ISACAR
[Siya ay Kabayaran [samakatuwid nga, isang taong nagdadala ng kabayaran]].
1. Ang ikasiyam na anak ni Jacob at ang ikalima sa pitong anak ni Lea na ipinanganak sa Padan-aram. Itinuring ni Lea na ang anak na ito ay gantimpala o kabayaran mula kay Jehova sa pagpapahintulot niyang magkaanak ang kaniyang alilang babae sa kaniyang asawa noong panahong siya ay baog.—Gen 29:32–30:21; 35:23, 26; 1Cr 2:1.
Maaaring walong taóng gulang si Isacar nang lumipat ang kaniyang pamilya sa Canaan noong 1761 B.C.E. Pagkatapos nito ay wala nang binanggit tungkol sa kaniyang buhay bukod sa nakaulat na mga pangyayari kung saan nakibahagi siya bilang isa sa “mga anak ni Jacob.” (Gen 34:5-7, 13, 27; 37:3-27; 42:1-3; 45:15) Noong 1728 B.C.E., nang si Isacar ay mga 41 taóng gulang, lumipat siya sa Ehipto kasama ng kaniyang mga anak na sina Tola, Puva (Pua), Iob (Jasub), at Simron bilang bahagi ng ‘pitumpung kaluluwa’ sa sambahayan ni Jacob.—Gen 46:13, 27; Exo 1:1-3; 1Cr 7:1.
Noong mamamatay na si Jacob, si Isacar ang ika-6 sa 12 anak na pinagpala ng kaniyang ama: “Si Isacar ay isang asnong matitibay ang buto, na nakahiga sa dalawang supot ng síya. At makikita niya na ang pahingahang-dako ay mabuti at na ang lupain ay kaiga-igaya; at iyuyukod niya ang kaniyang balikat upang magdala ng mga pasanin at mapapasailalim siya sa mapang-aliping puwersahang pagtatrabaho.” (Gen 49:14, 15) Nang bigkasin ni Jacob ang pagpapalang ito, hindi lamang niya itinampok ang ilang indibiduwal na katangian at mga pangyayari sa personal na buhay ni Isacar kundi, gaya ng mga pagpapalang iginawad sa mga kapatid nito, inihula rin ni Jacob ang mga ugali at paggawi ng tribo na ipamamalas ng mga inapo ni Isacar sa hinaharap “sa huling bahagi ng mga araw.”—Gen 49:1.
2. Isa sa 12 tribo ng Israel; mga inapo ni Jacob sa pamamagitan ng kaniyang anak na si Isacar.
Nang kunin ang unang sensus pagkaalis sa Ehipto, ang bilang ng matitipunong lalaki sa tribong ito mula 20 taóng gulang at pataas na may kakayahang makipagdigma ay 54,400. (Bil 1:17-19, 28, 29) Pagkaraan ng mga 39 na taon, ipinakikita ng isang kahawig na sensus na ang mga rehistrado ng tribo ay umabot nang 64,300, at noong panahon ni David ay may bilang na 87,000 ang hukbong pandigma. (Bil 26:23-25; 1Cr 7:5) May 200 pangulo ng tribo na pumaroon sa Hebron noong 1070 B.C.E. nang si David ay gawing ‘hari sa buong Israel.’—1Cr 12:23, 32, 38.
Sa kaayusan ng kampo sa malaking ilang, ang mga pamilya ni Isacar, kasama ang kanilang kapatid sa ina na tribo ni Zebulon, ay nasa gilid ng Juda sa S panig ng tabernakulo (Bil 2:3-8); kapag humahayo, ang tatlong-tribong pangkat na ito ang inatasang manguna. (Bil 10:14-16) Sa mga pagpapalang binigkas ni Moises bilang pamamaalam sa mga tribo, pinagsama niya ang Isacar at Zebulon (Deu 33:18), ngunit pagkaraan ng ilang taon ay nagkahiwalay ang mga ito nang hatiin sa dalawang pangkat ang mga tribo noong iparinig sa kanila ang pagbasa sa mga pagpapala at mga sumpa ng Kautusan sa pagitan ng mga bundok ng Gerizim at Ebal.—Deu 27:11-13; Jos 8:33-35; tingnan ang EBAL, BUNDOK.
Nang hati-hatiin ang Lupang Pangako, ang Isacar ang ikaapat na tribong napili sa pamamagitan ng palabunutan upang tumanggap ng mana nito, na ang kalakhang bahagi ay nasa matabang Libis ng Jezreel. Ang hangganan ng Isacar ay ang mga teritoryo ng tribo nina Zebulon at Neptali sa H, ang Ilog Jordan sa S, ang teritoryo ng Manases sa T, at ang isang bahagi ng lupain ng Aser sa K. Ang Bundok Tabor ay nasa hilagaang hangganan nito na katabi ng Zebulon, samantalang ang lunsod ng Megido ay malapit sa TK hanggahan nito at ang Bet-sean ay nasa TS hangganan nito. Sa loob ng teritoryong ito ay maraming Canaanitang lunsod kasama ang kani-kanilang sakop na pamayanan. (Jos 17:10; 19:17-23) Ayon sa pagpapala ni Moises, sa pilíng libis na ito ay ‘nagsaya sa kanilang mga tolda’ ang tribo ni Isacar.—Deu 33:18.
Maliwanag na ang paghahambing sa anak ni Jacob na si Isacar sa “isang asnong matitibay ang buto” ay tumutukoy sa isang katangiang mababanaag din sa tribong nagmula sa kaniya. (Gen 49:14, 15) Ang lupaing nakaatas sa kanila ay talagang “kaiga-igaya,” isang matabang bahagi ng Palestina na angkop sa agrikultura. Waring malugod na tinanggap ng Isacar ang mabigat na trabahong nasasangkot sa gayong gawain. Ang pagkukusang-loob ay ipinahihiwatig ng ‘pagyuyukod niya ng kaniyang balikat upang magdala ng mga pasanin.’ Kaya bagaman ang tribo ay hindi naman partikular na namumukod-tangi, maliwanag na maaari itong papurihan dahil sa pagtanggap nito sa pasan na nauukol sa kaniya.
Ang ilang lunsod na nasa lupaing pag-aari ng Isacar ay itinalaga bilang mga nakapaloob na lunsod ng kalapit na tribo ni Manases, lakip na rito ang prominenteng mga lunsod ng Megido at Bet-sean. (Jos 17:11) Maraming bayan sa teritoryo nito, kasama ang nakapalibot na mga pastulan ng mga ito, ang ibinukod din para sa tribo ni Levi. (Jos 21:6, 28, 29; 1Cr 6:62, 71-73) Nang maglaon, inilaan ng Isacar ang bahagi nito (isang ikalabindalawa ng taunang pangangailangan) para sa panustos ng sambahayan ni Solomon.—1Ha 4:1, 7, 17.
Sa mga prominenteng indibiduwal na mula kay Isacar ay kabilang si Igal, ang tiktik na pinili ng tribo na kasama sa mga nagpayo sa Israel na huwag pumasok sa Lupang Pangako. (Bil 13:1-3, 7, 31-33) Bilang mga pinuno ng tribo, si Netanel ay naglingkod pagkatapos ng Pag-alis (Bil 1:4, 8; 7:18; 10:15), si Paltiel naman ay nang pumasok ang Israel sa Lupang Pangako (Bil 34:17, 18, 26), at si Omri ay noong panahon ng paghahari ni David.—1Cr 27:18, 22.
Ang Isacar ay binanggit na kabilang sa mga sumuporta kay Hukom Barak nang lupigin nito ang mga hukbo ni Jabin sa ilalim ni Sisera. (Huk 4:2; 5:15) Nang maglaon, sa loob ng 23 taon, si Tola ng tribo ni Isacar ay naging isa sa mga hukom ng Israel. (Huk 10:1, 2) Pagkatapos na mahati ang kaharian, si Baasa ng Isacar ang naging ikatlong tagapamahala ng hilagang kaharian. Pinatay ng balakyot na si Baasa ang kaniyang hinalinhan upang makuha ang trono at nagpuno siya sa loob ng 24 na taon. (1Ha 15:27, 28, 33, 34) Pagkaraan ng mga 200 taon, inanyayahan ni Hezekias na hari ng Juda yaong mga kabilang sa hilagang kaharian upang makisama sa pagdiriwang ng Paskuwa, at marami mula sa Isacar ang tumugon at naglakbay patungong Jerusalem para sa okasyong iyon.—2Cr 30:1, 13, 18-20.
Sa mga aklat ng Ezekiel at Apocalipsis, ang Isacar ay binanggit kasama ng iba pang mga tribo at, yamang makahula ang mga pangitaing iyon, maliwanag na mayroon itong makasagisag na kahulugan.—Eze 48:25, 26, 33; Apo 7:7.
3. Isang Levitang bantay ng pintuang-daan; ikapitong anak ng Korahitang si Obed-edom. Si Isacar, kasama ang kaniyang mga kamag-anak, ay inatasang magbantay sa dakong T ng santuwaryo sa Jerusalem.—1Cr 26:1-5, 13, 15.