May Pananampalataya Ka ba na Katulad ng kay Abraham?
“Kapag dumating ang Anak ng tao, talaga kayang matatagpuan niya ang pananampalataya sa lupa?”—LUCAS 18:8.
1. Bakit mahirap na panatilihing matibay ang pananampalataya ng isa ngayon?
HINDI madali na panatilihing matibay ang pananampalataya ng isa sa panahong ito. Lubhang ginigipit ng sanlibutan ang mga Kristiyano upang ilihis ang kanilang pansin mula sa espirituwal na mga bagay. (Lucas 21:34; 1 Juan 2:15, 16) Marami ang kailangang makipagpunyagi upang makaligtas sa mga digmaan, sakuna, sakit, o gutom. (Lucas 21:10, 11) Sa maraming bansa, malakas ang impluwensiya ng sekular na kultura, at ang sinumang namumuhay ayon sa kanilang pananampalataya ay itinuturing na di-makatuwiran, panatiko pa nga. Isa pa, maraming Kristiyano ang pinag-uusig dahil sa kanilang pananampalataya. (Mateo 24:9) Talagang angkop ang tanong na ibinangon ni Jesus halos 2,000 taon na ang nakalipas: “Kapag dumating ang Anak ng tao, talaga kayang matatagpuan niya ang pananampalataya sa lupa?”—Lucas 18:8.
2. (a) Bakit mahalaga sa isang Kristiyano ang matibay na pananampalataya? (b) Kaninong halimbawa ng pananampalataya ang makabubuting isaalang-alang natin?
2 Subalit ang totoo, mahalaga ang matibay na pananampalataya upang magtagumpay tayo sa buhay ngayon at matamo ang ipinangakong buhay na walang hanggan sa hinaharap. Sa pagsipi sa mga salita ni Jehova kay Habacuc, sumulat si apostol Pablo: “ ‘Ang aking matuwid na isa ay mabubuhay dahil sa pananampalataya,’ at, ‘kung siya ay umurong, ang aking kaluluwa ay walang kaluguran sa kaniya.’ . . . Kung walang pananampalataya ay imposibleng palugdan [ang Diyos] nang mainam.” (Hebreo 10:38–11:6; Habacuc 2:4) Sinabi ni Pablo kay Timoteo: “Ipakipaglaban mo ang mainam na pakikipaglaban ng pananampalataya, manghawakan ka nang mahigpit sa buhay na walang-hanggan na ukol dito ay tinawag ka.” (1 Timoteo 6:12) Paano, kung gayon, posible na magkaroon ng di-nasisirang pananampalataya? Sa pagtalakay sa tanong na ito, makabubuting isaalang-alang natin ang isang tao na nabuhay mga 4,000 taon na ang nakaraan, subalit ang kaniyang pananampalataya ay lubhang iginagalang pa rin ng tatlong pangunahing relihiyon—Islam, Judaismo, at Kristiyanismo. Ang taong iyon ay si Abraham. Bakit pambihira ang kaniyang pananampalataya? Matutularan kaya natin siya sa ngayon?
Pagsunod sa Utos ng Diyos
3, 4. Bakit inilipat ni Tera sa Haran ang kaniyang pamilya mula sa Ur?
3 Si Abraham (dating tinawag na Abram) ay unang binanggit sa pasimulang-pasimula ng Bibliya. Sa Genesis 11:26, mababasa natin: ‘Naging anak ni Tera sina Abram, Nahor at Haran.’ Si Tera at ang kaniyang pamilya ay nakatira sa Ur ng mga Caldeo, isang maunlad na lunsod sa timugang Mesopotamia. Gayunman, hindi sila nanatili roon. “Kinuha ni Tera si Abram na kaniyang anak at si Lot, na anak ni Haran, na kaniyang apo, at si Sarai [Sara] na kaniyang manugang, na asawa ni Abram na kaniyang anak, at yumaon silang kasama niya mula sa Ur ng mga Caldeo upang pumaroon sa lupain ng Canaan. Sa kalaunan ay dumating sila sa Haran at nanahanan doon.” (Genesis 11:31) Inilipat din ng kapatid ni Abraham na si Nahor ang kaniyang pamilya sa Haran. (Genesis 24:10, 15; 28:1, 2; 29:4) Subalit bakit lumipat si Tera mula sa maunlad na Ur tungo sa malayong Haran?
4 Mga 2,000 taon makalipas ang panahon ni Abraham, ang di-pangkaraniwang paglipat ng pamilya ni Tera ay ipinaliwanag ng tapat na taong si Esteban, nang siya’y nagsasalita sa harap ng Judiong Sanedrin. Ganito ang sabi niya: “Ang Diyos ng kaluwalhatian ay nagpakita sa ating ninunong si Abraham samantalang siya ay nasa Mesopotamia, bago siya nanahanan sa Haran, at sinabi niya sa kaniya, ‘Lumabas ka mula sa iyong lupain at mula sa iyong mga kamag-anak at pumaroon ka sa lupain na aking ipakikita sa iyo.’ Sa gayon ay lumabas siya mula sa lupain ng mga Caldeo at nanahanan sa Haran.” (Gawa 7:2-4) Nagpasakop si Tera sa kalooban ni Jehova para kay Abraham nang ilipat niya sa Haran ang kaniyang sariling pamilya.
5. Saan nagpunta si Abraham pagkamatay ng kaniyang ama? Bakit?
5 Nanirahan ang pamilya ni Tera sa kanilang bagong lunsod. Pagkaraan ng ilang taon, nang banggitin ni Abraham ang “aking lupain,” ang tinukoy niya ay ang lugar ng Haran, hindi ang Ur. (Genesis 24:4) Gayunpaman, ang Haran ay hindi naging permanenteng tahanan ni Abraham. Ayon kay Esteban, “pagkamatay ng ama [ni Abraham], ay pinangyari ng Diyos na ilipat niya ang kaniyang tirahan sa lupaing ito na inyo ngayong tinatahanan.” (Gawa 7:4) Sa pagsunod sa utos ni Jehova, si Abraham, kasama ni Lot, ay tumawid sa Eufrates patungo sa lupain ng Canaan.a
6. Ano ang pangakong binigkas ni Jehova kay Abraham?
6 Bakit pinalipat ni Jehova si Abraham sa Canaan? Ang dahilan ay may kinalaman sa mga layunin ng Diyos para sa tapat na taong iyon. Sinabi ni Jehova kay Abraham: “Yumaon ka sa iyong lakad mula sa iyong lupain at mula sa iyong mga kamag-anak at mula sa bahay ng iyong ama patungo sa lupain na ipakikita ko sa iyo; at gagawa ako ng isang dakilang bansa mula sa iyo at pagpapalain kita at padadakilain ko ang iyong pangalan; at ikaw ay maging isang pagpapala. At pagpapalain ko yaong mga nagpapala sa iyo, at siya na sumusumpa sa iyo ay susumpain ko, at tiyak na pagpapalain ng lahat ng pamilya sa lupa ang kanilang sarili sa pamamagitan mo.” (Genesis 12:1-3) Si Abraham ay magiging ama ng isang malaking bansa na magtatamasa ng proteksiyon ni Jehova at magmamay-ari ng lupain ng Canaan. Isang napakagandang pangako! Ngunit kinailangang gumawa si Abraham ng malalaking pagbabago sa kaniyang buhay upang manahin ang lupaing iyon.
7. Anong mga pagbabago ang kailangang handang gawin ni Abraham upang manahin niya ang pangako ni Jehova?
7 Nang lisanin ni Abraham ang Ur, iniwan niya ang isang maunlad na lunsod at ang maraming kamag-anak ng kaniyang ama—mahahalagang pinagmumulan ng seguridad noong panahong iyon ng mga patriyarka. Nang lisanin niya ang Haran, inihiwalay niya ang kaniyang sarili mula sa sambahayan ng kaniyang ama, pati na sa pamilya ng kaniyang kapatid na si Nahor, at siya’y lumipat sa isang di-kilalang lupain. Sa Canaan ay hindi siya naghangad ng kaligtasan sa loob ng mga pader ng isang lunsod. Bakit hindi? Hindi pa natatagalan mula nang pumasok si Abraham sa lupain, sinabi ni Jehova sa kaniya: “Gumala ka sa lupain sa buong haba niyaon at sa buong lapad niyaon, sapagkat ibibigay ko iyon sa iyo.” (Genesis 13:17) Sinunod ng 75-taong-gulang na si Abraham at ng kaniyang 65-taong-gulang na asawang si Sara ang mga tagubiling ito. “Sa pananampalataya ay nanirahan siya bilang isang dayuhan sa lupain ng pangako na gaya ng sa ibang lupain, at tumira sa mga tolda.”—Hebreo 11:9; Genesis 12:4.
Pananampalatayang Katulad ng kay Abraham Ngayon
8. Dahil sa halimbawa ni Abraham at ng iba pang sinaunang mga saksi, ano ang dapat nating linangin?
8 Kabilang si Abraham at ang kaniyang pamilya sa malaking “ulap ng mga saksi [bago ng panahong Kristiyano]” na binanggit sa Hebreo kabanata 11. Dahil sa pananampalataya ng mga naunang lingkod na ito ng Diyos, pinasigla ni Pablo ang mga Kristiyano na “alisin . . . ang bawat pabigat at ang kasalanan [kawalan ng pananampalataya] na madaling nakasasalabid sa atin.” (Hebreo 12:1) Oo, ang kawalan ng pananampalataya ay ‘madaling makasasalabid sa atin.’ Ngunit sa panahon ni Pablo at sa panahon natin, nagawa ng mga tunay na Kristiyano na maglinang ng matibay na pananampalataya na katulad ng kay Abraham at ng iba pa noong unang panahon. Sa pagsasalita tungkol sa kaniyang sarili at sa kapuwa mga Kristiyano, sinabi ni Pablo: “Hindi tayo ang uri na umuurong tungo sa pagkapuksa, kundi ang uri na may pananampalataya tungo sa pag-iingat na buháy ng kaluluwa.”—Hebreo 10:39.
9, 10. Ano ang patotoo na marami sa ngayon ang may pananampalatayang katulad ng kay Abraham?
9 Totoo, nagbago na ang daigdig mula noong panahon ni Abraham. Gayunpaman, naglilingkod pa rin tayo sa “Diyos ni Abraham,” at hindi siya nagbabago. (Gawa 3:13; Malakias 3:6) Nararapat sambahin ngayon si Jehova kung paanong nararapat siyang sambahin noong panahon ni Abraham. (Apocalipsis 4:11) Marami ang nag-aalay ng kanilang buong sarili kay Jehova at, tulad ni Abraham, gumagawa ng anumang kinakailangang pagbabago sa kanilang buhay upang magawa ang kalooban ng Diyos. Noong nakaraang taon, 316,092 ang hayagang nagpatotoo ng kanilang pag-aalay sa pamamagitan ng pagpapabautismo sa tubig “sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng banal na espiritu.”—Mateo 28:19.
10 Karamihan sa mga bagong Kristiyanong ito ay hindi kinailangang maglakbay sa malalayong bansa upang matupad ang kanilang pag-aalay. Subalit, sa espirituwal na diwa, marami sa kanila ang naglakbay nang mahabang distansiya. Halimbawa, sa Mauritius, si Elsie ay isang dating manggagaway. Lahat ay takot sa kaniya. Isang special pioneer ang nagsaayos ng pag-aaral ng Bibliya sa anak na babae ni Elsie, at ito ang nagbukas ng daan para kay Elsie na ‘bumaling mula sa kadiliman tungo sa liwanag.’ (Gawa 26:18) Dahil sa interes ng kaniyang anak, pumayag si Elsie na pag-aralan ang Ang Aking Aklat ng mga Kuwento sa Bibliya. Tatlong beses sa isang linggo idinaraos ang pag-aaral sa kaniya dahil palagi siyang nangangailangan ng pampatibay-loob. Hindi siya maligaya sa kaniyang mga gawaing may kinalaman sa okulto, at marami siyang personal na problema. Ngunit nang maglaon, natapos niya ang isang mahabang paglalakbay mula sa demonismo tungo sa tunay na pagsamba. Kapag pumupunta sa kaniya ang mga tao para sa kaniyang serbisyo, ipinaliliwanag niya na si Jehova lamang ang makapagsasanggalang sa kanila mula sa masama. Si Elsie ay isa na ngayong bautisadong Saksi, at 14 katao sa kaniyang pamilya at mga kakilala ang tumanggap na sa katotohanan.
11. Anong mga pagbabago ang handang gawin niyaong nag-aalay ng kanilang sarili kay Jehova?
11 Karamihan sa mga nag-alay ng kanilang sarili sa Diyos noong nakaraang taon ay hindi naman kinailangang gumawa ng gayong malalaking pagbabago. Ngunit ang lahat ay lumipat mula sa pagiging patay sa espirituwal tungo sa pagiging buháy sa espirituwal. (Efeso 2:1) Bagaman nasa sanlibutan pa rin sa pisikal na paraan, hindi na sila bahagi nito. (Juan 17:15, 16) Katulad ng mga pinahirang Kristiyano na ang “pagkamamamayan ay umiiral sa mga langit,” sila ay gaya ng “mga dayuhan at mga pansamantalang naninirahan.” (Filipos 3:20; 1 Pedro 2:11) Iniayon nila ang kanilang buhay sa mga pamantayan ng Diyos, palibhasa’y naganyak higit sa lahat ng pag-ibig sa Diyos at pag-ibig sa kapuwa. (Mateo 22:37-39) Hindi sila nagtataguyod ng mapag-imbot at materyalistikong mga tunguhin o nakadarama ng pangangailangan na mabigyang-kasiyahan ang sarili sa daigdig na ito. Sa halip, ipinapako nila ang kanilang mga mata sa ipinangakong ‘mga bagong langit at isang bagong lupa na sa mga ito ay tatahan ang katuwiran.’—2 Pedro 3:13; 2 Corinto 4:18.
12. Anong gawain na iniulat noong nakaraang taon ang patotoo na si Jesus ay nakasumpong ng “pananampalataya sa lupa” sa panahon ng kaniyang pagkanaririto?
12 Nang lumipat si Abraham sa Canaan, siya at ang kaniyang pamilya ay nag-iisa roon na tanging si Jehova ang aalalay at magsasanggalang sa kanila. Gayunman, ang 316,092 bagong bautisadong Kristiyano ay tiyak na hindi nag-iisa. Totoo, inaalalayan at ipinagsasanggalang sila ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang espiritu, gaya ng ginawa niya kay Abraham. (Kawikaan 18:10) Subalit bukod dito, inaalalayan niya sila sa pamamagitan ng isang masigla at internasyonal na “bansa” na may mas maraming mamamayan kaysa sa ilang sekular na bansa sa ngayon. (Isaias 66:8) Noong nakaraang taon, isang pinakamataas na bilang na 5,888,650 mamamayan ng bansang iyan ang nagpatunay sa kanilang aktibong pananampalataya sa pamamagitan ng pakikipag-usap sa kanilang kapuwa ng tungkol sa mga pangako ng Diyos. (Marcos 13:10) Gumugol sila ng pambihirang dami ng 1,186,666,708 oras sa gawaing ito, anupat sinisikap na hanapin ang mga interesado. Bunga nito, 4,302,852 pag-aaral sa Bibliya ang naidaos sa iba pa na nagnanais maglinang ng pananampalataya. Bilang isa pang pagpapamalas ng kanilang sigasig, 698,781 sa “bansa[ng]” ito ang nakibahagi sa paglilingkod bilang payunir, nang buong-panahon o sa loob ng isang buwan o higit pa. (Masusumpungan sa pahina 12 hanggang 15 ang mga detalye ng gawain ng mga Saksi ni Jehova noong nakaraang taon.) Ang pambihirang rekord na ito ay isang positibo at buháy na tugon sa tanong ni Jesus, “Kapag dumating ang Anak ng tao, talaga kayang matatagpuan niya ang pananampalataya sa lupa?”
Tapat sa Kabila ng mga Pagsubok
13, 14. Ilarawan ang ilan sa mga kahirapang naranasan ni Abraham at ng kaniyang pamilya sa Canaan.
13 Kadalasang naging mahirap ang mga bagay-bagay para kina Abraham at sa kaniyang sambahayan sa Canaan. Minsan, nagkaroon ng matinding taggutom anupat napilitan siyang umalis ng Canaan patungo sa Ehipto. Isa pa, ang tagapamahala ng Ehipto at ang tagapamahala ng Gerar (malapit sa Gaza) ay kapuwa nagtangkang angkinin ang asawa ni Abraham na si Sara. (Genesis 12:10-20; 20:1-18) Nagkaroon din ng mga alitan sa pagitan ng mga tagapastol ng hayupan ni Abraham at ng mga tagapastol ng hayupan ni Lot, at naging sanhi ito ng paghihiwalay ng dalawang sambahayan. Walang-pag-iimbot na unang pinapili ni Abraham si Lot ng lupain, at pinili ni Lot na manirahan sa Distrito ng Jordan, na tila Eden sa kasaganaan at kagandahan nito.—Genesis 13:5-13.
14 Pagkatapos, naipit si Lot sa digmaan sa pagitan ng hari ng malayong Elam at ng kaniyang mga kaanib at ng mga hari ng limang lunsod sa Mababang Kapatagan ng Sidim. Nalupig ng mga banyagang hari ang mga hari sa lugar na iyon at kumuha sila ng malaking samsam, kasama na si Lot at ang kaniyang mga ari-arian. Nang mabalitaan ni Abraham ang nangyari, walang-takot na tinugis niya ang mga banyagang hari at nabawi niya si Lot at ang sambahayan nito, pati na ang mga ari-arian ng mga hari sa lugar na iyon. (Genesis 14:1-16) Gayunman, hindi pa iyan ang pinakamasamang karanasan ni Lot sa Canaan. Sa ilang kadahilanan, nanirahan siya sa Sodoma, sa kabila ng imoral na reputasyon ng lunsod na ito.b (2 Pedro 2:6-8) Nang bigyang-babala ng dalawang anghel na ang lunsod ay pupuksain, si Lot ay tumakas kasama ng kaniyang asawa at mga anak. Gayunman, ipinagwalang-bahala ng asawa ni Lot ang espesipikong tagubilin ng mga anghel at, bunga nito, siya’y nalibing sa asin. May panahon na nanirahan na lamang si Lot sa isang kuweba sa Zoar kasama ng kaniyang dalawang anak na babae. (Genesis 19:1-30) Tiyak na ikinabalisa nang husto ni Abraham ang mga pangyayaring ito, lalo na yamang si Lot ay nakarating sa Canaan bilang bahagi ng sambahayan ni Abraham.
15. Sa kabila ng mga suliraning nakaharap ni Abraham samantalang naninirahan sa mga tolda sa isang di-pamilyar na lupain, anong negatibong kaisipan ang maliwanag na iniwasan niya?
15 Naisip kaya ni Abraham na dapat sana’y nanatili na lamang sila ni Lot sa kapanatagan ng Ur kasama ng mga kamag-anak ng kaniyang ama o kaya’y sa Haran kasama ng kaniyang kapatid na si Nahor? Ninais kaya niya na sana’y nanirahan na lamang siya sa isang ligtas na napapaderang lunsod sa halip na manirahan sa mga tolda? Pinag-alinlanganan kaya niya ang karunungan sa mga pagsasakripisyong ginawa niya sa pagiging isang pagala-gala sa di-pamilyar na lupain? Tungkol kay Abraham at sa kaniyang pamilya, sinabi ni apostol Pablo: “Kung patuloy nga nilang inalaala ang dakong iyon na kanilang pinanggalingan, ay nagkaroon sana sila ng pagkakataong bumalik.” (Hebreo 11:15) Subalit hindi sila bumalik. Palibhasa’y hindi nahadlangan ng mga kahirapan, nanatili sila sa lugar na nais ni Jehova na kalagyan nila.
Pagbabata sa Ngayon
16, 17. (a) Anong mga kagipitan ang nakakaharap ng maraming Kristiyano ngayon? (b) Anong positibong saloobin ang taglay ng mga Kristiyano? Bakit?
16 Gayundin ang pagbabata na makikita sa mga Kristiyano ngayon. Bagaman pinagmumulan ng malaking kagalakan para sa kanila ang paglilingkod sa Diyos, hindi madali ang buhay para sa mga tunay na Kristiyano sa mga huling araw na ito. Bagaman sila’y namumuhay sa isang espirituwal na paraiso, nagigipit din sila sa kabuhayan na gaya ng nararanasan ng kanilang kapuwa. (Isaias 11:6-9) Marami ang naging mga inosenteng biktima ng mga digmaan ng mga bansa, at ang ilan ay nasadlak sa labis na karukhaan bagaman hindi naman nila kasalanan. Karagdagan pa, nagbabata sila ng mga suliranin bunga ng pagiging isang di-popular na minorya. Sa maraming lupain, nangangaral sila ng mabuting balita sa harap ng nakapanghihina-ng-loob na kawalang-interes. Sa ibang lugar naman, sila’y mapanlinlang na sinasalakay ng mga ‘nagbabalangkas ng kabagabagan sa pamamagitan ng dekreto’ at “nagpapahayag na balakyot maging ang dugo ng inosente.” (Awit 94:20, 21) Kahit na sa mga lupain na doo’y hindi inaatake ang mga Kristiyano at kung saan sila’y pinupuri ng ilan dahil sa kanilang matataas na pamantayan, batid nila na sila’y naiiba sa kanilang mga kamag-aral at kamanggagawa—sa halip ay katulad ni Abraham, na nanirahan sa mga tolda samantalang ang karamihan ng mga tao sa palibot niya ay naninirahan sa mga lunsod. Oo, hindi madaling mamuhay sa sanlibutan at gayunma’y “hindi bahagi” nito.—Juan 17:14.
17 Kung gayon, pinagsisisihan ba natin ang ating pag-aalay sa Diyos? Nais kaya natin na sana’y nanatili na lamang tayo na bahagi ng sanlibutan, na katulad ng iba? Ikinalulungkot ba natin ang mga sakripisyong ginawa natin sa paglilingkuran kay Jehova? Tiyak na hindi! Sa halip na panabikan ang nakaraan, kinikilala natin na anuman ang ating isinakripisyo ay walang tunay na halaga kung ihahambing sa mga pagpapalang tinatamasa ngayon at tatamasahin pa sa hinaharap. (Lucas 9:62; Filipos 3:8) Bukod dito, maligaya ba ang mga tao sa sanlibutan? Ang totoo, marami sa kanila ang naghahanap ng mga kasagutang taglay na natin. Nagdurusa sila dahil sa hindi pagsunod sa patnubay na sinusunod natin mula sa Diyos sa pamamagitan ng mga pahina ng Bibliya. (Awit 119:105) At marami sa kanila ang nananabik sa uri ng Kristiyanong pagsasamahan at kalugud-lugod na pakikisalamuha na tinatamasa natin sa piling ng mga kapananampalataya.—Awit 133:1; Colosas 3:14.
18. Ano sa dakong huli ang nagiging resulta kapag ang mga Kristiyano ay nagpapamalas ng lakas ng loob na katulad ng kay Abraham?
18 Totoo, kung minsan ay kailangang maging malakas ang loob natin kagaya ni Abraham nang habulin niya ang mga bumihag kay Lot. Ngunit kapag ganoon tayo, pinagpapala naman ni Jehova ang resulta. Halimbawa, ang pagkakapootan sa Hilagang Ireland ay lumalim bunga ng karahasan ng mga sekta, at nangangailangan ng lakas ng loob upang maging walang kinikilingan. Subalit, sinusunod ng tapat na mga Kristiyano ang mga salita ni Jehova kay Josue: “Magpakalakas-loob ka at magpakatibay. Huwag kang magitla o masindak, sapagkat si Jehova na iyong Diyos ay sumasaiyo saan ka man pumaroon.” (Josue 1:9; Awit 27:14) Sa paglakad ng mga taon ay umani na ng paggalang ang kanilang walang-takot na paninindigan, at sila ngayon ay malayang nakapangangaral sa lahat ng komunidad sa lupaing iyan.
19. Saan maligayang naroroon ang mga Kristiyano, at anong resulta ang may-pagtitiwalang inaasahan nila kapag sinusunod nila ang utos ni Jehova?
19 Hindi natin kailanman dapat pag-alinlanganan na anumang situwasyon ang makaharap natin, kung susundin natin ang utos ni Jehova, ang pangwakas na resulta ay sa kaniyang ikaluluwalhati at sa ating pangmatagalang kapakinabangan. Sa kabila ng mga hamon at sakripisyo, walang dako na nais nating kalagyan maliban sa paglilingkuran kay Jehova, pakikipagsamahan sa ating mga Kristiyanong kapatid at paghihintay nang may pagtitiwala sa walang-hanggang kinabukasan na ipinangako ng Diyos.
[Mga talababa]
a Malamang, inampon ni Abraham ang kaniyang pamangking si Lot nang mamatay ang ama ni Lot na kapatid ni Abraham.—Genesis 11:27, 28; 12:5.
b Sinasabi ng ilan na si Lot ay nanirahan sa isang lunsod para sa higit na kasiguruhan matapos na mapabilang sa samsam ng apat na hari.
Natatandaan Mo Ba?
◻ Bakit mahalaga ang matibay na pananampalataya?
◻ Paano ipinakita ni Abraham na mayroon siyang matibay na pananampalataya?
◻ Paanong ang pag-aalay ay may kaakibat na mga pagbabago sa buhay ng isa?
◻ Bakit maligaya tayong paglingkuran ang Diyos sa kabila ng anumang suliranin na maaaring makaharap natin?
[Mga larawan sa pahina 7]
Handang gumawa ng malalaking pagbabago si Abraham sa kaniyang buhay upang manahin niya ang pangako
[Mga larawan sa pahina 9]
May patotoo na si Jesus ay nakasumpong ng “pananampalataya sa lupa” sa panahon ng kaniyang pagkanaririto