Si Abraham—Isang Uliran Para sa Lahat ng Humahanap sa Diyos Bilang Kaibigan
“Siya’y hindi nanghina sa pananampalataya, . . . palibhasa’y lubusang nanalig na ang ipinangako [ng Diyos] ay magagawa niya.”—ROMA 4:19-21.
1. Bakit sinubok ni Satanas na siraan ang ulat tungkol kay Abraham?
ANG banal na salita na nasusulat sa Kasulatan ay “buháy at mabisa.” (Hebreo 4:12) Sa gayon, ang salaysay ng pakikitungo ni Jehova kay Abraham, bagaman isinulat mahigit na 3,500 taon na ngayon ang lumipas, ay nagbibigay ng pampatibay-loob sa lahat ng humahanap sa Diyos bilang kaibigan. (Roma 15:4) Ang pusakal na kaaway, si Satanas, ay nakababatid nito at kaniyang ginamit ang mga pinunong relihiyoso upang subukin na siraan ang ulat na iyan at ituring na isang alamat.—2 Corinto 11:14, 15.
2. Ano ang pagkakilala ng mga alagad ni Jesus kay Abraham?
2 Bilang bahagi ng “lahat ng Kasulatan na . . . kinasihan ng Diyos,” ang kasaysayan ni Abraham ay katotohanan at “mapapakinabangan sa pagtuturo [sa mga Kristiyano].” (2 Timoteo 3:16; Juan 17:17) Ang mga unang alagad ni Jesus ay tunay na may kaunawaan doon, yamang si Abraham ay binabanggit nang 74 na ulit sa Kasulatang Griegong Kristiyano. Sa pumupukaw-pananampalatayang ika-11 kabanata ng Hebreo 11, higit na espasyo ang iniuukol sa kaniya kaysa kaninumang lingkod ng Diyos bago ng panahon ng mga Kristiyano.
3. Papaano tumanggap si Abraham ng malaking karangalan?
3 Si Abraham ay hindi isang karaniwang “propeta,” sapagkat ginamit siya ni Jehova na magsadula ng isang dakilang “simbolikong drama” na doo’y tumanggap ang patriarka ng malaking karangalan sa pagganap ng isang makahulang dula na kung saan lumarawan siya sa Diyos mismo. (Genesis 20:7; Galacia 4:21-26) Sa gayon, may binanggit si Jesus na “ang sinapupunan ni Abraham” nang ipinaghahalimbawa ang isang posisyon na may pagsang-ayon ng Diyos.—Lucas 16:22.
Ang Kaniyang Unang Gawa ng Pananampalataya
4. Sang-ayon sa Bibliya, papaano nagsimula ang mga pakikitungo ng Diyos kay Abram?
4 Si Abram, gaya ng unang ipinangalan sa kaniya, ay lumaki sa “Ur ng mga Caldeo.” Nang siya’y naninirahan doon, ang Diyos na Jehova ay nagpakita sa kaniya at nagsabi: “Umalis ka sa iyong lupain at sa iyong mga kamag-anak at sa bahay ng iyong ama at pumaroon ka sa lupaing ituturo ko sa iyo; at gagawin kitang isang malaking bansa at ikaw ay aking pagpapalain at padadakilain ko ang iyong pangalan; at patunayan mong ikaw ay isang pagpapala. At pagpapalain ko ang mga magpapala sa iyo, at susumpain ko ang mga susumpa sa iyo, at tunay na pagpapalain ng lahat ng angkan sa lupa ang kanilang sarili sa pamamagitan mo.”—Genesis 12:1-3; 15:7; Gawa 7:2, 3.
5. (a) Papaano tiyak na naantig ng pangako ng Diyos ang puso ni Abram? (b) Papaanong tumugon si Abram sa pangako?
5 Anong laking hamon! Para kay Abram, ang pagsunod dito ay nangangahulugan ng paglisan sa maalwang mga kapaligiran at pag-iwan sa kaniyang mga kamag-anak para mamuhay sa malayo sa isang lupaing banyaga. Subalit ang puso ni Abram ay lubhang naantig ng maibiging pangako ng Diyos. Bilang isang matandang lalaki na baog ang asawa kung kaya’t sila’y walang anak, ang kaniyang pangalan ay waring nakatalaga noon na malimutan sa malapit na hinaharap. Ang pangako ng Diyos ang nagbigay ng katiyakan sa katuparan ng kabaligtaran niyaon: “Isang dakilang bansa” ang magmumula sa kaniya. Isa pa, sa pangako ng Diyos ay kasali ang isang kahanga-hangang pagpapahayag ng mabuting balita para sa lahat ng tao, na tumutukoy sa isang panahon na lahat ng bansa ay pagpapalain. (Galacia 3:8) Si Abram ay nanampalataya sa pangako ni Jehova at nilisan niya ang sentro ng maunlad na kabihasnan. “Siya’y yumaon,” ayon sa sabi ng Bibliya, “bagaman di niya nalalaman kung saan siya paroroon.”—Hebreo 11:8.
6. (a) Bakit sa Genesis 11:31 si Terah ang binibigyan ng kredito para sa paglipat? (Gawa 7:2-4) (b) Sa anong mga paraan isang uliran si Sara para sa mga babaing Kristiyano sa ngayon?
6 Ang iba ay naapektuhan ng pananampalataya ni Abram. Ang kaniyang sambahayan, at gayundin si Terah, na kaniyang ama, at si Lot, na kaniyang pamangkin, ay sumama sa kaniya nang siya’y lumisan. Subalit, dahilan sa si Terah ang patriarkang ulo ng sambahayan, siya ang binibigyan ng kredito sa paglipat na iyon. (Genesis 11:31) Kapuna-puna ang pagsuporta na ibinigay ni Abram sa kaniyang asawa, si Sarai, na tinawag na Sara nang bandang huli. Sa nalalabing bahagi ng kaniyang buhay ay napahinuhod siya na sumunod sa isang lalong mababang pamantayan ng pamumuhay. (Genesis 13:18; 24:67) Kaya mauunawaan, nang siya’y mamatay, “si Abraham ay nanaghoy kay Sara at kaniyang iniyakan.” (Genesis 23:1, 2) Dahilan sa matibay na pananampalataya at buong-pusong pagpapasakop ni Sara bilang isang asawa, siya’y inilalagay na isang uliran ng tunay na kagandahan ng espirituwalidad para sa mga babaing Kristiyano.—Hebreo 11:11, 13-15; 1 Pedro 3:1-6.
7. Sa anu-anong paraan nagpakita ang mga Kristiyano sa ngayon ng pananampalataya na katulad ng kay Abraham at kay Sara?
7 Maraming Kristiyano sa ngayon ang nagpakita ng katulad na pananampalataya sa pamamagitan ng pagkukusang-loob ng pagpapalaganap ng pabalita ng Diyos sa mga lugar na kung saan may malaking pangangailangan ng mga tagapangaral ng Kaharian at ukol sa konstruksiyon at pagpapaandar ng mga bagong pasilidad para sa paglilimbag at pagpapadala sa mga ibang lugar ng literatura sa Bibliya. (Mateo 24:14) Ang mga Kristiyanong ito ay nakibahagi sa pagsunod sa utos na, “Humayo . . . gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa.” Sa paglipat sa isang lupain na di nila kabisado, malimit na sila’y kailangan munang makibagay sa isang naiibang pamantayan ng pamumuhay. Ang mga iba naman ay gumawa ng malaking pagsasakripisyo ng kanilang materyal na ari-arian upang makagawa ng mga alagad sa kanilang sariling lugar.—Mateo 28:19, 20.
Ang mga Iba Pang Gawa ng Pananampalataya
8. Ano ang umakay tungo sa ikalawang pagpapakita ni Jehova kay Abram?
8 Si Abram ay huminto sa lungsod ng Haran hanggang sa mamatay ang kaniyang ama, si Terah. (Genesis 11:31, 32) Pagkatapos ay tumawid ang kaniyang sambahayan sa Ilog Eufrates at pumatungong timog. Sa wakas kanilang narating “ang lugar ng Shechem” sa kalagitnaan ng lupain ng Canaan. Tiyak na ito’y isang lugar na kalugud-lugod pagmasdan! Ang Shechem ay naroon sa isang libis na may matabang lupain sa pagitan ng dalawang kabundukan na may pinakamataas na taluktok sa Bundok Ebal at Bundok Gerizim. Ito’y tinutukoy na ang “paraiso ng Lupaing Banal.” Angkop naman, na dito muling napakita si Jehova kay Abram at nagsabi: “Sa iyong binhi ibibigay ko ang lupaing ito.”—Genesis 12:5-7.
9. (a) Sa anong hayag na paraan patuloy na ipinakita ni Abram ang kaniyang pananampalataya? (b) Anong aral ang matututuhan natin buhat dito?
9 Si Abram ay tumugon sa pamamagitan ng isa pang gawa ng pananampalataya. Gaya ng sinasabi ng ulat: “Siya’y nagtayo roon ng isang dambana kay Jehova.” (Genesis 12:7) Malamang, kasali na rito ang paghahandog ng isang haing hayop, sapagkat ang salitang Hebreo para sa “dambana” ay nangangahulugang “dako na pinaghahandugan ng hain.” Nang maglaon, inulit ni Abram ang mga gawang ito ng pananampalataya sa mga ibang panig ng lupain. Isa pa, siya’y ‘tumawag sa pangalan ni Jehova.’ (Genesis 12:8; 13:18; 21:33) Ang pariralang Hebreo na “tumawag sa pangalan” ay nangangahulugan din ng “ipahayag (ipangaral) ang pangalan.” Ang sambahayan ni Abram at pati ang mga Cananeo ay tiyak na nakarinig sa kaniya nang kaniyang buong tapang na inihahayag ang pangalan ng kaniyang Diyos, si Jehova. (Genesis 14:22-24) Sa katulad na paraan, lahat ng mga naghahangad na maging kaibigan ng Diyos ngayon ay kailangang tumawag sa kaniyang pangalan nang may pananampalataya. Kasali na rito ang pakikibahagi sa pangangaral sa madla, “laging [nagha] handog sa Diyos ng isang hain ng papuri, samakatuwid baga, ang bunga ng mga labi na nagpapahayag sa madla ng kaniyang pangalan.”—Hebreo 13:15; Roma 10:10.
10. (a) Sa ano pang mga ibang paraan nagpakita si Abram ng pananampalataya? (b) Anong halimbawa ang ipinakita niya para sa mga ulo ng pamilyang Kristiyano? (1 Timoteo 3:12)
10 Ang pananampalataya ni Abram kay Jehova ay ipinakita sa marami pang mga ibang paraan. Siya’y naghandog ng mga hain ukol sa kapayapaan, gayunman ay hinarap niya ang mga suliranin taglay ang lakas ng loob. (Genesis 13:7-11; 14:1-16) Bagaman siya’y mayaman, hindi siya naging materyalistiko. (Genesis 14:21-24) Bagkus, siya’y mapagpatuloy at bukas-palad na tumangkilik sa pagsamba kay Jehova. (Genesis 14:18-20; 18:1-8) Pinakamahalaga, siya’y isang ulirang ulo ng pamilya at sinunod niya ang tagubilin ni Jehova sa pamamagitan ng pag-uutos sa kaniyang mga anak at sa kaniyang sambahayan pagkamatay niya na kanilang sundin “ang daan ni Jehova ng kabanalan.” (Genesis 18:19) Dito, ang sambahayan ni Abram ay lumakad sa paraan na lubhang napapaiba sa lakad ng mga mahahalay na Cananeo sa karatig na Sodoma at Gomorra. Tiyak na hindi naman kinunsinti ni Abram ang gayong malulubhang kasalanan sa kaniyang sambahayan. Siya’y nangulo sa kaniyang sambahayan sa mainam na paraan na makikita sa kung papaanong tinularan siya ng kaniyang mga kasambahay sa pagtawag sa pangalan ni Jehova nang may pananampalataya.—Genesis 16:5, 13; 24:26, 27; 25:21.
“Siya’y Hindi Nanghina sa Pananampalataya”
11. Papaanong si Abram ay nakapagtiis na mistulang “isang dayuhan . . . sa isang lupaing banyaga” nang may isandaang taon?
11 Ang matibay na pananampalataya ni Abram ay tumulong sa kaniya upang mapagtiisan ang mga kahirapan nang siya’y may isandaang taong nakipamayan sa gitna ng mga taong nag-angking kanila ang lupain. (Genesis 12:4; 23:4; 25:7) Ang Bibliya ay nagsasabi: “Siya’y tumahan na mistulang isang dayuhan sa lupang pangako gaya sa isang lupaing banyaga, at tumahan sa mga tolda kasama si Isaac at si Jacob, mga kapuwa tagapagmana ng pangako ring iyon. Sapagkat siya’y naghihintay ng lungsod [Kaharian ng Diyos] na may mga tunay na pundasyon, na ang nagtayo at gumawa ng lungsod na iyon ay ang Diyos. Gayunman, kung [kaniyang] lagi nang inaalaala ang lupaing iyon na [kaniyang] pinanggalingan, disin sana [siya] ay nagkaroon ng pagkakataon upang bumalik.”—Hebreo 11:9, 10, 15; ihambing ang Hebreo 12:22, 28.
12. Anong maagang pagkakataon mayroon si Abram upang bumalik sa Ur, at papaano niya nilutas ang suliranin?
12 Hindi pa natatagalan si Abram sa Canaan nang isang matinding taggutom ang nagharap sa kaniya ng “pagkakataon upang bumalik.” Hindi sa tuwirang pag-ulan umaasa ang Ur, palibhasa’y natutustusan ito ng saganang tubig na nanggagaling sa Ilog Eufrates. Gayunman, sa halip na bumalik doon, si Abram ay sumampalataya kay Jehova at doon nagtungo sa kabilang direksiyon—sa Ehipto. Iyon ay mapanganib. Palibhasa’y mayroon siyang magandang asawa, ang banyaga, na si Abram, ay nanganganib ang buhay sa naiibang lupaing iyon. Gayumpaman, siya’y nagpakaingat at hiniling niya kay Sarai na ikubli ang kanilang relasyong pagkamag-asawa. Si Abram ay pinagpala ni Jehova dahil sa kaniyang pananampalataya, at hindi naglaon ay nakabalik siya sa Lupang Pangako na taglay ang lalong maraming kayamanan higit kailanman.—Genesis 12:10–13:2; 20:12.
13. Ano ang inilalarawan ng pagkabaog ni Sarai at ng pagkukubli ni Abram ng kaniyang kaugnayan sa kaniya bilang asawa?
13 Ito rin naman ay bahagi ng makahulang dula na walang kamalay-malay si Abram na ginaganap niya noon para sa ating ikatututo. Si Sarai, na baog pa rin noon, ay lumarawan sa tulad-asawang makalangit na organisasyon ni Jehova ng tapat na mga anghel. Ang magandang makasagisag na asawang ito ay kinailangang maghintay nang mahigit na 4,000 taon bago nakapaglaan ng tunay na binhi ng Lalong-dakilang Abraham, si Jehovang Diyos. Ang tuwirang pag-uusig sa tapat na mga lingkod ng Diyos sa lahat ng mga taóng iyon ng paghihintay ay kung minsan kung wawariin tila nga ikinubli ni Jehova ang kaniyang kaugnayan sa kaniya bilang kaniyang asawa.—Genesis 3:15; Isaias 54:1-8; Galacia 3:16, 27, 29; 4:26.
14. (a) Papaano sa wakas kumilos na si Sarai dahil sa kaniyang pagkabaog? (b) Ano ang nangyari nang si Abram ay 99 na taóng gulang na, at bakit?
14 Pagkatapos na makapagtiis bilang isang dayuhan nang may sampung taon, si Abram ay wala pa ring anak na magsisilbing tagapagmana. Sa kawalang pag-asa, isinamo sa kaniya ni Sarai na sipingan ang kaniyang aliping babae, si Hagar. Pumayag naman si Abram at naging anak si Ismael. (Genesis 12:4; 16:1-4, 16) Subalit ang ipinangakong binhi ng pagpapala ay darating sa pamamagitan ng iba. Nang si Abram ay 99 na taóng gulang, binago ang kaniyang pangalan at ginawang Abraham sapagkat, gaya ng sabi ng Diyos, “gagawin kitang ama ng maraming bansa.” Ang pangalan ni Sarai ay pinalitan ng Sara at pinangakuan siya na manganganak siya ng isang lalaki.—Genesis 17:1, 5, 15-19.
15. (a) Bakit nagtawa si Abraham sa kaisipan na si Sara ay magkakaanak sa kaniya? (b) Anong isa pang patotoo ang ibinigay ni Abraham tungkol sa kaniyang matibay na pananampalataya?
15 Si Abraham (at nang bandang huli si Sara) ay nagtawa sa kaisipang iyon dahilan sa siya at si Sara ay wala na sa edad na magkaanak pa. (Genesis 17:17; 18:9-15) Subalit ito’y hindi pagtawa na likha ng kawalang pananampalataya at paniniwala. Gaya ng paliwanag ng Bibliya: “Hindi humina ang kaniyang pananampalataya . . . Ngunit dahil sa pangako ng Diyos ay . . . nagpakalakas sa pamamagitan ng pananampalataya niya, na niluluwalhati ang Diyos at lubusang nananalig na ang kaniyang ipinangako’y magagawa niya.” (Roma 4:18-21) Nang araw ding iyon, pinatunayan ni Abraham ang kaniyang matibay na pananampalataya. Bilang tanda ng pakikipagtipan sa kaniya ng Diyos, sinabihan ni Jehova si Abraham na patuli at pati na rin ang bawat lalaki sa kaniyang malaking sambahayan. (Genesis 15:18-21; 17:7-12, 26) Papaano siya kumilos pagkatapos na marinig ang masakit pakinggang utos na ito? “Nang araw ding yaon, siya’y humayo upang tuliin ang laman ng kani-kanilang ari, gaya ng sinalita sa kaniya ng Diyos.”—Genesis 17:22-27.
16. (a) Ano ang nangyari noong araw na iwalay sa suso si Isaac? (b) Ano ang inilarawan ng pagpapaalis sa sambahayan kay Hagar at kay Ismael?
16 Si Isaac, na ang pangala’y nangangahulugang “Pagtawa,” ay isinilang ni Sara nang sumunod na taon. (Genesis 21:5, 6) Hindi nagtagal at sumapit ang panahon upang siya’y iwalay. Sa panahon ng piging, si Isaac ay pinag-usig ng nananaghiling si Ismael. Dito, mariing sinabihan ni Sara si Abraham na paalisin ang babaing alipin, si Hagar, at ang kaniyang anak. Ang Diyos na Jehova ay umayon sa kahilingan ni Sara. Bagaman masakit sa loob ni Abraham, siya’y agad sumunod. (Genesis 21:8-14) Sang-ayon sa Galacia 4:21-30, ito’y lumarawan sa kung papaano tatapusin ng Lalong-dakilang Abraham ang kaniyang relasyon sa bansa ng likas na Israel. Tulad ng lahat ng mga iba pa sa sangkatauhan, sila’y ipinanganak na mga alipin ng kasalanan. (Roma 5:12) Subalit kanila ring tinanggihan si Jesu-Kristo, ang tunay na Binhi ni Abraham, na naparito upang palayain sila. (Juan 8:34-36; Galacia 3:16) At gaya ni Ismael na umusig kay Isaac, kanilang pinag-usig ang bagong katatatag na kongregasyong Kristiyano ng espirituwal na Israel, na siyang pangalawang bahagi ng binhi ni Abraham.—Mateo 21:43; Lucas 3:7-9; Roma 2:28, 29; 8:14-17; 9:6-9; Galacia 3:29.
Ang Pinakamahigpit na Pagsubok sa Kaniyang Pananampalataya
17. Papaano napalagay ngayon sa mahigpit na pagsubok ang pananampalataya ni Abraham?
17 Malayong mangyari na ang sinumang taong isang ama ay may higit na pag-ibig sa isang anak kaysa taglay ng matanda nang si Abraham kay Isaac. Anong saklap na kabiglaanan ang kaniyang tinanggap, kung gayon, nang tanggapin niya ang utos na ito: “Pakisuyong kunin mo ang iyong anak, ang iyong bugtong na anak na iyong pinakamamahal, si Isaac, at maglakbay ka at pumaroon sa lupain ng Moria at doo’y ihandog mo siya bilang isang haing sinusunog sa ibabaw ng isa sa mga bundok na aking sasabihin sa iyo.”—Genesis 22:1, 2.
18. Papaano tumugon si Abraham sa utos ni Jehova na ihain si Isaac?
18 Tiyak na naging mahirap para kay Abraham na maunawaan ang dahilan ng nakalulungkot na pag-uutos na ito. Gayunman ay nagpakita siya ng kaniyang karaniwang agad-agad na pagsunod. (Genesis 22:3) Siya’y gumugol ng tatlong araw ng paghihirap ng kalooban bago nakarating sa bundok na sinabi sa kaniya. Doon ay nagtayo siya ng isang dambana at nilagyan niya iyon ng panggatong na kahoy sa ibabaw. Sa mga sandaling ito, tiyak na ipinaliwanag niya ang utos ng Diyos kay Isaac, na madali nga sanang nakatakas. Sa halip, pinayagan ni Isaac ang kaniyang matanda nang ama na siya’y gapusin sa kaniyang mga paa at kamay at inilagay siya sa ibabaw ng dambana. (Genesis 22:4-9) Ano kaya ang ating masasabi na dahilan ng gayong pagkamasunurin?
19. (a) Ano kaya ang ating masasabi na dahilan ng may tibay-loob na pagpapasakop ni Isaac? (b) Papaanong ang relasyon sa pagitan ni Abraham at Isaac ay isang halimbawa para sa mga pamilyang Kristiyano sa ngayon?
19 May katapatang ginanap ni Abraham ang kaniyang mga pananagutan kung tungkol kay Isaac, gaya ng binanggit sa Genesis 18:19. Walang alinlangan na kaniyang ikinintal kay Isaac ang layunin ni Jehova na buhaying-muli ang mga patay. (Genesis 12:3; Hebreo 11:17-19) Si Isaac, sa kaniyang bahagi naman, ang pinakaiibig ni Abraham at nais niyang palugdan ang kaniyang ama sa lahat ng bagay, lalo na kung tungkol sa pagsasagawa ng kalooban ng Diyos. Anong inam na halimbawa ito para sa mga pamilyang Kristiyano sa ngayon!—Efeso 6:1, 4.
20. Papaano sumunod si Abraham at ano ang gantimpala?
20 Ngayon ay sumapit ang pinakasukdulang pagsubok. Hinawakan na ni Abraham ang kutsilyong gagamitin sa pagpatay. Subalit nang halos papatayin na lamang niya ang kaniyang anak, siya’y pinigil ni Jehova at kaniyang sinabi: “Talastas ko na ngayon na ikaw ay natatakot sa Diyos sa paraang hindi mo itinanggi sa akin ang iyong anak, ang iyong bugtong na anak.” (Genesis 22:11, 12) Anong laking gantimpala ang tinanggap ni Abraham nang marinig niya ang sariling pagpapahayag ng Diyos tungkol sa kaniyang pagkamatuwid! Ngayon ay natitiyak na niya na siya’y nakaabot sa pamantayan na hinihiling ng Diyos sa isang taong di-sakdal. Lalong mahalaga, ang dating pagkakilala ni Jehova sa kaniyang pananampalataya ay lalong napatibay. (Genesis 15:5, 6) Pagkatapos nito, si Abraham ay naghandog ng isang hain na tupang lalaki na parang isang himalang inilaan upang ihalili kay Isaac. Pagkatapos ay narinig niya ang pagpapatibay ni Jehova, sa pamamagitan ng sumpa, sa mga pangako sa tipan. Nang maglaon, siya’y nakilala bilang kaibigan ni Jehova.—Genesis 22:13-18; Santiago 2:21-23.
21. Anong makahulang ilustrasyon ang ibinigay rito, at tayo’y dapat palakasin-loob nito na hanapin ang ano?
21 Ang hain ni Abraham ay isang “ilustrasyon” o halimbawa. (Hebreo 11:19) Inilarawan niyan ang masakit, at magastos na paghahaing ginawa ng Diyos na Jehova nang kaniyang suguin dito sa lupa ang kaniyang sinisintang Anak upang mamatay bilang “ang Kordero ng Diyos na umaalis sa kasalanan ng sanlibutan.” (Juan 1:29) At ang pagpayag ni Isaac na siya’y patayin ay isang paghahalimbawa kung papaanong ang Lalong-dakilang Isaac, si Jesu-Kristo, ay buong pag-ibig na sumang-ayong gawin ang kalooban ng kaniyang makalangit na Ama. (Lucas 22:41, 42; Juan 8:28, 29) Sa wakas, kung papaanong ang kaniyang anak ay tinanggap ni Abraham na buháy buhat sa dambana, ang kaniyang sinisintang Anak naman ay tinanggap ni Jehova buhat sa mga patay bilang isang maluwalhating espiritung nilalang. (Juan 3:16; 1 Pedro 3:18) Anong laking pampatibay-loob ang lahat ng ito para sa mga naghahanap na maging mga kaibigan ng Diyos sa ngayon!
22. Papaanong ang isang piniling grupo ng mga tao ay nakinabang buhat sa walang-katulad na pag-ibig ng Diyos?
22 Sa pamamagitan ng pagsampalataya sa wala pang nakakatulad na gawang ito ng pag-ibig na ipinakita ng Lalong-dakilang Abraham, si Jehovang Diyos, isang piniling grupo ng mga tao ang inaring-matuwid bilang mga anak ng Diyos. (Roma 5:1; 8:15-17) Kinuha muna sa mga Judio at pagkatapos ay sa mga Gentil, ang mga ito ay tunay na mga pinagpala sa pamamagitan ng Binhi ni Abraham, si Jesu-Kristo. (Gawa 3:25, 26; Galacia 3:8, 16) Pagkatapos, sila ang bumubuo ng pangalawang bahagi ng binhi ni Abraham. (Galacia 3:29) Sila sa wakas ay may bilang na 144,000 at, tulad ni Jesus, binubuhay tungo sa makalangit na buhay pagkatapos na mapatunayang tapat hanggang kamatayan.—Roma 6:5; Apocalipsis 2:10; 14:1-3.
23. (a) Papaanong ang milyun-milyon ay pinagpapala na sa pamamagitan ng nalabi ng binhi ni Abraham? (2 Corinto 5:20) (b) Ano pang mga pagpapala ang hinihintay ng “malaking pulutong”?
23 Samantala, milyun-milyon buhat sa lahat ng mga bansa ang ‘nagpapala sa kanilang sarili’ sa pamamagitan ng kanilang pagtugon sa maibiging ministeryo ng munting nalabi ng binhi ni Abraham. (Genesis 22:18) Sila’y galak na galak na maalaman kung papaanong ang mga taong makasalanan ay inaaring matuwid bilang mga kaibigan ng Diyos. Kaya naman, “isang malaking pulutong . . . buhat sa lahat ng bansa” ang nagtatamasa ng biyaya ng Diyos, pagkatapos na sila’y “naglaba ng kanilang mga kasuotan at pinaputi iyon sa dugo ng Kordero.” Samantalang ang nalabi’y siyang nangunguna, sila man ay “naglilingkod sa [Diyos] nang may kabanalan araw at gabi.” Nakaharap sa lubhang karamihang ito ang kahanga-hangang pag-asa sa buhay na walang-hanggan sa Paraiso bilang makalupang “mga anak ng Diyos.” (Apocalipsis 7:9-17; 21:3-5; Roma 8:21; Awit 37:29) Gayunman, bago maging isang katuparan ang ganiyang mga pagpapala, mga pangyayari na may higit na kahalagahan ang kailangang maganap, gaya ng ating mapag-aalaman sa susunod na artikulo.
Mga Tanong sa Repaso
◻ Papaano sinubok ang pananampalataya ni Abraham at ng kaniyang sambahayan?
◻ Papaanong ang mga Kristiyano sa ngayon ay nagpakita ng katulad na pananampalataya?
◻ Sa ano pang mga ibang paraan nagpakita si Abraham ng pananampalataya?
◻ Papaanong sina Abraham, Sara, at Isaac ay mga halimbawa para sa mga pamilyang Kristiyano?
◻ Ano ang ipinaghalimbawa sa pinakadakilang gawa ng pananampalataya ni Abraham?
Ang pagtatangka ni Abraham na ihain si Isaac ay lumalarawan sa walang-katulad na gawang pag-ibig ng Diyos na nasusulat sa Juan 3:16.