Ikaw ba’y Natututo Buhat sa Ating Dakilang Tagapagturo?
“AKO’Y nag-aral ng abogasya sa loob ng limang taon sa isa sa pinakamahusay na pamantasan sa Espanya,” ang paliwanag ni Julio. “Subalit ang natutuhan ko nang ako’y magsimulang mag-aral ng Bibliya ay makapupong nakahihigit. Tinuruan ako ng pamantasan kung papaano mag-aral; tinuruan ako ng Bibliya kung papaano mabuhay.”
Sa pamamagitan ng Bibliya ay mababasa natin ang tungkol sa mga kaisipan ng Diyos, ang kaniyang mga simulain, at ang kaniyang mga tagubilin. Inilalarawan ng Kasulatan si Jehova bilang ang “Dakilang Tagapagturo” sapagkat siya ang pinakamagaling na guro sa sansinukob. (Isaias 30:20) Sa literal, sa tekstong Hebreo ay tinatawag Siya na “mga tagapagturo”—isang pangmaramihang anyo na nagpapakita ng kahusayan. Ito’y dapat magpaalaala sa atin na ang pagiging naturuan ni Jehova ay makapupong higit kaysa pagtuturo ng sinumang ibang guro.
Praktikal na Karunungan Mula kay Jehova
Bakit lubhang kapaki-pakinabang ang banal na pagtuturo? Una sa lahat, dahil sa taglay nitong di-mapapantayang halaga. Ang turo ni Jehova ay nagbibigay sa atin ng “praktikal na karunungan.” Isa pa, ang bigay-Diyos na karunungan ay “nag-iingat ng buhay” niyaong nagkakapit nito.—Kawikaan 3:21, 22; Eclesiastes 7:12.
Ang kompositor ng Awit 119 ay nakabatid na ang karunungan ni Jehova ang nagsanggalang sa kaniya sa buong buhay niya. Halimbawa, siya’y umawit: “Ang batas ng iyong bibig ay mabuti para sa akin, higit pa kaysa libu-libong piraso ng ginto at pilak. Kung ang batas mo’y hindi siyang aking kinahumalingan, namatay na sana ako sa aking kadalamhatian. Pinarurunong ako kaysa aking mga kaaway ng iyong utos, sapagkat laging sumasaakin hanggang sa panahong walang-takda. Ako’y nagkaroon ng higit na malalim na unawa kaysa lahat ng aking mga guro, sapagkat ang iyong mga paalaala ay mahalaga sa akin.”—Awit 119:72, 92, 98, 99.
Hindi lamang ang salmista ang ‘namatay na sana sa kaniyang kadalamhatian,’ kung hindi dahil sa batas ni Jehova. Si Rosa, isang kabataang babae sa Espanya, ay kumbinsido na ang kaniyang buhay ay nailigtas dahil ikinapit niya ang maka-Diyos na mga simulain. “Sa edad na 26, dalawang ulit na akong nagtangkang magpatiwakal,” naalaala pa niya.
Si Rosa ay napasangkot sa prostitusyon, gayundin sa pag-aabuso sa alak at droga. “Isang araw, nang ako ay nasa sukdulan na ng kawalang-pag-asa,” aniya, “isang mag-asawang Saksi ang nakipag-usap sa akin tungkol sa kung papaano tayo matutulungan ng Bibliya upang lutasin ang ating mga suliranin. Ako’y nagsimulang mag-aral ng Salita ng Diyos, na nasumpungan kong kawili-wili. Sa loob ng isang buwan ay nagkaroon ako ng lakas na magpasimula sa isang malinis, panibagong pamumuhay. Ngayong ako’y may layunin na sa buhay, hindi ko na kailangang umasa pa sa alak o sa mga droga. At yamang ibig na ibig kong maging kaibigan ni Jehova, ako’y determinadong mamuhay ayon sa kaniyang mga pamantayan. Kung hindi dahil sa praktikal na karunungan ng Salita ng Diyos, natitiyak ko na ngayon ay niwakasan ko na marahil ang aking buhay.”
Tunay, ang karunungan mula kay Jehova ay nagliligtas-buhay. Samakatuwid, makikinabang tayo hindi lamang buhat sa walang kapantay na halaga ng banal na pagtuturo kundi gayundin buhat sa paraan na ginagamit ni Jehova upang turuan ang kaniyang mga lingkod. Yamang inutusan tayo ng Anak ng Diyos, si Jesu-Kristo, na maging mga guro at gumawa ng mga alagad, nais nating matutuhan ang pinakamabibisang paraan ng pagtuturo.—Mateo 28:19, 20.
Paggamit ni Jehova ng mga Ilustrasyon
Sinasabi ng Ebanghelyo ni Marcos na “kung walang ilustrasyon [si Jesus] ay hindi nagsasalita sa kanila.” (Marcos 4:34) Ang katangiang ito ng pagtuturo ni Jesus ay hindi nakapagtataka. Tinularan lamang niya ang isa sa mga paraan kung papaanong ang makahulang mga mensahe ni Jehova ay ipinarating sa bansang Israel. Ang mga ito ay naglalaman ng maraming maliliwanag na ilustrasyon.—Isaias 5:1-7; Jeremias 18:1-11; Ezekiel 15:2-7; Oseas 11:1-4.
Halimbawa, pansinin kung papaano ginagamit ni Jehova ang isang mabisang ilustrasyon upang turuan tayo na ang mga idolo ay walang kabuluhan. Ganito ang sabi ng Isaias 44:14-17: “Pumuputol siya sa ganang kaniya ng mga sedro; at kumukuha siya ng isang uri ng puno, na pagkalaki-laki . . . Siya’y nagtanim ng punong laurel, at . . . iyon ay naging panggatong para sa tao upang patuloy na mag-apoy. Kaya kinukuha niya ang isang bahagi niyaon upang magpainit ng kaniyang sarili. Sa katunayan siya’y nagsisindi ng apoy at naghuhurno ng tinapay. Siya’y gumagawa rin ng isang diyos na kaniyang niyuyukuran. Ginagawa niyang isang nililok na imahen, at nagpapatirapa doon. Ang kalahati niyaon ay aktuwal na ipinanggagatong niya. Ang kalahati ay kaniyang ipinang-iihaw sa karne na kaniyang kinakain, at siya’y nabubusog. . . . Subalit ang nalalabi niyaon ay kaniyang ginagawang isang diyos, ang kaniyang nililok na imahen. Siya ay nagpapatirapa doon at yumuyukod at nananalangin doon at nagsasabi: ‘Iligtas mo ako, sapagkat ikaw ay aking diyos.’ ” Ang mga ilustrasyong katulad nito ay mabibisang kasangkapan sa pagtulong sa mga tapat-puso upang tanggihan ang idolatriya at huwad na mga doktrina.
Mga Tanong na Pumupukaw ng Kaisipan
Ang Bibliya ay naglalaman din ng mga halimbawa kung papaano itinuwid ni Jehova ang pag-iisip ng ilan sa kaniyang mga lingkod sa pamamagitan ng mga tanong na pumupukaw ng kaisipan. Isa sa mga ito ang patriyarkang si Job. Matiyagang tinulungan siya ni Jehova na suriin ang kaniyang pagiging hamak may kaugnayan sa Diyos. Ito ay ginawa sa pamamagitan ng sunud-sunod na tanong, na hindi inaasahang masasagot ni Job.
“Saan ka naroon nang ilagay ko ang mga patibayan ng lupa?” ang tanong ni Jehova kay Job. “Sino ang nagsara ng mga pinto sa dagat? . . . Matatalian mo ba ang pagkakaumpukan ng mga bituin sa Kima, o maluluwagan mo ba ang mismong mga tali ng mga bituin sa Kesil? . . . Ikaw ba ay may bisig na katulad ng sa tunay na Diyos?” Sa pagtatanong na ito na humihila ng pagpapakumbaba ay kasali ang napakahalagang tanong na: “Sasabihin mo bang ako [si Jehova] ay balakyot upang ikaw ay mapasa-matuwid?”—Job 38:4, 8, 31; 40:8, 9.
Ang mapanuring mga tanong na ito ay nagpangyaring makilala ni Job na siya ay nagsalita nang walang unawa. Kaya naman, binawi niya ang kaniyang sinabi at siya’y nagsisi. (Job 42:6) Tulad sa kasong ito, ang mainam ang pagkapiling mga tanong ay maaaring tumulong upang muling maituwid ang di-wastong pag-iisip sa bahagi ng ating mga anak o ng mga estudyante ng Bibliya.
Pagpapasulong ng Pagtitiwala
Kumusta naman kung kailangang tulungan natin ang isa na nakadaramang siya’y di-karapat-dapat o walang kakayahan? Makatutulong sa bagay na ito ay ang pag-uusap ni Jehova at ng kaniyang propetang si Moises. Nang atasan ng Diyos si Moises na maging kaniyang tagapagsalita sa harap ni Faraon at ng mga Israelita, nadama ng propeta na siya’y walang-kakayahang isagawa iyon. “Ang bibig ko’y mabagal at mabagal ang dila,” aniya. Gayunman, ang Diyos ay tumugon: “Sino ang nagbigay ng bibig sa tao? . . . Hindi ba ako, si Jehova? Kaya ngayon ay humayo ka, at ako mismo ang magpapatunay na sumasaiyong bibig at tuturuan kita kung ano ang dapat mong sabihin.”—Exodo 4:10-12.
Inatasan ni Jehova ang kapatid ni Moises na si Aaron bilang kaniyang tagapagsalita, at sila’y humayo upang ganapin ang kanilang gawain sa Ehipto. (Exodo 4:14-16) Marami sa mga Saksi ni Jehova ang nakadama rin ng gaya ng nadama ni Moises na kakulangan ng kakayahan nang sila’y unang sumama sa ministeryo sa bahay-bahay o sa pagpapatotoo sa lansangan. Tulad sa kaso ni Moises, ang pagkaalam na taglay natin ang alalay ni Jehova at na tayo’y sasamahan ng isang may karanasang ministro ay magpapangyaring madaig natin ang ating pag-aatubili. Gaya ni Moises na nakapaglinang ng pagtitiwala hanggang sa punto na makagawa siya ng mabibisang pahayag na masusumpungan sa buong aklat ng Deuteronomio sa Bibliya, sa tulong ni Jehova tayo man ay makapagpapasulong ng ating kakayahang magsalita.
Isang Praktikal na Halimbawa
Kailangan din ang taimtim na hangaring tulungan ang iba. Iyan ang katangian na wala si Jonas. Inatasan ni Jehova si Jonas upang bigyang babala ang mga tao sa Nineve tungkol sa napipintong pagkawasak ng lunsod. Nakapagtataka, nagsisi ang mga taga-Nineve. (Jonas 3:5) Kaya naman, ipinagpaliban ni Jehova ang kapahamakan. Gayunman, sa halip na totoong magalak sa tagumpay ng kaniyang kampanya sa pangangaral, nagalit si Jonas sa bagay na hindi matutupad ang kaniyang inihula. Papaano siya tinulungan ni Jehova upang magkaroon ng tamang pangmalas?
Gumamit si Jehova ng isang halamang upo upang turuan si Jonas ng kahalagahan ng pagmamalasakit sa iba. Ang halaman ay makahimalang lumaki sa magdamag at naglaan ng isang masisilungan para kay Jonas, na nagtayo ng isang kubol sa labas ng Nineve. Si Jonas ay nagsimulang “magsayáng mainam” dahil sa mababang halamang ito. Subalit pinangyari ni Jehova na isang uod ang dumapo sa halaman kung kaya iyon ay natuyo. Palibhasa’y napabilad sa araw at sa nakatutuyong hangin, si Jonas ay nagalit at nagsabi: “Ang aking pagpanaw ay mas mainam kaysa pagiging buháy.” (Jonas 4:5-8) Ano ba ang aral na itinuturo ng lahat ng ito?
Si Jehova ay nagsalita kay Jonas at nagsabi: “Ikaw, sa ganang iyo, ay nanghinayang sa halamang upo, na hindi mo pinagpaguran o pinatubo man, na lumago sa isang gabi at nawala sa isang gabi. At, sa ganang akin, hindi ba ako manghihinayang sa Nineve na dakilang lunsod, na may mahigit na isang daan at dalawampung libong lalaki na hindi nakaáalam ng kaibahan ng kanilang kanang kamay at ng kanilang kaliwa, bukod sa marami pang alagang hayop?”—Jonas 4:9-11.
Anong bisang praktikal na halimbawa! Higit na interesado si Jonas sa halamang upo kaysa sa libu-libong tao. Bagaman ang pagkabahala sa anumang bahagi ng paglalang ng Diyos ay kapuri-puri, ang pagtulong upang mailigtas ang buhay ng mga tao ang siyang pinakamahalagang gawain natin.
Pagtuturo na May Pagtitiis
Gaya ng natuklasan ni Jonas, hindi laging madali na ganapin ang ating ministeryo. (2 Timoteo 4:5) Gayunman, ang isang matiising saloobin sa iba ay makatutulong.
Papaano ka tumutugon kapag ang isa sa iyong mga estudyante ng Bibliya ay mabagal o medyo di-makatuwiran? Tinuturuan tayo ng ating Dakilang Tagapagturo kung papaano haharapin ang gayong suliranin. Nagpakita siya ng pambihirang pagtitiis nang siya’y patuloy na tanungin ni Abraham tungkol sa nalalapit na kahatulan laban sa Sodoma at Gomorra. “Talaga bang lilipulin mo ang matuwid kasama ng masasama?” ang tanong ni Abraham. “Sakaling may limampung taong matuwid sa gitna ng lunsod,” ang pakiusap ni Abraham. “Kung magkagayon ba’y lilipulin mo sila at hindi patatawarin ang dakong iyon alang-alang sa limampung matuwid na nasa loob niyaon?” Ang sagot ni Jehova ay nag-udyok kay Abraham na patuloy na mamanhik hanggang sa ang bilang ay mauwi sa sampu. Batid ni Jehova na tanging ang pamilya ni Lot ang karapat-dapat iligtas, at gumawa ng paglalaan ukol sa bagay na iyan. Subalit matiising pinayagan ng Diyos si Abraham na patuloy na magtanong sa kaniya hanggang sa maunawaan niya ang lawak ng awa ni Jehova.—Genesis 18:20-32.
Isinaalang-alang ni Jehova ang limitadong kaunawaan ni Abraham at ang kaniyang pagkabahala. Kung nauunawaan din natin ang mga limitasyon ng ating estudyante, iyon ay tutulong sa atin upang magtiis samantalang siya’y nagsisikap na maunawaan ang isang partikular na doktrina o mapagtagumpayan ang isang kaugalian na nakatanim na.
Patuloy na Matuto Buhat kay Jehova
Hindi matututulan na ang Diyos na Jehova ang Dakilang Tagapagturo. Sa pamamagitan ng mga ilustrasyon, katanungan, at praktikal na mga halimbawa, siya ay matiising nagkakaloob ng unawa. Kung tinutularan natin ang kaniyang mga pamamaraan sa pagtuturo, tayo mismo ay magiging lalong mabubuting guro.
Yamang ang pagtuturo sa sarili ay hindi dapat kaligtaan niyaong mga nagtuturo sa iba, kailangang tayo’y manatiling “naturuan ni Jehova.” (Isaias 54:13) Sumulat si Isaias: “Ang iyong mga mata ay magiging mga matang nakakakita sa iyong Dakilang Tagapagturo. At ang iyong sariling mga tainga ay makaririnig ng salita sa likuran mo na nagsasabi: ‘Ito ang daan. Dito kayo lumakad, kayong mga tao,’ pagka kayo’y pumipihit sa kanan o pagka kayo’y pumipihit sa kaliwa.” (Isaias 30:20, 21) Sa patuloy na paglakad sa daan ni Jehova at pagtulong sa iba na gawin iyon, magkakaroon tayo ng pambihirang pribilehiyo ng pagkatuto buhat sa ating Dakilang Tagapagturo magpakailanman.
[Larawan sa pahina 28]
Itinanong ni Jehova kay Job: “Sa iyong utos ba lumilipad nang paitaas ang isang agila at gumagawa ito ng kaniyang pugad sa itaas?”
[Larawan sa pahina 28]
Sa pamamagitan ng isang halamang upo, tinuruan ni Jehova si Jonas na higit na magmalasakit sa mga tao