JAPET
[Magkaloob Nawa Siya ng Sapat na Dako].
Isang anak ni Noe; kapatid ni Sem at ni Ham. Bagaman madalas na huling itinatala, lumilitaw na si Japet ang pinakamatanda sa tatlong anak, yamang sa tekstong Hebreo ng Genesis 10:21 ay tinutukoy siya bilang si “Japet na pinakamatanda” (“nakatatanda,” KJ; Da; Yg; Le; AS, tlb). Gayunman, ayon sa pagkaunawa ng ilang tagapagsalin, ang tekstong Hebreo rito ay tumutukoy kay Sem bilang “ang nakatatandang kapatid ni Japet.” (RS; gayundin ang AT, JB, NE) Kung ipapalagay na si Japet ang pinakamatandang anak ni Noe, lumilitaw na ipinanganak siya noong 2470 B.C.E.—Gen 5:32.
Si Japet at ang kaniyang asawa ay kabilang sa walong sakay ng arka, sa gayo’y nakaligtas sila sa Baha. (Gen 7:13; 1Pe 3:20) Bagaman nanatili silang walang anak hanggang noong bumaha, pagkaraan ng Delubyo ay nagkaroon sila ng pitong anak na lalaki: sina Gomer, Magog, Madai, Javan, Tubal, Mesec, at Tiras. (Gen 10:1, 2; 1Cr 1:5) Ang mga anak na ito at ang ilang apo ang pinagmulan ng ‘populasyon ng mga isla ng mga bansa [“mga bayan sa baybaying lupain,” RS] na nangalat sa kanilang mga lupain, bawat isa ayon sa wika nito, ayon sa kani-kanilang pamilya, sa kani-kanilang mga bansa.’ (Gen 10:3-5; 1Cr 1:6, 7) Ayon sa kasaysayan, si Japet ang pinagmulan ng sangang Aryano o Indo-Europeo (Indo-Aleman) ng pamilya ng tao. Ang mga pangalan ng kaniyang mga anak at mga apo ay masusumpungan sa sinaunang mga teksto ng kasaysayan bilang nauugnay sa mga bayan at mga tribo na pangunahin nang naninirahan sa gawing H at K ng Fertile Crescent. Lumilitaw na nangalat sila mula sa Caucasus pasilangan tungo sa Gitnang Asia at pakanluran na dumaraan sa Asia Minor patungo sa mga pulo at mga baybaying lupain ng Europa at marahil ay hanggang Espanya. Inaangkin ng mga tradisyong Arabe na ang isa sa mga anak ni Japet ang pinagmulan ng mga Tsino.—Tingnan ang TSART at MAPA, Tomo 1, p. 329.
Bilang resulta ng magalang na pagkilos ni Japet at ng kaniyang kapatid na si Sem nang malasing ang kanilang ama, si Japet ang tumanggap ng pagpapala ng kaniyang ama. (Gen 9:20-27) Sa pagpapalang iyon, hiniling ni Noe sa Diyos na si Japet ay ‘pagkalooban ng sapat na dako [sa Heb., yapht].’ Maliwanag na ang pananalitang Hebreong ito ay hinalaw rin sa salitang-ugat ng pangalang Japet (sa Heb., Yeʹpheth o Yaʹpheth) at lumilitaw na nagpapahiwatig na literal na matutupad ang kahulugan ng pangalan ni Japet at na mangangalat sa malawak na dako ang kaniyang mga inapo. Ipinapalagay ng ilan na ang kaniyang ‘pagtahan sa mga tolda ni Sem’ ay nagpapahiwatig ng mapayapang ugnayan sa pagitan ng mga Japeteo at mga Semita. Gayunman, yamang hindi partikular na inihaharap ng kasaysayan ang gayong mapayapang ugnayan, marahil ay may kinalaman ito sa makahulang pangako ng Diyos nang dakong huli sa mga inapo ni Sem na sina Abraham, Isaac, at Jacob, na sa pamamagitan ng kanilang “binhi” ay pagpapalain ang lahat ng pamilya sa lupa (kabilang na yaong mga nagmula kay Japet). (Gen 22:15-18; 26:3, 4; 28:10, 13, 14; ihambing ang Gaw 10:34-36; Gal 3:28, 29.) Natupad naman ang ‘pagiging alipin’ ni Canaan sa mga Japeteo noong ang lupain ng Canaan ay pamunuan ng Imperyo ng Medo-Persia (isang kapangyarihang Japetiko) at noong sumunod na mga pananakop dito ng mga Griego at mga Romano, kasama ang mga pananakop sa mga Canaanitang moog ng Tiro at Sidon.