Dinisenyo Tayo Para Mabuhay
GUSTO nating lahat na mabuhay nang mahaba at masaya. Isip-isipin kung gaano kasayang mabuhay magpakailanman nang hindi nagkakasakit! Makakasama natin nang mas matagal ang ating mga mahal sa buhay, makapaglalakbay tayo sa buong mundo, magkakaroon ng mga bagong kasanayan, lalago ang ating kaalaman, at magagawa natin ang anumang bagay na gusto natin.
Mali ba ang pagnanais na iyan? Hinding-hindi! Sinasabi ng Bibliya na inilagay ng Diyos sa puso natin ang pagnanais na iyan. (Eclesiastes 3:11) Sinasabi rin nito na ang “Diyos ay pag-ibig.” (1 Juan 4:8) Makatuwiran bang ilagay ng mapagmahal na Diyos sa puso natin ang pagnanais na mabuhay magpakailanman kung imposible naman palang mangyari iyon?
Malinaw, ayaw nating mamatay. Ang totoo, inilalarawan ng Bibliya ang kamatayan bilang “kaaway.” (1 Corinto 15:26) Maagang namamatay ang ilan, ang iba naman ay may mahaba-habang buhay, pero tayong lahat ay mamamatay. Ni ayaw man lang nating isipin ito. Madaraig pa kaya ang kaaway na ito? Posible nga kaya ito?
MGA DAHILAN PARA UMASA
Magugulat ka ba kung malaman mong hindi layunin ng Diyos na mamatay ang tao? Makikita sa aklat ng Bibliya na Genesis ang mga ebidensiya na layunin ng Diyos na mabuhay ang mga tao sa lupa magpakailanman. Inihanda ng Diyos na Jehova ang lupa para maging tirahan ng tao. Nilikha rin niya ang unang taong si Adan, at inilagay siya sa isang paraiso, ang hardin ng Eden. Pagkatapos, “nakita ng Diyos ang lahat ng ginawa niya, at iyon ay napakabuti.”—Genesis 1:26, 31.
Nilalang si Adan na perpekto, ayon sa larawan ng Diyos. (Deuteronomio 32:4) Wala ring kapintasan ang asawa ni Adan na si Eva—perpekto ang isip at katawan niya. Sinabi ni Jehova sa kanila: “Magpalaanakin kayo at magpakarami, punuin ninyo ang lupa at pangasiwaan iyon, at pamahalaan ninyo ang mga isda sa dagat at lumilipad na mga nilalang sa langit at bawat buháy na nilalang na gumagala sa ibabaw ng lupa.”—Genesis 1:28.
Kailangan ng panahon para mapunô ang lupa. Mag-aanak si Eva, at ang kaniyang mga anak ay mag-aanak din hanggang sa mapunô nila ang lupa, gaya ng layunin ng Diyos. (Isaias 45:18) Bibigyan kaya ni Jehova ng ganoong pag-asa sina Adan at Eva kung ang maaabot lang ng buhay nila ay ang mga anak nila at marahil, ang mga apo nila, at hindi na makikita ang katuparan ng layunin ni Jehova?
Isipin din ang utos na pamahalaan nila ang mga hayop. Inutusan si Adan na pangalanan ang mga hayop, at nangangailangan iyan ng panahon. (Genesis 2:19) Para mapamahalaan ang mga hayop, kailangan niyang alamin ang tungkol sa mga ito at kung paano sila aalagaan. Mas mahabang panahon pa ang kailangan para magawa iyan.
Kaya ang utos ng Diyos na punuin ang lupa at pamahalaan ang mga hayop ay nagpapahiwatig na layunin niya na mabuhay nang mahabang panahon ang unang mag-asawa. Sa katunayan, nabuhay si Adan nang mahabang panahon.
LAYUNIN NG DIYOS NA MABUHAY ANG TAO MAGPAKAILANMAN SA ISANG PARAISONG LUPA
NABUHAY SILA NANG MATAGAL
Ipinapakita ng Bibliya na mas mahaba ang buhay ng tao noon kaysa sa ngayon. Sinasabi nito: “Nabuhay si Adan nang 930 taon.” Pagkatapos, may binanggit pa itong anim na lalaking nabuhay nang mahigit 900 taon! Sila ay sina Set, Enos, Kenan, Jared, Matusalem, at Noe. Lahat sila ay nabuhay bago ang Baha noong panahon ni Noe—si Noe ay nabuhay nang 600 taon bago ang Baha. (Genesis 5:5-27; 7:6; 9:29) Bakit ganoon kahaba ang buhay nila?
Lahat sila ay nabuhay noong malapit pa sa kasakdalan ang tao. Malamang na iyan ang pangunahing dahilan. Pero ano ang kaugnayan ng kasakdalan sa mahabang buhay? At paano madaraig ang kamatayan? Para masagot ang mga iyan, alamin muna natin kung bakit tayo tumatanda at namamatay.