GUMAGAPANG NA BAGAY
Ang pandiwang ugat ng terminong Hebreo na reʹmes ay nangangahulugang “gumapang” o “gumalaw.” (Gen 1:21, 28, tlb sa Rbi8) Iminumungkahi ng leksikong Hebreo at Aramaiko nina Koehler at Baumgartner na ang terminong ito ay nagpapahiwatig ng paggalaw nang walang direksiyon. (Lexicon in Veteris Testamenti Libros, Leiden, 1958, p. 895; ihambing ang Hab 1:14.) Waring saklaw ng pangngalang reʹmes ang napakarami at sari-saring nilalang na buháy at, sa pagkakagamit nito sa iba’t ibang teksto, sa pangkalahatan ay ipinakikita nito ang kaibahan ng mga “gumagalang hayop” mula sa maiilap at maaamong hayop, sa mga ibon, at sa mga isda. (Gen 1:24, 25; 6:7, 20; 7:14, 23; 8:17, 19; 9:3; Eze 8:10; 38:20) Kaya naman maaaring ibilang dito ang mga reptilya at iba pang mga anyo ng buhay-hayop na hindi kasama sa ibang mas prominenteng kategorya. Maaari itong ikapit hindi lamang sa mga nilalang sa katihan kundi pati sa mga nilalang sa tubig.—Aw 104:25.
Ang ilan sa 3,000 kawikaan ng marunong na si Haring Solomon ay tungkol sa “mga hayop at tungkol sa mga lumilipad na nilalang at tungkol sa mga bagay na gumagala at tungkol sa mga isda.” (1Ha 4:33; ihambing ang Kaw 30:19, 24-28.) Inilalarawan ng Oseas 2:18 ang isang pakikipagtipan sa mabangis na hayop, sa lumilipad na nilalang, at sa gumagapang na bagay sa lupa. Sa Awit 148:10, kasama sila sa mga nilalang na naglilingkod sa ikapupuri ng kanilang Maylalang.
Ang Griegong her·pe·tonʹ ay malapit na katumbas ng Hebreong reʹmes, at malimit itong gamitin upang tumukoy sa mga reptilya. Ginamit ito sa pangitaing nakita ni Pedro sa Jope. (Gaw 10:12; 11:6) Ginamit din ito ni Pablo nang talakayin niya ang idolatriya ng tao (Ro 1:23), at ni Santiago tungkol naman sa mga nilalang na napaaamo ng tao.—San 3:7.