Mamamayan o Banyaga, Tinatanggap Ka ng Diyos!
“Ginawa niya buhat sa isang tao ang bawat bansa ng mga tao, upang tumahan sa buong balat ng lupa.”—GAWA 17:26.
1. Anong kalagayan ang umiiral sa maraming lugar ngayon kung tungkol sa pagtanggap sa mga taong may kulturang banyaga?
ANG mga balita sa mga pahayagan ay nagpapakita na sa maraming lupain tumitindi ang pagkabahala tungkol sa mga banyaga, dayuhan at mga takas. Milyun-milyon ang desperado na lumipat galing sa mga panig ng Asia, Aprika, Europa, at Amerika. Marahil humahanap sila ng lunas buhat sa matinding karalitaan, gera sibil, o pag-uusig. Ngunit sila ba ay tinatanggap saanmang dako? Sinabi ng magasing Time: “Samantalang nagsisimulang magbago ang haluang mga lahi sa Europa, natuklasan ng ibang mga bansa na sila’y hindi mapagparaya sa mga kulturang banyaga gaya ng minsan ay inakala nila.” Sa 18,000,000 takas na “tinatanggihan,” sinabi ng Time: “Ang hamon na kanilang inihaharap sa matatag na mga bansa ay hindi maaalis.”
2, 3. (a) Anong nakagiginhawang katiyakan ang ibinibigay ng Bibliya may kaugnayan sa pagtanggap? (b) Bakit makikinabang tayo sa pagsusuri sa itinuturo ng Kasulatan tungkol sa pakikitungo ng Diyos sa mga bayan?
2 Anuman ang kalabasan nito, nakikita ng Bibliya na tinatanggap ng Diyos ang mga tao sa bawat bansa—kahit na kung ang isang tao ay ipinanganak na isang mamamayan, isang dayuhan, o isang takas. (Gawa 10:34, 35) ‘Gayunman,’ marahil ay itatanong ng iba, ‘papaano mo nasasabi iyan? Hindi ba ang pinili ng Diyos ay tanging ang sinaunang Israel lamang bilang kaniyang bayan, ipinuwera ang iba?’
3 Bueno, tingnan natin kung papaano nakitungo ang Diyos sa sinaunang mga bayan. Maaari rin nating suriin ang ilang mga hula na may kaugnayan sa mga pribilehiyo na maaaring kamtin ng tunay na mga mananamba sa ngayon. Ang pagrerepaso sa makahulang materyal na ito ay maaaring magbigay ng isang lalong malawak na unawa na lubhang mapatutunayan mong nakapagpapatibay-loob. Ipinakikita rin nito, kung papaano maaaring makitungo ang Diyos sa mga tao “ng lahat ng bansa at tribo at bayan at wika” pagkatapos ng malaking kapighatian.—Apocalipsis 7:9, 14-17.
‘Lahat ng Bansa ay Magpapala sa Kanilang Sarili’
4. Papaano nagkaroon ng suliranin ng nasyonalidad, subalit anong mga hakbang ang ginawa ng Diyos?
4 Pagkatapos ng Baha, ang pinakamalapit na pamilya ni Noe ang bumuo sa buong sangkatauhan, at lahat ay mga tunay na mananamba. Subalit di-nagtagal ang pagkakaisang iyon ay nagbago. Di-naglaon, ang ilang mga tao, sa pagwawalang-bahala sa kalooban ng Diyos, ay nagsimulang magtayo ng isang tore. Ito’y humantong sa pagkakawatak-watak ng sangkatauhan sa mga grupong may kani-kaniyang wika na naging nagsipangalat na mga bayan at mga bansa. (Genesis 11:1-9) Gayumpaman, ang tunay na pagsamba ay nagpatuloy sa angkan na aabot hanggang kay Abraham. Ang tapat na si Abraham ay pinagpala ng Diyos at pinangakuan siya na ang kaniyang supling ay magiging isang malaking bansa. (Genesis 12:1-3) Ang bansang iyon ay ang sinaunang Israel.
5. Bakit tayong lahat ay makapagtatamo ng lakas ng loob buhat sa mga pakikitungo ng Diyos kay Abraham?
5 Gayunman, hindi itinatangi ni Jehova ang Israel, sapagkat lahat ng tao ay sakop ng kaniyang layunin. Malinaw na makikita natin ito sa ipinangako ng Diyos kay Abraham: “Sa pamamagitan ng iyong binhi ay pagpapalain nga ng lahat ng bansa sa lupa ang kanilang sarili dahilan sa bagay na nakinig ka sa aking tinig.” (Genesis 22:18) Kahit na gayon, sa loob ng daan-daang taon ang Diyos ay nakitungo sa isang natatanging paraan sa Israel, binigyan sila ng isang pambansang kodigo ng Kautusan, isinaayos na may mga saserdote na maghahandog ng mga hain sa kaniyang templo, at inilaan niya ang Lupang Pangako na titirahan.
6. Papaano makikinabang ang lahat sa mga kaayusan ng Diyos sa pakikitungo ng Israel?
6 Ang Kautusan ng Diyos sa Israel ay mabuti para sa mga tao ng lahat ng bansa sapagkat ipinakita niyaon ang pagkamakasalanan ng tao, na nagpapakita ng pangangailangan ng isang sakdal na hain upang tumakip sa kasalanan ng tao minsan at magpakailanman. (Galacia 3:19; Hebreo 7:26-28; 9:9; 10:1-12) Gayunman, ano ang katiyakan na ang Binhi ni Abraham—na mula roon pagpapalain ng lahat ng bansa ang kanilang sarili—ay darating at tutugon sa mga kuwalipikasyon? Ang Kautusan ng Israel ay tumulong din dito. Ibinawal nito ang pakikipag-asawa sa mga Cananeo, isang bayan na bantog sa imoral na mga gawa at ritwal, tulad halimbawa ng kaugalian na pagsunog nang buháy sa mga bata. (Levitico 18:6-24; 20:2, 3; Deuteronomio 12:29-31; 18:9-12) Iniutos ng Diyos na sila at ang kanilang mga kinaugaliang gawain ay kailangang lipulin. Iyan ang pangmahabang-panahong pakinabang ng lahat, kasali na ang dayuhang mga naninirahan doon, sapagkat iingatan niyaon ang angkan ng Binhi upang huwag sumamâ.—Levitico 18:24-28; Deuteronomio 7:1-5; 9:5; 20:15-18.
7. May anong maagang patotoo na tinanggap ng Diyos ang mga tagaibang bayan?
7 Kahit na noong may bisa pa ang Kautusan at itinatangi ng Diyos ang Israel, siya’y nagpakita ng awa sa mga di-Israelita. Ipinakita niya na handa niyang gawin iyon nang ang Israel ay makalabas sa pagkaalipin sa Ehipto upang tumungo sa kaniyang sariling lupain. “Isang lubhang haluang karamihan ang kasama nilang lumabas.” (Exodo 12:38) Sila’y ipinakilala ni Propesor C. F. Keil bilang “isang pulutong ng mga banyaga . . . isang haluan, o karamihan ng mga tao ng iba’t ibang bansa.” (Levitico 24:10; Bilang 11:4) Malamang na marami sa kanila ay mga Ehipsiyo na tumanggap sa tunay na Diyos.
Pagtanggap sa mga Banyaga
8. Papaano nakasumpong ng dako sa gitna ng bayan ng Diyos ang mga taga-Gabaon?
8 Samantalang tinutupad ng Israel ang utos ng Diyos na lipulin sa Lupang Pangako ang nakapandidiring mga bansa, kaniyang iningatan ang isang grupo ng mga banyaga, ang mga taga-Gabaon, na naninirahan sa gawing hilaga ng Jerusalem. Sila’y nagsugo ng nakabalatkayong mga embahador kay Josue, upang humingi at magtamo ng kapayapaan. Nang ang kanilang pandaraya ay matuklasan, iniutos ni Josue na ang mga taga-Gabaon ay dapat magsilbi bilang mga “tagapangahoy at mga tagaigib ng tubig para sa kapisanan at para sa dambana ni Jehova.” (Josue 9:3-27) Sa ngayon maraming mga dayuhan ang tumatanggap din ng mabababang posisyon sa paglilingkod upang maging bahagi ng isang bagong bayan.
9. Papaanong ang halimbawa ni Rahab at ng kaniyang sambahayan ay nagpapalakas-loob kung tungkol sa mga banyaga sa Israel?
9 Marahil ay magpapatibay-loob sa iyo na malaman na ang tinatanggap ng Diyos ay hindi lamang mga grupo ng mga banyaga noon; ang nagsosolong mga tao ay tinatanggap din. Sa ngayon ang tinatanggap ng ilang mga bansa ay yaon lamang mga dayuhan na may mataas na ranggo sa lipunan, may kayamanan na mapupuhunan, o nakatapos ng mataas na edukasyon. Hindi ganiyan si Jehova, gaya ng makikita natin buhat sa isang pangyayari ilang saglit lang bago naganap ang karanasan ng mga taga-Gabaon. Ito’y tungkol sa isang Cananeo na tiyak na hindi naman nasa mataas na ranggo sa lipunan. Sa Bibliya siya’y tinatawag na “si Rahab na patutot.” Dahilan sa kaniyang pananampalataya sa tunay na Diyos, siya at ang kaniyang sambahayan ay iniligtas nang bumagsak ang Jerico. Bagaman si Rahab ay isang banyaga, siya’y tinanggap ng mga Israelita. Siya’y isang modelo ng pananampalataya na karapat-dapat nating tularan. (Hebreo 11:30, 31, 39, 40; Josue 2:1-21; 6:1-25) Siya’y naging isang ninuno ng Mesiyas.—Mateo 1:5, 16.
10. Ang pagtanggap sa mga banyaga sa Israel ay depende sa ano?
10 Ang mga di-Israelita ay tinanggap sa Lupang Pangako ayon sa kanilang pagsisikap na palugdan ang tunay na Diyos. Ang mga Israelita ay pinagsabihan na huwag makikisama, lalo na kung may kinalaman sa relihiyon, sa mga hindi naglilingkod kay Jehova. (Josue 23:6, 7, 12, 13; 1 Hari 11:1-8; Kawikaan 6:23-28) Gayumpaman, maraming di-Israelitang nakikipamayan doon ang sumusunod sa saligang mga batas. Ang iba’y naging tinuling mga proselita, at sila’y lubos na tinanggap naman ni Jehova bilang mga miyembro ng kaniyang kongregasyon.—Levitico 20:2; 24:22; Bilang 15:14-16; Gawa 8:27.a
11, 12. (a) Papaano dapat pakitunguhan ng mga Israelita ang banyagang mga mananamba? (b) Bakit kailangan natin marahil na mapasulong pa ang pagsunod sa halimbawa ni Jehova?
11 Iniutos ng Diyos sa mga Israelita na tularan ang kaniyang saloobin tungkol sa banyagang mga mananamba: “Ang tagaibang bayan na nakikipamayang kasama ninyo ay inyong aariing tubò sa lupain; at iibigin ninyo na gaya ng inyong sarili, sapagkat kayo’y naging tagaibang bayan sa lupain ng Ehipto.” (Levitico 19:33, 34; Deuteronomio 1:16; 10:12-19) Ito’y nagbibigay ng isang aral para sa atin, kahit na tayo ay wala sa ilalim ng Kautusan. Madali na tayo’y padala sa mga pagtatangi at sa pagkamuhi sa mga tao ng ibang lahi, bansa, o kultura. Kaya makabubuting itanong natin: ‘Sinisikap ko bang alisin sa akin ang gayong mga pagtatangi, bilang pagsunod sa halimbawa ni Jehova?’
12 May nakikitang patotoo ang mga Israelita sa pagtanggap ng Diyos. Si Haring Solomon ay nanalangin: “Tungkol sa tagaibang lupain, na hindi sa iyong bayang Israel at pagka siya’y magbubuhat sa isang malayong lupain dahil sa iyong pangalan . . . at pagka siya’y paririto at dadalangin sa dako ng bahay na ito, dinggin mo nga sa langit . . . upang makilala ng lahat ng bayan sa lupa ang iyong pangalan upang matakot sa iyo.”—1 Hari 8:41-43; 2 Cronica 6:32, 33.
13. Bakit gumawa ng paglalaan ang Diyos na baguhin ang kaniyang mga pakikitungo sa Israel?
13 Samantalang ginagamit pa ni Jehova ang bansang Israel bilang kaniyang bayan at sa gayo’y iniingatan ang angkan na pagmumulan ng Mesiyas, ang Diyos ay humula ng makahulugang mga pagbabago. Mas maaga, nang pumayag ang Israel na makasali sa tipang Kautusan, pumayag ang Diyos na sila’y maaaring siyang pagmulan ng “isang kaharian ng mga saserdote at isang bansang banal.” (Exodo 19:5, 6) Subalit ang Israel ay nagpakita ng kawalang-katapatan sa loob ng daan-daang taon. Kaya inihula ni Jehova na siya’y gagawa ng isang bagong tipan na sa ilalim niyaon yaong mga bubuo ng “sambahayan ng Israel” ay patatawarin sa kanilang kamalian at kasalanan. (Jeremias 31:33, 34) Ang bagong tipan na iyon ay naghintay sa Mesiyas, na ang hain ay tunay na lilinis sa marami buhat sa kasalanan.—Isaias 53:5-7, 10-12.
Mga Israelita sa Langit
14. Anong bagong “Israel” ang tinanggap ni Jehova, at papaano?
14 Ang Kasulatang Griego Kristiyano ay tumutulong sa atin na maunawaan kung papaano natupad ang lahat ng ito. Si Jesus ang Mesiyas, na ang kamatayan ang tumupad sa Kautusan at naglatag ng saligan para sa lubos na kapatawaran ng kasalanan. Upang makamit ang kapakinabangang iyon, ang isa’y hindi na kailangang maging isang Judiong tinuli sa laman. Hindi. Sumulat si apostol Pablo na sa bagong tipan, “siya’y Judio kung sa loob, at ang kaniyang pagtutuli ay yaong sa puso sa espiritu, at hindi sa nasusulat na kautusan.” (Roma 2:28, 29; 7:6) Yaong mga sumasampalataya sa hain ni Jesus ay nagkakamit ng kapatawaran, at sila’y sinasang-ayunan ng Diyos bilang ‘mga Judio sa espiritu,’ na bumubuo ng isang espirituwal na bansang tinatawag na “ang Israel ng Diyos.”—Galacia 6:16.
15. Bakit ang likas na nasyonalidad ay hindi isang kahilingan sa pagiging bahagi ng espirituwal na Israel?
15 Oo, upang ang isa’y tanggapin sa espirituwal na Israel hindi kailangan na ang isa’y manggaling sa isang natatanging bansa o lahi. Ang iba, gaya ng mga apostol ni Jesus, ay likas na mga Judio. Ang iba naman, gaya ng opisyal ng hukbong Romano na si Cornelio, ay di-tuling mga Gentil. (Gawa 10:34, 35, 44-48) Tama ang pagkasabi ni Pablo tungkol sa espirituwal na Israel: “Doo’y walang Griego ni Judio, tuli ni di-tuli, banyaga, Scita, alipin, layâ.” (Colosas 3:11) Yaong mga pinahiran ng espiritu ng Diyos ay nagiging “isang piniling lahi, isang makaharing pagkasaserdote, bansang banal, bayang pantanging pag-aari.”—1 Pedro 2:9; ihambing ang Exodo 19:5, 6.
16, 17. (a) Anong bahagi ang ginagampanan ng espirituwal na mga Israelita sa layunin ng Diyos? (b) Bakit angkop na isaalang-alang yaong mga hindi bahagi ng Israel ng Diyos?
16 Anong hinaharap mayroon ang espirituwal na mga Israelita sa layunin ng Diyos? Sumagot si Jesus: “Huwag kayong matakot, munting kawan, sapagkat sumang-ayon ang inyong Ama na ibigay sa inyo ang kaharian.” (Lucas 12:32) Ang mga pinahiran, na ang “pagkamamamayan ay nasa langit,” ay magiging kasamang mga tagapagmana ng Kordero sa kaniyang paghahari sa Kaharian. (Filipos 3:20; Juan 14:2, 3; Apocalipsis 5:9, 10) Ipinakikita ng Bibliya na ang mga ito ay ‘tinatakan buhat sa mga anak ni Israel’ at “binili sa sangkatauhan bilang mga pangunang bunga sa Diyos at sa Kordero.” Sila’y may bilang na 144,000. Gayunman, pagkatapos ibigay ang pag-uulat ng bilang na ito na tinatakan, si Juan ay nagpapakilala ng isang naiibang grupo—“isang malaking pulutong, na di-mabilang ng sinumang tao, buhat sa lahat ng bansa at tribo at mga bayan at mga wika.”—Apocalipsis 7:4, 9; 14:1-4.
17 Marahil ay magtatanong ang iba: ‘Kumusta naman ang milyun-milyon na hindi bahagi ng espirituwal na Israel, tulad ng mga makatatawid sa malaking kapighatian bilang ang malaking pulutong na iyon? Ano bang bahagi ang kanilang ginagampanan ngayon may kaugnayan sa iilang natitira pang mga nasa espirituwal na Israel?’b
Mga Banyaga sa Hula
18. Ano ang umakay tungo sa pagbabalik ng Israel buhat sa pagkabihag sa Babilonya?
18 Kung babaling tayo sa panahon na nasa ilalim ng tipang Kautusan ang Israel ngunit di-nagtapat doon, makikita natin na ipinasiya ng Diyos na gibain ng mga taga-Babilonya ang Israel. Noong 607 B.C.E., ang Israel ay dinalang bihag nang may 70 taon. Pagkatapos ay tinubos ng Diyos ang bansa. Sa ilalim ng pangunguna ni Gobernador Zerubabel, isang nalabi ng likas na Israel ang bumalik sa kanilang lupain. Ang mga hari ng mga Medo at ng mga Persiano, na nagbagsak sa Babilonya, ay tumulong pa sa pagbibigay ng mga pangangailangan sa magsisibalik na mga bihag. Ang aklat ng Isaias ay humula tungkol sa mga pangyayaring ito. (Isaias 1:1-9; 3:1-26; 14:1-5; 44:21-28; 47:1-4) At si Ezra ay nagbibigay sa atin ng makasaysayang mga detalye tungkol sa pagbabalik na iyon.—Ezra 1:1-11; 2:1, 2.
19. May kaugnayan sa pagbabalik ng Israel, anong hula ang nagpapakita na masasangkot ang mga banyaga?
19 At, sa paghula sa pagtubos at pagbabalik ng bayan ng Diyos, binigkas ni Isaias ang nakagigitlang hulang ito: “Ang mga bansa ay paroroon sa iyong liwanag, at ang mga hari sa ningning ng iyong sikat.” (Isaias 59:20; 60:3) Ito’y nangangahulugan na higit pa kaysa isahang mga banyaga ang tinatanggap, kasuwato ng panalangin ni Solomon. Itinatawag-pansin ni Isaias ang isang di-karaniwang pagbabago sa kalagayan. “Ang mga bansa” ay maglilingkod kasama ng mga anak ng Israel: “Mga banyaga ang aktuwal na magtatayo ng iyong mga pader, at ang kanilang sariling mga hari ay maglilingkod sa iyo; sapagkat sa aking poot ay sinaktan kita, ngunit sa aking kabutihang-loob ay maaawa ako sa iyo.”—Isaias 60:10.
20, 21. (a) Makikita natin sa modernong panahon ang anong kahalintulad sa pagbabalik ng Israel buhat sa pagkabihag? (b) Papaanong ‘mga anak na lalaki at mga anak na babae’ ang pagkatapos ay naparagdag sa espirituwal na Israel?
20 Sa maraming paraan, ang nangyari sa Israel na pagkabihag at pagbabalik mula sa pagkabihag ay may kahalintulad sa espirituwal na Israel sa modernong panahon. Bago sumiklab ang Digmaang Pandaigdig I, ang nalabi ng pinahirang mga Kristiyano ay hindi lubusang nakasusunod sa kalooban ng Diyos; sila’y sumunod sa ilang mga paniniwala at kinahiratiang mga gawain na nanggaling sa mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan. Pagkatapos, sa panahon ng digmaan na laganap ang istirya at sa sulsol pa man din ng klero, ang mga pangunahing nalabi ng espirituwal na Israel ay ibinilanggo nang walang katarungan. Pagkatapos ng digmaan, noong 1919 C.E., ang pinahirang mga nakabilanggong iyan sa literal na piitan ay pinalaya at pinawalang-sala. Ito’y patotoo na ang bayan ng Diyos ay pinalaya buhat sa pagkabihag sa Babilonyang Dakila, ang pambuong-daigdig na imperyo ng huwad na relihiyon. Ang kaniyang bayan ay humayo upang magtayo at maging mga mananahan ng isang espirituwal na paraiso.—Isaias 35:1-7; 65:13, 14.
21 Ito’y ipinakita sa paglalarawan ni Isaias: “Silang lahat ay nangapipisan; sila’y nagsiparoon sa iyo. Buhat sa malayo’y patuloy na dumaragsa ang iyong mga anak na lalaki, at ang iyong mga anak na babae na kakalungin. Kung magkagayon ikaw ay makakakita at tunay na magniningning ka, at ang iyong puso ay titibok at lálakí, sapagkat ang iyong kasaganaan ng dagat ay mapapauwi sa iyo; ang kayamanan ng mga bansa ay darating sa iyo.” (Isaias 60:4, 5) Sa sumunod na mga dekada, ‘mga anak na lalaki at mga anak na babae’ ang patuloy na dumagsa, palibhasa’y pinahiran ng espiritu upang mapalagay sa katapusang mga dako sa espirituwal na Israel.
22. Papaano nagagawa ng “mga banyaga” na gumawang kasama ng espirituwal na mga Israelita?
22 Kumusta naman ang ‘mga banyaga na aktuwal na magtatayo ng iyong mga pader’? Ito ay naganap din sa panahon natin. Samantalang ang pagkatawag sa 144,000 ay malapit nang matapos, isang malaking pulutong buhat sa lahat ng bansa ang nagsimulang makipagpisan sa pagsamba kasama ng espirituwal na Israel. Ang mas bagong mga mananambang ito ay may salig-Bibliyang pag-asang magkamit ng buhay na walang-hanggan sa isang lupang paraiso. Bagaman nagkakaiba ang dakong karoroonan nila sa kanilang tapat na paglilingkod, sila’y nalulugod na tulungan ang pinahirang nalabi sa pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian.—Mateo 24:14.
23. Hanggang saan natulungan ng “mga banyaga” ang pinahiran?
23 Sa ngayon, mahigit na 4,000,000 na “mga banyaga,” kasama yaong mga nalabi ng mga ‘nasa langit ang pagkamamamayan,’ ang nagpapatunay ng kanilang debosyon kay Jehova. Marami sa kanila, mga lalaki at mga babae, mga kabataan at mga may edad na, ang naglilingkod sa buong-panahong ministeryo bilang mga payunir. Sa karamihan ng mahigit na 66,000 kongregasyon, ang gayong mga banyaga ay may dalang pananagutan bilang matatanda at ministeryal na mga lingkod. Ito’y ikinagagalak ng mga nalabi, yamang nakikita ang katuparan ng mga salita ni Isaias: “Ang mga tagaibang lupa ay magsisitayo at magpapastol ng inyong mga kawan, at ang mga banyaga ay magiging inyong mga mang-aararo at inyong mga mang-uubasan.”—Isaias 61:5.
24. Bakit tayo mapatitibay-loob ng mga pakikitungo ng Diyos sa Israel at sa mga iba noong nakalipas?
24 Kaya sa anumang bansa sa lupa isa kang mamamayan, isang dayuhan, o isang takas, ikaw ay may dakilang pagkakataon na maging isang espirituwal na banyaga na buong-pusong tinatanggap ng Makapangyarihan-sa-lahat. Sa kaniyang pagtanggap ay kasali ang posibleng pagtatamasa ng mga pribilehiyo sa paglilingkod sa kaniya ngayon at sa walang-hanggang hinaharap.
[Mga talababa]
a Tungkol sa mga pagkakaiba ng “dayuhang mamamayan,” “dayuhan,” “tagaibang bayan,” at “banyaga,” tingnan ang Insight on the Scriptures, Tomo 1, pahina 72-5, 849-51, lathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
b Mahigit na 10,600,000 ang dumalo sa taunang Memoryal ng Hapunan ng Panginoon na ginanap ng mga Saksi ni Jehova noong 1991, ngunit 8,850 lamang ang nag-aangkin na nalabi ng espirituwal na Israel.
Iyo Bang Pinag-ukulan Ito ng Pansin?
◻ Papaano naghandog ang Diyos ng pag-asa na ang mga tao sa lahat ng bansa ay tatanggapin Niya?
◻ Ano ang nagpapakita na ang mga bayan bukod sa pantanging bayan ng Diyos, ang Israel, ay makalalapit sa Kaniya?
◻ Sa hula, papaano ipinakita ng Diyos na ang mga banyaga ay makikisanib sa Israel?
◻ Ano ang kahalintulad ng pagbabalik ng Israel buhat sa pagkabihag sa Babilonya, at papaano napasangkot ang “mga banyaga”?
[Larawan sa pahina 9]
Si Haring Solomon ay nanalangin tungkol sa mga banyaga na pupunta roon upang sumamba kay Jehova