Isang Pag-aasawa na Pinakikinabangan ng Milyun-milyong Nabubuhay Ngayon
“Si Jehovang ating Diyos, ang Makapangyarihan-sa-lahat, ay nagsimula nang maghari. . . . Luwalhatiin natin siya, sapagkat dumating na ang kasal ng Kordero at naghanda na ang kaniyang asawa.”—APOCALIPSIS 19:6, 7.
1. Kailan sisimulang awitin ang makahulang awit ng Apocalipsis 19:6-8, at bakit?
ANG nakaaantig na mga salitang ito ay bahagi ng isang makahulang awit ng tagumpay. Kailan nga ba sisimulang awitin ito? Pagkatapos mapuksa ang napakatagal-nang-panahong kaaway ng pagsamba kay Jehova—ang “Babilonyang Dakila,” ang simbolikong “dakilang patutot” na kumakatawan sa lahat ng uri ng huwad na relihiyon. Siya’y kailangang parusahan dahilan sa paraan ng kaniyang maling pagpapakilala sa Diyos. Anong tuso ng ginawa niyang pagliligaw sa sangkatauhan sa pamamagitan ng kaniyang pakikisangkot sa pulitika, ng kaniyang materyalistikong kasakiman, at ng kaniyang makasalaring pagkapoot sa mga tunay na sumasamba kay Jehova!—Apocalipsis 17:1-6; 18:23, 24; 19:1, 2; Santiago 4:4.
2. (a) Papaano pangyayarihin ni Jehova ang pagkapuksa ng Babilonyang Dakila? (b) Sa halip na purihin si Jehova, ano ba ang gagawin ng mga tagapuksa ng huwad na relihiyon?
2 Di na matatagalan, ang pagpuksa sa kaniya’y ilalagay ng Diyos na Jehova sa puso ng mga pinunong pulitiko ng sanlibutan. (Apocalipsis 17:12, 16, 17) Subalit ang mga tagapuksa ng huwad na relihiyon ay hindi makakasali sa pag-awit ng dakilang awit ng tagumpay. Sa halip, sa ilalim ng impluwensiya ni Satanas, alyas Gog, kanilang aatakihin ang mga nasa tunay na relihiyon, na namumuhay nang may kapayapaan at nananatiling hiwalay sa kasamaan ng sanlibutang ito.—Isaias 2:2-4; Ezekiel 38:2, 8-12; Juan 17:14; Santiago 1:27.
3. Sa anong mga dahilan makikisali sa makalangit na awitan ang mga taong lingkod ni Jehova?
3 Ang ganitong paghamon-sa-Diyos at pag-atake ng mga pinunong pulitiko ay hahantong sa digmaan ng Armagedon, na siyang magdadala ng lubos na pagkapuksa ng mga bansang laban sa relihiyon. Pagkatapos, ang balakyot na impluwensiya ni Satanas at ng kaniyang mga demonyo ay aalisin sa lupa. (Apocalipsis 16:14, 16; 19:11-21; 20:1, 2) Ngayong ang mga puso’y puspos ng pasasalamat, lahat ng makaliligtas na mga tao ay makikisali sa makalangit na awitan: “Purihin mo bayan si Jah, sapagkat si Jehovang ating Diyos, ang Makapangyarihan-sa-lahat, ay nagsimula nang maghari.” (Apocalipsis 19:6) Oo, ang gayong mga pangyayaring yumayanig sa daigdig ay palatandaan ng pasimula ng isang bagong yugto ng panahon. Doon ay naipagbangong-puri na ni Jehova ang kaniyang pagkasoberano at kaniyang naalis na sa lupa ang lahat ng naghahamon sa kaniyang pamamahala. Sa wakas ay sumapit na ang kasalan sa langit. Samantala ang makahulang awitan ay nagpapatuloy: “Mangagalak tayo at magsayang mainam, at luwalhatiin natin siya [si Jehova], sapagkat dumating na ang kasal ng Kordero at naghanda na ang kaniyang asawa.”— Apocalipsis 19:7, 8.
4. (a) Sino ang inilalarawan ng Kordero at ng kaniyang “asawa”? (b) Anong mga tanong ang ibinabangon dito, at papaano natin masusumpungan ang mga sagot?
4 Ang Kordero ay walang iba kundi ang niluwalhating si Jesu-Kristo, at ang kaniyang “asawa” ay ang hustong bilang ng kaniyang 144,000 tapat na pinahirang mga tagasunod na ngayo’y kaisa na niya sa langit. Sama-sama na ang makalangit na mga magkakaisang-palad na ito ang bumubuo ng lahat ng mga miyembro ng Kaharian ng Diyos, na magbabangon sa sangkatauhan, kasali na ang binuhay na mga patay, tungo sa kasakdalan bilang mga tao. (Apocalipsis 5:8-10; 14:1-4; 20:4, 12, 13; 21:3-5, 9, 10; 22:1-3) Ang mga pangyayari kayang hahantong sa pinagpalang kasalang iyan ay lalabas na matagumpay? Papaano ka makikinabang sa kasalang iyan? Upang masumpungan ang mga sagot sa mga tanong na iyan, suriin natin ang mga pangyayaring may kaugnayan sa pag-aasawa ni Isaac, ayon sa nasusulat sa Genesis kabanata 24.
Pinatnubayan ng Diyos ang Pagpili ng Asawa Para kay Isaac
5, 6. Bakit iginiit ni Abraham na si Isaac ay huwag mag-aasawa ng isang Cananeo, at para kanino ito isang mainam na patnubay sa ngayon?
5 Ang ulat ay nagsisimula sa pagbibigay ni Abraham ng mga tagubilin sa tagapamahala ng kaniyang sambahayan, maliwanag na ito’y si Eliezer. (Genesis 15:2; 24:2) “Ikaw ay aking pasusumpain alang-alang kay Jehova,” ang sabi ni Abraham, “na ang aking anak ay hindi mo ikukuha ng asawa sa mga anak na babae ng mga Cananeo na siyang aking pinakikitahanan, kundi paroroon ka sa aking lupain at sa aking mga kamag-anak, at kukuha ka roon ng magiging asawa ng aking anak, si Isaac.”—Genesis 24:3, 4.
6 Bakit ba totoong mapusok si Abraham na igiit na huwag mag-asawa ng isang Cananeo ang kaniyang anak? Sapagkat ang mga Cananeo ay mga inapo ni Canaan, na isinumpa ni Noe. (Genesis 9:25) Isa pa, ang mga Cananeo ay kilala sa kanilang malalaswang ugali, at pinakamahalaga, sila’y hindi mga mananamba kay Jehova. (Genesis 13:13; Levitico 18:3, 17-28) Natural, ibig ni Abraham na ang kaniyang anak ay mag-asawa ng isang buhat sa kaniyang sariling pamilya, ang mga inapo ni Sem, na tumanggap kay Noe ng kinasihang basbas. (Genesis 9:26) Anong inam na patnubay nito para sa mga Kristiyano na nangag-aasawa sa ngayon!—Deuteronomio 7:3, 4.
7. Papaano inihanda ni Abraham ang kaniyang utusan para sa iniatas na gawain sa kaniya?
7 Si Eliezer ay humayo ng paglalakbay sa layong 800 kilometro patungong Mesopotamia. Siya’y humayo na handang-handa, may sampung kamelyong may lulan na mga regalo. (Genesis 24:10) Bukod dito, maaari niyang bulay-bulayin ang nagpapalakas-pananampalatayang mga salitang ito ng kaniyang panginoon: “Si Jehova ang Diyos ng langit . . . ang magsusugo ng kaniyang anghel sa unahan mo, at doon mo nga ikukuha ng magiging asawa ang aking anak.”—Genesis 24:7.
8, 9. (a) Ano ang nangyari nang makarating na si Eliezer sa lungsod ni Nachor? (b) Sa pamamagitan ng anong pagsubok makikilala ang babaing nababagay na maging asawa?
8 Sa wakas, siya’y dumating sa lungsod ni Nachor sa hilagang Mesopotamia. Ang napapagod na mga kamelyo ay pinaluhod ni Eliezer para makapahinga sa tabi ng isang balon sa labas ng lungsod. Iyon ang oras na ang mga babae ay sumasalok ng tubig—isang magandang pagkakataon, wika nga, para humanap si Eliezer ng isang babaing mapapangasawa! Subalit ano bang uri ng babae ang kailangan niya? Ang pinakamaganda ba? Hindi. Si Eliezer ay unang-unang interesado sa isang babaing may maka-Diyos na pagkatao. Ito’y nahahayag sa mapakumbabang panalangin ng pananampalataya na ngayo’y binigkas niya: “Oh Jehova na Diyos ng aking panginoong si Abraham, pakisuyo, pangyarihin mong sa araw na ito na ikaw ay magmagandang-loob sa aking panginoong si Abraham. Narito, ako’y nakatayo sa tabi ng isang bukal ng tubig, at ang mga anak na babae ng mga tao ng lungsod ay nagsisilabas upang umigib ng tubig. At mangyari nga na ang dalagang aking pagsabihan, ‘Pakisuyo, ibaba mo ang iyong banga upang ako’y makainom,’ at siya nga’y magsabi, ‘Uminom ka, at paiinumin ko pati ang iyong mga kamelyo,’ ito ang iyong itatalaga sa iyong lingkod na si Isaac; at sa ganito’y malalaman kong nagpakita ka ng tapat na pag-ibig sa aking panginoon.”—Genesis 24:11-14.
9 Iyon nga ay isang mabuting pagsubok. Sang-ayon sa The New Encyclopœdia Britannica, ang uhaw na uhaw na kamelyo ay nakaiinom ng ‘95 litro ng tubig sa 10 minuto.’ Baka naman ang mga kamelyo ni Abraham ay hindi ganoong katindi ang uhaw, subalit ang mga babae nang panahong iyon ay nakababatid sa kung gaano ang naiinom na tubig ng isang hayop. Tunay, isang napakabait, bukas-palad, at masipag na babae ang magkukusang-loob na iigib ng tubig para sa sampung napapagod na mga kamelyong pag-aari ng isang taong di-kilala.
10, 11. (a) Sa anong pambihirang paraan sinagot ang panalangin ni Eliezer? (b) Papaano nagpakita si Rebeka ng kanais-nais na mga katangian? (c) Papaano naman kumilos si Eliezer?
10 Kahit na bago natapos ni Eliezer ang kaniyang panalangin, iyon ay sinagot, gaya ng sinasabi ng ulat: “At narito lumabas si Rebeka . . . Ngayon ang babae ay totoong kaakit-akit, isang dalaga, at hindi pa nasisipingan ng lalaki; at lumusong sa bukal at pinunô ang kaniyang banga ng tubig at pagkatapos ay umahon. Kaagad na tumakbo ang utusan upang salubungin siya at sinabi: ‘Pakisuyo, bigyan mo ako ng kaunting tubig na maiinom buhat sa iyong banga.’ At sinabi niya: ‘Uminom po kayo, panginoon ko.’ At nagmamadaling ibinaba niya ang kaniyang banga na hawak niya at binigyan siya ng maiinom. At pagkatapos na kaniyang mapainom, sinabi niya: ‘Iyiigib ko rin naman ang inyong mga kamelyo hanggang sa makainom na lahat.’ At ang tubig ng kaniyang banga ay dagli niyang ibinuhos sa inumang labangan at tumakbo pang paulit-ulit sa balon upang umigib ng tubig, at patuloy na sumalok para sa lahat ng kaniyang mga kamelyo.”—Genesis 24:15-20.
11 Si Eliezer ay ‘tumitig nang buong panggigilalas’ samantalang pinagmamasdan niya ang kahima-himalang kasagutang ito sa kaniyang panalangin. Nang matapos na sa kaniyang ginagawa ang kapuri-puring dalaga, kaniyang niregaluhan ito ng isang gintong singsing sa ilong at dalawang gintong pulseras at kaniyang itinanong: “Kanino ka bang anak?” Nang kaniyang mapag-alaman na ito’y apo sa pamangkin ni Abraham, si Eliezer ay yumukod kay Jehova bilang pagsamba nang buong paggalang, na ang sabi: “Purihin si Jehova na Diyos ng aking panginoong si Abraham, na hindi inilayo ang kaniyang maibiging-awa at ang kaniyang pagtatapat sa aking panginoon. Tungkol sa akin, si Jehova ang umakay sa akin tungo sa bahay ng mga kapatid ng aking panginoon.”—Genesis 24:21-27.
12. Papaano nabuo ang kasunduan sa tahanan ni Rebeka?
12 Tuwang-tuwa si Rebeka na nagtatakbong pauwi upang ibalita iyon sa kaniyang pamilya. Nang maglaon, nang marinig ng ama at ng kapatid ni Rebeka buhat sa sariling bibig ni Eliezer ang layunin ng kaniyang paglalakbay at kung papaano sinagot ni Jehova ang kaniyang panalangin, sila’y sumang-ayon nang walang pag-aatubili na si Rebeka’y maging asawa ni Isaac. “At nangyari na pagkarinig ng utusan ni Abraham ng kanilang mga salita, siya’y agad-agad nagpatirapa sa lupa sa harap ni Jehova. At ang utusan ay naglabas ng mga hiyas na pilak at mga hiyas na ginto at mga damit at ibinigay kay Rebeka; at siya’y nagbigay ng mahahalagang bagay sa kaniyang kapatid na lalaki at sa kaniyang ina.”—Genesis 24:52, 53.
Ang Tugon ng Nobya at ng Kaniyang mga Abay
13. Papaano napatunayan kung sino ang talagang napili ni Jehova?
13 Papaano nga ba minalas ni Rebeka ang pribilehiyo na pagiging kinasihan ng Diyos na mapili bilang magiging asawa ni Isaac? Kinabukasan ay may nangyari na nagsiwalat ng kaniyang tunay na panloob na damdamin. Pagkatapos na maganap ang layunin ng kaniyang pagpunta roon, ang ibig ni Eliezer ay umuwi na kaagad sa kaniyang panginoon. Subalit ang pamilya ni Rebeka ay may nais na makapiling pa nila ang nobya sa loob ng di-kukulangin na sampung araw. Kaya’t itinanong kay Rebeka kung handa siyang lumisan na karakaraka. “Handa ako,” aniya. Ang pagsang-ayong lisanin ang kaniyang pamilya karakaraka at maglakbay patungo sa isang malayong lupain upang maging asawa ng isang lalaking hindi pa niya nakikita kailanman ay isang pambihirang pagpapakita ng pananampalataya sa patnubay ni Jehova. Ito ang nagpatunay na siya ang talagang napili.—Genesis 24:54-58.
14. (a) Sino ang mga kasama ni Rebeka? (b) Anong uri ng paglalakbay ang kanilang naranasan?
14 Si Rebeka ay may mga kasama sa kaniyang paglalakbay. Gaya ng paliwanag ng ulat: “Tumindig si Rebeka at ang kaniyang mga abay at sila’y sumakay sa mga kamelyo.” (Genesis 24:61) Kaya’t ang may sakay na mga kamelyo ay nagsimula ng isang mapanganib na paglalakbay sa layong mahigit na 800 kilometro sa banyagang teritoryo. “Ang katamtamang bilis ng mga kamelyong may lulan,” ang sabi ng aklat na The Living World of Animals, “ay humigit-kumulang 4 na k[ilometro] p[or] o[ra].” Kung ganiyan kabilis maglakbay ang mga kamelyo ni Abraham sa loob ng walong oras isang araw, gugugol ng mahigit na 25 araw bago marating ang kanilang pupuntahan sa Negeb.
15. (a) Anong magandang halimbawa ang makikita natin kay Eliezer, Rebeka, at sa kaniyang mga abay? (b) Sa ano lumalarawan ang ulat?
15 Si Eliezer, si Rebeka, at ang kaniyang mga abay ay lubusang tumiwala sa patnubay ni Jehova, isang magandang halimbawa para sa mga Kristiyano ngayon! (Kawikaan 3:5, 6) Bukod dito, ang ulat ay isang nagpapalakas-pananampalatayang hulang dula. Gaya ng nakita na natin, si Abraham ay lumalarawan sa Diyos na Jehova, na naghandog ng kaniyang sinisintang Anak, ang Lalong-dakilang Isaac, upang ang makasalanang mga tao’y magtamo ng buhay na walang-hanggan. (Juan 3:16) Ang paghahanda para sa pag-aasawa ni Isaac ay ginanap makalipas ang kaunting panahon pagkatapos na siya’y iligtas sa kamatayan sa dambana ng hain. Ito ay lumalarawan sa paghahanda para sa makalangit na kasalan, anupa’t ang paghahanda ay nagsimula nang puspusan pagkatapos na buhaying-muli si Jesus.
Ang Kasal ng Lalong-dakilang Isaac
16. Papaano, sa angkop na paraan, lumalarawan ang utusan ni Abraham sa banal na espiritu ng Diyos? (b) Anong tanong ang maihaharap tungkol sa espiritu at sa nobya?
16 Ang pangalang Eliezer ay nangangahulugang “Ang Diyos Ko’y Tumutulong.” Sa pangalan at sa gawa, siya’y angkop na lumalarawan sa banal na espiritu ng Lalong-dakilang Abraham, ang Diyos na Jehova, na Kaniyang sinugo sa malayong lupaing ito, ang ating mundo, upang pumili ng isang karapatdapat na nobya para sa Lalong-dakilang Isaac, si Jesu-Kristo. (Juan 14:26; 15:26) Ang uring nobya ay “ang kongregasyon,” na binubuo ng mga alagad ni Jesus na inianak ng banal na espiritu bilang espirituwal na mga anak ng Diyos. (Efeso 5:25-27; Roma 8:15-17) Kung papaanong si Rebeka’y tumanggap ng mamahaling mga regalo, gayundin ang mga unang miyembro ng kongregasyong Kristiyano noong araw ng Pentecostes 33 C.E. ay tumanggap ng kahima-himalang mga kaloob bilang katunayan ng banal na pagkatawag sa kanila. (Gawa 2:1-4) Tulad ni Rebeka, kusang iniwanan na nila ang lahat ng makasanlibutan at makalamang kaugnayan upang sa wakas ay makaisa ng kanilang makalangit na Nobyo. Buhat sa panahon na ang indibiduwal na mga miyembro ng uring nobya ay tawagin hanggang sa kanilang kamatayan, kailangang pakaingatan nila ang kanilang espirituwal na pagkadalaga samantalang naglalakbay sa mapanganib, na nakatutuksong sanlibutan ni Satanas. (Juan 15:18, 19; 2 Corinto 11:3; Santiago 4:4) Puspos ng banal na espiritu, ang uring nobya ay buong katapatang nag-aanyaya sa mga iba pa upang makibahagi sa mga paglalaan ni Jehova ukol sa kaligtasan. (Apocalipsis 22:17) Iyo bang tinutularan ang kaniyang halimbawa sa pamamagitan ng pagtugon din sa patnubay ng espiritu?
17. (a) Ano ba ang inilalarawan ng sampung kamelyo? (b) Ano ang dapat nating maging saloobin tungkol sa Bibliya at tungkol sa salig-Bibliyang mga lathalain na inihanda ng uring nobya? (Gawa 17:11)
17 Ang uring nobya ay lubhang nagpapahalaga sa inilalarawan ng sampung kamelyo. Ang bilang na sampu ay ginagamit sa Bibliya upang tumukoy sa kasakdalan o pagkakompleto may kaugnayan sa mga bagay sa lupa. Ang sampung kamelyo ay maihahalintulad sa kompleto at sakdal na Salita ng Diyos, na sa pamamagitan nito ang uring nobya ay tumatanggap ng espirituwal na pagkain at espirituwal na mga kaloob. (Juan 17:17; Efeso 1:13, 14; 1 Juan 2:5) Sa komento tungkol sa pagpapainom ni Rebeka sa mga kamelyo, ganito ikinapit iyon sa uring nobya ng The Watchtower ng Nobyembre 1, 1948: “Kanilang mapagmahal na isinasaalang-alang ang Salita ng Diyos na nagtataglay ng saganang espiritu niya sa kanila. Sila’y interesado sa kaniyang nasusulat na Salita, isinisilbi ito at pinapananariwa ito sa pamamagitan ng pag-aasikaso nito at pagpapakita ng taimtim na pagmamalasakit sa taglay na mensahe at layunin nito, hinahangad nilang paniwalaan ito.” Bilang halimbawa nito, ang nalabi ng uring nobya ay mapagmahal na nagsikap maihanda para pakinabangan ng angaw-angaw ang bagong-kaalinsabay-ng-panahong New World Translation of the Holy Scriptures. Mayroon man o wala nitong mainam na saling ito sa inyong wika, ikaw ba’y nagpapakita ng pagpapahalaga sa pamamagitan ng palagiang pagsusuri sa Bibliya sa tulong ng mga aralang lathalain na inilaan ng uring nobya?—2 Timoteo 3:16.
Malapit Na ang Kasal ng Kordero
18. Bakit ang mga abay ni Rebeka ay angkop na lumalarawan sa mga kasamahan ng nobya sa ngayon?
18 Sa mga huling araw na ito ng sanlibutan ni Satanas, ang nalabi ng uring kasintahan ay may kasamang “isang malaking pulutong,” na maihahambing sa “mga abay na dalaga” ni Rebeka. Tulad sa kaso ni Rebeka, ang mga ito ay makapupong marami kaysa kumpletong uring nobya na binubuo ng 144,000. Sila ang “malaking pulutong” ng “mga ibang tupa” ni Jesu-Kristo. (Apocalipsis 7:4, 9; Juan 10:16) Bilang tapat na mga abay ng nobya, sila man ay kailangang walang bahid-dungis ng balakyot na sanlibutan ni Satanas. Sila man ay kailangang tumugon sa mga pag-akay ng espiritu ni Jehova at ng kaniyang Salita ayon sa paliwanag sa kanila ng uring nobya. Subalit ang gantimpalang ibibigay sa kanila ay naiiba. Kung sila’y magtitiis na tapat ng pag-alalay sa nobya ni Kristo, sila’y makaliligtas sa katapusan ng sanlibutan ni Satanas at magtatamo ng kahanga-hangang pagkakataon na mabuhay magpakailanman sa isang makalupang paraiso.—Apocalipsis 21:3, 4.
19. Ano ang nangyari nang si Rebeka at ang kaniyang mga abay ay makarating na sa kanilang pupuntahan?
19 Si Rebeka ba at ang kaniyang “mga abay na dalaga” ay matagumpay na nakasapit sa kanilang pupuntahan? Oo, gaya ng pag-uulat ng Bibliya: “At si Isaac ay lumabas sa parang upang magmuni-muni sa bukid ng may dakong hapon. Nang itingin niya ang kaniyang mga mata at kaniyang nakita, narito, may dumarating na mga kamelyo! Nang itingin ni Rebeka ang kaniyang mga mata, natanaw niya si Isaac at siya’y bumaba sa kamelyo.” Pagkatapos na ipaliwanag ni Eliezer ang kaniyang matagumpay na misyon, si Rebeka ay tinanggap ni Isaac bilang kaniyang asawa at kaniyang “inibig ito.”—Genesis 24:63-67.
20. Anong okasyon para sa pagsasaya ang inilalarawan ng pag-aasawa ni Isaac?
20 Sa katulad na paraan, ang layunin ni Jehova tungkol sa nobya ni Kristo ay hindi mabibigo. (Isaias 55:11) Sa di na magtatagal, pagkatapos hatulan ang Babilonyang Dakila at puksain ito, ang mga huling miyembro ng nalabi ng nobya ay matatapos na ng kanilang paglalakbay. Sasapit na ang panahon na sila’y hihiwalay na sa kanilang mga kasamang abay at ikakasal sa Lalong-dakilang Isaac sa langit. Anong dakilang okasyon ng pagsasaya sa sansinukob!—Apocalipsis 19:6-8.
21. Habang patuloy na lumalapit ang makalangit na kasalan, ano ba ang dapat gawin nating lahat?
21 Samantala, milyun-milyon ang nagpapala sa kanilang sarili sa pamamagitan ng pagtugon sa ministeryo ng umuunting nalabi ng nobya. Bago lahat sila’y makatapos ng kanilang makalupang takbuhin sa kamatayan, ang pagwawasak sa tulad-patutot na pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon ang pasimula ng “malaking kapighatian na hindi pa nangyayari magbuhat ng pasimula ng sanlibutan.” Ang panahong natitira ay maikli. Kung ibig mong makaligtas, napakahalaga nga na makibahagi sa pagganap ng banal na mga utos! (Mateo 24:14, 21; Marcos 13:10; Lucas 21:15; Juan 13:34) Ang gayong mga utos ay lalung-lalo na kumakapit sa ating maselang na panahon. Kung gayon, ikaw man ay kabilang sa nalabi ng nobya o sa kaniyang “malaking pulutong” ng mga abay, patuloy na tumalima ka kay Jehova sa kaniyang ikaluluwalhati at sa iyong sariling walang-hanggang kaligayahan. Anong dakilang pribilehiyo na ang malaking pulutong, na ngayo’y ibinibilang nang mga kaibigan ng Diyos, ay patuloy na mabuhay samantalang ‘lahat ng bagay ay ginagawang bago’ ni Jehova at walang-hanggang pakinabang ang tinatamasa ng angaw-angaw na tao sa isang lupang paraiso!—Apocalipsis 21:5; 22:1, 2, 17.
Natatandaan Mo Ba?
◻ Anong nakaaantig na mga pangyayari ang malapit nang maganap?
◻ Ano ang katiyakan na ang makalangit na kasalan ay lubos na magtatagumpay?
◻ Sa ano maihahalintulad si Eliezer at ang sampung kamelyo?
◻ Sino sa ngayon ang inilalarawan ni Rebeka at ng kaniyang mga abay na dalaga?
◻ Ano ang ating matututuhan buhat sa mga pangyayaring humantong sa pag-aasawa ni Isaac?