Mga Tanawin Buhat sa Lupang Pangako
Ang Jerusalem—Sentro ng mga Pangyayari sa Bibliya
BAGAMAN karamihan ng bansa ay may kabisera, isang pangunahing lunsod na naroroon ang pinaka-luklukan ng gobyerno, marahil iisipin ng mga estudiyante ng Bibliya na ang Jerusalem ay isang kabisera para sa sangkatauhan. Ito’y dahilan sa ang makasaysayang mga bagay na nangyari roon ay mahalaga sa ating lahat.
Sa itaas, makikita mo ang tanawin na matatanaw mo kung ikaw ay naroon sa mataas na dakong nasa gawing timog ng Jerusalem.a Dalawang libis ang nagsasalubong na kung saan naroroon ang tumpok ng mga luntiang punungkahoy. Ang Libis ng Kidron ay narito sa gawing kanan; sa bandang kanluran, o kaliwa, naroon naman ang Libis ng Hinnom, na pinanggalingan ng pangalang Gehenna sa Bibliya. (Mateo 10:28; 23:33) Sa pagitan (na maliwanag na makikita sa panig na tumatanggap ng silahis ng araw sa harap ng mga nakatayong pader) ay naroon ang sinaunang Lunsod ni David. Sa looban na kulong ng mga pader ay naroon ang dalawang napapaibang mga gusaling Muslim na nasa isang makasaysayang lugar. Pinakamalapit sa pader ay ang kulay pinilakang-asul na simboryo ng isang simbahang Muslim, at sa likod ay naroon ang mas malaking ginintuang bobida ng Simboryo ng Bato.
Subalit bakit nga ang Jerusalem, at lalo na ang patag na lugar na kung saan nakatayo ngayon ang dalawang may simboryong mga gusali, ay magiging makabuluhan sa iyo? Bueno, anong salaysay sa Bibliya ang naiisip mo pagka nakikita mo ang larawan ng isang tupang lalaki na ang mga sungay ay nagkasabit-sabit sa isang punungkahoy? Marahil ay yaong paglalahad tungkol kay Abraham. Oo, siya ang naglakbay kasama ang kaniyang anak na si Isaac hanggang sa makarating sa Bundok Moria, na marahil naroon o malapit sa batuhan na kung saan makikita mo ang dalawang simboryo. Taglay ang pananampalataya, si Abraham ay handang isakripisyo ang kaniyang minamahal na anak, subalit isang anghel ang pumigil sa kaniyang kamay. Pagkatapos ay nakasumpong si Abraham ng “isang tupang lalaki na napasabit ang mga sungay sa isang dawagan” at ito ang kaniyang inihandog na hain “imbis na ang kaniyang anak.” Samakatuwid sa pagtanaw at pagmamasid sa Jerusalem ay maaaring magunita ang madulang pangyayaring ito.—Genesis 22:1-13.
Ang mga iba pang handog na hain ay napatampok nang magtayo si Solomon ng isang marangyang templo kay Jehova sa isang patag na lugar na kung saan naroroon ngayon ang may simboryong mga gusali. (2 Cronica 3:1) Subukan mong gunitain ang mga Israelita nang nagpupunta rito galing sa lahat ng panig ng lupain dala ang kanilang handog na mga haing hayop para sa taunang kapistahan. Ang pinakamahalaga rito ay ang Araw ng Katubusan. Sa araw na iyan, pumipili ng isang kambing at pinakakawalan upang “magtungo sa ilang ukol kay Azazel,” at posible rin na humantong ito sa Libis ng Kidron at pagkatapos sa gawing timog-kanluran tungo sa ilang ng Judea. Isa pang kambing at isang toro ang kinakatay at ang kanilang dugo ay ginagamit na hain upang magsilbing katubusan para sa mga saserdote at sa mga mamamayan. May mga dugo pa nga na dinadala lampas pa roon sa tabing hanggang sa Kabanal-banalan ng templo. Kaya’t mapagmamasdan ninyo ang larawan ng siyudad na taglay ang ganiyan sa isip.—Levitico 16:1-34.
Lahat ng mga haing ito na inihandog sa Jerusalem ay lumarawan sa sakdal na haing inihandog ni Jesu-Kristo. Nang huling gabi niya sa lupa, na napataon sa panahon ng isang bilog na buwan, si Jesus ay nakipagtipon sa kaniyang mga apostol upang ipagdiwang ang huling Paskuwa na naaayon sa Kautusan. Ito’y doon sa isang silid sa itaas na inaakalang nasa lalong mataas na panig ng lunsod sa gawing kaliwa (kanluran) ng kapaligiran ng templo. Pagkatapos na itatag ni Jesus ang Hapunan ng Panginoon, kaniyang isinama ang mga apostol sa Bundok ng Olibo, na nasa kabila pa roon ng Libis ng Kidron, sa gawing silangan (nasa kanan) ng templo.—Lucas 22:14-39.
Bilang isang pantulong sa pagguniguni nito, malasin ninyo ang larawan sa ibaba, na kinuha kung ikaw ay nakatingin sa gawing silangan buhat sa nalolooban ng Jerusalem, posible na buhat sa lugar na kung saan ginanap ni Jesus ang Hapunan ng Panginoon. Buhat sa ganitong pananaw, makikita mo sa ibabang kaliwa ang simboryo (nangangasul-ngasul sa liwanag ng buwan) ng simbahang Muslim sa mataas na dakong kinaroroonan ng templo. Sa banda roon sa gawing silangan ay naroon ang Libis ng Kidron (sa ibaba ng linya ng pananaw) at saka ang mga punungkahoy ng Halamanan ng Gethsemane. Sa gawing itaas sa may kanan ay naroon ang Bundok ng Olibo.
Ang buwan ay halos kabilugan na rin sa Marso 22, 1989, sa panahon na ang mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa buong globo ay magtitipon (pagkalubog ng araw) para sa Hapunan ng Panginoon, bilang pag-alaala sa sakripisyong kamatayan ni Jesus.b Pakisuyong isaplano na kayo’y makadalo. Sa araw na iyan, marahil ay nanaisin ninyo na bulaybulayin ang ilang nakalipas na pangyayaring nakasentro sa Jerusalem at sa malapit dito kaugnay ng pagbubuhos ni Jesus ng kaniyang kaluluwa sa kamatayan. Sa gayo’y ipinagbangong-puri ni Jesus ang pagkamatuwid ni Jehova at tinubos sa kasalanan at kamatayan ang sumasampalatayang sangkatauhan.—1 Corinto 11:23-26; Hebreo 9:11-28.
[Mga talababa]
a Ang 1989 Calendar of Jehovah’s Witnesses ay may ganitong larawan na mas malaki.
b Tingnan Ang Bantayan, Disyembre 15, 1977, pahina 766, 767, para sa higit pang detalye sa pagtantiya ng panahon ng pagdiriwang ng Hapunan ng Panginoon.
[Picture Credit Lines sa pahina 16]
Pictorial Archive (Near Eastern History) Est.
Pictorial Archive (Near Eastern History) Est.