CALNE
1. Isang lunsod na itinatag ni Nimrod sa lupain ng Sinar. (Gen 10:10) Kaya naman maliwanag na ito ay nasa timugang Mesopotamia, ngunit hindi tiyak ang lokasyon nito. Matagal nang iminumungkahi ang Nippur, isang sinaunang lunsod ng Babilonya na mga 85 km (50 mi) sa TS ng Babilonya, bilang lokasyon nito, salig sa tradisyon ng Talmud at sa iba pang mga salik. Gayunman, mas iniuugnay ito ng ilang iskolar sa Kulunu, na sinaunang pangalan ng isang mahalagang lunsod na malapit sa Babilonya. Ang ikatlong posibilidad ay ang kakambal na lunsod ng Kis na tinatawag na Hursagkalama, anupat diumano ang huling bahagi ng pangalan (-kalama) ay tumutukoy sa Calne. Sa ilang bersiyon (RS, JB, NE), ang Calne ay isinalin, hindi bilang pangalan ng isang lugar, kundi bilang pariralang “lahat ng mga ito,” anupat ang teksto ay kababasahan, “Babel, Erec, at Acad, lahat ng mga ito sa lupain ng Sinar.” Gayunman, kailangang gumawa rito ng pagbabago sa tuldok-patinig ng tekstong Masoretiko.
2. Isang lugar na binanggit ng propetang si Amos, kasama ng mga lunsod ng Hamat at Gat, nang babalaan niya ang bayan ng Israel at Juda tungkol sa darating na kapahamakan. (Am 6:2) Bagaman itinuturing ng ilang komentarista na ito rin ang Blg. 1, para sa karamihan ng mga iskolar, ang pagbanggit dito kasama ng Hamat at Gat ay nagpapahiwatig na ito’y nasa pook na karatig ng silangang Dagat Mediteraneo, sa halip na sa Mesopotamia. Iminumungkahi nila na iugnay ito sa Kullani na nabanggit sa mga inskripsiyong Asiryano sa hilagang Sirya (lumilitaw na katumbas ngayon ng makabagong Kullan Köy, mga 16 na km [10 mi] sa TS ng Arpad), na inilakip ni Tiglat-pileser III sa mga lugar na nasupil noong panahon ng kampanya ng mga Asiryano sa kanluran. Kung tama ang pag-uugnay na ito, ang Calneng ito ay maaaring ang Calno rin ng Isaias 10:9.