Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Paano Ko Madadaig ang mga Damdamin ng Pagtatangi ng Lahi?
Ang mga mananaliksik sa Sydney, Australia, ay nagsumite ng mga kuwestiyonaryo sa isang grupo ng maraming lahi na mga bata, 9-13 taóng gulang, hinahayaan silang ipahayag ang kanilang mga damdamin sa mga tao ng ibang lahi. Bagaman ang ilang puting batang Australyano ay nagpahayag ng pagtatangi sa mga minoridad, “ang mga bata mula sa lahat ng mga grupong etniko ay nagpahayag din ng pagtatangi sa iba pang grupong etniko gaya ng mga batang Australyano, at kadalasan ay mas masahol pa.”—The Journal of Psychology.
ANG mga kabataan ay apektado rin ng pagtatangi ng lahi. “Sa aking paaralan,” sabi ng 17-anyos na si Lucy, “ang karamihan ng mga batang puti ay kumakain sa isang silid kainan at ang lahat ng mga itim ay sa ibang silid.”
Ano nga ba ang iyong damdamin sa mga tao ng ibang lahi? Bagaman maaaring alam na alam mo na ang pagtatangi ay kamangmangan, hindi makatarungan, at lipás na, baka ikaw ay nasa alanganin pa rin. Gaya ng sabi ng mga mananaliksik na sina Jane Norman at Myron W. Harris, Ph.D.,: “Ang karamihan ng . . . mga tin-edyer na puti at hindi puti ay sumasang-ayon na ayaw nilang sila’y itatangi. Subalit sila ay maingat at kadalasa’y walang tiwala sa isa’t isa. Nalalaman din nila na baka magalit ang mga kaibigan at mga magulang kung sila ay makikipagkaibigan sa mga hindi kalahi.” Gayunding mga kaigtingang panlahi ay umiiral sa maraming bansa.
Ang mga damdamin ng pagkaasiwa kung kasama mo ang mga membro ng ibang lahi ay maaari ring makasakit sa mga kabataang Kristiyano na naturuan na ang pagtatangi ay mali. Baka sila ay nakatira sa mga lugar kung saan ang pagkalantad sa ibang lahi ay limitado o kung saan ang mga kaigtingang panlahi ay matindi. Saan, kung gayon, nagmula ang mga damdamin ng pagtatangi ng lahi?
Ang Pagpapalakad ng Pagtatangi ng Lahi
Ang pagtatangi ay nangangahulugan ng patiunang paghatol. Sa gayon ang isa na nagtatangi ng lahi ay humahatol sa iba nang walang paglilitis. Siya’y naghihinuha na ang alinmang membro ng isang lahi ay kusang may ilang di-kanais-nais na mga ugali, katangian, o mga saloobin. Pinalalaki niya ang pagkiling na ito kahit na sa harap ng mga katotohanan na maliwanag na sumasalungat sa kaniyang mga paniwala. Halimbawa, maaari siyang maniwala na ang lahat ng membro ng isang grupo ay ‘tamad’ o ‘hindi matalino.’ Kapag nakaharap niya ang isa sa grupong iyon na masipag—o matalino pa nga—siya’y naghihinuha na ang taong iyon ay isang “eksepsiyon,” Nakalulungkot sabihin, siya ay bulag sa indibiduwal na mga katangian.
Gayunman, ang pagtatangi ay hindi likas. Ang The Encyclopedia of Human Behavior ay nagsasabi: “Ipinakikita ng mga pagmamasid na ginawa sa buong daigdig na ang mga bata ay walang pagtatanging nakikipaglaro sa mga membro ng ibang mga grupong etniko, at hindi nila pinapansin ang maliwanag na pisikal na mga pagkakaiba o basta tinatanggap ito.” Sabi pa ng encyclopedia: “Ang pagtatangi ay . . . pawang dahil sa natututuhan, at pangunahin nang nakukuha sa pamamagitan ng pakikitungo sa ibang tao.” Ang mga magulang, guro, at mga kasama ay waring nakatulong sa pagpapasa ng pagtatangi ng lahi. Kung minsan, ang hindi kaaya-ayang engkuwentro sa mga membro ng ibang lahi ay nakadaragdag sa pagtatanging ito.
Samakatuwid, marami sa atin ay hindi sinasadyang napupulot ang mga saloobin at mga palagay na nagtatangi. At kadalasang ito ay nangangailangan ng tunay na sumusuri-kaluluwa upang matapat na makaharap ng isa ang kaniyang mga damdamin tungkol dito. Halimbawa, baka may mga kaibigan ka na iba ang lahi. Subalit sinisiraan, pinipintasan mo ba ang kanilang lahi sa kanilang likuran? Kapag nakikipag-usap sa mga kaibigang ito, itinatampok mo ba ang isyu tungkol sa lahi, marahil sa pamamagitan ng laging pagsasabi tungkol sa mga pagkakaiba ng lahi o sa pagsasabi ng walang kuwenta, humahamak na mga biro? Ganito ang sabi ng aklat na The Nature of Prejudice: “Kahit na kung ang mga biro ay tila palakaibigan ang mga ito kung minsan ay maaaring tumatakip sa tunay na pagkapoot.” Higit pa riyan, ikaw ba ay asiwa at hindi komportable kung ikaw ay nakikita sa publiko na kasama ng mga kaibigan na iba ang lahi? Agad mo bang inaakala na ang mga membro ng ibang lahi ay nagtataglay ng ilang talino—o mga kapintasan?
“Galit na galit ako sa aking sarili sa pagkakaroon ng gayong mga damdamin,” panangis ng isang kabataan na may katapatang hinarap ang kaniyang pagtatangi ng lahi, “ngunit sa paano man ay waring hindi ko nasasawata ito.”
Ang Pangmalas ng Diyos sa Lahi
Gayunman, ang pagkilala sa problema ay isang malaking hakbang tungo sa paglutas dito. Tumutulong din ito upang maunawaan kung paano minamalas ng Diyos ang iba’t ibang lahi. Isaalang-alang, halimbawa, ang isang kalagayan na nangyari noong unang siglo. Ang nagtatagal na kaigtingang panlahi sa pagitan ng mga Judio at mga Gentil ay nagpahirap sa kongregasyong Kristiyano. Noong minsan si apostol Pedro ay napadaig sa panggigipit ng mga kasama at “lumayo at inihiwalay ang kaniyang sarili” sa mga Kristiyanong Gentil, tumatanggi pa ngang makikain sa kanila! Nang malaman ito ni apostol Pablo, hindi siya sumang-ayon kay Pedro. Bagkus, kaniyang “sinalansang siya nang mukhaan, sapagkat siya’y nararapat hatulan.” Ang pagtatangi ng lahi ay hindi maaaring ipahintulot sa gitna ng mga Kristiyano! Sa mga pananalita ni Pablo, “Ang Diyos ay hindi tumitingin sa panlabas na anyo ng isang tao.”—Galacia 2:6, 11-14.
Ang Gawa 10:34, 35 ay nagsasabi pa na “ang Diyos ay hindi nagtatangi, kundi sa bawat bansa ang taong may takot sa kaniya at gumagawa ng matuwid ay kalugud-lugod sa kaniya.” Totoo, ang isang lahi ay maaaring magkaroon ng kakaibang kulay ng balat, bukás ng mukha, o kayarian ng buhok kaysa iyong lahi. Subalit yamang “ginawa [ng Diyos] buhat sa isang tao ang bawat bansa ng mga tao,” ang kahanga-hangang pagkasarisari sa gitna ng mga lahi ay gawa ng Diyos! (Gawa 17:26) Isa pa, hindi hinahatulan ng Diyos ang lahat ng pagkain, musika, istilo ng pananamit, pananalita, at kagandahang-asal na nagkakaiba-iba sa lahi at lahi. Kaya, nang si apostol Pablo ay gumawa sa gitna ng mga di-Judio, hindi niya hinamak ang kanilang mga ugali, bagaman ang marami ay walang alinlangan na salungat sa kaniyang kinalakhang kaugaliang Judio. Sabi ni Pablo: “Sa mga walang kautusan [hindi-Judio] ako’y naging tulad sa walang kautusan [nagpapakita ng paggalang sa kanilang kaugalian].”—1 Corinto 9:21.
Samakatuwid, ang isang tao na nagtatanim ng galit o nanlilibak sa mga tao ng ibang lahi ay hindi makalulugod sa Diyos!
Pagdaig sa mga Damdamin
Gayunman, ang paglilinis sa sarili ng malaon nang mga damdamin ay hindi madali. Maaaring makatulong ang pagsasabi nito sa isang matalik na kaibigan o sa magulang. Makatutulong din na sundin ang payo ng Bibliya na “palawakin” ang iyong pakikitungo sa iba. (2 Corinto 6:12, 13) Kung maaari, huwag takdaan ang iyong pakikisama sa mga indibiduwal na kabilang sa iyong sariling lahi, kultura, at katayuan sa lipunan. Sabi ng The Encyclopedia of Human Behavior: “Ang pakikisama at pakikipag-usap ay nagpapangyari sa mga indibiduwal na makilala at mapahalagahan ang isa’t isa, at karaniwang binabago ang kanilang mga saloobin sa isa’t isa.”
Napatunayan ito ng isang binatang nagngangalang Chris, na nakatira sa isang bayan na ang karamihan ng nakatira ay puti. “Hindi ako pinalaki na nagtatangi,” sabi ni Chris. “Subalit nang ako ay tumuntong sa paaralang sekundaryo, lagi akong nililigalig ng mga batang itim. Nagkaroon ako ng damdamin na sila ay pawang mga manggugulo. Kinatakutan ko sila. At yamang ang bahagi ng bayan na tinitirhan nila ay lubhang sira-sira, nahinuha ko na ang mga itim ay pawang mga tamad.”
Gayunman, si Chris ay nagsimulang makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Sapagkat alam niya ang pangmalas ng Diyos sa bagay na ito, ang kaniyang sariling pangmalas tungkol sa mga itim ay lumambot. Nang dakong huli si Chris ay naglingkod sa pandaigdig na punong tanggapan ng mga Saksi ni Jehova sa Brooklyn, New York, at siya ay idinestino sa isang kongregasyon na halu-halo ang lahi. “Nakaharap ko ngayon ang problema. Ngunit sinimulan kong dalawin ang kanilang mga tahanan at nakikain na kasama nila.” Ang epekto nito ay mabuti. “Natanto ko na sila ay kapareho din ng lahat ng iba pa.”
Oo, sa loob ng kongregasyong Kristiyano ay mga indibiduwal “mula sa lahat ng bansa at tribo at bayan at wika.” (Apocalipsis 7:9) Kilalanin mo ang ilan sa kanila. Pansinin mo kung paano, sa kabila ng kanilang nagkakaibang mga pinagmulan, nagagawa nilang magtrabaho nang nagkakaisa sa isang paraan na nakalulugod sa Diyos. Huwag mong malasin ang mga tao bilang mga membro ng mga grupo; kilalanin sila bilang mga indibiduwal, ‘hayaang patunayan ng bawat isa ang kaniyang sariling gawa.’ (Galacia 6:4) Maging ikaw mismo at ikapit ang ginintuang tuntunin: “Laging tratuhin mo ang iba na gaya ng nais mong pagtrato sa iyo.” (Mateo 7:12, The Jerusalem Bible) Kung ang mga damdamin ng pagiging superyor ay tumindi sa iyo, may pananalanging subukin mong ikapit ang payo ng Bibliya na ‘ituring ang iba na mas mataas sa iyo.’—Filipos 2:3.
Mangyari pa, ang iyong negatibong mga pangmalas ay hindi nangyari sa magdamag, at malamang na hindi maglaho sa magdamag. Subalit sa paglipas ng panahon at masigasig na pagsisikap, kasama ng pagtitiyaga, ang mga damdamin ng pagtatangi ay maaaring daigin.
[Kahon sa pahina 21]
Isinumpa ba ang Lahing Itim?
Sinikap ng ilan na bigyang-matuwid ang kanilang pagtatangi sa pagsasabing isinumpa ng Diyos ang lahing itim. Gayunman, walang gayong pagsumpa ang nakatala sa Bibliya. Totoo, ang Genesis 9:25 ay nagsasabi: “Sumpain si Canaan. Siya’y magiging alipin ng mga alipin sa kaniyang mga kapatid.” Gayunman, ang malimit-sipiing talatang iyan ay walang anumang sinasabi tungkol sa kulay ng balat. Isa pa, ang lahing itim ay malinaw na nagmula sa isang kapatid ni Canaan na nagngangalang Cush. (Genesis 10:6, 7; tingnan ang talababa sa “New World Translation Reference Bible” sa Isaias 43:3, kung saan ang pangalang Cush ay ginamit upang tumukoy sa bansang Aprikano ng Etiopia.) Ang mga inapo ni Canaan ay maliwanag na maputi—hindi itim.