Tadhana
Kahulugan: Isang hindi maiiwasan at madalas ay masamang kahihinatnan. Ang fatalism ay ang paniniwala na lahat ng mga pangyayari ay dahil sa kalooban ng Diyos o dahil sa isang puwersa na nakahihigit sa tao, na bawa’t pangyayari ay nagaganap sapagka’t ito’y patiuna nang nakaguhit. Hindi isang turo o salitang matatagpuan sa Bibliya.
Bawa’t isa ba’y may iginuhit na “panahon upang mamatay”?
Ang paniwalang ito’y laganap sa mga Griyego at Romano. Ayon sa maka-paganong mitolohiya ng mga Griyego, ang mga Tadhana ay tatlong mga diyosa na humahabi, sumusukat at pumuputol sa sinulid ng buhay.
Binabanggit ng Eclesiastes 3:1, 2 ang “panahon upang mamatay.” Subali’t, upang ipakita na ito’y hindi isang iginuhit na tadhana para sa indibiduwal, ang Eclesiastes 7:17 ay nagpapayo: “Huwag kang magpakasamang lubha, ni magpakamangmang man. Bakit ka mamamatay kung hindi mo pa panahon?” Sinasabi ng Kawikaan 10:27: “Ang mga taon ng masasama ay paiikliin.” At idinagdag pa ng Awit 55:23: “Kung tungkol sa maysala sa dugo at magdaraya, hindi nila aabutin ang kalahati ng kanilang mga kaarawan.” Ano, kung gayon, ang gustong sabihin ng Eclesiastes 3:1, 2? Tinatalakay lamang nito ang patuluyang paghahalihalili ng buhay at kamatayan sa di-sakdal na sistemang ito ng mga bagay. May panahon na ang mga tao ay ipinanganganak at may panahon kapag sila’y namamatay—kadalasa’y hindi hihigit sa 70 o 80 taon, nguni’t kung magkaminsa’y mas maaga pa rito at kung magkaminsa’y lampas pa rito.—Awit 90:10; tingnan din ang Eclesiastes 9:11.
Kung ang sandali at paraan ng pagkamatay ng bawa’t isa ay natitiyak na sa panahon ng pagsilang o mas maaga pa rito, hindi na kakailanganing umiwas sa mapanganib na mga situwasyon o kaya’y pag-ingatan ang kalusugan ng isa, at ang mga pag-iingat upang iwasan ang aksidente ay hindi makapagpapabago sa bilang ng mga namamatay. Nguni’t naniniwala ba kayo na ang larangan ng digmaan ay kasing ligtas ng inyong tahanan na malayung-malayo sa dakong pinaglalabanan? Nababahala ba kayo ukol sa inyong kalusugan at pinatitingnan ba ninyo ang inyong mga anak sa doktor? Bakit namamatay ang mga maninigarilyo nang tatlo hanggang apat na taon na mas maaga kaysa mga hindi naninigarilyo? Bakit mas kaunti ang namamatay sa sakuna kapag ang mga pasahero sa kotse ay nagsusuot ng seat belt, at kapag ang mga nagmamaneho ay sumusunod sa batas trapiko? Maliwanag, ang pag-iingat ay kapakipakinabang.
Lahat ba ng nangyayari ay “kalooban ng Diyos”?
2 Ped. 3:9: “Si Jehova . . . ay matiisin sa inyo sapagka’t hindi niya ibig na sinoman ay mapahamak kundi ang lahat ay magsipagsisi.” (Subali’t hindi lahat ay tumutugon sa kaniyang pagtitiis. Maliwanag na hindi “kalooban ng Diyos” kung ang ilan ay hindi magsisi. Ihambing ang Apocalipsis 9:20, 21.)
Jer. 7:23-26: “Ang salitang ito ay iniutos ko sa kanila [sa Israel], na nagsasabi: ‘Inyong dinggin ang aking tinig, at ako’y magiging inyong Diyos, at kayo’y magiging aking bayan; at dapat kayong magsilakad sa lahat ng daan na iuutos ko sa inyo, upang ikabuti ninyo.’ Nguni’t hindi nila dininig . . . Aking sinugo sa inyo ang lahat kong lingkod na mga propeta, na araw-araw ay bumabangon akong maaga at sinusugo ko sila. Gayon ma’y hindi sila nangakinig sa akin, o ikiniling man ang kanilang pakinig, kundi pinapagmatigas ang kanilang leeg.” (Maliwanag na ang kasamaang naganap sa Israel ay hindi “kalooban ng Diyos.”)
Mar. 3:35: “Sinomang gumaganap ng kalooban ng Diyos ay siyang aking kapatid na lalake at kapatid na babae at ina.” (Kung anomang gawin ng isa ay “kalooban ng Diyos,” kung gayon bawa’t isa ay nagtatamasa ng kaugnayan kay Jesus na inilalarawan dito. Nguni’t ang ilan ay kaniyang pinagsabihan: “Kayo’y sa inyong amang Diyablo.”—Juan 8:44.)
Ano ang sanhi ng maraming tila mahirap ipaliwanag na pangyayari?
Ecles. 9:11: “Ang panahon at di-inaasahang pangyayari [“pagkakataon,” NE, RS] ay sumasapit sa kanilang lahat.” (Kaya, hindi dahil sa patiunang kabatiran tungkol sa buhay ng isa, kundi dahil sa di-sinasadyang pangyayari siya’y maaaring maging biktima ng di-kanaisnais na mga kalagayan.)
May pananagutan ba ang mga tao sa kalakhan ng paghihirap na dinaranas nila at gayon din ng iba?
Roma 5:12: “Sa pamamagitan ng isang tao [si Adan] ay pumasok ang kasalanan sa sanlibutan at ang kamatayan dahil sa kasalanan, kaya’t ang kamatayan ay naranasan ng lahat ng tao sapagka’t silang lahat ay nagkasala.” (Ang mga di-kasakdalan, lakip na ang mga hilig sa paggawa ng masama, ay minana nating lahat kay Adan.)
Ecles. 8:9: “Pinangibabawan ng tao ang kaniyang kapuwa sa ikapapahamak nito.”
Kaw. 13:1: “Ang anak ay nagiging pantas kapag dinidisiplina ng kaniyang ama.” (Ang ginagawa ng mga magulang ay may malaking impluwensiya sa buhay ng kanilang mga supling.)
Gal. 6:7: “Huwag kayong padaya: ang Diyos ay hindi napabibiro. Sapagka’t ang lahat na ihasik ng tao, ay siya namang aanihin niya.” (Gayon din ang Kawikaan 11:17; 23:29, 30; 29:15; 1 Corinto 6:18)
Mayroon bang mga puwersa na nakahihigit sa tao na siyang sanhi ng mga kaabahan ng tao?
Apoc. 12:12: “Sa aba ng lupa at ng dagat, sapagka’t ang Diyablo’y bumaba sa inyo na may malaking galit, sa pagkaalam niya na kaunting panahon na lamang mayroon siya.” (Gayon din ang Gawa 10:38)
Lahat ba ay patiunang itinatalaga at nababatid ng Diyos?
Isa. 46:9, 10: “Ako ang Banal at liban sa akin ay walang Diyos, ni sinomang kagaya ko; na nagpapahayag ng wakas mula sa pasimula, at mula nang mga unang panahon, ng mga bagay na hindi pa nangyayari; ang nagsasabi, ‘Ang sarili kong payo ay mananayo, at lahat ng maibigan ko’y siya kong gagawin.’ ” (Ipinapahayag niya ang kaniyang layunin, itinatalaga ang ilang tiyak na bagay kaugnay ng pagkakatupad nito, at may walang-hanggang kapangyarihan na titiyak sa pagtupad sa mga ito.)
Isa. 11:1-3: “At may lilitaw na sanga mula sa tuod ni Isai; at mula sa kaniyang mga ugat ang isang usbong ay magiging mabunga. [Si Jesus ay isinilang sa hanay ni Isai.] At ang espiritu ni Jehova ay sasa kaniya, . . . at ang kaniyang kaluguran ay magiging sa pagkatakot kay Jehova.” (May pagtitiwalang maihuhula ni Jehova ang ganito tungkol sa kaniyang Anak palibhasa’y naobserbahan Niya ang saloobin at paggawi nito sa langit mula pa nang pasimula ng paglalang.) (Hinggil sa pag-iral ni Jesus bago naging tao, tingnan ang mga pahina 205, 206, sa ilalim ng pamagat na “Jesu-Kristo.”)
Deut. 31:20, 21: “Papapasukin ko sila [ang bansang Israel] sa lupain na aking isinumpa sa kanilang mga magulang, na binubukalan ng gatas at pulot, at walang pagsalang sila’y magsisikain at mabubusog at tataba at babaling sa ibang mga diyos, at walang pagsalang paglilingkuran nila ang mga ito, at ako’y kanilang lalapastanganin at sisirain ang aking tipan. At mangyayari na kapag sumapit na sa kanila ang maraming mga kapahamakan at kabagabagan, ang awit na ito [na nagpapaalaala kung papaano sila kumilos nang walang pagpapahalaga sa lingap ng Diyos] ay magpapatotoo sa harap nila bilang isang saksi, . . . sapagka’t alam-na-alam ko ang kanilang saloobin ngayon bago ko pa man sila ipasok sa lupain na aking sinumpaan.” (Pansinin na ang kakayahan ng Diyos na alamin ang magiging kinalabasan ng kanilang landasin ay hindi nangangahulugan na siya ang may pananagutan dito, o na ito ang gusto niya para sa kanila, kundi salig sa ginagawa nila ay nakikinikinita niya ang kalalabasan. Sa gayon ding paraan, salig sa obserbasyon, ang isang tagasuri sa kalagayan ng panahon ay makapagsasabi nang patiuna tungkol dito nang may kawastuan, subali’t hindi niya pinangyari yaon ni nagugustuhan kaya niya yaon.)
Ang kakayahan ba ng Diyos na patiunang umalam at magtalaga ng mga pangyayari ay nagpapatunay na ginagawa niya ito kaugnay ng lahat ng kilos ng lahat ng kaniyang mga nilalang?
Apoc. 22:17: “Sinomang nakikinig ay magsabi: ‘Halika!’ At sinomang nauuhaw ay pumarito; sinomang may ibig ay kumuhang walang bayad ng tubig ng buhay.” (Ang pagpili ay hindi itinadhana; nasasalalay iyon sa may katawan.)
Roma 2:4, 5: “Hinahamak mo ba ang mga kayamanan ng kaniyang kabaitan at pagtitiis at pagpapahinuhod, sapagka’t hindi mo nalalaman na ang kabutihan ng Diyos ay siyang umaakay sa iyo sa pagsisisi? Datapuwa’t ayon sa inyong katigasan at pusong hindi nagsisisi ay nagtitipon kayo sa inyong sarili ng poot sa kaarawan ng galit at ng pagpapahayag ng matuwid na paghuhukom ng Diyos.” (Walang sinomang pinipilit sa pagtataguyod ng isang itinadhanang landasin. Subali’t bawa’t isa’y papananagutin sa kaniyang ginagawa.)
Zef. 2:3: “Hanapin ninyo si Jehova, kayong lahat na maaamo sa lupa. . . . Hanapin ninyo ang katuwiran, hanapin ninyo ang kaamuan. Kaypala ay malilingid kayo sa araw ng galit ni Jehova.” (Pasisiglahin kaya ng isang makatarungan at maibiging Diyos ang mga tao na gawin ang tama, sa pag-asang sila’y makapagkamit ng gantimpala, kung alam naman niyang sila’y itinadhana upang mabigo?)
Paglalarawan: Ang isang may-ari ng radyo ay maaaring makinig sa pandaigdig na balita. Subali’t ang bagay na maaari niyang pakinggan ang isang partikular na istasyon ay hindi nangangahulugan na aktuwal nga niyang ginagawa ito. Dapat muna niyang buksan ang radyo at saka piliin ang istasyon. Kawangis nito, si Jehova ay may kakayahan na umalam nang patiuna sa mga pangyayari, subali’t ipinakikita ng Bibliya na siya ay namimili at nagiging maingat sa paggamit ng kakayahang ito, nang may pagsasaalang-alang sa malayang pagpapasiya na ipinagkaloob niya sa taong kaniyang nilalang.—Ihambing ang Genesis 22:12; 18:20, 21.
Nang lalangin ng Diyos si Adan, alam ba niya na magkakasala ito?
Ito ang sinabi ng Diyos kina Adan at Eba: “Kayo’y magpalaanakin at magpakarami at punuin ninyo ang lupa at inyong supilin, at magkaroon kayo ng kapamahalaan sa mga isda sa dagat at sa mga ibon sa himpapawid at sa bawa’t hayop na gumagalaw sa ibabaw ng lupa.” “At ibinigay ng Diyos na Jehova ang utos na ito sa lalake: ‘Sa lahat ng punong-kahoy sa halamanan ay makakakain ka nang may kalayaan. Datapuwa’t sa punong-kahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama ay huwag kang kakain, sapagka’t sa araw na ikaw ay kumain mula roon ay walang pagsalang mamamatay ka.’ ” (Gen. 1:28; 2:16, 17) Palalakasing-loob ba ninyo ang inyong mga anak na magsimula sa isang proyekto na may magandang hinaharap, samantalang sa pasimula pa lamang ay alam-na-alam ninyo na ito’y nakatakdang mabigo? Bibigyan ba ninyo sila ng babala tungkol sa mga panganib samantalang nalalaman ninyo na lahat ay inyo nang naiplano upang sila’y humantong sa pagkasiphayo? Kung gayon, makatuwiran bang isipin na gagawin ito ng Diyos?
Mat. 7:11: “Kung kayo nga, bagaman masasama [o, “na masasama sa ganang sarili,” NE] ay marurunong magbigay ng mabubuting kaloob sa inyong mga anak, gaano pa kaya ang inyong Ama na nasa mga langit na magbibigay ng mabubuting bagay sa nagsisihingi sa kaniya?”
Kung patiunang inalam at itinadhana ng Diyos ang pagkakasala ni Adan at lahat ng ibubunga nito, mangangahulugan ito na sa paglalang kay Adan, kusang pinangyari ng Diyos ang lahat ng kabalakyutang naganap sa buong kasaysayan ng tao. Siya ang magiging Ugat ng lahat ng digmaan, krimen, kahalayan, pang-aapi, pagsisinungaling, pagpapaimbabaw, sakit. Subali’t maliwanag na sinasabi ng Bibliya: “Ikaw ay hindi Diyos na nalulugod sa kasamaan.” (Awit 5:4) “Sinomang umiibig sa karahasan ay tiyak na kinapopootan ng Kaniyang kaluluwa.” (Awit 11:5) “Ang Diyos . . . ay hindi maaaring magsinungaling.” (Tito 1:2) “Mula sa pang-aapi at karahasan ay kaniyang [ang Inatasan ng Diyos bilang Mesiyanikong Hari] tutubusin ang kanilang kaluluwa, at ang kanilang dugo ay magiging mahalaga sa kaniyang paningin.” (Awit 72:14) “Ang Diyos ay pag-ibig.” (1 Juan 4:8) “Siya ay umiibig sa katuwiran at katarungan.”—Awit 33:5.
Itinadhana ba ng Diyos sina Jacob at Esau?
Gen. 25:23: “Sinabi sa kaniya [kay Rebekah] ni Jehova: ‘Dalawang bansa ang nasa iyong bahay-bata, at dalawang bayan ang papaghihiwalayin mula sa iyong tiyan; at ang isang bayan ay magiging mas malakas kaysa isang bayan, at ang nakatatanda [si Esau] ay maglilingkod sa nakababata [si Jacob].’ ” (Si Jehova ay may kakayahang bumasa ng henetikong kayarian ng di-pa-naisilang na kambal. Maaaring naisaalang-alang niya ito nang patiunang inaalam ang magiging katangian na lilinangin ng bawa’t isa sa mga bata at nang inihuhula ang magiging kalalabasan. [Awit 139:16] Subali’t walang ipinahihiwatig dito na itinakda niya ang kanilang walang-hanggang tadhana o na iginuhit niya kung papaanong bawa’t pangyayari sa kanilang mga buhay ay magaganap.)
Si Judas Iscariote ba ay itinadhana upang ipagkanulo si Jesus?
Awit 41:9: “Ang taong nakipagpayapaan sa akin, na siya kong pinagtiwalaan, na kumakain ng aking tinapay, ay nagtaas ng kaniyang sakong laban sa akin.” (Pansinin na ang hula ay hindi tumitiyak kung sino sa matatalik na kasamahan ni Jesus ang tinutukoy. Batid ni Jehova kung papaanong ginamit ng Diyablo ang tagapayo ni David na si Ahitopel upang ipagkanulo ito, at ipinasulat Niya ito upang itanghal kung papaano kumikilos ang Diyablo at kung ano ang gagawin nito sa hinaharap. Hindi ang Diyos, kundi “ang Diyablo . . . ang [siyang] naglagay sa puso ni Judas Iscariote, na anak ni Simon, ang pagkakanulo sa kaniya [kay Jesus].” [Juan 13:2] Sa halip na labanan ito, si Judas ay napadaig sa impluwensiya ni Satanas.)
Juan 6:64: “Talastas na ni Jesus buhat pa nang pasimula . . . kung sino ang sa kaniya’y magkakanulo.” (Hindi buhat sa pasimula ng paglalang, ni buhat sa panahon ng pagsilang ni Judas, kundi “buhat sa pasimula” ng pagkilos niya nang may kataksilan. Ihambing ang Genesis 1:1, Lucas 1:2, at 1 Juan 2:7, 13, na sa bawa’t isa sa mga tekstong ito ang “pasimula” ay ginamit sa diwang pahambing. Pansinin din ang Juan 12:4-6.)
Hindi ba tinutukoy ni apostol Pablo ang mga Kristiyano bilang mga “itinadhana”?
Roma 8:28, 29: “Nalalaman natin na ang lahat ng mga bagay ay gumagawang samasama sa ikabubuti ng mga nagsisiibig sa Diyos, samakatuwid baga’y niyaong mga tinawag alinsunod sa kaniyang layunin; sapagka’t yaong mga una niyang kinilala ay kaniya rin namang itinalaga [“itinadhana,” KJ] na maging katulad ng larawan ng kaniyang Anak, upang siya ang maging panganay sa maraming magkakapatid.” (Gayon din ang Efe. 1:5, 11) Gayumpaman, sa mga ito rin, ang 2 Pedro 1:10 ang nagsasabi: “Lalong pagsikapan ninyo na ang pagkatawag at pagkahirang sa inyo ay matiyak para sa inyong ganang sarili; sapagka’t kung patuloy ninyong gagawin ang mga bagay na ito ay hindi kayo mangabibigo.” (Kung ang mga indibiduwal ay naitadhana na sa kaligtasan, hindi sila maaaring mabigo, anoman ang kanilang gawin. Yamang ang pagsisikap ay inaasahan sa bahagi ng mga indibiduwal, maliwanag na ang itinadhana ay ang kalipunan. Nilayon ng Diyos na ang buong kalipunan ay umayon sa huwaran na ibinigay ni Jesu-Kristo. Gayunman, yaong mga pinili ng Diyos upang maging bahagi ng kalipunang ito, ay dapat na manatiling tapat upang maging karapatdapat sa gantimpalang naghihintay sa kanila.)
Efe. 1:4, 5: “Pinili niya tayo upang makaisa niya [ni Jesu-Kristo] bago itinatag ang sanlibutan, upang tayo’y maging mga banal at walang dungis sa harapan niya sa pag-ibig. Sapagka’t tayo’y itinalaga niya nang una pa sa pagkukupkop na tulad sa mga anak, sa pamamagitan ni Jesu-Kristo sa ganang kaniya, ayon sa minagaling ng kaniyang kalooban.” (Kapansinpansin na, sa Lucas 11:50, 51, itinutugma ni Jesus “ang pagkakatatag ng sanlibutan” sa kapanahunan ni Abel. Si Abel ang kaunaunahang tao na nagkamit ng panghabang-buhay na pagsang-ayon ng Diyos. Kaya binuo ng Diyos ang kaniyang layunin na magluwal ng isang “binhi” na sa pamamagitan nito’y ilalaan ang katubusan, pagkaraan ng paghihimagsik sa Eden, subali’t bago pa ipaglihi si Abel. [Gen. 3:15] Nilayon ng Diyos na mapalakip sa pangunahing Binhi, si Jesu-Kristo, ang isang grupo ng kaniyang tapat na mga tagasunod upang makabahagi niya sa isang bagong pamahalaan sa ibabaw ng lupa, ang Mesiyanikong Kaharian.)
Ang mga bituin ba at planeta ay makakaimpluwensiya sa mga pangyayari sa ating buhay o nakapaglalaan ba ang mga ito ng mga palatandaan na dapat nating timbang-timbangin kapag gumagawa ng pasiya?
Ano ang pinagmulan ng astrolohiya?
“Ang kanluraning astrolohiya ay matutunton nang tuwiran sa mga teoriya at kaugalian ng mga Caldeo at taga-Babilonya noong mga 2,000 B.C.”—The Encyclopedia Americana (1977), Tomo 2, p. 557.
“Ang astrolohiya ay nasasalig sa dalawang Babilonikong palagayin: ang zodiac at ang pagka-diyos ng mga bitui’t planeta. . . . Iniukol ng mga taga-Babilonya sa mga planeta ang impluwensiya na aasahan nating dapat iukol sa kanikanilang mga diyus-diyosan.”—Great Cities of the Ancient World (Nueba York, 1972), L. Sprague de Camp, p. 150.
“Sa Babilonya at gayon din sa Asiriya bilang isang tuwirang supling ng Babilonikong kultura . . . ang astrolohiya ay kumukuha ng dako sa opisyal na kulto bilang isa sa dalawang pangunahing kasangkapan ng mga saserdote . . . sa pagtiyak sa kalooban at intensiyon ng mga diyus-diyosan, at ang pangalawa ay sa pamamagitan ng pagsusuri sa atay ng hayop na inihahain . . . Ang mga pagkilos ng araw, buwan at limang planeta ay itinuturing na kumakatawan sa gawain ng limang diyus-diyosang nasasangkot, kasama na ang diyos ng buwan na si Sin at ang diyos ng araw na si Shamash, sa pagsasaayos ng mga pangyayaring magaganap sa lupa.”—Encyclopædia Britannica (1911), Tomo II, p. 796.
Ano ang pangmalas ng Maylikha ng tao sa ganitong kaugalian?
Deut. 18:10-12: “Huwag makakasumpong sa inyo ng sinomang . . . nanghuhula, o salamangkero o nagmamasid ng mga pamahiin . . . Sapagka’t sinomang gumagawa ng mga bagay na ito ay karumaldumal kay Jehova.”
Sa mga taga-Babilonya ay sinabi niya: “Magsitayo ngayon ang iyong mga astrologo at mga manghuhula sa pamamagitan ng mga langit, at ng mga bituin, na humuhula sa inyong kapalaran sa bawa’t buwan, at hayaang iligtas nila kayo! Narito, sila’y mawawalang gaya ng dayami . . . Sukat na ang iyong mga salamangkero na buong-buhay na nangalakal sa inyo: bawa’t isa’y lumalaboy sa kaniyang sariling lakad, at walang isa man na makapagliligtas sa iyo.”—Isa. 47:13-15, NE.