ZEBULON
[Pagtitiis; o, posible, Marangal na Tahanan (Tirahan)].
1. Ang ikaanim na anak ng asawa ni Jacob na si Lea. Bilang ang asawa na hindi gaanong iniibig, lubhang ikinalugod ni Lea ang kapanganakan ng bata. Ipinahihiwatig ng pangalang ibinigay niya sa bata na umaasa siyang bubuti ang kaniyang katayuan kay Jacob. Bumulalas si Lea: “Sa wakas ay pagtitiisan ako ng aking asawa, sapagkat nanganak ako sa kaniya ng anim na lalaki.” (Gen 30:20; 35:23; Exo 1:1-3; 1Cr 2:1) Nang maglaon, si Zebulon ay nagkaanak ng tatlong lalaki—sina Sered, Elon, at Jahleel. (Gen 46:14) Isang malayong inapo ni Zebulon na kapangalan ng isa sa tatlong anak na ito, si Elon, ang naglingkod bilang isang hukom sa Israel.—Huk 12:11, 12.
2. Ang pangalang Zebulon ay tumutukoy rin sa tribong nagmula sa kaniya sa pamamagitan ng kaniyang tatlong anak. Mga isang taon pagkatapos na mapalaya ang mga Israelita mula sa pagkaalipin sa Ehipto, ang matitipunong lalaki ng tribong ito na mula 20 taóng gulang pataas ay may bilang na 57,400. (Bil 1:1-3, 30, 31) Ipinakikita naman ng ikalawang sensus na kinuha noong pagtatapos ng 40-taóng pagpapagala-gala ng Israel sa ilang na ang bilang ng mga rehistradong lalaki ay dumami nang 3,100.—Bil 26:26, 27.
Sa ilang, ang tribo ni Zebulon, na katabi ng mga tribo nina Juda at Isacar, ay nagkampo sa S panig ng tabernakulo. Ang tatlong-tribong pangkat na ito ang una sa pagkakasunud-sunod ng paghayo. Si Eliab na anak ni Helon ang naging pinuno ng hukbo ng Zebulon.—Bil 1:9; 2:3-7; 7:24; 10:14-16.
Mana ng Tribo. Tungkol sa mana ng tribo ni Zebulon, sinabi ng patriyarkang si Jacob noong mamamatay na siya: “Si Zebulon ay tatahan sa tabi ng baybay-dagat, at siya ay malalagay sa tabi ng baybayin na dinadaungan ng mga barko; at ang kaniyang dulong bahagi ay magiging sa dakong Sidon.” (Gen 49:13) Yamang ang Sidon ay nasa gawing H ng Israel at yamang ang teritoryo ng Zebulon ay magiging sa dakong Sidon, ang lokasyon ng teritoryo ng Zebulon ay sa hilaga. Bagaman hindi aktuwal na kahangga ng dagat, ang lugar na iniatas sa Zebulon ay nasa pagitan ng Dagat ng Galilea sa S at ng Mediteraneo sa K kung kaya madaling makaparoon ang mga Zebulonita sa dalawang katubigang ito. Sa gayon ay magiging madali sa kanila ang makipagkalakalan, na maaaring siyang ipinahihiwatig ng pagpapalang binigkas ni Moises: “Magsaya ka, O Zebulon, sa iyong paglabas.”—Deu 33:18.
Noong panahong binabaha-bahagi ang Lupang Pangako mula sa Shilo, ang ikatlong palabunot ay napunta sa Zebulon. (Jos 18:8; 19:10-16) Si Elisapan na anak ni Parnac, ang inatasan-ng-Diyos na kinatawan ng tribo ni Zebulon, ay tumulong sa paghahati-hati ng lupain. (Bil 34:17, 25) Nang maitatag na ang mga hangganan ng mga teritoryo, ang Zebulon ay napalilibutan ng Aser (Jos 19:24, 27), Neptali (Jos 19:32-34), at Isacar.
Ang ilang lunsod ng mga Levita ay nasa teritoryo ng Zebulon. (Jos 21:7, 34, 35; 1Cr 6:63, 77) Sa isa sa mga ito, sa Nahalol (Nahalal), ay hindi napalayas ng mga Zebulonita ang mga Canaanita, gaya rin ng nangyari sa lunsod ng Kitron.—Huk 1:30.
Namumukod-Tanging mga Mandirigma. Ang tribo ni Zebulon ay pinanggalingan ng magigiting na mandirigma. Sampung libong lalaki mula sa Neptali at Zebulon ang tumugon sa panawagan ni Barak na makipaglaban sa mga hukbong pinangungunahan ni Sisera. (Huk 4:6, 10) Pagkatapos ng tagumpay, sina Barak at Debora ay umawit: “Ang Zebulon ay isang bayan na humamak sa kanilang mga kaluluwa hanggang sa punto ng kamatayan.” (Huk 5:18) Kabilang sa mga sumuporta kay Barak ang mga Zebulonita na “humahawak ng kasangkapan ng eskriba,” maliwanag na mga lalaking nangangasiwa sa pagbilang at pagtatala ng mga mandirigma. (Huk 5:14; ihambing ang 2Ha 25:19; 2Cr 26:11.) Mayroon ding mga Zebulonita na pumaroon kay Hukom Gideon bilang tugon sa kaniyang panawagan ukol sa mga mandirigma. (Huk 6:34, 35) Kabilang sa mga tagasuporta ni David ang 50,000 Zebulonita, mga lalaking matapat na hindi ‘salawahan ang puso.’ (1Cr 12:33, 38-40) Noong panahon ng paghahari ni David, maliwanag na nagkaroon ng malaking bahagi ang mga Zebulonita sa pagsupil sa mga kaaway ng Israel.—Aw 68:27.
Saloobin sa Tunay na Pagsamba. Sa huling kalahatian ng ikawalong siglo B.C.E., may mga indibiduwal mula sa tribo ni Zebulon na nagpakumbaba at tumugon sa paanyaya ng Judeanong si Haring Hezekias na dumalo sa pagdiriwang ng Paskuwa sa Jerusalem. (2Cr 30:1, 10, 11, 18, 19) Pagkaraan ng maraming siglo, bilang katuparan ng hula ni Isaias (Isa 9:1, 2), si Kristo Jesus ay nangaral sa teritoryo ng sinaunang Zebulon at maliwanag na nakasumpong doon ng mga taong handang makinig.—Mat 4:13-16.
Tinukoy sa mga Pangitain. Sa pangitain ni Ezekiel, ang atas na lupain ng Zebulon ay nasa pagitan ng Isacar at Gad (Eze 48:26, 27), at ang isa sa mga pintuang-daan ng lunsod na “Si Jehova Mismo ay Naroroon” ay pinanganlang Zebulon. (Eze 48:33, 35) Sa pangitain ng apostol na si Juan, narinig niya na 12,000 ang tinatakan mula sa (espirituwal na) tribo ni Zebulon.—Apo 7:4, 8.