-pakinabang o hindi. (Efe. 5:10) Paano?
5. Paano natin matitiyak kung nakaaabot sa pamantayan ng Diyos ang ating libangan?
5 Ang isang libangan ay kapaki-pakinabang at nakalulugod kay Jehova kung nakaaabot ito sa espesipikong pamantayan sa Salita ng Diyos. (Awit 86:11) Para matiyak kung ganiyan nga ang libangang gusto mo, puwede mong tingnan ang isang simpleng checklist na may tatlong tanong: ano? kailan? at sino? Isa-isahin natin ang mga ito.
Ano ang Nasasangkot Dito?
6. Anong uri ng libangan ang dapat nating iwasan, at bakit?
6 Bago makibahagi sa isang libangan, dapat muna nating itanong: Ano ang sangkot sa libangang gusto ko? Para masagot ito, makabubuting tandaan na may dalawang pangunahing kategorya ang libangan. Ang una ay mga libangang hinding-hindi natin gagawin. Ang ikalawa ay mga libangang baka puwede. Ano ang kasama sa unang kategorya? Sa napakasamang sanlibutang ito, maraming libangan ang malinaw na lumalabag sa mga simulain ng Bibliya o sumasalungat sa kautusan ng Diyos. (1 Juan 5:19) Tahasang tinatanggihan ng tunay na mga Kristiyano ang lahat ng ganitong uri ng libangan. Kasama rito ang libangang nagtatampok ng sadismo, demonismo, homoseksuwalidad, pornograpya, karahasan, o iba pang napakasama at imoral na mga gawain. (1 Cor. 6:9, 10; basahin ang Apocalipsis 21:8.) Saanman tayo naroroon, kapag iniiwasan natin ang ganitong uri ng libangan, ipinakikita natin kay Jehova na ‘kinamumuhian natin ang balakyot.’—Roma 12:9; 1 Juan 1:5, 6.
7, 8. Ano ang makatutulong sa atin sa pagsusuri sa isang libangan? Ilarawan.
7 Ang ikalawang kategorya ay mga libangang nagtatampok ng mga gawaing hindi naman tuwirang hinahatulan ng Salita ng Diyos. Bago piliin ang gayong uri ng libangan, dapat nating tiyakin kung kaayon ito ng pangmalas ni Jehova at hindi labag sa mga simulain ng Bibliya. (Kaw. 4:10, 11) Pagkatapos, kailangan tayong gumawa ng pasiyang hindi makapagpaparungis sa ating budhi. (Gal. 6:5; 1 Tim. 1:19) Paano? Pag-isipan ito: Bago tikman ang isang putaheng hindi natin kilala, aalamin muna natin kung ano ang pangunahing mga sangkap nito. Sa katulad na paraan, bago makibahagi sa isang libangan, kailangang suriin muna natin ang pangunahing mga katangian nito.—Efe. 5:17.
8 Halimbawa, baka mahilig ka sa sports. Natural lamang iyan dahil maaari itong maging kasiya-siya at kapana-panabik. Pero may ilang sports na masyadong mahigpit ang kompetisyon anupat maaaring mauwi sa karahasan. Ang iba ay maaaring magdulot ng pinsala o ikamatay pa nga. Ang iba naman ay nagtataguyod ng nasyonalismo at ng magulo at marahas na selebrasyon ng pagkapanalo. Paano kung may ganitong “sangkap” ang sports na gusto mo? Baka maipasiya mong salungat ito sa pamantayan ni Jehova at sa mensahe ng pag-ibig at kapayapaan na ipinangangaral natin. (Isa. 61:1; Gal. 5:19-21) Pero kung natitiyak mong ang mga “sangkap” ng isang libangan ay kaayaaya sa paningin ni Jehova, malamang na magiging kapaki-pakinabang at nakarerepresko sa iyo ang libangang iyon.—Gal. 5:22, 23; basahin ang Filipos 4:8.
Kailan Ako Naglilibang?
9. Ano ang isinisiwalat ng sagot natin sa tanong na, ‘Kailan ako maglilibang?’
9 Ang unang tanong na tinalakay natin ay, Ano? Ang sagot natin sa tanong na ito ay nagpapakita kung ano ang gusto natin at katanggap-tanggap sa atin. Ang ikalawang tanong naman ay, Kailan? Kailangan nating itanong: Kailan ako naglilibang at gaano kalaking panahon ang ginugugol ko rito? Ang sagot natin sa ikalawang tanong na ito ay nagpapakita kung ano ang mga priyoridad natin, ibig sabihin, kung ano ang mahalaga para sa atin. Kaya paano natin matitiyak na tama ang priyoridad natin pagdating sa paglilibang?
10, 11. Paano makatutulong sa atin ang Mateo 6:33 para makapagpasiya tayo kung gaano karaming panahon ang gugugulin natin sa paglilibang?
10 Sinabi ni Jesu-Kristo sa kaniyang mga tagasunod: “Iibigin mo si Jehova na iyong Diyos nang iyong buong puso at nang iyong buong kaluluwa at nang iyong buong pag-iisip at nang iyong buong lakas.” (Mar. 12:30) Kaya dapat na maging pangunahin sa buhay natin ang pag-ibig kay Jehova. Maipakikita natin ito kung susundin natin ang payo ni Jesus: “Patuloy, kung gayon, na hanapin muna ang kaharian at ang kaniyang katuwiran, at ang lahat ng iba pang mga bagay na ito ay idaragdag sa inyo.” (Mat. 6:33) Paano tayo matutulungan ng payong ito para matiyak kung gaano karaming panahon ang gugugulin natin sa paglilibang?
11 Pansinin ang puntong ito: Pinayuhan tayo ni Jesus na ‘patuloy na hanapin muna ang kaharian.’ Hindi niya sinabing ‘kaharian lang ang patuloy nating hanapin.’ Alam ni Jesus na bukod sa Kaharian, kailangan din nating hanapin ang maraming iba pang bagay sa buhay. Kailangan natin ng tirahan, pagkain, damit, saligang edukasyon, trabaho, libangan, at iba pa. Pero sa lahat ng bagay na kailangan nating hanapin, isa lang ang dapat mauna—ang Kaharian. (1 Cor. 7:29-31) Kapag alam natin ang ating priyoridad, magiging pangalawahin lang ang paglilibang at iba pang gawain, at uunahin natin ang Kaharian. Kung gayon, magiging kapaki-pakinabang sa atin ang paglilibang.
12. Paano maikakapit sa paglilibang ang simulain sa Lucas 14:28?
12 Kaya pagdating sa panahong ginagamit natin sa paglilibang, makabubuting patiunang tuusin ang magiging kapalit. (Luc. 14:28) Alamin natin kung gaano karaming panahon ang kakailanganin nito, at kung sulit ang panahong gagamitin natin dito. Kung dahil sa libangang ito ay mapapabayaan natin ang mahahalagang bagay na gaya ng personal na pag-aaral ng Bibliya, pampamilyang pagsamba, pagdalo sa pulong, o pangangaral, hindi ito sulit. (Mar. 8:36) Pero kung dahil sa paminsan-minsang paglilibang ay napalalakas tayo na magpatuloy sa paglilingkod sa Diyos, kapaki-pakinabang ang libangang ito.
Sino ang mga Kasama Ko?
13. Bakit dapat pag-isipang mabuti kung sino ang makakasama natin sa paglilibang?
13 Ang ikatlong dapat nating itanong ay, Sino ang makakasama ko sa paglilibang? Mahalagang tanong ito dahil ang ating mga kasama ay may malaking epekto sa ating paglilibang. Kung paanong mas masarap kumain kasalo ng mabubuting kaibigan, mas kasiya-siyang maglibang kung mabubuting tao ang kasama natin. Kaya natural lang na ang karamihan, lalo na ang mga kabataan, ay mas nag-eenjoy maglibang kapag may kasama. Pero para matiyak na magiging kapaki-pakinabang ang paglilibang, makabubuting alamin muna kung anong uri ng mga tao ang maituturing na mabubuti at masasamang kasama.—2 Cro. 19:2; basahin ang Kawikaan 13:20; Sant. 4:4.
14, 15. (a) Ano ang matututuhan natin sa pagpili ni Jesus ng mga kasama? (b) Ano ang mga dapat nating itanong kapag pumipili ng mga kaibigan?
14 Makabubuting tularan natin si Jesus sa pagpili ng mga kasama. Mula noong panahon ng paglalang, iniibig na niya ang sangkatauhan. (Kaw. 8:31) Samantalang nasa lupa, nagpakita siya ng pag-ibig at konsiderasyon sa lahat ng uri ng tao. (Mat. 15:29-37) Pero alam ni Jesus ang kaibahan ng pagiging palakaibigan at pagiging malapít na kaibigan. Palakaibigan siya sa lahat ng tao, pero ang malapít na pakikipagkaibigan niya ay para lang sa mga nakaaabot sa espesipikong mga kahilingan. Sinabi ni Jesus sa kaniyang 11 tapat na apostol: “Kayo ay mga kaibigan ko kung ginagawa ninyo ang iniuutos ko sa inyo.” (Juan 15:14; tingnan din ang Juan 13:27, 30.) Tanging ang mga sumusunod sa kaniya at naglilingkod kay Jehova ang mga kaibigan niya.
15 Kaya bago ka makipagkaibigan, magandang tandaan ang sinabi ni Jesus. Tanungin ang sarili: ‘Makikita ba sa salita at gawa ng taong ito na sumusunod siya kay Jehova at kay Jesus? Kinikilala ba niya ang mga simulain at pamantayan ng Bibliya? Mapasisigla ba niya ako na unahin ang Kaharian at maging tapat kay Jehova?’ Kung oo ang sagot mo sa mga tanong na ito, siya’y isang mabuting kaibigan at kasama sa paglilibang.—Basahin ang Awit 119:63; 2 Cor. 6:14; 2 Tim. 2:22.
Ang Ating Libangan—Pasado Ba?
16. Ano ang dapat nating alamin tungkol sa ating libangan?
16 Natalakay natin ang tatlong aspekto ng paglilibang—uri, dami ng panahong nauubos, at kasama. Para maging kapaki-pakinabang, kailangang pasado ito sa pamantayan ng Bibliya pagdating sa tatlong aspektong ito. May kinalaman sa uri, alamin natin: ‘Ano ang nasasangkot dito? Kapaki-pakinabang ba ito o nakasasama?’ (Kaw. 4:20-27) Pagdating sa dami ng panahon, alamin natin: ‘Gaano karaming panahon ang gugugulin ko rito? Sulit ba ang panahong ito?’ (1 Tim. 4:8) At pagdating sa kasama, kailangan nating alamin: ‘Sino ang makakasama ko sa paglilibang? Mabubuti ba silang kasama o hindi?’—Ecles. 9:18; 1 Cor. 15:33.
17, 18. (a) Paano natin matitiyak na nakaaabot sa pamantayan ng Bibliya ang ating libangan? (b) May kinalaman sa pagpili ng libangan, ano ang iyong determinasyon?
17 Kung ang isang libangan ay hindi nakaaabot sa pamantayan ng Bibliya sa alinman sa tatlong aspektong ito, hindi ito pasado. Pero kung titiyakin natin na ang ating libangan ay nakaaabot sa mga pamantayan ng Bibliya sa lahat ng aspektong ito, magiging kapaki-pakinabang ito at magdudulot ng kapurihan kay Jehova.—Awit 119:33-35.
18 Kaya sikapin nating gawin ang tamang paglilibang sa tamang panahon at kasama ng tamang mga kaibigan. Maging determinado sana ang bawat isa sa atin na sundin ang payo ng Bibliya: “Kayo man ay kumakain o umiinom o gumagawa ng anupaman, gawin ninyo ang lahat ng bagay sa ikaluluwalhati ng Diyos.”—1 Cor. 10:31.
Maipaliliwanag Mo Ba?
Pagdating sa paglilibang, paano natin maikakapit ang simulain sa . . .
• Filipos 4:8?
• Mateo 6:33?
[Dayagram sa pahina 9]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
✔Ano
[Dayagram sa pahina 10]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
✔Kailan
[Dayagram sa pahina 12]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
✔Sino
[Larawan sa pahina 10]
Paano natin matutularan si Jesus sa pagpili ng mga kaibigan at libangan?