Tanong ng mga Mambabasa
Bakit Hiniling ng Diyos kay Abraham na Ihandog Niya ang Kaniyang Anak?
▪ Gaya ng nakaulat sa aklat ng Bibliya na Genesis, hiniling ng Diyos na Jehova kay Abraham na ihandog niya ang kaniyang anak na si Isaac bilang hain. (Genesis 22:2) Hindi ito maunawaan ng ilang mambabasa ng Bibliya. “Nang una kong marinig ito noong bata pa ako, nagalit ako,” ang sabi ng isang propesor na nagngangalang Carol. “Anong uri ng Diyos ang hihiling ng ganun?” Bagaman natural lang na makadama tayo ng ganoon, makatutulong kung aalalahanin natin ang ilang punto.
Una, pag-isipan kung ano ang hindi ginawa ni Jehova. Hindi niya ipinahintulot na maihandog ni Abraham si Isaac kahit na handa naman si Abraham na gawin iyon, at hindi na kailanman humiling si Jehova ng gayon sa iba. Gusto niya na ang lahat ng kaniyang mananamba, pati na ang mga bata, ay patuloy na mabuhay—magtamasa ng mahaba at kasiya-siyang buhay.
Ikalawa, ipinahihiwatig ng Bibliya na may pantanging dahilan si Jehova kung bakit niya hiniling kay Abraham na ihandog si Isaac. Alam ng Diyos na sa hinaharap, hahayaan Niyang mamatay ang Kaniyang sariling Anak,a si Jesus, alang-alang sa atin. (Mateo 20:28) Gusto ni Jehova na ipaunawa sa atin kung gaano kalaking pagsasakripisyo ang gagawin niya. Sa pamamagitan ng hiniling niya kay Abraham, napakalinaw niya itong naipakita. Paano?
Isaalang-alang ang sinabi ni Jehova kay Abraham: “Pakisuyo, kunin mo ang iyong anak, ang iyong kaisa-isang anak na pinakaiibig mo, si Isaac, at . . . ihandog mo siya bilang handog na sinusunog.” (Genesis 22:2) Pansinin na tinukoy ni Jehova si Isaac bilang anak na “pinakaiibig mo.” Alam ni Jehova kung gaano kahalaga si Isaac kay Abraham. Sa katulad na paraan, mahal na mahal ni Jehova si Jesus, anupat dalawang ulit siyang nagsalita mula sa langit na tuwirang tinutukoy si Jesus bilang “ang aking Anak, ang minamahal.”—Marcos 1:11; 9:7.
Pansinin din na gumamit si Jehova ng salitang “pakisuyo” nang humiling siya kay Abraham. Sinasabi ng isang iskolar ng Bibliya na ang paggamit ng Diyos ng salitang ito ay nagpapahiwatig na “nauunawaan ng PANGINOON kung gaano kabigat ang kaniyang hinihiling.” Gaya ng maiisip natin, tiyak na nagdulot ng matinding pagdadalamhati kay Abraham ang kahilingang iyon; sa katulad na paraan, tiyak na gayon na lang katindi ang sakit na nadama ni Jehova habang nakikita niyang nagdurusa ang kaniyang minamahal na Anak hanggang sa ito’y mamatay. Oo, wala nang hihigit pa sa sakit na idinulot nito kay Jehova.
Maaaring hindi natin magustuhan ang hiniling ni Jehova kay Abraham, pero tandaan natin na hindi naman ipinahintulot ni Jehova na maihandog ni Abraham si Isaac. Hindi niya hinayaang maranasan ni Abraham ang sakit ng mawalan ng anak; hindi niya hinayaang mamatay si Isaac. Gayunman, hindi ipinagsanggalang ni Jehova ang “kaniyang sariling Anak kundi ibinigay niya siya para sa ating lahat.” (Roma 8:32) Bakit ginawa iyon ni Jehova? Ito ay upang “magkamit tayo ng buhay.” (1 Juan 4:9) Napakalinaw ngang paalaala kung gaano tayo kamahal ng Diyos! Hindi ba’t napakikilos tayo nito na ipakita rin ang ating pagmamahal sa kaniya?b
[Mga talababa]
a Hindi itinuturo ng Bibliya na ang Diyos ay literal na ama ni Jesus sa pamamagitan ng isang babae. Sa halip, sinasabi nito na nilikha ni Jehova ang espiritung nilalang na isinugo sa lupa at isinilang ng birheng si Maria. Kung gayon, bilang ang Maylalang ni Jesus, ang Diyos ay matatawag na kaniyang Ama.
b Para matuto pa nang higit kung bakit kailangang mamatay si Jesus, at kung paano natin maipakikitang pinahahalagahan natin ito, tingnan ang kabanata 5 ng aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya?