Abraham—Isang Halimbawa ng Pananampalataya
“[Si Abraham ang] ama ng lahat niyaong may pananampalataya.”—ROMA 4:11.
1, 2. (a) Paano naaalaala si Abraham ng mga Kristiyano sa ngayon? (b) Bakit tinawag si Abraham na “ama ng lahat niyaong may pananampalataya”?
SIYA ang ninuno ng isang makapangyarihang bansa, isang propeta, isang negosyante, isang lider. Gayunman, sa mga Kristiyano sa ngayon, higit siyang naaalaala dahil sa katangian na nag-udyok sa Diyos na Jehova upang malasin siya bilang isang kaibigan—ang kaniyang di-natitinag na pananampalataya. (Isaias 41:8; Santiago 2:23) Ang kaniyang pangalan ay Abraham, at tinatawag siya ng Bibliya na “ama ng lahat niyaong may pananampalataya.”—Roma 4:11.
2 Hindi ba’t nagpamalas ng pananampalataya ang mga lalaking nauna kay Abraham, tulad nina Abel, Enoc, at Noe? Oo, ngunit kay Abraham ipinakipagkasundo ang tipan upang pagpalain ang lahat ng bansa sa lupa. (Genesis 22:18) Kaya naman siya ang naging makasagisag na ama ng lahat ng sasampalataya sa ipinangakong Binhi. (Galacia 3:8, 9) Sa isang diwa, si Abraham ay maaaring ituring na ama natin, sapagkat ang kaniyang pananampalataya ay nagsisilbing halimbawa na dapat tularan. Ang kaniyang buong buhay ay maaaring malasin bilang isang kapahayagan ng pananampalataya, sapagkat binubuo ito ng napakaraming pagsubok. Sa katunayan, matagal na bago pa man napaharap kay Abraham ang maituturing na pinakamatinding pagsubok sa kaniyang pananampalataya—ang utos na ihandog ang kaniyang anak na si Isaac—pinatunayan na ni Abraham ang kaniyang pananampalataya sa maraming mas maliliit na pagsubok. (Genesis 22:1, 2) Suriin natin ngayon ang ilan sa unang mga pagsubok na ito sa pananampalataya at tingnan kung anong mga aral ang maituturo ng mga ito sa atin ngayon.
Ang Utos na Lisanin ang Ur
3. Ano ang sinasabi sa atin ng Bibliya hinggil sa pinagmulan ni Abram?
3 Si Abram (na nang maglaon ay nakilala bilang Abraham) ay unang binanggit sa atin ng Bibliya sa Genesis 11:26, na nagsasabi: “Si Tera ay nabuhay nang pitumpung taon, pagkatapos ay naging anak niya sina Abram, Nahor at Haran.” Si Abram ay inapo ng may-takot sa Diyos na si Sem. (Genesis 11:10-24) Ayon sa Genesis 11:31, si Abram at ang kaniyang pamilya ay nanirahan sa maunlad na “Ur ng mga Caldeo,” isang lunsod na matatagpuan dati sa silangan ng Ilog Eufrates.a Kaya hindi siya lumaki bilang isang lagalag na naninirahan sa tolda kundi bilang isang naninirahan sa lunsod sa isang lugar na maraming iniaalok na karangyaan. Maaaring makabili ng inangkat na mga paninda sa mga pamilihan sa Ur. Nakahanay sa mga lansangan nito ang pinaputing mga tirahan na may tig-14 na silid, na sa loob ay kumpleto ang instalasyon ng tubo at gripo.
4. (a) Anong mga hamon ang iniharap ng Ur sa mga mananamba ng tunay na Diyos? (b) Paano nagkaroon ng pananampalataya kay Jehova si Abram?
4 Bukod sa lahat ng materyal na mga bentaha nito, nagharap ang Ur ng seryosong hamon sa sinumang nagnanais maglingkod sa tunay na Diyos. Ito ay isang lunsod na lubhang nasasangkot sa idolatriya at pamahiin. Sa katunayan, kitang-kita sa tanawin nito ang isang napakataas na ziggurat na nagpaparangal sa diyos ng buwan na si Nanna. Walang-alinlangan na nakaranas si Abram ng matinding panggigipit na makibahagi sa nakasasamang pagsambang ito, marahil ay kalakip dito ang panggigipit ng ilang kamag-anak. Ayon sa ilang tradisyong Judio, ang ama mismo ni Abram, si Tera, ay isang manggagawa ng idolo. (Josue 24:2, 14, 15) Anuman ang kalagayan, si Abram ay hindi nagsasagawa ng nakasasamang huwad na pagsamba. Ang kaniyang matandang ninuno na si Sem ay buhay pa noon at walang-alinlangan na ibinahagi nito ang kaniyang kaalaman tungkol sa tunay na Diyos. Bilang resulta, nanampalataya si Abram kay Jehova, hindi kay Nanna!—Galacia 3:6.
Pagsubok sa Pananampalataya
5. Anong utos at pangako ang ibinigay ng Diyos kay Abram samantalang siya noon ay naroroon pa sa Ur?
5 Ang pananampalataya ni Abram ay masusubok noon. Nagpakita ang Diyos sa kaniya at nag-utos: “Yumaon ka sa iyong lakad mula sa iyong lupain at mula sa iyong mga kamag-anak at mula sa bahay ng iyong ama patungo sa lupain na ipakikita ko sa iyo; at gagawa ako ng isang dakilang bansa mula sa iyo at pagpapalain kita at padadakilain ko ang iyong pangalan; at ikaw ay maging isang pagpapala. At pagpapalain ko yaong mga nagpapala sa iyo, at siya na sumusumpa sa iyo ay susumpain ko, at tiyak na pagpapalain ng lahat ng pamilya sa lupa ang kanilang sarili sa pamamagitan mo.”—Genesis 12:1-3; Gawa 7:2, 3.
6. Bakit kinailangan ni Abram ang tunay na pananampalataya upang lisanin ang Ur?
6 Si Abram noon ay matanda na at walang anak. Paano siya gagawing “isang dakilang bansa”? At nasaan ba ang lupaing ito na iniutos na puntahan niya? Hindi iyon ipinabatid ng Diyos sa kaniya noon. Kaya naman talagang kinailangan ni Abram ang tunay na pananampalataya upang lisanin ang maunlad na Ur at ang lahat ng kaalwanan nito. Ganito ang sinabi ng aklat na Family, Love, and the Bible hinggil sa sinaunang panahon: “Ang pinakamatindi sa lahat ng parusa na maipapataw sa isang miyembro ng pamilya na nakagawa ng malubhang krimen ay ang pagtatakwil sa kaniya, ang pagkakait sa kaniyang ‘pagiging miyembro’ ng pamilya. . . . Kaya naman iyon ay talagang isang lubhang di-pangkaraniwang kapahayagan ng walang-pasubaling pagsunod at pagtitiwala sa Diyos nang lisanin ni Abraham, bilang pagtalima sa utos ng Diyos, hindi lamang ang kaniyang bansa, kundi maging ang kaniyang mga kamag-anak.”
7. Paano maaaring mapaharap ang mga Kristiyano sa ngayon sa mga pagsubok na gaya niyaong mga napaharap kay Abram?
7 Ang mga Kristiyano sa ngayon ay maaaring mapaharap sa katulad na mga pagsubok. Gaya ni Abram, baka makadama tayo ng panggigipit na unahin ang materyal na mga kapakanan kaysa sa teokratikong mga gawain. (1 Juan 2:16) Baka salansangin tayo ng di-sumasampalatayang mga miyembro ng pamilya, pati na ng tiwalag na mga kamag-anak, na maaaring magsikap na hikayatin tayo sa di-mabuting pakikipagsamahan. (Mateo 10:34-36; 1 Corinto 5:11-13; 15:33) Sa gayon ay nagpakita si Abram ng mainam na halimbawa para sa atin. Inuna niya ang pakikipagkaibigan kay Jehova kaysa sa lahat ng bagay—maging sa mga ugnayang pampamilya. Hindi niya tiyak kung paano, kailan, o saan matutupad ang mga pangako ng Diyos. Gayunman, handa siyang itaya ang kaniyang buhay salig sa mga pangakong iyon. Kay inam ngang pampatibay-loob nito upang unahin ang Kaharian sa ating sariling buhay ngayon!—Mateo 6:33.
8. Ano ang epekto ng pananampalataya ni Abram sa pinakamalapit na mga miyembro ng kaniyang pamilya, at ano ang maaaring matutuhan dito ng mga Kristiyano?
8 Kumusta naman ang pinakamalapit na mga miyembro ng pamilya ni Abram? Malamang, ang pananampalataya at pananalig ni Abram ay may matinding epekto sa kanila, sapagkat kapuwa ang kaniyang asawa, si Sarai, at ang kaniyang naulilang pamangkin na nagngangalang Lot ay napakilos na sumunod sa utos ng Diyos at umalis sa Ur. Ang kapatid ni Abram na si Nahor at ang ilan sa mga supling nito ay umalis nang dakong huli sa Ur at nanirahan sa Haran, kung saan sinamba nila si Jehova. (Genesis 24:1-4, 10, 31; 27:43; 29:4, 5) Aba, maging ang ama ni Abram, si Tera, ay sumang-ayon na lumisan kasama ng kaniyang anak! Dahil dito ay siya, bilang ulo ng pamilya, ang tinutukoy ng Bibliya na nagpasimuno sa pagtungo sa Canaan. (Genesis 11:31) Maaari kayang tamasahin din natin ang isang antas ng tagumpay kung mataktika tayong magpapatotoo sa ating mga kamag-anak?
9. Anong mga paghahanda ang kinailangang gawin ni Abram para sa kaniyang paglalakbay, at bakit maaaring nagsangkot iyon ng pagsasakripisyo?
9 Bago pinasimulan ang kaniyang paglalakbay, maraming kinailangang gawin si Abram. Kinailangang magbenta siya ng ari-arian at mga pag-aari at bumili ng mga tolda, kamelyo, pagkain, at mga kinakailangang kagamitan. Maaaring nalugi si Abram dahil sa gayong dali-daling paghahanda, ngunit nalugod siyang sundin si Jehova. Tiyak na naging napakahalagang araw iyon nang makumpleto ang mga paghahanda at ang grupo ni Abram ay naroon na sa labas ng mga pader ng Ur, anupat handa nang maglakbay! Sa pagsunod sa kurba ng Ilog Eufrates, ang grupo ay naglakbay pahilagang-kanluran. Pagkaraan ng maraming linggong paglalakbay, na sumaklaw ng mga 1,000 kilometro, dumating ito sa isang lunsod sa hilagang Mesopotamia na tinatawag na Haran, isang pangunahing hintuan para sa mga grupong naglalakbay.
10, 11. (a) Bakit malamang na namalagi nang ilang panahon si Abram sa Haran? (b) Anong pampatibay-loob ang maibibigay sa mga Kristiyano na nag-aalaga sa matatanda nang mga magulang?
10 Si Abram ay nanirahan sa Haran, malamang na ginawa ito dahil sa isinasaalang-alang ang kaniyang matanda nang ama, si Tera. (Levitico 19:32) Maraming Kristiyano sa ngayon ang mayroon ding pribilehiyo na alagaan ang matatanda o may-sakit na mga magulang, anupat ang ilan ay kailangan pa ngang gumawa ng pagbabago upang magampanan ito. Kung iyon ay kinakailangan, makatitiyak ang gayong mga indibiduwal na ang kanilang maibiging pagsasakripisyo ay “kaayaaya sa paningin ng Diyos.”—1 Timoteo 5:4.
11 Lumipas ang panahon. “Ang mga araw ni Tera ay naging dalawang daan at limang taon. Nang magkagayon ay namatay si Tera sa Haran.” Tiyak na namighati si Abram sa pagkamatay ni Tera, ngunit nang lumipas ang yugto ng pagdadalamhati, agad-agad siyang umalis. “Si Abram ay pitumpu’t limang taóng gulang nang umalis siya mula sa Haran. Kaya kinuha ni Abram si Sarai na kaniyang asawa at si Lot na anak ng kaniyang kapatid at ang lahat ng pag-aari na kanilang natipon at ang mga kaluluwa na kanilang kinuha sa Haran, at sila ay umalis upang pumaroon sa lupain ng Canaan.”—Genesis 11:32; 12:4, 5.
12. Ano ang ginawa ni Abram habang naninirahan sa Haran?
12 Kapansin-pansin na samantalang siya ay nasa Haran, si Abram ay ‘nakatipon ng mga pag-aari.’ Bagaman nagsakripisyo siya ng materyal na mga bagay upang makaalis sa Ur, si Abram ay umalis sa Haran bilang isang mayamang lalaki. Maliwanag, dahil ito sa pagpapala ng Diyos. (Eclesiastes 5:19) Bagaman ang Diyos ay hindi nangangako ng kayamanan sa lahat ng kaniyang bayan sa ngayon, siya ay tapat sa kaniyang pangako na paglalaanan ang mga pangangailangan ng mga ‘nag-iiwan ng mga tahanan, mga kapatid na lalaki, o mga kapatid na babae’ alang-alang sa Kaharian. (Marcos 10:29, 30) Si Abram ay ‘nakakuha rin ng mga kaluluwa,’ samakatuwid nga, ng maraming lingkod. Sinasabi ng Jerusalem Targum at ng Chaldee Paraphrase na ‘nangumberte’ si Abram. (Genesis 18:19) Pinakikilos ka ba ng pananampalataya mo upang makipag-usap sa iyong mga kapitbahay, katrabaho, o mga kaeskuwela? Sa halip na manirahan na lamang doon at kalimutan ang utos ng Diyos, ginamit ni Abram sa kapaki-pakinabang na paraan ang kaniyang panahon sa Haran. Ngunit ngayon ay tapos na ang panahon ng kaniyang pamamalagi roon. “Sa gayon ay humayo si Abram gaya ng sinalita ni Jehova sa kaniya.”—Genesis 12:4.
Pagtawid sa Eufrates
13. Kailan tinawid ni Abram ang Ilog Eufrates, at ano ang kahalagahan ng pagkilos na ito?
13 Muli na namang kinailangang maglakbay si Abram. Sa paglisan sa Haran, nagtungo ang kaniyang grupo sa kanluran, anupat naglakbay ng mga 90 kilometro. Marahil ay huminto si Abram sa isang lugar sa Eufrates na nasa kabilang ibayo ng sinaunang sentro ng kalakalan ng Carkemis. Iyon ay isang napakainam na lugar kung saan tumatawid ang mga grupong naglalakbay.b Kailan tumawid sa ilog ang grupo ni Abram? Ipinakikita ng Bibliya na naganap ito 430 taon bago ang Pag-alis ng mga Judio sa Ehipto noong Nisan 14, 1513 B.C.E. Sinasabi ng Exodo 12:41: “Nangyari sa pagwawakas ng apat na raan at tatlumpung taon, nangyari nga sa mismong araw na ito na ang lahat ng hukbo ni Jehova ay lumabas mula sa lupain ng Ehipto.” Lumilitaw, kung gayon, na ang Abrahamikong tipan ay nagkabisa noong Nisan 14, 1943 B.C.E., nang masunuring tinawid ni Abram ang Eufrates.
14. (a) Ano ang nakita ni Abram sa pamamagitan ng kaniyang mga mata ng pananampalataya? (b) Sa anong diwa ang bayan ng Diyos sa ngayon ay higit na pinagpala kaysa kay Abram?
14 Iniwan ni Abram ang isang maunlad na lunsod. Gayunman, nakikini-kinita na niya noon “ang lunsod na may tunay na mga pundasyon,” isang matuwid na pamahalaan sa sangkatauhan. (Hebreo 11:10) Oo, taglay ang kaunting impormasyon lamang, nagsimulang maunawaan ni Abram ang balangkas ng layunin ng Diyos na tubusin ang namamatay na sangkatauhan. Sa ngayon, pinagpala tayo na magkaroon ng higit na mas malawak na unawa sa mga layunin ng Diyos kaysa sa naunawaan ni Abram. (Kawikaan 4:18) Ang “lunsod,” o pamamahala ng Kaharian, na inasam ni Abram ay nagkatotoo na ngayon—naitatag sa mga langit sapol noong 1914. Kung gayon, hindi ba tayo dapat mapakilos na ipakita sa gawa ang pananampalataya at pagtitiwala kay Jehova?
Nagsimula ang Pansamantalang Paninirahan sa Lupang Pangako
15, 16. (a) Bakit kinailangan ni Abram ang katapangan upang makapagtayo ng altar para kay Jehova? (b) Paano magiging matapang ang mga Kristiyano sa ngayon na gaya ni Abram?
15 Sinasabi sa atin ng Genesis 12:5, 6: “Nang dakong huli ay dumating sila sa lupain ng Canaan. At nilibot ni Abram ang lupain hanggang sa kinaroroonan ng Sikem, malapit sa malalaking punungkahoy ng More.” Ang Sikem ay nasa layong 50 kilometro sa gawing hilaga ng Jerusalem at matatagpuan sa isang mabungang libis na inilarawan bilang ang “paraiso ng banal na lupain.” Gayunman, “nang panahong iyon ay nasa lupain ang Canaanita.” Yamang masama ang moral ng mga Canaanita, kinailangang mag-ingat nang husto si Abram upang maipagsanggalang ang kaniyang pamilya mula sa kanilang nakasasamang impluwensiya.—Exodo 34:11-16.
16 Sa ikalawang pagkakataon, “si Jehova ngayon ay nagpakita kay Abram at nagsabi: ‘Sa iyong binhi ay ibibigay ko ang lupaing ito.’ ” Tunay ngang kapana-panabik! Siyempre pa, kinailangan ni Abram ang pananampalataya upang makapagsaya sa isang bagay na tatamasahin lamang ng kaniyang magiging mga supling. Magkagayunman, bilang tugon ay “nagtayo [si Abram] roon ng isang altar para kay Jehova, na nagpakita sa kaniya.” (Genesis 12:7) Sinasabi ng isang iskolar sa Bibliya: “Ang pagtatayo [ng] isang altar sa lupain ay sa katunayan isang anyo ng pagmamay-ari rito salig sa karapatang tinanggap sa pagsasagawa ng kaniyang pananampalataya.” Ang pagtatayo ng gayong altar ay isa ring gawang katapangan. Walang-alinlangan, ang altar na ito ay kauri niyaong espesipikong tinukoy nang dakong huli sa tipang Kautusan, na binubuo ng likas (di-tinabas) na mga bato. (Exodo 20:24, 25) Talagang ibang-iba ang anyo nito kung ihahambing sa mga altar na ginamit ng mga Canaanita. Kaya si Abram ay matapang na nanindigan sa madla bilang isang mananamba ng tunay na Diyos, si Jehova, anupat inihahantad ang kaniyang sarili sa poot at posibleng pisikal na panganib. Kumusta naman tayo sa ngayon? Ang ilan ba sa atin—lalo na ang mga kabataan—ay umiiwas na ipaalam sa ating mga kapitbahay o mga kaeskuwela na tayo ay sumasamba kay Jehova? Ang halimbawa ng katapangan ni Abram ay magpasigla nawa sa ating lahat na ipagkapuri ang pagiging lingkod ni Jehova!
17. Paano pinatunayan ni Abram na siya ay isang tagapangaral ng pangalan ng Diyos, at ano ang ipinaaalaala nito sa mga Kristiyano sa ngayon?
17 Saanman magtungo si Abram, laging nauuna ang pagsamba kay Jehova. “Nang maglaon ay lumipat siya mula roon patungo sa bulubunduking pook sa dakong silangan ng Bethel at itinayo ang kaniyang tolda na nasa kanluran ang Bethel at nasa silangan ang Ai. Nang magkagayon ay nagtayo siya roon ng isang altar para kay Jehova at nagsimulang tumawag sa pangalan ni Jehova.” (Genesis 12:8) Ang Hebreong pariralang “tumawag sa pangalan” ay nangangahulugan ding “ipahayag (ipangaral) ang pangalan.” Walang-alinlangan, may-katapangang ipinahayag ni Abram ang pangalan ni Jehova sa kaniyang mga kalapit-lugar na mga Canaanita. (Genesis 14:22-24) Ipinaaalaala nito sa atin ang ating pananagutan na magkaroon ng malaking bahagi hangga’t maaari sa “pangmadlang pagpapahayag ukol sa kaniyang pangalan” ngayon.—Hebreo 13:15; Roma 10:10.
18. Ano ang kaugnayan ni Abram sa mga naninirahan sa Canaan?
18 Si Abram ay hindi namalagi nang napakatagal sa alinman sa mga lugar na iyon. “Pagkatapos ay naglikas ng kampo si Abram, na nagpapalipat-lipat ng kampamento patungong Negeb”—ang medyo tigang na lugar sa gawing timog ng kabundukan ng Juda. (Genesis 12:9) Sa pamamagitan ng patuloy na pagpapalipat-lipat at pagpapakilala sa kaniyang sarili bilang isang mananamba ni Jehova sa bawat bagong lokasyon, “hayagang sinabi [ni Abram at ng kaniyang sambahayan] na sila ay mga taga-ibang bayan at mga pansamantalang naninirahan sa lupain.” (Hebreo 11:13) Palagi nilang iniwasan na maging masyadong malapít sa kanilang mga paganong kalapit-lugar. Ang mga Kristiyano sa ngayon ay kailangan ding manatiling “hindi bahagi ng sanlibutan.” (Juan 17:16) Bagaman mabait at magalang tayo sa ating mga kapitbahay at mga katrabaho, nag-iingat tayo na hindi masangkot sa paggawi na nagpapakita ng espiritu ng sanlibutan na hiwalay sa Diyos.—Efeso 2:2, 3.
19. (a) Bakit ang palipat-lipat na paraan pamumuhay ay nagharap ng mga hamon kina Abram at Sarai? (b) Anong karagdagang mga hamon ang napipinto para kay Abram?
19 Huwag nating kalilimutan na ang pakikibagay sa mga hirap na dulot ng palipat-lipat na paraan ng pamumuhay ay hindi naging madali kay Abram ni kay Sarai. Ang pagkain nila ay mula sa mga produkto ng kanilang mga kawan sa halip na mula sa mga pagkaing mabibili sa isa sa mga pamilihan sa Ur na maraming paninda; nanirahan sila sa mga tolda sa halip na sa isang tahanan na mahusay ang pagkakagawa. (Hebreo 11:9) Napakaabala ng mga araw ni Abram; marami siyang kinailangang gawin sa pamamanihala sa kaniyang mga kawan at mga lingkod. Walang-alinlangan na pinangasiwaan ni Sarai ang mga tungkulin na karaniwan nang ginagawa ng mga babae sa kulturang iyon: pagmamasa ng harina, paggawa ng tinapay, paghahabi ng lana, pananahi ng mga kasuutan. (Genesis 18:6, 7; 2 Hari 23:7; Kawikaan 31:19; Ezekiel 13:18) Gayunman, may bagong mga pagsubok na napipinto. Di-magtatagal noon at mapapaharap si Abram at ang kaniyang sambahayan sa isang situwasyon na magsasapanganib sa mismong buhay nila! Makakayanan ba ng pananampalataya ni Abram ang hamon?
[Mga talababa]
a Bagaman ang Eufrates ay umaagos ngayon sa layong mga 16 na kilometro sa gawing silangan ng dating kinaroroonan ng Ur, ipinakikita ng katibayan na noong sinaunang panahon ay umaagos ang ilog sa gawing kanluran lamang ng lunsod. Kaya, si Abram nang dakong huli ay maaaring tukuyin bilang nanggaling sa “kabilang ibayo ng Ilog [Eufrates].”—Josue 24:3.
b Pagkaraan ng maraming siglo, si Haring Ashurnasirpal II ng Asirya ay gumamit ng mga balsa upang tawirin ang Eufrates malapit sa Carkemis. Kung kinailangan mang gumawa nang gayon si Abram o basta naglakad na lamang siya at ang kaniyang grupo sa pagtawid ay hindi sinasabi ng Bibliya.
Napansin Mo Ba?
• Bakit tinawag si Abram na “ama ng lahat niyaong may pananampalataya”?
• Bakit kinailangan ni Abram ang pananampalataya upang lisanin ang Ur ng mga Caldeo?
• Paano ipinakita ni Abram na inuna niya ang pagsamba kay Jehova?
[Mapa sa pahina 16]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
ANG PAGLALAKBAY NI ABRAM
Ur
Haran
Carkemis
CANAAN
Malaking Dagat
[Credit Line]
Based on a map copyrighted by Pictorial Archive (Near Eastern History) Est. and Survey of Israel
[Larawan sa pahina 15]
Kinailangan ni Abram ang pananampalataya upang lisanin ang mga kaalwanan sa buhay na iniaalok ng Ur
[Larawan sa pahina 18]
Sa pamamagitan ng paninirahan sa mga tolda, “hayagang sinabi [ni Abram at ng kaniyang sambahayan] na sila ay mga taga-ibang bayan at mga pansamantalang naninirahan”