ARALING ARTIKULO 16
Makinig, Maging Maunawain, at Magpakita ng Habag
“Huwag na kayong humatol batay sa inyong nakikita, kundi humatol kayo sa matuwid na paraan.”—JUAN 7:24.
AWIT 101 Naglilingkod Nang May Pagkakaisa
NILALAMANa
1. Anong nakakapagpatibay na katotohanan ang sinabi ng Bibliya tungkol kay Jehova?
MAGUGUSTUHAN mo ba kung hahatulan ka ng mga tao base sa kulay ng balat mo, hugis ng mukha, o laki ng katawan? Malamang na hindi. Buti na lang, hindi tayo hinahatulan ni Jehova base sa nakikita ng tao. Halimbawa, nang makita ni Samuel ang mga anak ni Jesse, hindi niya nakita ang nakita ni Jehova. Sinabi ni Jehova kay Samuel na isa sa mga anak ni Jesse ang magiging hari ng Israel. Pero sino kaya? Nang makita ni Samuel ang panganay ni Jesse na si Eliab, sinabi niya, “Siguradong ito ang pinili ni Jehova.” At mukha ngang hari si Eliab. “Pero sinabi ni Jehova kay Samuel: ‘Huwag kang tumingin sa hitsura niya at kung gaano siya katangkad; hindi ko siya pinili.’” Ang aral? Sinabi ni Jehova: “Ang tao ay tumitingin sa panlabas na anyo, pero si Jehova ay tumitingin sa puso.”—1 Sam. 16:1, 6, 7.
2. Ayon sa Juan 7:24, bakit hindi natin dapat hatulan ang isa base sa hitsura niya? Magbigay ng halimbawa.
2 Dahil hindi tayo perpekto, madalas nating hatulan ang iba base sa hitsura nila. (Basahin ang Juan 7:24.) Pero limitado lang ang puwede nating malaman tungkol sa isang tao kung ang basehan lang ay ang nakikita natin. Halimbawa, kahit magaling at makaranasan ang isang doktor, hindi niya malalaman ang talagang sakit ng pasyente kung basta titingnan lang niya ito. Dapat pakinggang mabuti ng doktor ang pasyente para malaman ang naging problema niya sa kalusugan, ang nararamdaman niya sa sitwasyon niya, o ang mga sintomas na nararanasan niya. Baka ipa-X-ray pa nga siya ng doktor. Kung hindi, baka magkamali ang doktor sa paggamot sa pasyente. Sa katulad na paraan, hindi natin lubusang maiintindihan ang mga kapatid base lang sa hitsura nila. Dapat nating malaman ang pagkatao nila. Siyempre, hindi tayo nakakabasa ng puso, kaya hindi natin sila lubusang maiintindihan, di-gaya ni Jehova. Pero puwede nating gawin ang ating buong makakaya para matularan si Jehova. Paano?
3. Paano makakatulong ang mga ulat sa Bibliya sa artikulong ito para matularan natin si Jehova?
3 Paano pinapakitunguhan ni Jehova ang mga mananamba niya? Nakikinig siya sa kanila, isinasaalang-alang ang pinagmulan at kalagayan nila, at nagpapakita ng habag sa kanila. Habang tinatalakay natin kung paano ito ginawa ni Jehova kina Jonas, Elias, Hagar, at Lot, tingnan kung paano natin matutularan si Jehova sa pakikitungo natin sa mga kapatid.
MAKINIG NANG MABUTI
4. Bakit posibleng hindi maganda ang maging tingin natin kay Jonas?
4 Sa unang tingin, baka isipin nating si Jonas ay di-maaasahan at di-tapat. Tumanggap siya ng direktang utos mula kay Jehova na maghayag ng mensahe ng paghatol sa Nineve. Pero imbes na sumunod, sumakay siya ng barko papunta sa kabilang direksiyon “para takasan si Jehova.” (Jon. 1:1-3) Kung ikaw ang tatanungin, bibigyan mo pa ba si Jonas ng isa pang pagkakataon para magawa ang atas niya? Malamang na hindi. Pero nakita ni Jehova na dapat pa siyang bigyan ng pagkakataon.—Jon. 3:1, 2.
5. Ano ang natutuhan mo tungkol kay Jonas mula sa Jonas 2:1, 2, 9?
5 Nang manalangin si Jonas habang nasa loob ng tiyan ng isda, naipakita niya kung sino talaga siya. (Basahin ang Jonas 2:1, 2, 9.) Makikita natin sa panalanging iyon—malamang na isa sa maraming panalangin ni Jonas—ang magaganda niyang katangian. Mapagpakumbaba siya, mapagpasalamat, at determinadong sumunod kay Jehova. Hindi nga nakakapagtakang pinalampas ni Jehova ang pagkakamali ni Jonas, sinagot ang panalangin nito, at patuloy itong ginamit bilang propeta!
6. Bakit sulit na makinig nang mabuti?
6 Para mapakinggang mabuti ang iba, kailangan nating maging mapagpakumbaba at matiyaga. Tingnan ang tatlong dahilan kung bakit sulit ito. Una, maiiwasan nating makapag-isip agad ng negatibo tungkol sa iba. Ikalawa, malalaman natin ang nararamdaman at motibo ng kapatid, at iyon ang tutulong para maunawaan natin siya. At ikatlo, matutulungan natin ang kapatid na maintindihan ang sarili niya. Kung minsan, naiintindihan lang natin ang nararamdaman natin kapag sinasabi na natin ito sa iba. (Kaw. 20:5) Inamin ng isang elder na taga-Asia: “Minsan, nakapagsalita ako nang hindi muna nakikinig. Sinabi ko sa isang sister na kailangan niyang pasulungin ang mga komento niya sa pulong. Pero nang bandang huli, nalaman kong hiráp pala siyang magbasa kaya hindi gano’n kadali para sa kaniya na magkomento.” Talagang napakahalaga para sa mga elder na “marinig ang mga detalye” bago magpayo!—Kaw. 18:13.
7. Ano ang natutuhan mo sa pakikitungo ni Jehova kay Elias?
7 Dahil sa pinagmulan, kultura, o personalidad ng ilang kapatid, nahihirapan silang sabihin sa iba ang nararamdaman nila. Paano natin sila matutulungang magsabi sa atin? Alalahanin kung paano pinakitunguhan ni Jehova si Elias nang tumakas ito mula kay Jezebel. Lumipas pa ang maraming araw bago nasabi ni Elias kay Jehova ang nararamdaman niya. Nakinig nang mabuti si Jehova. Pinatibay niya si Elias at binigyan ito ng mahalagang atas. (1 Hari 19:1-18) Baka hindi rin agad maging komportable ang mga kapatid na magsabi sa atin, pero kung tutularan natin si Jehova sa pagiging matiyaga, makukuha natin ang tiwala nila. At kapag handa na silang magkuwento, dapat tayong makinig nang mabuti.
KILALANIN ANG MGA KAPATID
8. Ayon sa Genesis 16:7-13, paano tinulungan ni Jehova si Hagar?
8 May ginawang hindi maganda si Hagar, alila ni Sarai, nang maging asawa siya ni Abram. Nagdalang-tao si Hagar at hinamak niya si Sarai dahil wala itong anak. Lumala pa ang sitwasyon nang ipahiya ni Sarai si Hagar kaya lumayas ito. (Gen. 16:4-6) Sa unang tingin, baka isipin nating dapat lang na mapahiya si Hagar dahil nagmalaki siya. Pero hindi ganiyan ang naramdaman ni Jehova. Nagpadala siya ng anghel kay Hagar. Tinulungan ng anghel si Hagar na magbago at pinagpala niya ito. Naramdaman ni Hagar na nakikita ni Jehova ang sitwasyon niya. Kaya tinawag niya si Jehova na “Diyos ng paningin, . . . ang isa na nakakakita sa akin.”—Basahin ang Genesis 16:7-13.
9. Ano ang isinaalang-alang ng Diyos sa pakikitungo niya kay Hagar?
9 Ano ang nakita ni Jehova kay Hagar? Alam na alam niya ang pinagmulan ni Hagar at ang lahat ng pinagdaanan nito. (Kaw. 15:3) Si Hagar ay isang Ehipsiyong naninirahan sa isang sambahayang Hebreo. Nadama ba niya na hindi siya tanggap sa sambahayang iyon? Lagi ba niyang naiisip ang pamilya niya at ang lugar nila? Hindi lang siya ang asawa ni Abram. May ilang tapat na lalaki noon na hindi lang isa ang asawa. Pero hindi ito ang orihinal na layunin ni Jehova. (Mat. 19:4-6) Kaya nga hindi nakakapagtakang puwede itong pagmulan ng selos at galit. Alam ni Jehova na hindi dapat hamakin ni Hagar si Sarai, pero isinaalang-alang niya ang pinagmulan at kalagayan ni Hagar.
10. Paano natin makikilala ang mga kapatid?
10 Matutularan natin si Jehova kung sisikapin nating unawain ang isa’t isa. Kilalanin ang mga kapatid. Makipagkuwentuhan sa kanila bago at pagkatapos ng pulong, samahan sila sa ministeryo, at kung posible, imbitahan silang kumain. Kapag ginawa mo ito, baka makita mong ang sister na inaakala mong suplada ay mahiyain lang pala, ang brother na inaakala mong materyalistiko ay bukas-palad naman pala, o ang isang pamilyang madalas ma-late sa mga pulong ay inuusig pala. (Job 6:29) Siyempre, hindi naman tayo dapat maging “mapanghimasok sa buhay ng iba.” (1 Tim. 5:13) Pero magandang mas makilala ang mga kapatid at malaman ang pinagmulan at pinagdaanan nila para maintindihan natin sila.
11. Bakit mahalagang kilalang-kilala ng mga elder ang mga kapatid?
11 Lalong higit na kailangan ng mga elder na makilala ang mga kapatid na nasa pangangalaga nila. Tingnan ang halimbawa ng tagapangasiwa ng sirkito na si Artur. Dinalaw niya at ng isa pang elder ang isang sister na mukhang mahiyain. “Nalaman naming maaga siyang nabiyuda,” ang sabi ni Artur. “Kahit mahirap, napalaki niyang naglilingkod kay Jehova ang dalawa niyang anak na babae. Ngayon, patuloy nang lumalabo ang mata niya at nade-depress siya. Pero kahit gano’n, nananatili pa rin siyang tapat at mahal na mahal niya si Jehova. Marami kaming natutuhan sa kaniya.” (Fil. 2:3) Tinutularan ng tagapangasiwa ng sirkitong ito si Jehova. Kilala ni Jehova ang mga lingkod niya at alam niya ang hirap na dinaranas nila. (Ex. 3:7) Kaya mas makakatulong ang mga elder sa mga kapatid kung kilalang-kilala nila ang mga ito.
12. Paano nakinabang si Yip Yee nang makilala niya ang isang sister sa kongregasyon nila?
12 Kapag nakilala mo na ang kapatid na kinaiinisan mo, malamang na maiintindihan mo ang kalagayan niya. Tingnan ang isang halimbawa. “Napakalakas magsalita ng isang sister sa kongregasyon namin,” ang sabi ni Yip Yee na taga-Asia. “Parang wala siyang galang. Pero nang maka-partner ko siya sa ministeryo, nalaman kong tumutulong pala siya noon sa mga magulang niya na magbenta ng isda sa palengke. Kailangang malakas ang boses niya para mapansin siya ng mga customer.” Sinabi pa ni Yip Yee: “Natutuhan kong para maunawaan ang mga kapatid, kailangan ko silang makilala.” Kailangan ang pagsisikap para makilala ang mga kapatid. Pero kapag sinunod mo ang payo ng Bibliya na buksang mabuti ang iyong puso, matutularan mo si Jehova na nagmamahal sa “lahat ng uri ng tao.”—1 Tim. 2:3, 4; 2 Cor. 6:11-13.
MAGPAKITA NG HABAG
13. Sa Genesis 19:15, 16, ano ang ginawa ng mga anghel nang hindi magmadali si Lot, at bakit?
13 Sa isang mahalagang bahagi ng buhay niya, hindi agad sumunod si Lot kay Jehova. Dalawang anghel ang dumating para sabihin kay Lot na ilabas sa Sodoma ang pamilya niya. Bakit? Sinabi nila: “Wawasakin namin ang lugar na ito.” (Gen. 19:12, 13) Kinaumagahan, nasa bahay pa rin si Lot at ang pamilya niya. Kaya binabalaan ulit ng mga anghel si Lot. Pero “hindi pa rin siya nagmamadali.” Baka isipin nating hindi masunurin si Lot. Pero hindi siya sinukuan ni Jehova. Dahil “nahabag sa kaniya si Jehova,” hinawakan ng mga anghel ang kamay niya at ng pamilya niya at inilabas sila sa lunsod.—Basahin ang Genesis 19:15, 16.
14. Ano ang maaaring dahilan kung bakit nahabag si Jehova kay Lot?
14 Maaaring may mga dahilan kung bakit nahabag si Jehova kay Lot. Baka takót si Lot sa mga tao sa labas ng lunsod kaya hindi siya agad umalis sa bahay nila. At may iba pang panganib. Malamang na alam ni Lot na may dalawang haring nahulog sa hukay na punô ng bitumen, o aspalto, sa isang malapit na lambak. (Gen. 14:8-12) Bilang asawa at ama, tiyak na nag-aalala si Lot para sa pamilya niya. Isa pa, mayaman si Lot, kaya malamang na maganda ang bahay niya sa Sodoma. (Gen. 13:5, 6) Siyempre, hindi iyon dahilan para hindi niya agad sundin si Jehova. Pero hindi nagpokus si Jehova sa pagkakamali ni Lot at itinuring niya itong “matuwid.”—2 Ped. 2:7, 8.
15. Imbes na hatulan ang isang tao, ano ang dapat nating gawin?
15 Imbes na hatulan ang isang tao, pagsikapan mong unawain siya. Sinubukan ito ni Veronica, isang sister sa Europe. “May isang sister na parang laging wala sa mood,” ang sabi niya. “Lagi niyang inihihiwalay ang sarili niya. Kung minsan, natatakot akong lumapit sa kaniya. Pero naisip ko, ‘Kung ako ang nasa sitwasyon niya, kailangan ko ng kaibigan.’ Kaya kinumusta ko siya. At ikinuwento niya ang nararamdaman niya! Naiintindihan ko na siya ngayon.”
16. Bakit dapat nating hilingin kay Jehova na tulungan tayong maging maunawain?
16 Si Jehova lang ang lubos na nakakaunawa sa atin. (Kaw. 15:11) Kaya hilingin natin sa kaniya na tulungan tayong makita ang nakikita niya sa iba at maunawaan kung paano magpapakita ng habag sa kanila. Nakatulong kay Anzhela ang panalangin para maging mas maunawain siya. Sa kongregasyon nila, may isang sister na mahirap pakisamahan. Inamin ni Anzhela: “Napakadali sanang hatulan ang sister at umiwas sa kaniya. Pero hiniling ko kay Jehova na tulungan akong maunawaan ang sister.” Sinagot ba siya ni Jehova? Idinagdag ni Anzhela: “Magkasama kami sa ministeryo, at pagkatapos no’n, matagal kaming nagkuwentuhan. Pinakinggan ko siya at naunawaan ko siya. Kaya mas mahal ko na siya ngayon at determinado akong tulungan siya.”
17. Ano ang dapat na maging determinasyon natin?
17 Hindi mo puwedeng piliin kung sino sa mga kapatid ang karapat-dapat pagpakitaan ng habag. Lahat sila ay napapaharap sa mga problema gaya rin nina Jonas, Elias, Hagar, at Lot. At madalas, sila rin ang dahilan kaya nagkakaproblema sila. Ang totoo, ganiyan din tayong lahat. Kaya makatuwiran lang na hilingin sa atin ni Jehova na damayan, o unawain, ang isa’t isa. (1 Ped. 3:8) Kapag sinusunod natin si Jehova, nakakatulong tayo sa pagkakaisa ng ating pambuong-daigdig na pamilya. Kaya maging determinado nawa tayong pakinggan, unawain, at pagpakitaan ng habag ang isa’t isa.
AWIT 87 Halikayo at Guminhawa!
a Dahil hindi tayo perpekto, madalas na may nasasabi agad tayo tungkol sa iba at sa mga motibo nila. Pero “si Jehova ay tumitingin sa puso.” (1 Sam. 16:7) Tatalakayin sa artikulong ito kung paano niya pinakitunguhan sina Jonas, Elias, Hagar, at Lot. Matututuhan din natin dito kung paano natin matutularan si Jehova kapag nakikitungo sa mga kapatid.
b LARAWAN: Naiinis ang may-edad na brother dahil na-late sa pulong ang nakababatang brother, pero nalaman niyang nabangga pala ang kotse nito.
c LARAWAN: Noong una, iniisip ng group overseer na suplada ang sister, pero nalaman niyang mahiyain lang pala ito at hindi komportable sa mga hindi nito masyadong kilala.
d LARAWAN: Nang mas makilala ng sister ang isa pang sister, nalaman niyang hindi naman pala ito laging wala sa mood gaya ng inaakala niya noong una silang nagkita sa Kingdom Hall.