-
Si Abraham—Propeta at Kaibigan ng DiyosAng Bantayan—1989 | Hulyo 1
-
-
ANG pinagsamang mga hukbo ng apat na hari sa Silangan ay tumawid sa Ilog Eufrates. Ang kanilang pinagdaraanan ay ang King’s Highway sa gawing silangan ng libis ng Ilog Jordan. Sa kanilang pag-abante ay kanilang binihag ang mga Refaim, ang Zuzita, ang Emita, at ang mga Horeo. Pagkatapos, ang mga manlulusob ay pumihit at kanilang nagapi ang lahat ng mga naninirahan sa timugang Negeb.
Ano ba ang layunin ng kampaniyang militar na ito? Sa pagitan ng nilusob na mga rehiyon ng Transjordan at ng Negeb ay naroon ang gantimpala. Iyon ay isang pinagmimithiang libis na tinatawag na ang Kapatagan ng Jordan. (Genesis 13:10) Dito, ang mga naninirahan sa limang estadong-lungsod, sa Sodoma, Gomorra, Admah, Zeboiim, at Bela, ay namumuhay nang pawaldas at may kaginhawahan. (Ezekiel 16:49, 50) Noong una sila’y mga sakop ng wari ngang lider ng pinagsama-samang mga hukbo, si Chedorlaomer, hari ng Elam. Subalit sila’y nag-alsa laban sa kaniya. Ngayon, palibhasa’y walang pagtangkilik ng mga kalapit-bayan, sila’y nakaharap sa pagsusulit. Si Chedorlaomer at ang kaniyang mga kaalyada ang nagwagi sa resultang labanan at sila’y nagsimula na ng kanilang mahabang lakbayin dala ang maraming samsam.
Kabilang sa mga nabihag ay isang matuwid na tao, si Lot. Siya ay pamangkin ni Abraham, na naglatag ng tolda sa karatig na kabundukan ng Hebron. Nang mabalitaan ni Abraham ang nakalulungkot na balita, agad ipinatawag niya ang 318 ng kaniyang mga tauhan. Lakas-loob, sa pagtangkilik ng mga ilang kalapit-bayan, kanilang itinaboy ang apat na hari at sa gabi’y biglang sinalakay ang kanilang mga hukbo. Ang mga manlulusob ay nagsitakas. Si Lot at ang kaniyang sambahayan ay nabawi, pati na rin ang mga ibang bihag at ang mga ari-arian.
Anong dahilan mayroon tayo upang maniwala sa ulat na ito na nasa ika-14 na kabanata ng Genesis 14? Inimbento ba lamang ang istorya upang gawing pambansang bayani ang ninuno ng maraming bansa, kasali na ang mga Judio? Kumusta naman ang mga pangyayari sa buhay ni Abraham?
-
-
Si Abraham—Propeta at Kaibigan ng DiyosAng Bantayan—1989 | Hulyo 1
-
-
Paglusob ni Chedorlaomer
Kumusta naman ang tagumpay ni Abraham kay Chedorlaomer, hari ng Elam? Noong may pasimula ng ika-19 na siglo, bahagya lamang ang alam tungkol sa mga Elamita. Ang mga kritiko ng Bibliya ay tumanggi sa ideya na ang Elam ay nagkaroon kailanman ng anumang impluwensiya sa Babilonya, huwag nang sabihin pa ang Palestina. Ngayon, iba ang pagkakilala sa mga Elamita. Inihahayag ng arkeolohiya na sila’y isang makapangyarihang bansang mahilig makipagdigma. Sinasabi ng Funk & Wagnalls Standard Reference Encyclopedia: “Winasak ng mga Elamita ang siyudad ng Ur noong humigit-kumulang 1950 B.C. . . . Pagkatapos ay nagkaroon sila ng malaking impluwensiya sa mga tagapamahala ng Babilonya.”
Gayundin, ang mga pangalan ng mga haring Elamita ay natagpuan sa mga isinulat ng mga arkeologo. Ang iba riyan ay nagsisimula sa salitang “Kudur,” nahahawig sa “Chedor.” Ang isang mahalagang diyosang Elamita ay si Lagamar, nahahawig sa “laomer.” Sa gayon, si Chedarlaomer ay tinatanggap na ngayon ng mga ilang sekular na manunulat bilang isang hari noong lumipas na panahon, posible na ang kaniyang pangalan ay nangangahulugang “Utusan ni Lagamar.” Isang huwego ng mga sulat Babiloniko ang may mga pangalang nahahawig sa tatlo sa lumulusob na mga hari—Tudhula (Tidal), Eri-aku (Arioch), at Kudur-lahmil (Chedorlaomer). (Genesis 14:1) Sa aklat na Hidden Things of God’s Revelation, si Dr. A. Custance ay nagsabi pa: “Kakabit ng mga pangalang ito ang detalye na waring tumutukoy sa mga pangyayaring naganap sa Babilonya nang itatag ng mga Elamita ang kanilang pagkasoberano sa bansa. . . . Lubhang nagpapatunay sa Kasulatan ang mga tabletang ito kung kaya’t ginagamit ng Matataas na Kritiko at ginagawa nila ang lahat ng kaya nila upang kusang sugpuin ang kahalagahan ng mga iyan.”
-