MANDRAGORAS
[sa Heb., du·dha·ʼimʹ, pangmaramihan; sa Ingles, mandrake].
Isang matibay na halamang yerba na mula sa pamilya ng mga patatas, ang mga dahon nito ay malalaki, hugis-itlog, o biluhaba at matingkad na luntian. Ang mga dahon ng mandragoras (Mandragora officinarum) ay waring direktang umuusbong mula sa punong-ugat nito, naghihiwa-hiwalay nang pabilog, at nananatiling malapit sa lupa. Mula sa gitna ng pabilog na ito, sumisibol ang mga tangkay ng bulaklak, anupat bawat isa ay inuusbungan ng iisang bulaklak na puti, mangasul-ngasul o purpura. Ang bunga nito na pulang manilaw-nilaw, halos kasinlaki ng bilog na talong, ay nahihinog sa bandang panahon ng pag-aani ng trigo sa Palestina. (Gen 30:14) Inilalarawan ito bilang mabango at sariwa ang amoy tulad ng mansanas. (Tingnan ang Sol 7:13.) Ang mataba at kalimitan ay magkasangang punong-ugat ng mandragoras ay nahahawig sa mga binti ng tao. Naging sanhi ito ng maraming pamahiin at ng pag-uugnay ng mga kapangyarihan ng mahika sa halamang ito.—LARAWAN, Tomo 1, p. 544.
Noong sinaunang panahon, ang bunga ng mandragoras ay ginamit sa medisina bilang narkotiko at panlaban sa hilab. Gayundin, noon, at hanggang sa ngayon sa ilang lugar sa Gitnang Silangan, ay itinuturing ito bilang isang aphrodisiac (pampagana sa sekso) at bilang pantulong upang higit na maging palaanakin ang mga tao o upang magdalang-tao ang mga babae. Iniuulat ng rekord sa Genesis na nakipagkasundo si Raquel na ipagpalit sa kaniyang kapatid na si Lea ang isang pagkakataon niya na tumanggap ng kaukulan bilang asawa mula sa kaniyang asawang si Jacob para sa ilang mandragoras. (Gen 30:14, 15) Bagaman hindi isinisiwalat ng Bibliya ang kaniyang motibo, posibleng iniisip ni Raquel na makatutulong ito sa kaniya na magdalang-tao, sa gayon ay mawawakasan ang kadustaan ng kaniyang pagkabaog. Gayunman, mga ilang taon pa pagkaraan ng insidenteng ito bago siya aktuwal na nagdalang-tao.—Gen 30:22-24.