PATROS
Ang Patros ay laging iniuugnay sa Ehipto (sa Heb., Mits·raʹyim). (Eze 30:13, 14) Iniuugnay ng karamihan sa mga iskolar ang pangalang Patros sa isang pananalitang Ehipsiyo na nangangahulugang “Lupain sa Timog” at maliwanag na tumutukoy sa Mataas na Ehipto. Ang Mataas na Ehipto ay kadalasang tumutukoy sa pook ng Libis ng Nilo na sumasaklaw mula sa isang dako sa bandang T ng Memfis hanggang sa (timog sa) Seyene (makabagong Aswan) sa may unang talon ng Nilo. Ang teksto sa Isaias 11:11, na humuhula hinggil sa pagbabalik ng mga Israelitang tapon mula sa ‘Ehipto (Mizraim), Patros at Cus,’ ay waring nagpapatunay sa pagkakatukoy na ang Patros ay nasa may Mataas na Ehipto, na ang Cus (Etiopia) ay kahangga nito sa T. Isang inskripsiyong Asiryano ni Haring Esar-hadon ang nagbibigay ng katulad na pagkakasunud-sunod, na tinutukoy ang “Ehipto (Musur), Paturisi at Nubia [Kusu, o Cus].”—Ancient Near Eastern Texts, inedit ni J. Pritchard, 1974, p. 290.
Tinatawag sa Ezekiel 29:14 ang Patros na ‘lupain na pinanggalingan nila [ng mga Ehipsiyo].’ Ang tradisyonal na Ehipsiyong pangmalas, gaya ng isinalaysay ni Herodotus (II, 4, 15, 99), ay lumilitaw na nagpapatunay rito, yamang ginagawa nito ang Mataas na Ehipto, at partikular na ang rehiyon ng Thebes, na sentro ng unang kahariang Ehipsiyo, sa ilalim ng isang hari na tinatawag ni Herodotus na Menes, isang pangalang hindi masusumpungan sa mga rekord ng Ehipto. Itinala ni Diodorus Siculus (unang siglo B.C.E.) ang isang katulad na pangmalas. (Diodorus of Sicily, I, 45, 1) Ang tradisyong Ehipsiyo na inilahad ng mga Griegong istoryador na ito ay maaaring isang mahinang alingawngaw lamang ng tunay na kasaysayang inihaharap sa Bibliya hinggil kay Mizraim (na ang pangalan ay kumakatawan sa Ehipto) at sa kaniyang mga inapo, lakip na si Patrusim.—Gen 10:13, 14.
Pagkatapos itiwangwang ni Nabucodonosor ang Juda, isang nalabi ng mga Judio ang tumakas patungong Ehipto. Kabilang sa nakatalang mga lugar na kanilang pinanahanan ay ang Migdol, Tapanhes, Nop (lahat ng mga lunsod sa Mababang Ehipto), at ang “lupain ng Patros.” (Jer 44:1) Dito ay nakibahagi sila sa idolatrosong pagsamba, na nagbunga ng pagpapataw ni Jehova ng hatol sa kanila at ng babala hinggil sa dumarating na pananakop ni Nabucodonosor sa Ehipto. (Jer 44:15, 26-30) Ipinakikita ng katibayang nakasulat sa papiro noong ikalimang siglo B.C.E. ang isang kolonyang Judio na umaabot hanggang sa timugang dulo ng sinaunang Ehipto sa Elephantine sa may Seyene.