Magkaroon ng Di-natitinag na Pananampalataya sa Kaharian
“Ang pananampalataya ay ang mapananaligang paghihintay sa mga bagay na inaasahan.”—HEB. 11:1.
1, 2. Ano ang magpapatibay sa pagtitiwala nating tutuparin ng Kaharian ang layunin ng Diyos para sa sangkatauhan, at bakit? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.)
BILANG mga Saksi ni Jehova, masigasig nating ipinangangaral sa iba na ang tanging solusyon sa lahat ng ating problema ay ang Kaharian ng Diyos. Tayo mismo ay napapatibay ng pag-asang dulot ng Kaharian. Pero gaano ba katibay ang pagtitiwala natin na talagang tutuparin ng Kaharian ang layunin nito? Ano ang saligan natin para magkaroon ng di-natitinag na pananampalataya sa Kaharian?—Heb. 11:1.
2 Ang Mesiyanikong Kaharian ay itinatag ng Kataas-taasan mismo para tuparin ang layunin niya may kaugnayan sa kaniyang mga nilalang. Nakasalig ito sa napakatibay na pundasyon—ang ganap na karapatan ni Jehova na mamahala. Ang mahahalagang aspekto ng Kaharian—ang hari nito, ang mga kasamang tagapamahala, at ang pamamahalaan nito—ay itinakda nang legal sa pamamagitan ng mga tipan, ibig sabihin, sa pamamagitan ng mga legal na kasunduan kung saan ang isa sa mga partido ay ang Diyos o kaya’y ang kaniyang Anak, si Jesu-Kristo. Makakatulong sa atin ang pagbubulay-bulay sa mga tipang ito para higit na maunawaan kung paano matutupad ang layunin ng Diyos at kung gaano katatag ang Kahariang iyon.—Basahin ang Efeso 2:12.
3. Ano ang susuriin natin sa artikulong ito at sa susunod na artikulo?
3 Binabanggit sa Bibliya ang anim na pangunahing tipan na nauugnay sa Mesiyanikong Kaharian na pinamamahalaan ni Kristo Jesus. Ang mga ito ay ang (1) tipang Abrahamiko, (2) tipang Kautusan, (3) tipang Davidiko, (4) tipan para sa isang saserdoteng gaya ni Melquisedec, (5) bagong tipan, at (6) tipan para sa Kaharian. Suriin natin kung paano nauugnay sa Kaharian ang bawat tipan at ang papel ng mga ito sa katuparan ng layunin ng Diyos para sa lupa at sa sangkatauhan.—Tingnan ang chart na “Kung Paano Tutuparin ng Diyos ang Kaniyang Layunin.”
ISINIWALAT NG PANGAKO KUNG PAANO MATUTUPAD ANG LAYUNIN NG DIYOS
4. Ayon sa Genesis, anong tatlong bagay ang ipinasiya ni Jehova may kinalaman sa mga tao?
4 Matapos ihanda ang ating magandang planeta, tatlong bagay ang ipinasiya ng Diyos may kinalaman sa mga tao: (1) lalangin sila ayon sa kaniyang larawan; (2) palaganapin ng mga tao ang Paraiso sa buong mundo at punuin nila ang lupa ng matuwid na mga supling; at (3) ipagbawal sa kanila ang pagkain mula sa punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama. (Gen. 1:26, 28; 2:16, 17) Wala nang kailangan pa maliban sa mga ito. Pagkatapos lalangin ang tao, dalawang bagay na lang ang kailangang masunod para matupad ang layunin ng Diyos. Kaya bakit kailangan pang gumawa ng mga tipan?
5, 6. (a) Ano ang ginawa ni Satanas para hadlangan ang layunin ng Diyos? (b) Paano tumugon si Jehova sa hamon ni Satanas sa Eden?
5 Sa kagustuhang hadlangan ang layunin ng Diyos, isang rebelyon ang pinasimulan ni Satanas na Diyablo. Inimpluwensiyahan niya ang tao na bale-walain ang ikatlong bagay na ipinasiya ng Diyos. Tinukso niya ang unang babae, si Eva, na suwayin ang pagbabawal na kumain mula sa punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama. (Gen. 3:1-5; Apoc. 12:9) Ang ginawang ito ni Satanas ay paghamon sa karapatan ng Diyos na mamahala sa Kaniyang mga nilalang. Nang maglaon, pinaratangan din ni Satanas ang mga tao at sinabing naglilingkod lang sila sa Diyos dahil sa pansariling kapakinabangan.—Job 1:9-11; 2:4, 5.
6 Paano tumugon si Jehova sa hamon ni Satanas sa Eden? Totoo, kung pinuksa niya agad ang mga rebelde, tapos na sana ang kanilang rebelyon. Pero hindi matutupad ang layunin ng Diyos na mapuno ang lupa ng masunuring mga inapo nina Adan at Eva. Kaya sa halip na patayin ang mga rebelde noon mismong sandaling iyon, ang matalinong Maylalang ay nagbigay ng isang napakahalagang hula—ang pangako sa Eden—para tiyaking matutupad ang bawat detalye ng kaniyang sinabi.—Basahin ang Genesis 3:15.
7. Ano ang tinitiyak sa atin ng pangako sa Eden may kaugnayan sa serpiyente at sa binhi nito?
7 Sa pamamagitan ng pangako sa Eden, hinatulan ni Jehova ang serpiyente at ang binhi nito na kumakatawan kay Satanas na Diyablo at sa lahat ng papanig sa kaniya sa isyu tungkol sa karapatan ng Diyos na mamahala. Ibinigay ng Diyos sa binhi ng kaniyang makalangit na babae ang awtoridad na puksain si Satanas. Kaya isinisiwalat ng pangako sa Eden na pupuksain ang pasimuno ng rebelyon at aalisin ang lahat ng masasamang epekto ng kaniyang ginawa, at tinutukoy rin nito kung sino ang gagamitin para matupad iyon.
8. Ano ang natutuhan natin tungkol sa pagkakakilanlan ng babae at ng kaniyang binhi?
8 Sino kaya ang magiging binhi ng babae? Yamang ang binhi ang dudurog sa ulo ng serpiyente, o pupuksa kay Satanas na Diyablo na isang espiritung nilalang, dapat na ang binhi ay espiritung persona rin. (Heb. 2:14) Samakatuwid, ang babaeng magsisilang sa binhi ay espiritu rin. Habang dumarami ang binhi ng serpiyente, ang pagkakakilanlan ng binhi at ng babae ay nanatiling lihim sa loob ng halos 4,000 taon matapos ibigay ni Jehova ang pangako sa Eden. Samantala, gumawa si Jehova ng mga tipan na magpapakilala kung sino ang binhi at gagarantiya na ang binhing iyon ang gagamitin Niya para pawiin ang kapahamakang idinulot ni Satanas sa sangkatauhan.
IPINAKILALA NG ISANG TIPAN KUNG SINO ANG BINHI
9. Ano ang tipang Abrahamiko? Kailan ito nagkabisa?
9 Mga 2,000 taon matapos hatulan si Satanas, inutusan ni Jehova ang patriyarkang si Abraham na iwan ang tahanan nito sa Ur sa Mesopotamia at lumipat sa lupain ng Canaan. (Gawa 7:2, 3) Sinabi ni Jehova sa kaniya: “Yumaon ka sa iyong lakad mula sa iyong lupain at mula sa iyong mga kamag-anak at mula sa bahay ng iyong ama patungo sa lupain na ipakikita ko sa iyo; at gagawa ako ng isang dakilang bansa mula sa iyo at pagpapalain kita at padadakilain ko ang iyong pangalan; at ikaw ay maging isang pagpapala. At pagpapalain ko yaong mga nagpapala sa iyo, at siya na sumusumpa sa iyo ay susumpain ko, at tiyak na pagpapalain ng lahat ng pamilya sa lupa ang kanilang sarili sa pamamagitan mo.” (Gen. 12:1-3) Iyan ang kauna-unahang nakarekord na ulat ng tipang Abrahamiko—ang tipan ng Diyos na Jehova kay Abraham. Hindi natin alam kung kailan talaga nakipagtipan si Jehova kay Abraham. Gayunman, nagkabisa ito noong 1943 B.C.E., nang lisanin ng 75-anyos na si Abraham ang Haran at tawirin ang Ilog Eufrates.
10. (a) Paano pinatunayan ni Abraham ang kaniyang di-natitinag na pananampalataya sa mga pangako ng Diyos? (b) Anong mga detalye ang unti-unting isiniwalat ni Jehova tungkol sa binhi ng babae?
10 Ilang beses na inulit ni Jehova kay Abraham ang kaniyang pangako, at sa tuwing uulitin niya iyon, nagdaragdag siya ng detalye. (Gen. 13:15-17; 17:1-8, 16) Pinatunayan ni Abraham ang kaniyang di-natitinag na pananampalataya sa mga pangako ng Diyos nang ipakita niya na handa siyang ihandog ang kaniyang kaisa-isang anak. Dahil dito, lalo pang pinagtibay ni Jehova ang tipan at ginarantiyahang matutupad ang kaniyang pangako. (Basahin ang Genesis 22:15-18; Hebreo 11:17, 18.) Matapos magkabisa ang tipang Abrahamiko, unti-unting isiniwalat ni Jehova ang mahahalagang detalye tungkol sa binhi ng babae. Ang binhi ay magmumula kay Abraham, darami, maghahari, pupuksa sa lahat ng kaaway, at magdudulot ng pagpapala sa maraming tao.
11, 12. Paano ipinakikita ng Bibliya na may mas malaking katuparan ang tipang Abrahamiko? Ano ang kahulugan niyan para sa atin?
11 Ang tipang Abrahamiko ay literal na natupad sa mga inapo ni Abraham nang manahin nila ang Lupang Pangako, pero ipinakikita ng Bibliya na ang tipang ito ay mayroon ding espirituwal na katuparan. (Gal. 4:22-25) Sa mas malaking katuparan nito, gaya ng ipinaliwanag ni apostol Pablo, ang pangunahing bahagi ng binhi ni Abraham ay si Kristo at ang pangalawahing bahagi naman ay ang 144,000 Kristiyano na pinahiran ng espiritu. (Gal. 3:16, 29; Apoc. 5:9, 10; 14:1, 4) Ang babaeng magsisilang ng binhi ay ang “Jerusalem sa itaas”—ang makalangit na bahagi ng organisasyon ng Diyos, na binubuo ng tapat na mga espiritung nilalang. (Gal. 4:26, 31) Gaya ng ipinangako sa tipang Abrahamiko, ang binhi ng babae ay magdudulot ng pagpapala sa sangkatauhan.
12 Ginagarantiyahan ng tipang Abrahamiko na talagang iiral ang Kaharian ng langit at naging saligan ito para manahin ng Hari at ng mga kasama niyang tagapamahala ang Kahariang iyon. (Heb. 6:13-18) Hanggang kailan ang bisa ng tipang ito? Ito ay “tipan hanggang sa panahong walang takda,” ang sabi ng Genesis 17:7. Mananatili itong may bisa hanggang sa puksain ng Mesiyanikong Kaharian ang mga kaaway ng Diyos at pagpalain nito ang lahat ng pamilya sa lupa. (1 Cor. 15:23-26) Sa katunayan, makikinabang nang walang hanggan ang mga mabubuhay sa lupa sa panahong iyon. Ipinakikita ng tipan ng Diyos kay Abraham na determinado si Jehova na tuparin ang kaniyang layunin na ‘mapuno ang lupa’ ng matuwid na mga tao.—Gen. 1:28.
GINARANTIYAHAN NG ISANG TIPAN NA ANG KAHARIAN AY HINDI MAGWAWAKAS
13, 14. Ano ang ginagarantiyahan ng tipang Davidiko tungkol sa pamamahala ng Mesiyas?
13 Itinuturo sa atin ng pangako sa Eden at ng tipang Abrahamiko na ang soberanya ni Jehova sa pamamagitan ng Mesiyanikong Kaharian ay nakatatag sa matuwid na pamantayan ng Diyos. (Awit 89:14) May posibilidad bang maging tiwali ang Mesiyanikong pamahalaan anupat kakailanganin itong puksain? Isa pang legal na tipan ang gumagarantiyang hindi iyan mangyayari kailanman.
14 Isaalang-alang ang ipinangako ni Jehova kay Haring David ng sinaunang Israel sa pamamagitan ng tipang Davidiko. (Basahin ang 2 Samuel 7:12, 16.) Nakipagtipan si Jehova kay David noong naghahari ito sa Jerusalem. Ipinangako niya kay David na ang magiging Mesiyas ay isa sa mga inapo nito. (Luc. 1:30-33) Sa gayon, higit pang nilinaw ni Jehova kung kaninong angkan magmumula ang binhi. Itinakda niya na isang tagapagmana ni David ang bibigyan ng “legal na karapatan” sa trono ng Mesiyanikong Kaharian. (Ezek. 21:25-27) Sa pamamagitan ni Jesus, ang paghahari ni David ay “matibay na matatatag . . . hanggang sa panahong walang takda.” Oo, ang binhi ni David ay “magiging hanggang sa panahong walang takda, at ang kaniyang trono ay magiging gaya ng araw.” (Awit 89:34-37) Ang pamamahala ng Mesiyas ay hindi kailanman magiging tiwali, at ang mga isasagawa nito ay mamamalagi magpakailanman.
TIPAN PARA SA ISANG PAGKASASERDOTE
15-17. Ayon sa tipan para sa isang saserdoteng gaya ni Melquisedec, ano ang karagdagang tungkulin ng binhi? Bakit?
15 Tiniyak ng tipang Abrahamiko at ng tipang Davidiko na ang binhi ng babae ay mamamahala bilang hari. Pero hindi sapat ang papel na iyan para tumanggap ng pagpapala ang mga tao ng lahat ng bansa. Para lubusan silang makinabang, kailangan silang mapalaya mula sa kasalanan at maging bahagi ng pansansinukob na pamilya ni Jehova. Mangyayari lang iyan kung makapaglilingkod din ang binhi bilang saserdote. Kaya isa pang legal na kaayusan ang ginawa ng matalinong Maylalang—ang tipan para sa isang saserdoteng gaya ni Melquisedec.
16 Isiniwalat ni Jehova sa pamamagitan ni Haring David na personal Siyang makikipagtipan kay Jesus para sa dalawang layunin: ‘paupuin si Jesus sa kanan’ ng Diyos hanggang sa masupil niya ang kaniyang mga kaaway at gawin siyang “isang saserdote hanggang sa panahong walang takda ayon sa paraang gaya ng kay Melquisedec.” (Basahin ang Awit 110:1, 2, 4.) Bakit “ayon sa paraang gaya ng kay Melquisedec”? Dahil matagal na panahon bago pa minana ng mga inapo ni Abraham ang Lupang Pangako, si Melquisedec, ang hari ng Salem, ay naglilingkod na bilang “saserdote ng Kataas-taasang Diyos.” (Heb. 7:1-3) Si Jehova mismo ang humirang sa kaniya sa katungkulang iyan. Sa Hebreong Kasulatan, siya lang ang binabanggit na naging kapuwa hari at saserdote. At dahil walang ulat na mayroon siyang hinalinhan o naging kahalili, masasabing siya ay “nananatiling isang saserdote nang walang hanggan,” o magpakailanman.
17 Si Jesus ay hinirang mismo ni Jehova na maging saserdote sa pamamagitan ng personal na pakikipagtipang iyon, at mananatili siyang “isang saserdote magpakailanman ayon sa paraang gaya ng kay Melquisedec.” (Heb. 5:4-6) Ang tipang ito ang gumagarantiya na ang Mesiyanikong Kaharian ang gagamitin ni Jehova para tuparin ang kaniyang orihinal na layunin para sa mga tao.
MGA TIPAN—LEGAL NA SALIGAN PARA SA KAHARIAN
18, 19. (a) Ano ang natutuhan natin tungkol sa Kaharian mula sa mga tipan na tinalakay natin? (b) Ano pang tanong ang sasagutin?
18 Sa mga tipang sinuri natin, nakita natin kung paano nauugnay ang mga ito sa Mesiyanikong Kaharian at kung paanong nakatatag ang Kaharian sa legal na mga kasunduan. Ginarantiyahan ng pangako sa Eden na tutuparin ni Jehova ang kaniyang layunin para sa lupa at sa sangkatauhan sa pamamagitan ng binhi ng babae. Sinagot ng tipang Abrahamiko kung sino ang binhi at kung ano ang magiging papel ng binhing iyon.
19 Higit namang nilinaw ng tipang Davidiko kung kaninong angkan magmumula ang pangunahing bahagi ng binhi. At ang tipan ding ito ang nagbigay sa kaniya ng karapatang mamahala sa lupa para manatili magpakailanman ang mga isasagawa ng Kaharian. Ang tipan naman para sa isang saserdoteng gaya ni Melquisedec ang naging saligan para makapaglingkod ang binhi bilang saserdote. Pero hindi nag-iisa si Jesus sa pag-akay sa mga tao tungo sa kasakdalan. May iba pang papahiran para maging mga hari at saserdote. Saan sila manggagaling? Tatalakayin iyan sa susunod na artikulo.