DAGAT ASIN
Isa sa mga katawagan sa Bibliya para sa malaking lawa o dagat na sa ngayo’y karaniwang kilala bilang ang Dagat na Patay. Ang Dagat Asin (Yam ha-Melah) ang timugang hangganan ng Ilog Jordan.
Pangalan. Yamang ito ang isa sa pinakamaaalat na katubigan sa ibabaw ng lupa, tamang-tama ang una at pinakamadalas na gamiting katawagan sa Bibliya para sa dagat na ito, “Dagat Asin.” (Gen 14:3; Bil 34:3, 12; Jos 15:2, 5) Tinatawag din itong dagat ng Araba (Deu 4:49; 2Ha 14:25), yamang ito’y nasa pagkalaki-laking bitak na ang isang bahagi ay ang Araba. Gayunman, kung minsan ang pangalang “Dagat Asin” ay idinaragdag kasunod ng “dagat ng Araba,” na para bang ipinaliliwanag kung aling katubigan ang tinutukoy. (Deu 3:17; Jos 3:16; 12:3) Ang Dagat Asin ay nasa S hangganan ng Lupang Pangako at tinawag ito na “silanganing dagat,” sa gayo’y ipinakikitang iba pa ito sa “kanluraning dagat [Mediteraneo].” (Eze 47:18; Joe 2:20; Zac 14:8) Palibhasa’y batid ni Josephus na may malalaking tipak ng bitumen, o aspalto, na lumulutang paminsan-minsan sa dagat na ito, tinawag niya itong Lawa ng Asphaltitis. (The Jewish War, I, 657 [xxxiii, 5]; IV, 479 [viii, 4]) Maliwanag na noon lamang ikalawang siglo C.E. tinawag na Dagat na Patay ang dagat na ito. Ang pangalang Arabe nito ay Bahr Lut, o “Dagat ni Lot.”
Pisikal na Deskripsiyon. Biluhaba ang Dagat Asin, mga 15 km (9 na mi) ang lapad at mga 75 km (47 mi) ang haba, nagbabagu-bago nang kaunti ang haba nito depende sa kapanahunan. Ang balangkas nito ay napuputol ng isang malaking peninsula na tinatawag na Lisan (ang dila) na nakaungos mula sa TS. Sa ngayon, hinahati ng peninsulang ito ang dagat sa dalawang seksiyon, bagaman isang tsanel ang pinananatili sa pagitan ng mga iyon. Ang bahaging nakukulong sa T ng Lisan ay napakababaw, samantalang ang pangunahing bahagi ng dagat sa H ay umaabot sa lalim na mga 400 m (1,300 piye). Ang ibabaw ng tubig ng Dagat Asin ay mas mababa nang mga 400 m (1,300 piye) mula sa kapantayan ng Dagat Mediteraneo, at ito ang pinakamababang lugar sa mundo.
Ang S baybayin (H ng Lisan) ay pangunahin nang binubuo ng mga dalisdis na batong-buhangin na matarik at paahon tungo sa talampas ng Moab. May ilang bangin, anupat pinakaprominente ang Arnon, na bumabagtas sa kalbong mga burol na ito at dinaraanan ng tubig patungo sa dagat. Sa dakong S at T ng peninsula ay may isang kapatagan na sagana sa tubig dahil sa mga ilog. Ang T na dulo ng dagat ay patag na latiang asin. Sa K panig ng dagat, ang mga dalisdis na batong-apog ay hindi kasintarik ng mga nasa S. Ang mga burol na ito ng Juda ay mas hagdan-hagdan at papaliit, ngunit tiwangwang na tiwangwang, yamang walang mga ilog na permanenteng umaagos dito patungo sa dagat. Dahil sa dalampasigan at mga dalisdis malapit sa baybayin, maaaring maglakbay sa kahabaan ng K panig. Matatagpuan sa mataas na talampas na katapat ng Lisan ang Masada. Ito ang tanggulang pinatibay ni Herodes at dito tinalo ng mga Romano noong 73 C.E. ang kahuli-hulihang mga Judio na ayaw sumuko sa hukbong Romano. Sa mas gawing H pa ay matatagpuan ang oasis ng En-gedi. Sa H dulo, ang Jordan ay bumubuhos sa dagat, anupat humahalo ang tubig-tabang nito sa napakaalat na tubig ng Dagat Asin.
Tubig. Walang-katulad ang tubig ng dagat na ito dahil mga siyam na ulit itong mas maalat kaysa sa mga karagatan. Ang Dagat Asin ay walang labasan, kaya karamihan sa tubig na pumapasok dito ay sumisingaw lamang dahil sa matinding init, anupat nag-iiwan ng higit pang mineral na asin. Napakaalat ng tubig na ito anupat walang isda, kahit isdang-dagat pa, ang mabubuhay rito. Ang ilang isda sa maalat-alat na tubig kung saan naghahalo ang tubig-tabang at ang tubig-alat ay namamatay kapag naanod sa mismong dagat. Kaya naman nagiging higit na makahulugan ang paglalarawan ni Ezekiel sa isang ilog na umaagos mula sa templo ni Jehova patungo sa “silanganing dagat” at nagpapagaling sa itaas na bahagi nito anupat nanagana ito sa isda tulad ng Dagat Mediteraneo at matutustusan nito ang isang maunlad na industriya ng pangingisda. (Eze 47:8-10, 18) Dahil sa mataas na densidad ng tubig, madaling lumutang dito ang mga bagay-bagay, at nagiging patag na patag ang tubig sapagkat hindi ito napaaalon ng banayad na hangin.
Sodoma at Gomorra. Karaniwang pinaniniwalaan na ang Sodoma at Gomorra ay matatagpuan malapit sa timugang dulo ng Dagat Asin. Kasama ang mga hari ng mga lunsod na ito sa mga nakipagbaka sa “Mababang Kapatagan ng Sidim, na siyang Dagat Asin.” Ipinahihiwatig ng siniping parirala na ang Mababang Kapatagan ng Sidim nang maglaon ay natabunan ng Dagat Asin. (Gen 14:3) Ang rehiyon ng Sodoma at Gomorra kung saan nanirahan si Lot ay ‘natutubigang mainam, tulad ng hardin ni Jehova.’ (Gen 13:10-12) Sa ngayon, ang kapatagan sa kahabaan ng TS baybayin ay sagana pa rin sa pananim, at makapagtatanim doon ng trigo, sebada, datiles, at punong-ubas. Ang napakaraming bitumen at asin, lalo na sa timugang seksiyong ito, ay tumutugma rin sa ulat ng Bibliya tungkol sa Sodoma at Gomorra.—Gen 14:10; 19:24-26.
[Larawan sa pahina 521]
Mga dalisdis na batong-apog sa kanlurang baybayin ng Dagat Asin