May Nakakita Na Ba sa Diyos?
Ang sagot ng Bibliya
Walang taong aktuwal na nakakita sa Diyos. (Exodo 33:20; Juan 1:18; 1 Juan 4:12) Sinasabi ng Bibliya na ang “Diyos ay Espiritu,” isang anyo ng buhay na di-nakikita ng tao.—Juan 4:24; 1 Timoteo 1:17.
Pero dahil espiritung nilalang ang mga anghel, nakikita nila ang Diyos. (Mateo 18:10) Karagdagan pa, ang ilang tao na bubuhaying muli sa langit at magkakaroon ng espiritung katawan ay makakakita rin sa Diyos.—Filipos 3:20, 21; 1 Juan 3:2.
Kung paano “makikita” ang Diyos ngayon
Madalas gamitin ng Bibliya ang ideya ng pagkakita para tumukoy sa pagiging naliwanagan. (Isaias 6:10; Jeremias 5:21; Juan 9:39-41) Kaya makikita ng tao ang Diyos ngayon gamit ang “mga mata ng [kaniyang] puso” kung mananampalataya siya sa Kaniya, at sa gayo’y makilala Siya at mapahalagahan ang mga katangian Niya. (Efeso 1:18) Sinasabi ng Bibliya kung paano tayo magkakaroon ng ganitong uri ng pananampalataya.
Matuto sa mga katangian ng Diyos, gaya ng kaniyang pag-ibig, pagkabukas-palad, karunungan, at kapangyarihan, na makikita sa kaniyang mga nilalang. (Roma 1:20) Matapos mapaalalahanan tungkol sa paglalang ng Diyos, nadama ng tapat na si Job na para bang nakikita niya mismo ang Diyos.—Job 42:5.
Kilalanin ang Diyos sa pamamagitan ng pag-aaral ng Bibliya. Tinitiyak sa atin ng Bibliya: “Kung hahanapin mo [ang Diyos], hahayaan niyang masumpungan mo siya.”—1 Cronica 28:9; Awit 119:2; Juan 17:3.
Matuto tungkol sa Diyos sa pamamagitan ni Jesus. Dahil makikita kay Jesus ang personalidad ng kaniyang Ama, ang Diyos na Jehova, tama lang na sabihin niya: “Siya na nakakita sa akin ay nakakita rin sa Ama.”—Juan 14:9.
Mamuhay sa paraang nagpapasaya sa Diyos, at tingnan kung anong gagawin niya alang-alang sa iyo. Sinabi ni Jesus: “Maligaya ang mga dalisay ang puso, yamang makikita nila ang Diyos.” Gaya ng nabanggit na, ang ilang lingkod ng Diyos ay bubuhaying muli sa langit at “makikita nila ang Diyos.”—Mateo 5:8; Awit 11:7.
Talaga bang nakita nina Moises, Abraham, at ng iba pa ang Diyos?
May mga ulat na para bang sinasabi ng Bibliya na aktuwal na nakita ng tao ang Diyos, pero ipinakikita ng konteksto na isang anghel ang kumatawan sa Diyos o na nagpakita ang Diyos sa pamamagitan ng pangitain.
Mga Anghel.
Noon, nagsusugo ang Diyos ng mga anghel bilang mga kinatawan niya para magpakita sa mga tao at magsalita sa kaniyang pangalan. (Awit 103:20) Halimbawa, minsan ay nakipag-usap ang Diyos kay Moises mula sa isang nagniningas na palumpong, at ayon sa Bibliya, “ikinubli ni Moises ang kaniyang mukha, sapagkat natatakot siyang tumingin sa tunay na Diyos.” (Exodo 3:4, 6) Gayunman, hindi aktuwal na nakita ni Moises ang Diyos dahil ipinakikita ng konteksto na ang talagang nakita niya ay ang “anghel ni Jehova.”—Exodo 3:2.
Gayundin, nang sabihin ng Bibliya na “nagsalita si Jehova kay Moises nang mukhaan,” nangangahulugan ito na nakipag-usap ang Diyos kay Moises nang sarilinan. (Exodo 4:10, 11; 33:11) Hindi naman aktuwal na nakita ni Moises ang mukha ng Diyos, kasi ang impormasyon na tinanggap niya mula sa Diyos ay “inihatid ng mga anghel.” (Galacia 3:19; Gawa 7:53) Dahil napakatibay ng pananampalataya ni Moises sa Diyos, inilarawan siya ng Bibliya na “parang nakikita ang Isa na di-nakikita.”—Hebreo 11:27.
Ganiyan din nang makipag-usap ang Diyos kay Abraham sa pamamagitan ng mga anghel. Totoo, sa pahapyaw na pagbasa sa Bibliya, maaaring magmukhang aktuwal na nakita ni Abraham ang Diyos. (Genesis 18:1, 33) Gayunman, ipinakikita ng konteksto na ang “tatlong lalaking” pumunta kay Abraham ay mga anghel na isinugo ng Diyos. Para kay Abraham, sila ay mga kinatawan ng Diyos at nakipag-usap siya sa kanila na para bang si Jehova ang kinakausap niya.—Genesis 18:2, 3, 22, 32; 19:1.
Mga Pangitain.
Nagpakita rin ang Diyos sa pamamagitan ng mga pangitain, o malinaw na mga larawang nakikita sa isip. Halimbawa, nang sabihin ng Bibliya na “nakita nila ang Diyos ng Israel,” talagang “nagkaroon sila ng pangitain ng tunay na Diyos.” (Exodo 24:9-11) Gayundin, sinasabi kung minsan ng Bibliya na “nakita” ng mga propeta si Jehova. (Isaias 6:1; Daniel 7:9; Amos 9:1) Sa bawat pagkakataon, ipinakikita ng konteksto na hindi tuwirang nagpakita ang Diyos, kundi nagpakita siya sa pangitain.—Isaias 1:1; Daniel 7:2; Amos 1:1.