Ang Bibliya—Aklat ng Mapananaligang mga Hula, Bahagi 1
“Gagawa Ako ng Isang Dakilang Bansa Mula sa Iyo”
Sa seryeng ito na may walong bahagi, tatalakayin ng “Gumising!” ang isang kahanga-hangang katangian ng Bibliya—ang mga hula nito, o prediksiyon. Tutulungan ka ng mga artikulong ito na masagot ang sumusunod na mga tanong: Ang mga hula ba ng Bibliya ay inimbento lang ng matatalinong tao? O ang mga prediksiyong ito ba ay nagmula sa Diyos? Inaanyayahan ka naming suriin ang katibayan.
PAG-AALINLANGAN—iyan ang karaniwang saloobin ng mga tao sa ngayon at ganiyan ang nadarama ng ilan tungkol sa Bibliya. Nakalulungkot, marami ang hindi pa talaga nakapagsusuri nito. Ang opinyon nila ay batay lang sa sabi-sabi. Sana’y hindi ganiyan ang pangmalas mo. Kung gayon, suriin natin ang mga ulat ng kasaysayan na tutulong sa atin na makita ang mga katibayan na totoo ang sinasabi ng Bibliya.
Bilang pasimula, talakayin natin ang tungkol sa isang lalaki na iginagalang ng mga Kristiyano, Judio, at Muslim. Isa siyang Hebreo na nabuhay mula 2018 hanggang 1843 B.C.E.a Ang pangalan niya ay Abraham.b
Nakasentro kay Abraham ang ilan sa mga unang hula ng Bibliya—mga hula na nagsasangkot pati sa atin sa ngayon. (Tingnan ang kahong “Isang Pagpapala sa ‘Lahat ng Bansa.’”) Ayon sa aklat ng Genesis, kasama sa mga hulang iyon ang sumusunod: (1) Ang mga inapo ni Abraham ay magiging isang makapangyarihang bansa. (2) Bago mangyari iyon, magiging alipin sila sa isang banyagang lupain. (3) Palalayain sila at mapapasakanila ang lupain ng Canaan. Suriin natin ngayon nang mas detalyado ang mga hulang ito.
Tatlong Mahahalagang Hula
Hula 1: “Gagawa ako ng isang dakilang bansa mula sa iyo [Abraham].”—Genesis 12:2.
Katuparan: Ang mga inapo ni Abraham kina Isaac at Jacob (tinawag ding Israel) ay naging ang sinaunang bansang Israel—isang malayang bansa na may sariling hari.
Ang ipinakikita ng kasaysayan:
● Detalyadong iniuulat ng Bibliya ang linya ng angkan ni Abraham, kasama ang mga inapo niya kina Isaac, Jacob, at sa 12 anak ni Jacob. Kasama rin sa talaangkanan ang maraming hari na namahala sa Israel o Juda. Sa mga tagapamahalang iyon, 17 ang binabanggit sa iba pang rekord ng kasaysayan, na kaayon ng sinasabi sa Bibliya kung paano naging isang bansa ang mga inapo ni Abraham kina Isaac at Jacob.c
Hula 2: “Ang . . . binhi [ni Abraham] ay magiging naninirahang dayuhan sa lupain na hindi kanila, at paglilingkuran nila ang mga ito . . . Ngunit sa ikaapat na salinlahi ay babalik sila rito.”—Genesis 15:13, 16.
Katuparan: Dahil sa isang taggutom sa Canaan, apat na henerasyon ng mga inapo ni Abraham ang nanirahan sa Ehipto, una’y bilang mga dayuhan pero nang dakong huli’y naging mga alipin na tagagawa ng mga laryong gawa sa putik at dayami. Kung titingnan natin ang isa sa mga linya ng pamilya—yaong sa apo sa tuhod ni Abraham na si Levi, na lumipat sa Ehipto kasama ng kaniyang matanda nang ama—ang apat na henerasyon ay (1) si Levi, (2) ang anak niyang si Kohat, (3) ang apo niyang si Amram, at (4) ang apo niya sa tuhod na si Moises. (Exodo 6:16, 18, 20) Noong 1513 B.C.E., pinangunahan ni Moises ang mga Israelita sa pag-alis sa Ehipto.—Tingnan ang talaan ng mahahalagang pangyayari sa ibaba at ang kahong “Tumpak na Pagpepetsa.”
Ang ipinakikita ng kasaysayan:
● Ayon kay James K. Hoffmeier, propesor ng Old Testament and Near Eastern Archaeology, ipinakikita ng mga akdang Ehipsiyo at ng mga tuklas ng arkeolohiya na ang mga Semita (gaya ng sinaunang mga Hebreo) ay pinapayagang makapasok sa Ehipto pati ang kanilang hayupan kapag may taggutom. Pero naging alipin ba roon ang mga Israelita at naging tagagawa ng mga laryo?
● Bagaman hindi espesipikong binabanggit ang mga Israelita sa mga rekord ng Ehipto, ipinakikita ng mga balumbon at mga larawan sa mga libingan doon na inutusan ng mga Ehipsiyo ang mga banyaga para gumawa ng laryo mula sa putik at dayami. Kaayon ng Bibliya, ipinakikita rin ng kanilang mga rekord na ang mga tagapag-utos ay naglilista ng kota para sa paggawa ng laryo. (Exodo 5:14, 19) “Pinatutunayan ng mga rekord ng mga Ehipsiyo,” ang sabi ni Hoffmeier, “na sapilitang pinagtrabaho ang mga banyaga . . . noong panahong inaalipin ang mga Israelita. Bilang konklusyon, lumilitaw na talagang pumasok ang sinaunang mga Hebreo sa Ehipto . . . noong panahon ng taggutom at inalipin sila nang maglaon.”
Hula 3: ‘Ibibigay ko sa iyong binhi ang buong lupain ng Canaan.’—Genesis 17:8.
Katuparan: Bagaman si Moises ang nanguna nang lumabas ang mga Israelita mula sa Ehipto, si Josue, na anak ni Nun, ang nanguna sa bayan nang pumasok ito sa lupain ng Canaan noong 1473 B.C.E.
Ang ipinakikita ng kasaysayan:
● Bagaman magkakaiba ang mga petsang ibinibigay ng mga arkeologo, “dapat nating banggitin ang pagpasok ng mga Israelita sa Canaan, at ang paninirahan nila roon,” ang isinulat ni K. A. Kitchen, retiradong propesor ng Ehiptolohiya.
● Sinasabi ng Bibliya na “sinunog [ni Josue] sa apoy ang [Canaanitang lunsod ng] Hazor.” (Josue 11:10, 11) Sa mga guho ng lunsod na iyon, nakahukay ang mga arkeologo ng tatlong templong Canaanita na wasak na wasak. Nakakita rin sila ng ebidensiya na nasunog ang lunsod noong mga 1400 B.C.E. Ang mga impormasyong ito ay kaayon ng ulat ng Bibliya.
● Ang isa pang Canaanitang lunsod na napagkunan ng ebidensiya ay ang Gibeon, na mga 9.6 na kilometro mula sa Jerusalem. Natukoy ng mga arkeologo ang lunsod nang makatuklas sila ng mga 30 hawakan ng banga kung saan nakaukit ang pangalan ng lunsod. Ang sinaunang mga Gibeonita, di-tulad ng mga nakatira sa Hazor, ay nakipagpayapaan kay Josue at ginawa niya silang “mga tagasalok ng tubig.” (Josue 9:3-7, 23) Bakit ito ang iniatas niya sa kanila? Ayon sa ulat ng 2 Samuel 2:13 at Jeremias 41:12, maraming tubig sa Gibeon. Kaayon ng ulat ng Bibliya, ang Archaeological Study Bible, New International Version ay nagsasabi: “Ang pinakakapansin-pansin sa Gibeon ay ang saganang suplay ng tubig doon: isang malaki at pitong maliliit na bukal.”
● Maraming tauhan sa Bibliya ang binabanggit sa ibang mga rekord ng kasaysayan. Gaya ng nabanggit na, kasama sa mga ito ang 17 hari na nagmula sa angkan ni Abraham at namahala sa Israel o Juda. Kabilang dito sina Ahab, Ahaz, David, Hezekias, Manases, at Uzias. Maliwanag na pinatutunayan ng pag-iral ng maharlikang mga dinastiyang ito na isang bansang tinatawag na Israel ang pumasok at nanirahan sa Canaan.
● Noong 1896, natagpuan ng mga mananaliksik ang Merneptah Stela sa Thebes, Ehipto. Sa relyebeng ito, ipinagmamalaki ni Paraon Merneptah ang kaniyang pagsalakay sa Canaan noong mga 1210 B.C.E. Mababasa sa relyebeng ito ang unang natuklasang di-Biblikal na pagtukoy sa Israel anupat pinatutunayan ang pag-iral ng bansang ito.
Ang Kahalagahan ng Espesipikong Impormasyon
Gaya ng nakita natin, ang Bibliya ay bumabanggit ng maraming espesipikong detalye tungkol sa mga tao, lugar, at mga pangyayari. Sa tulong ng mga ito, maaari nating ikumpara ang ulat ng Bibliya sa iba pang rekord ng kasaysayan at sa gayo’y mapatutunayan natin na natupad ang mga hula ng Bibliya. Tungkol kay Abraham at sa kaniyang binhi, ipinakikita ng ebidensiya na natupad ang mga pangako ng Diyos—ang binhi ni Abraham ay naging isang bansa, inalipin sa Ehipto, at nanirahan sa Canaan nang maglaon. Ipinaaalala ng lahat ng ito ang sinabi ng manunulat ng Bibliya na si Pedro, na mapagpakumbabang kumilala: “Ang hula ay hindi kailanman dumating sa pamamagitan ng kalooban ng tao, kundi ang mga tao ay nagsalita mula sa Diyos habang ginagabayan sila ng banal na espiritu.”—2 Pedro 1:21.
Sa sumunod na mga siglo matapos manirahan sa Canaan ang Israel, nagbago ang takbo ng kasaysayan ng bansa, na humantong sa masasaklap na pangyayari. Ang mga ito rin ay inihula ng mga manunulat ng Bibliya, gaya ng ipakikita sa susunod na isyu.
[Mga talababa]
a Ang “B.C.E.” ay nangangahulugang “Before the Common Era” (Bago ang Karaniwang Panahon).
b Abram ang dating pangalan ni Abraham.
c Tingnan ang 1 Cronica 1:27-34; 2:1-15; 3:1-24. Noong naghahari si Rehoboam, na anak ni Haring Solomon, ang Israel ay nahati sa hilagang kaharian at timugang kaharian. Mula noon, dalawang hari ang sabay na namahala sa Israel.—1 Hari 12:1-24.
[Kahon sa pahina 17]
ISANG PAGPAPALA SA “LAHAT NG BANSA”
Ipinangako ng Diyos na pagpapalain ng mga tao ng “lahat ng bansa” ang kanilang sarili sa pamamagitan ng binhi ni Abraham. (Genesis 22:18) Ginawa ng Diyos na isang bansa ang mga inapo ni Abraham, pangunahin na, para doon magmula ang Mesiyas, na magbibigay ng kaniyang buhay para sa buong sangkatauhan.d Kaya naman makikinabang ka sa pangako ng Diyos kay Abraham! Sinasabi sa Juan 3:16: “Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan anupat ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang bawat isa na nananampalataya sa kaniya ay hindi mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.”
[Talababa]
d Ang mga hula tungkol sa pagkakakilanlan ng Mesiyas ay tatalakayin sa Bahagi 3 at 4 ng seryeng ito.
[Kahon sa pahina 17]
TUMPAK NA PAGPEPETSA
Ang isang halimbawa kung bakit mahalaga ang tumpak na pagpepetsa ng Bibliya ay makikita sa 1 Hari 6:1, na tumutukoy sa panahon kung kailan sinimulan ni Haring Solomon ang pagtatayo ng templo sa Jerusalem. Mababasa roon: “At nangyari nang ikaapat na raan at walumpung taon [479 na buong taon] pagkalabas ng mga anak ni Israel mula sa lupain ng Ehipto, noong ikaapat na taon [ng paghahari ni Solomon], nang buwan ng Ziv, samakatuwid ay noong ikalawang buwan, pagkatapos na si Solomon ay maging hari sa Israel, na pinasimulan niyang itayo ang bahay para kay Jehova.”
Ayon sa kronolohiya ng Bibliya, ang ikaapat na taon ng paghahari ni Solomon ay noong 1034 B.C.E. Kung bibilang ng 479 na taon pabalik mula sa petsang iyon, ang taon ng Pag-alis ng Israel sa Ehipto ay papatak ng 1513 B.C.E.
[Kahon sa pahina 18]
SI ABRAHAM—TALAGANG UMIRAL
● Nakasulat sa mga tapyas na luwad, na mula pa noong pasimula ng ikalawang milenyo B.C.E., ang pangalan ng mga lunsod na kapangalan ng mga kamag-anak ni Abraham. Kabilang dito ang Peleg, Serug, Nahor, Tera, at Haran.—Genesis 11:17-32.
● Ayon sa Genesis 11:31, si Abraham at ang pamilya niya ay umalis sa “Ur ng mga Caldeo.” Ang mga guho ng lunsod na ito ay natuklasan sa timog-silangang Iraq. Sinasabi rin ng Bibliya na ang ama ni Abraham, si Tera, ay namatay sa lunsod ng Haran, na malamang na sakop ngayon ng Turkey, at na ang asawa naman ni Abraham na si Sara ay namatay sa Hebron, isa sa pinakamatandang lunsod sa Gitnang Silangan na tinitirhan pa rin ngayon.—Genesis 11:32; 23:2.
[Chart sa pahina 16, 17]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
MAHAHALAGANG PANGYAYARI HINGGIL SA BINHI NI ABRAHAM AT SA PAG-ALIS NG ISRAEL SA EHIPTO
Apat na henerasyon ng mga inapo ni Abraham
Levi
Kohat
Amram
Moises
(B.C.E.)
1843 Namatay si Abraham
1728 Lumipat si Jacob sa Ehipto kasama ang pamilya niya
1711 Namatay si Jacob
1657 Namatay si Jose
1593 Isinilang si Moises
1513 Pinangunahan ni Moises ang Israel sa pag-alis sa Ehipto
1473 Namatay si Moises. Pinangunahan ni Josue ang mga Israelita sa pagpasok sa Canaan
Panahon ng mga Hukom
1117 Pinahiran ni Samuel si Saul bilang unang hari ng Israel
1107 Isinilang si David
1070 Naging hari ng Israel si David
1034 Sinimulan ni Solomon ang pagtatayo ng templo
[Larawan sa pahina 17]
Ang stelang ito ng tagumpay, na may inskripsiyong “Sambahayan ni David,” ay isa sa mga rekord na bumabanggit sa mga hari mula sa angkan ni Abraham at na namahala sa Israel o Juda
[Credit Line]
© Israel Museum, Jerusalem/The Bridgeman Art Library International