Pananampalataya ang Nagpakilos sa Kaniya!
NASA kalagitnaan sa pagitan ng Persian Gulf at ng lunsod ng Baghdad ay naroon ang hindi magandang tingnang bunton ng ladrilyong luad. Isa lamang itong malungkot na tanod na nagbabantay sa napakalawak na disyerto. Hinahampas ng mga bagyo ng alabok, at iniinit ng matinding araw, ang malungkot na mga kagibaan ay nauupo sa katahimikan na binabasag lamang ng manaká-nakáng alulong ng mga nilikha sa gabi. Ito lamang ang natira sa dati’y makapangyarihang lunsod ng Ur.
Subalit magbalik ka ng apat na mga milenyo. Doon, sa dating silanganing pampang ng Ilog Eufrates, ang Ur ay isang maunlad na lunsod! Nagkikislapang puting mga bahay at mga tindahan ay nakahanay sa paliku-likong mga kalye nito. Ang mga negosyante at mga parokyano ay nagtatawaran sa mga presyo sa mga tindahan. Ang mga manggagawa ay nagtatrabaho araw at gabi sa pag-iikid ng puting mga sinulid mula sa makapal na mga bungkos ng lana. Ang mga alipin ay naglalakad sa lumalangitngit na mga rampa ng bapor, nakayuko dahil sa mabigat na pasan ng inangkat na mga kayamanan.
Ang lahat ng pagmamadaliang ito ay nagaganap sa lilim ng napakataas na ziggurat (toreng templo) na nangingibabaw sa tanawin ng lunsod. Ang mga mananamba ay nagtutungo sa santuwaryong ito upang sumamba sa isang diyos na pinaniniwalaan nilang nagdala ng kasaganaan sa Ur—ang diyos ng buwan na si Nanna, o si Sin.
Sa isang tao, gayunman, ang amoy ng mga haing inihahandog sa ibabaw ng napakalaking piramideng ito ay isang masamang amoy. Ang pangalan niya ay Abram (nang dakong huli ay Abraham). Noong minsan, ang kaniyang ama, si Terah, ay nakibahagi sa pagsambang ito sa diyus-diyosan. (Ihambing ang Josue 24:2, 14, 15.) Subalit ngayon ay kilala na ni Abram ang tunay na Diyos, si Jehova. Papaano? Maliwanag sa pakikisama kay Shem, ang may edad nang nakaligtas sa Baha noong panahon ni Noe.
Hindi nagtagal ipinakita ni Abram na ang kaniyang pananampalataya kay Jehova ay aktibo. Sa pamamagitan ng ilang kaparaanan, ang Diyos ngayon ay ‘napakita’ kay Abram. (Gawa 7:2-4) Si Jehova ay nag-utos: “Umalis ka sa iyong lupain at sa iyong mga kamag-anak at sa bahay ng iyong ama na ikaw ay pasa-lupaing ituturo ko sa iyo; at gagawin kitang isang malaking bansa at ikaw ay aking pagpapalain at padadakilain ko ang iyong pangalan; at ikaw ay magiging isang pagpapala. At pagpapalain ko ang mga magpapala sa iyo, at susumpain ko ang mga susumpa sa iyo, at tunay na pagpapalain ng lahat ng angkan sa lupa ang kanilang sarili sa pamamagitan mo.”—Genesis 12:1-3.
Pagtugon sa Panawagan
Lisanin ang maunlad na Ur ng mga Caldeo? Aba, ang ilang mga tahanan sa Ur ay magandang dalawang-palapag na mga gusaling yari sa ladrilyo na napaliligiran ng isang patio at naglalaman ng hanggang 14 na mga silid! Hindi kataka-taka na ipalagay ng Pranses na mananalaysay na si Henri Gaubert si Abram na isa lamang pagala-gala at hindi siya makapaniwala na nagawa niyang lisanin ang isang “tahanan sa Ur na may silid na may mga kama at mga kutson, ang kaniyang maginhawang tirahan, na malamig sa tag-araw at mainit sa taglamig, ang kaniyang bodega ng alak na puno ng nakatagong alak, ang kaniyang bukal ng malamig na sariwang tubig.” Talikdan ang lahat ng ito upang mamuhay bilang isang lagalag? Hindi kapani-paniwala!
At kumusta naman ang mga membro ng pamilya ni Abram—ang iba na maiiwan? Sa Gitnang Silangan, ang gayong mga buklod ay napakatibay anupa’t ang pagkakatapon buhat sa pamilya ay katumbas ng hatol na kamatayan. Paano nga maaasahang iwan ni Abram ang lahat ng ito dahil lamang sa mga pangako? Oo, paano gagawin ng Diyos ang lalaking ito—na noon ay wala pang anak—na “isang malaking bansa”? Nasaan ang ipinangakong lupa na ito?
Gayunman, si Abram ay isang tao ng pananampalataya at mayroon siyang “tiyak na pag-asa sa mga bagay na hinihintay.” (Hebreo 11:1) Alam niya buhat sa mga pangyayari noong una—gaya ng pangglobong Delubyo—na ang salita ng Diyos ay laging nagkakatotoo. Si Abram ay hindi naliligalig sapagkat hindi niya nalalaman nang husto kung paano, kailan, o saan matutupad ang mga pangakong iyon ng Diyos. Sa kaniya, ang isang magandang tahanan, isang tiwasay na kabuhayan, o kahit na ang mga buklod ng pamilya ay hindi kasinghalaga ng pakikipagkaibigan kay Jehova. Kaya, para kay Abram mayroon lamang isang pasiya: Sundin ang Diyos at lisanin ang Ur!
Pinakikilos ka rin ba ng iyong pananampalataya? Kadalasan tayo ay pinatitibay-loob na palawakin ang ating pakikibahagi sa gawaing pangangaral. Ginagawa ng iba ang gayon sa pamamagitan ng pagiging buong-panahong mga tagapagpahayag ng Kaharian. Subalit ang ibang Kristiyano ba ay napipigilan sapagkat pinag-aalinlanganan nila ang pangako ng Diyos na paglalaanan yaong hinahanap muna ang Kaharian? (Mateo 6:33) Ang pananampalataya ni Abram ang nagpakilos sa kaniya. Itinaya niya ang kaniyang kinabukasan sa mga pangako ng Diyos!
Buhat sa Ur Tungo sa Haran
Si Abram ay hindi nag-iisa nang siya’y lumisan. Gaya ng maraming mga Saksi ni Jehova ngayon, walang alinlangan na ibinabahagi niya ang mga katotohanan ng Diyos sa mga membro ng kaniyang pamilya. Kaya hindi kataka-taka na ang asawa ni Abram na si Sarai at isang ulilang pamangking nagngangalang Lot ay kumilos din upang sundin ang panawagan ng Diyos.a Aba, kahit na nga ang ama ni Abram, si Terah—ipinalalagay ng iba na isang manggagawa ng idolo—ay lumisan din!—Genesis 11:31.
Sa wakas, ang pamilya at mga kawan ni Abram ay nasa labas na ng mga pader ng Ur. Ang hudyat para sa paglisan ay ibinigay, at ang grupo ng mga manlalakbay ay maayos na naglakbay. Sinusundan ang isang daan sa kahabaan ng silangang panig ng Ilog Eufrates, sila’y naglakbay sa ilalim ng mainit na araw, malamang ay naglalakad at sumasakay sa tunog ng kumukuliling na mga kampanilyang nakatali sa leeg ng kanilang mga kamelyo.
Sila’y yumaon nang pahilagang-kanluran, sinusundan ang kurbada ng Eufrates. Pagkaraan ng maraming, maraming araw tinahak nila ang 960 kilometro. Ang pagod na mga manlalakbay ay tuwang-tuwang makita ang mga kubong hugis-bahay-pukyutan na nakapaligid sa lunsod ng Haran. Ito ay isang pangunahing hintuan para sa grupo ng mga manlalakbay.—Genesis 11:31.
Sa Ibayo ng Eufrates
Si Abram ay nanirahan sa Haran, malamang ay alang-alang sa matanda nang si Terah. At dahil sa pagpapala ni Jehova, si Abram ay naging napakayaman. (Ihambing ang Eclesiastes 5:19.) Anong dalas nga sa ngayon na ang Diyos ay naglalaan din para sa materyal na mga pangangailangan niyaong ‘iniiwan ang mga tahanan, mga kapatid na lalaki o mga kapatid na babae’ alang-alang sa Kaharian!—Marcos 10:29, 30.
Sa Haran, si Abram din naman ay ‘nakakuha ng mga kaluluwa’—isang lupon ng mga utusan. (Genesis 12:5) Ang Jerusalem Targum at ang Chaldee Paraphrase ay nagsasabi na siya’y nangumberte, o ‘ipinasakop sila sa batas.’ (Ihambing ang Genesis 18:19.) Oo, pinakilos siya ng kaniyang pananampalataya na mangaral sa iba, gaya ng ginagawa ng mga Saksi ni Jehova ngayon.
“Ang mga naging araw ni Terah ay dalawang daan at limang taon. At namatay si Terah sa Haran.” (Genesis 11:32) Si Abram ay nagdalamhati sa pagkamatay ng kaniyang ama. Subalit nang matapos na ang panahong pagdadalamhati, muli na naman siyang gumawa ng mga plano para sa paglisan. “Si Abram ay may pitumpu’t limang taóng gulang nang siya’y umalis sa Haran.”—Genesis 12:4.
“Kaya isinama ni Abram si Sarai na kaniyang asawa at si Lot na anak ng kaniyang kapatid at ang lahat ng pag-aaring kanilang natipon at ang mga kaluluwang kanilang nakuha sa Haran, at nagsialis sila upang pasa-lupain ng Canaan.” (Genesis 12:5) Pagkatapos maglakbay ng 89 kilometro sa kanluran buhat sa Haran, si Abram ay malamang na huminto sa isang lugar sa Eufrates sa ibayo ng sinaunang sentro ng pangangalakal ng Carchemish. Dito karaniwang tumatawid ang mga grupo ng manlalakbay.
Ang petsa? Nisan 14, 1943 B.C.E. Nang petsa ring iyon pagkalipas ng 430 mga taon, ang mga inapo ni Abram ay ililigtas mula sa pagkaalipin sa Ehipto. (Exodo 12:40, 41) At noong araw ding iyon halos pagkalipas ng dalawang milenyo, ang kaniyang Binhi, si Jesu-Kristo, ay gagawa ng isang “tipan . . . sa isang kaharian,” sa ilalim nito ang “lahat ng mga pamilya sa lupa” ay pagpapalain ang kanilang mga sarili!—Lucas 22:1, 28, 29.
Dahil sa isang gawa ng pananampalataya—ang pagtawid ni Abram sa Eufrates—ang mga pangako sa kaniya ng Diyos ay nagsimulang matupad. Maaaring mailarawan ni Abram sa kaniyang isipan “ang lunsod na may tunay na mga pundasyon,” isang matuwid na pamahalaan ng sangkatauhan. Oo, taglay ang ilan lamang mga himaton o palatandaan, nahiwatigan ni Abram ang mga balangkas ng layunin ng Diyos na tubusin ang namamatay na sangkatauhan. Ang ningas ng hula ay nagliyab ng pag-asa sa kaniyang isipan!—Hebreo 11:10.
Ang mga Saksi ni Jehova sa ngayon ay mayroong mas malaking saligan sa pananampalataya kaysa kay Abram. Ang dumaraming katibayan ay nagpapatunay na “ang lunsod” na iyon, o ang makalangit na Kaharian, na hinihintay ni Abram ay isa nang katunayan ngayon! Subalit pinakikilos ka ba ng pananampalataya upang mangaral nang masigasig, upang sundin ang bigay-Diyos na patnubay, upang itaguyod ang espirituwal na mga tunguhin sa halip na ang materyal na mga kaginhawahan? Sana’y gayon nga, sapagkat gayon ang kalikasan ng pananampalataya ni Abram. Pinakilos siya ng kaniyang pananampalataya!
[Talababa]
a Ang kapatid ni Abraham na si Nahor ay naiwan, marahil upang tapusin ang pag-aasikaso sa ilang negosyo o sa personal na mga bagay. Subalit nang dakong huli nilisan din ng anak ni Nahor ang Ur, at sinamba si Jehova sa Haran.—Genesis 11:31; 24:1-4, 10, 31; 27:43; 29:4.
[Mapa/Larawan sa pahina 26]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Paglalakbay ni Abraham
Ur
Haran
Carchemish
CANAAN
Dagat Mediteraneo
[Credit Line]
Batay sa isang karapatang magpalathala ng Pictorial Archive (Near Eastern History) Est. and Survey of Israel
[Larawan]
Ang Euphrates malapit sa Ur
[Larawan]
Ang Haran ngayon
[Larawan]
Ang Euphrates malapit sa Carchemish