TULARAN ANG KANILANG PANANAMPALATAYA | SARA
Tinawag Siya ng Diyos na “Prinsesa”
HUMINTO muna si Sara sa pagtatrabaho at tumanaw sa malayo. Sa kaniyang pangangasiwa, makikitang masaya at masipag na nagtatrabaho ang mga lingkod niya. Nagtatrabaho rin ang masipag na si Sara. Isip-isiping minamasahe niya ang kaniyang nananakit na mga kamay. Marahil ay napagod siya sa pagtatagpi sa siráng bahagi ng toldang tirahan nila. Ang kupás na telang ito na gawa sa balahibo ng kambing ay nagpapaalaala kay Sara kung gaano na sila katagal nagpapalipat-lipat ng lugar. Mabilis na lumipas ang maghapon, at pagabi na. Nang umaga ng araw na iyon, pinagmasdan niya si Abrahama habang papaalis ito, at ngayon ay nakatanaw siya sa direksiyon ding iyon at hinihintay ang pagbabalik nito. Nang matanaw niya ang kaniyang asawa, napangiti siya.
Sampung taon na mula nang pangunahan ni Abraham ang kaniyang malaking pamilya patawid sa Ilog Eufrates papuntang Canaan. Sinuportahan siya ni Sara sa malayong paglalakbay na ito sa isang lugar na hindi pamilyar sa kanila. Alam niyang may mahalagang papel si Abraham sa layunin ni Jehova na maglaan ng sinang-ayunang supling at ng isang bansa. Pero anong papel kaya ang gagampanan ni Sara? Noon pa man ay baog na siya, at 75 taóng gulang na siya ngayon. Baka iniisip niya, ‘Paano kaya matutupad ang pangako ni Jehova kung ako ang asawa ni Abraham?’ Natural lang na mabahala siya—o mainip pa nga.
Kung minsan, baka iniisip din natin kung kailan matutupad ang mga pangako ng Diyos. Naiinip tayo lalo na kapag hinihintay nating matupad ang mga iyon. Ano ang matututuhan natin sa pananampalataya ni Sara?
“SINARHAN AKO NI JEHOVA”
Kababalik lang ng pamilya ni Abraham mula sa Ehipto. (Genesis 13:1-4) Nagkakampo sila sa bulubunduking silangan ng Bethel, o Luz, gaya ng tawag dito ng mga Canaanita. Mula sa mataas na lugar na iyon, natatanaw ni Sara ang malaking bahagi ng Lupang Pangako. Nakikita niya ang mga nayon ng Canaan, at ang mga daang patungo sa malalayong lupain. Pero walang sinabi iyon kung ikukumpara sa sariling bayan ni Sara. Lumaki siya sa Ur, isang lunsod sa Mesopotamia na 1,900 kilometro ang layo mula sa kinaroroonan nila. Naiwan niya roon ang mga kamag-anak niya, ang kaalwanan sa mayamang lunsod na may mga pamilihan at tindahan, at ang kaniyang komportableng bahay na may kongkretong bubong at mga pader, at baka may sariling tubig pa nga! Pero kung iniisip nating malungkot si Sara habang nakatanaw sa silangan, at nanghihinayang sa maalwang buhay niya roon, hindi pa rin natin kilala ang makadiyos na babaeng ito.
Pansinin ang isinulat ni apostol Pablo mga 2,000 taon na ang nakalipas tungkol sa pananampalataya nina Sara at Abraham: “Kung patuloy nga nilang inalaala ang dakong iyon na kanilang pinanggalingan, nagkaroon sana sila ng pagkakataong bumalik.” (Hebreo 11:8, 11, 15) Wala silang pinanghihinayangan. Kung nanghinayang sila, malamang na ipinasiya nilang bumalik na lang sa Ur. Pero hindi nila makakamit ang napakagandang pribilehiyong iniaalok ni Jehova sa kanila. At tiyak na malilimutan sila sa halip na maging magandang halimbawa ng pananampalataya na umantig sa puso ng milyon-milyong tao.
Sa halip na lumingon sa nakaraan, patuloy na sinuportahan ni Sara si Abraham sa paglalakbay sa lupain. Tumulong siya sa pagliligpit ng tolda, pag-aasikaso sa mga kawan, at pagkakampo. Binatá niya ang mga hamon at pagbabago sa buhay. Inulit ni Jehova ang kaniyang pangako kay Abraham—pero hindi pa rin nababanggit si Sara!—Genesis 13:14-17; 15:5-7.
Sa wakas, nagpasiya si Sara na panahon na para sabihin kay Abraham ang plano niya. Isip-isipin ang magkahalong emosyong nababakas sa kaniyang mukha habang sinasabi niya: “Pakisuyo ngayon! Sinarhan ako ni Jehova mula sa pag-aanak.” Pagkatapos, hiniling niya kay Abraham na magkaroon ng mga anak sa alila niyang si Hagar. Nadarama mo ba ang sakit na nararamdaman ni Sara habang sinasabi niya iyon? Sa ngayon, parang kakaiba ang kahilingang iyon. Pero noon, karaniwan lang sa isang lalaki na kumuha ng pangalawang asawa para magkaroon ng tagapagmana.b Iniisip kaya ni Sara na sa paraang ito, matutupad ang layunin ng Diyos na magkaroon ng isang bansa mula sa mga inapo ni Abraham? Kung iyan man ang nasa isip niya, handa siyang magsakripisyo. Ano ang tugon ni Abraham? Siya ay ‘nakinig sa tinig ni Sara.’—Genesis 16:1-3.
Ipinahihiwatig ba ng ulat na inudyukan ni Jehova si Sara na sabihin iyon kay Abraham? Hindi. Sa halip, ang mungkahi niyang iyon ay ayon lang sa pananaw ng tao. Inakala niyang kagustuhan ng Diyos ang kaniyang pagiging baog, at hindi niya naisip na may iba pang solusyon. Magdudulot ng kirot kay Sara ang kaniyang solusyon. Pero ipinakikita nito na hindi siya makasarili. Kahanga-hanga ito sa isang daigdig na karaniwan nang inuuna ng mga tao ang kanilang sariling kapakanan. Kung handa nating unahin ang kalooban ng Diyos, matutularan natin ang pananampalataya ni Sara.
“IKAW NGA AY TUMAWA”
Di-nagtagal, nagdalang-tao si Hagar. Naisip siguro ni Hagar na mas importante na siya ngayon kaysa kay Sara, kaya hinamak niya ito. Napakasakit nito para sa baog na si Sara! Sa pahintulot ni Abraham at ng Diyos, hiniya ni Sara si Hagar. Isinilang ni Hagar ang isang anak na lalaki, si Ismael, at lumipas pa ang mga taon. (Genesis 16:4-9, 16) Nang magbigay uli ng mensahe si Jehova, si Sara ay 89 na taóng gulang na at si Abraham naman ay 99. Isang napakagandang mensahe ang tinanggap nila!
Muling nangako si Jehova sa kaibigan niyang si Abraham na pararamihin Niya ang supling nito. Binigyan din siya ng Diyos ng bagong pangalan. Ang talagang pangalan niya ay Abram. Pero sa pagkakataong ito, tinawag siya ni Jehova na Abraham, na nangangahulugang “Ama ng Karamihan.” At sa kauna-unahang pagkakataon, sinabi ni Jehova ang magiging papel ni Sara. Pinalitan Niya ang pangalan ni Sarai, na nangangahulugang “Mahilig Makipagtalo,” at ginawa itong Sara. Ano ang kahulugan ng pangalang Sara? “Prinsesa”! Ipinaliwanag ni Jehova kay Abraham kung bakit Sara ang pinili niyang pangalan: “Pagpapalain ko siya at bibigyan din kita ng isang anak na lalaki mula sa kaniya; at pagpapalain ko siya at siya ay magiging mga bansa; mga hari ng mga bayan ang magmumula sa kaniya.”—Genesis 17:5, 15, 16.
Ang tipan ni Jehova tungkol sa isang binhi na magdadala ng pagpapala sa lahat ng bansa ay matutupad sa pamamagitan ng anak na lalaki ni Sara! Ang ipinangalan ng Diyos sa bata ay Isaac, na nangangahulugang “Pagtawa.” Nang unang malaman ni Abraham ang layunin ni Jehova na magkakaanak si Sara, “isinubsob [niya] ang kaniyang mukha at nagsimulang tumawa.” (Genesis 17:17) Gulát na gulát siya, pero masayang-masaya. (Roma 4:19, 20) Kumusta naman si Sara?
Di-nagtagal, may dumating na tatlong di-kilalang lalaki sa tolda ni Abraham. Kainitan ng araw noon, pero nagmamadaling sinalubong sila ng may-edad nang mag-asawang ito. Sinabi ni Abraham kay Sara: “Magmadali ka! Kumuha ka ng tatlong takal na seah ng mainam na harina, lamasin mo ang masa at gumawa ka ng mga tinapay na bilog.” Noon, malaking trabaho ang pagiging mapagpatuloy. Hindi naman iniasa ni Abraham sa kaniyang asawa ang lahat ng trabaho; nagpakatay siya ng isang guyang toro at naghanda pa ng mga pagkain at inumin. (Genesis 18:1-8) Mga anghel pala ni Jehova ang mga “lalaking” iyon! Malamang na ito ang nasa isip ni apostol Pablo nang isulat niya: “Huwag ninyong kalilimutan ang pagkamapagpatuloy, sapagkat sa pamamagitan nito ang ilan, nang hindi nila namamalayan, ay nag-asikaso sa mga anghel.” (Hebreo 13:2) Matutularan mo ba ang pagkamapagpatuloy nina Abraham at Sara?
Nang sabihin uli kay Abraham ng isa sa mga anghel ang pangako ng Diyos na magsisilang si Sara ng anak na lalaki, narinig ito ni Sara na nasa loob ng tolda. Hindi siya makapaniwalang magkakaanak pa siya, kaya hindi niya napigilang mapatawa, at sinabi: “Pagkatapos na ako ay maging lipas na, talaga kayang magkakaroon ako ng kaluguran, bukod pa sa matanda na ang aking panginoon?” Itinuwid ng anghel si Sara at itinanong, “May anumang bagay ba na lubhang pambihira para kay Jehova?” Normal lang ang naging reaksiyon ni Sara, kaya nangatuwiran siya: “Hindi ako tumawa!” Sumagot ang anghel: “Hindi! kundi ikaw nga ay tumawa.”—Genesis 18:9-15.
Ang pagtawa ba ni Sara ay nagpapakitang kulang siya ng pananampalataya? Hindi naman. Sinasabi ng Bibliya: “Sa pananampalataya rin si Sara mismo ay tumanggap ng kapangyarihan na maglihi ng binhi, kahit lampas na siya sa takdang gulang, yamang itinuring niyang tapat siya na nangako.” (Hebreo 11:11) Kilala ni Sara si Jehova. Alam ni Sara na kayang tuparin ni Jehova ang mga pangako niya. Kailangan nating lahat ang ganiyang pananampalataya. Makabubuting kilalanin pa natin ang Diyos ng Bibliya. Kung gagawin natin iyan, makikita nating tama si Sara sa pagkakaroon ng gayong pananampalataya. Talagang tapat si Jehova at tinutupad niya ang lahat ng pangako niya—minsan nga sa paraang hindi natin inaasahan o nakakatawa pa nga!
“PAKINGGAN MO ANG KANIYANG TINIG”
Sa edad na 90, dumating din ang pinakahihintay ni Sara. Isinilang niya ang anak nila ni Abraham! Si Abraham noon ay sandaang taóng gulang na. Ang ipinangalan niya sa anak niya ay Isaac, o “Pagtawa,” gaya ng sinabi ng Diyos. Nakikita mo ba si Sara na pagód pero nakangiting sinasabi: “Ang Diyos ay naghanda ng katatawanan sa akin: pagtatawanan ako ng lahat ng makaririnig niyaon”? (Genesis 21:6) Ang makahimalang regalong iyan ni Jehova ay tiyak na nagpasaya sa buhay ni Sara. Pero may kaakibat itong malaking responsibilidad.
Nang limang taóng gulang na si Isaac, naghanda ng isang piging ang pamilya nang maawat na sa pagsuso ang bata. Pero may problema. Mababasa natin na “laging napapansin” ni Sara na tinutukso ni Ismael, 19-na-taóng-gulang na anak ni Hagar, ang batang si Isaac. Hindi lang ito basta panunukso. Nang maglaon, ang ginagawang ito ni Ismael ay tinawag ni apostol Pablo na pag-uusig. Nakita ni Sara kung ano ang magiging epekto nito sa anak niya. Alam na alam ni Sara na higit pa sa pagiging anak ang papel na gagampanan ni Isaac. May mahalagang papel ito sa layunin ni Jehova. Kaya naglakas-loob siyang kausapin si Abraham. Hiniling niyang palayasin ni Abraham sina Hagar at Ismael.—Genesis 21:8-10; Galacia 4:22, 23, 29.
Paano tumugon si Abraham? Mababasa natin: “Ang bagay na ito ay lubhang minasama ni Abraham may kinalaman sa kaniyang anak.” Mahal niya si Ismael, kaya nananaig ang kaniyang pagiging ama. Pero nakita ni Jehova ang mga bagay-bagay, kaya kumilos siya. Mababasa natin: “Nang magkagayon ay sinabi ng Diyos kay Abraham: ‘Huwag mong masamain ang anumang bagay na laging sinasabi ni Sara sa iyo tungkol sa bata at tungkol sa iyong aliping babae. Pakinggan mo ang kaniyang tinig, sapagkat ang tatawaging iyong binhi ay magiging sa pamamagitan nga ni Isaac.’” Tiniyak ni Jehova kay Abraham na hindi pababayaan si Hagar at ang anak nito. Sumunod sa Diyos ang tapat na si Abraham.—Genesis 21:11-14.
Si Sara ay isang tapat na asawa kay Abraham, isang katuwang. Hindi lang ang mga gustong marinig ng asawa niya ang sinasabi niya. Nang makita niya ang problema, isa na makaaapekto sa kinabukasan ng pamilya nila, magalang niya itong ipinakipag-usap sa asawa niya. Ang kaniyang pagiging prangka ay hindi naman kawalang-galang. Sa katunayan, nang maglaon, tinukoy siya ng may-asawang si apostol Pedro bilang huwaran sa mga asawang babaeng may matinding paggalang sa kanilang asawa. (1 Corinto 9:5; 1 Pedro 3:5, 6) Ang totoo, baka hindi nakapagpakita ng paggalang si Sara kay Abraham kung nanahimik siya tungkol sa isyu, dahil sa posibleng maging resulta nito kay Abraham at sa kaniyang buong pamilya. Mabait na sinabi ni Sara kung ano ang kailangang sabihin.
Tinutularan ng maraming asawang babae si Sara. Natutuhan nila sa kaniya kung paano makikipag-usap nang tapat at may paggalang sa kanilang asawa. Minsan, baka hinihiling ng ilang asawang babae na kumilos din si Jehova gaya ng ginawa niya sa sitwasyon ni Sara. Pero kung hindi man, natututo pa rin sila sa kahanga-hangang pananampalataya, pag-ibig, at pagtitiis ni Sara.
Tinawag ni Jehova si Sara bilang “Prinsesa,” pero hindi niya inasahan na pakikitunguhan siyang gaya ng isang maharlika
Si Jehova mismo ang nagpangalan sa kaniya na “Prinsesa,” pero hindi inasahan ni Sara na pakikitunguhan siyang gaya ng isang maharlika. Hindi nga nakapagtataka na nang mamatay siya sa edad na 127, si Abraham ay humagulgol at tumangis.c (Genesis 23:1, 2) Hinahanap-hanap niya ang kaniyang minamahal na “Prinsesa.” Tiyak na ganiyan din ang nararamdaman ng Diyos na Jehova sa tapat na si Sara—at gusto niyang buhayin siyang muli sa paraisong lupa. Napakaganda at walang-hanggang kinabukasan ang naghihintay kay Sara—at sa lahat ng tumutulad sa kaniyang pananampalataya.—Juan 5:28, 29.
a Ang mag-asawang ito ay nakilala noon bilang Abram at Sarai, pero nang maglaon ay binago ng Diyos ang mga pangalan nila. Para mas madali ang pagtalakay, gagamitin natin ang mga pangalang mas kilala ng mga tao sa ngayon.
b Pansamantalang pinahintulutan ni Jehova ang poligamya o pagkakaroon ng higit sa isang asawa. Pero nang maglaon, binigyan niya ng awtoridad si Jesu-Kristo na ibalik ang pag-aasawa sa orihinal nitong pamantayan ng monogamya, na itinakda sa Eden.—Genesis 2:24; Mateo 19:3-9.
c Si Sara lang ang babae sa Bibliya na iniulat ang edad nang mamatay siya.