Pinahalagahan ni Jacob ang Espirituwal na mga Simulain
ANG buhay ni Jacob ay punô ng alitan at kapahamakan. Ang nakamamatay na galit ng kaniyang kakambal ang nagtulak kay Jacob upang tumakas para iligtas ang kaniyang buhay. Sa halip na mapakasalan ang babaing iniibig niya, siya ay nilinlang upang mapangasawa muna ang iba at sa dakong huli ay nagkaroon siya ng apat na asawa at maraming problema na resulta nito. (Genesis 30:1-13) Dalawampung taon siyang nagtrabaho sa isang lalaki na nagsamantala sa kaniya. Nakipagbuno siya sa isang anghel at dumanas ng permanenteng pinsala. Hinalay ang kaniyang anak na babae, gumawa ng lansakang pamamaslang ang kaniyang mga anak na lalaki, at tumangis siya dahil sa masaklap na pagkawala ng kaniyang paboritong anak na lalaki at asawa. Palibhasa’y napilitang mandayuhan sa panahon ng kaniyang katandaan upang matakasan ang taggutom, inamin niya na ang kaniyang mga araw ay “kakaunti at nakapipighati.” (Genesis 47:9) Sa kabila ng lahat ng ito, si Jacob ay isang taong espirituwal na nagtiwala sa Diyos. Mali ba ang pinaglagakan niya ng pananampalataya? Anong mga aral ang matututuhan mula sa pagsasaalang-alang sa ilan lamang sa mga karanasan ni Jacob?
Ibang-iba sa Kaniyang Kapatid
Ang dahilan ng di-pagkakasundo ni Jacob at ng kaniyang kapatid ay ang pagpapahalaga ni Jacob sa espirituwal na mga kayamanan, samantalang hinamak naman ito ni Esau. Interesado si Jacob sa tipang pangako na ginawa kay Abraham at iniukol niya ang kaniyang sarili sa pangangalaga sa pamilya na itinalaga ng Diyos bilang mga tagapagmana. Kaya naman “inibig” siya ni Jehova. Si Jacob ay “walang kapintasan,” isang termino na nangangahulugang kahusayan sa moral. Kabaligtaran naman, hindi gaanong pinahalagahan ni Esau ang kaniyang espirituwal na pamana anupat ipinagbili niya ito kay Jacob sa maliit na halaga. Nang hingin ni Jacob, taglay ang pagsang-ayon ng Diyos, ang kaniyang karapatan at kunin ang pagpapala na para sana sa kaniyang kapatid, nagpuyos sa galit si Esau. Pagkatapos ay iniwan ni Jacob ang lahat ng minamahal niya, ngunit ang sumunod na mga pangyayari ay tiyak na nagpalakas sa kaniyang nanghihinang kalooban.—Malakias 1:2, 3; Genesis 25:27-34; 27:1-45.
Sa isang panaginip, ipinakita ng Diyos kay Jacob ang mga anghel na nagmamanhik-manaog sa isang hagdanan, o isang “pataas na salansan ng mga bato,” sa pagitan ng langit at lupa at sinabi na ipagsasanggalang niya si Jacob at ang binhi nito. “Sa pamamagitan mo at sa pamamagitan ng iyong binhi ay tiyak na pagpapalain ng lahat ng pamilya sa lupa ang kanilang sarili. At narito, ako ay sumasaiyo at iingatan kita sa lahat ng paroroonan mo at ibabalik kita sa lupang ito, sapagkat hindi kita iiwan hanggang sa magawa ko nga ang sinalita ko sa iyo.”—Genesis 28:10-15; talababa sa New World Translation of the Holy Scriptures—With References.
Tunay ngang nakapagpapatibay ng loob! Tiniyak ni Jehova na ang mga ipinangako kina Abraham at Isaac ay magpapayaman sa espirituwal na paraan sa pamilya ni Jacob. Ipinaalam kay Jacob na maaaring maglingkod ang mga anghel sa mga sinasang-ayunan ng Diyos, at tiniyak sa kaniya na ipagsasanggalang siya ng Diyos. Dahil sa mapagpahalagang pagkilala rito, nanata si Jacob na maging tapat kay Jehova.—Genesis 28:16-22.
Hindi kailanman inagaw ni Jacob ang mana ni Esau. Bago pa sila isilang, sinabi na ni Jehova na “ang nakatatanda ay maglilingkod sa nakababata.” (Genesis 25:23) ‘Hindi ba’t mas mabuti sana kung pinangyari na lamang ng Diyos na unang naisilang si Jacob?’ maaaring itanong ng isa. Ang sumunod na nangyari ay nagturo ng mahahalagang katotohanan. Hindi inilalaan ng Diyos ang mga pagpapala sa mga nakadarama na sila ay nararapat sa mga ito, ngunit ipinamamalas niya ang di-sana-nararapat na kabaitan sa mga pinipili niya. Kaya ang karapatan sa pagkapanganay ay napunta kay Jacob, hindi sa kaniyang nakatatandang kapatid, na hindi nagpahalaga rito. Sa katulad na paraan, dahil ipinakita ng likas na mga Judio ang saloobin na kagaya ng kay Esau, hinalinhan sila ng espirituwal na Israel. (Roma 9:6-16, 24) Ang mabuting kaugnayan kay Jehova sa ngayon ay hindi kailanman natatamo sa pamamagitan ng di-pinagsikapang mana, kahit ang isa ay isinilang sa isang pamilya o kapaligirang may takot sa Diyos. Ang lahat ng nais magtamo ng mga pagpapala ng Diyos ay dapat magsikap na maging makadiyos, anupat talagang nagpapahalaga sa espirituwal na mga bagay.
Malugod na Tinanggap ni Laban
Nang makarating sa Padan-aram upang humanap ng asawa mula sa kaniyang mga kamag-anak, nakilala ni Jacob ang kaniyang pinsan na si Raquel, ang anak na babae ni Laban, sa isang balon at iginulong ang mabigat na batong pantakip nito upang painumin ang mga hayop na kaniyang pinapastulan.a Nagmamadaling umuwi si Raquel upang ipaalam ang pagdating ni Jacob, at nagmadali naman si Laban upang salubungin si Jacob. Kung iniisip ni Laban ang kayamanang natanggap ng kaniyang pamilya mula sa lingkod ni Abraham, tiyak na nasiraan siya ng loob, sapagkat si Jacob ay walang dala. Ngunit maliwanag na nakita ni Laban ang isang bagay na maaari niyang samantalahin—isang masipag na trabahador.—Genesis 28:1-5; 29:1-14.
Inilahad ni Jacob ang kaniyang kuwento. Hindi malinaw kung binanggit niya ang panlilinlang na ginamit upang matamo ang karapatan sa pagkapanganay, ngunit matapos marinig “ang lahat ng bagay na ito,” sinabi ni Laban: “Tunay na ikaw ay aking buto at aking laman.” Isang iskolar ang nagsabi na ang pariralang ito ay maaaring unawain bilang isang magiliw na paanyaya na mamalagi si Jacob o isang pagkilala na ang pagkakamag-anak ay nag-oobliga kay Laban na ipagsanggalang siya. Anuman ang kahulugan nito, di-nagtagal ay pinag-isipan na ni Laban kung paano sasamantalahin ang kaniyang pamangkin.
Pinasimulang sabihin ni Laban ang puntong pinagtalunan sa loob ng sumunod na 20 taon. “Ikaw ba ay kapatid ko, at maglilingkod ka ba sa akin nang walang bayad?” ang tanong niya. “Sabihin mo sa akin, Ano ang magiging kabayaran mo?” Bagaman nagkunwaring mabait na tiyo si Laban, pinababa niya ang kaniyang kaugnayan kay Jacob bilang kamag-anak tungo sa isang kasunduan ukol sa paglilingkod sa kaniya. Palibhasa’y iniibig ni Jacob si Raquel, sumagot siya: “Handa akong maglingkod sa iyo nang pitong taon para kay Raquel na iyong nakababatang anak.”—Genesis 29:15-20.
Ang kasunduang magpakasal ay nagkakabisa kapag ibinayad ang dote sa pamilya ng kasintahang babae. Nang maglaon ay itinakda ng Kautusang Mosaiko sa 50 siklong pilak ang halaga ng birhen na pinagsamantalahan. Naniniwala ang iskolar na si Gordon Wenham na ito “ang pinakamataas na dote” ngunit ang karamihan ay “mas mababa” rito. (Deuteronomio 22:28, 29) Hindi kayang magbayad ni Jacob. Inalok niya si Laban ng pitong taóng paglilingkod. “Yamang ang pansamantalang mga manggagawa ay tumatanggap ng kalahati hanggang isang siklo sa isang buwan noong sinaunang panahon sa Babilonya” (mula 42 hanggang 84 na siklo sa loob ng buong pitong taon), ang sabi pa ni Wenham, “si Jacob ay nag-alok kay Laban ng napakamahal na dote kapalit ng pagpapakasal kay Raquel.” Agad itong tinanggap ni Laban.—Genesis 29:19.
Ang pitong taon ay waring “ilang araw lamang” kay Jacob dahil gayon na lamang ang pag-ibig niya kay Raquel. Pagkatapos noon, hiningi niya ang kaniyang nakatalukbong na nobya, anupat hindi nahalata ang panlilinlang ni Laban. Gunigunihin ang kaniyang pagkagulat kinaumagahan nang masumpungang sumiping siya, hindi kay Raquel, kundi sa kapatid nitong si Lea! Humingi ng paliwanag si Jacob: “Ano itong ginawa mo sa akin? Hindi ba pinaglingkuran kita para kay Raquel? Kaya bakit mo ako dinaya?” Sumagot si Laban: “Hindi kaugaliang gawin ang ganiyan sa aming dako, na ibigay ang nakababatang babae bago ang panganay. Ipagdiwang mo nang lubos ang sanlinggo ng babaing ito. Pagkatapos ay ibibigay rin sa iyo ang isa pang babaing ito para sa paglilingkod na maipaglilingkod mo sa akin nang pitong taon pa.” (Genesis 29:20-27) Palibhasa’y walang kalaban-laban at wala nang magawa, wala nang mapagpipilian si Jacob kundi tanggapin ang mga kasunduang iyon kung gusto niya si Raquel.
Di-tulad ng unang pitong taon, ang sumunod na pitong taon ay di-kalugud-lugod. Paano maipagwawalang-bahala ni Jacob ang napakasakit na pandaraya ni Laban? At paano niya mapagpapaumanhinan si Lea, na naging kasabuwat sa panlilinlang na ito? Sabihin pa, hindi nabahala si Laban sa maligalig na kinabukasang inihanda niya para kina Lea at Raquel. Ang ikinababahala niya ay ang kaniyang sariling kapakanan. Naragdagan pa ng paninibugho ang paghihinanakit nang sunud-sunod na magsilang si Lea ng apat na anak na lalaki, samantalang si Raquel naman ay nanatiling baog. Nang magkagayon ay ipinasiya ni Raquel, palibhasa’y desperadong magkaanak, na ibigay ang kaniyang utusang babae bilang kahaliling ina, at dahil nakikipagpaligsahan, gayundin ang ginawa ni Lea. Naging 4 tuloy ang asawa ni Jacob, 12 ang naging anak niya, at hindi naging maligaya ang kaniyang pamilya. Gayunman, ginawa ni Jehova na isang malaking bansa si Jacob.—Genesis 29:28–30:24.
Pinayaman ni Jehova
Sa kabila ng mga pagsubok, nakita ni Jacob na sumasakaniya ang Diyos gaya ng ipinangako. Nakita rin ito ni Laban, sapagkat ang ilang hayop na taglay niya nang dumating si Jacob ay naging napakarami sa ilalim ng pangangalaga ng kaniyang pamangkin. Palibhasa’y bantulot na payagang umalis si Jacob, inalok siya ni Laban na sabihin kung ano ang gusto niyang kabayaran sa karagdagang paglilingkod, at dito’y hiniling ni Jacob na mapasakaniya ang mga hayop na may kakaibang kulay na naisilang mula sa kawan ni Laban. Sinasabi na sa rehiyong iyon, ang mga tupa ay karaniwan nang puti at ang mga kambing ay itim o matingkad na kayumanggi; kakaunti lamang ang may tagping kulay. Kaya palibhasa’y iniisip na tutubo siya sa kasunduan, agad na sumang-ayon si Laban at dali-daling ibinukod sa malayo ang kaniyang mga hayop na may kakaibang marka upang hindi mapasama sa mga kawan na natira sa pangangalaga ni Jacob. Maliwanag na naniniwala siyang kaunti lamang ang pakikinabangan ni Jacob sa kasunduang iyon, tiyak na hindi ang 20 porsiyento ng bagong-silang na mga batang kambing at kordero na karaniwan nang tinatanggap ng mga pastol bilang kabayaran. Ngunit nagkamali si Laban, sapagkat si Jehova ay sumasa kay Jacob.—Genesis 30:25-36.
Sa ilalim ng patnubay ng Diyos, si Jacob ay nakapagparami ng mabubulas na hayop na may kulay na nais niya. (Genesis 30:37-42) Hindi tama ang kaniyang mga ideya sa pagpaparami ng kawan. Gayunman, “sa makasiyensiyang paraan, ang ninanais na mga resulta ay matatamo sa pamamagitan ng sunud-sunod na pagpapalahi sa . . . iisang-kulay na mga hayop na nagtataglay ng mga recessive gene (sangkap na nakaaapekto sa lahi) na nagluluwal ng lahing batik-batik,” ang paliwanag ng iskolar na si Nahum Sarna, at ang “gayong mga hayop ay nakikilala sa . . . [kanilang] kakaibang kasiglahan.”
Nang mapansin ang mga resulta, sinikap ni Laban na palitan ang kasunduan hinggil sa kung aling hayop ang magiging pag-aari ng kaniyang pamangkin—yaong mga may guhit, batik-batik, at may tagping kulay. Sariling pakinabang lamang niya ang kaniyang hanap, ngunit kahit paano man baguhin ni Laban ang kasunduan, tiniyak ni Jehova na laging mananagana si Jacob. Walang magawa si Laban kundi magngitngit na lamang. Di-nagtagal, si Jacob ay nagkamal ng maraming kayamanan, kawan, lingkod, kamelyo, at mga asno, hindi dahil sa kaniyang sariling pagkamapamaraan, kundi dahil sa pagtangkilik ni Jehova. Nang maglaon ay ipinaliwanag niya kina Raquel at Lea: “Dinaya ako ng inyong ama at binago niya ang aking kabayaran nang sampung ulit, ngunit hindi siya pinahintulutan ng Diyos na gawan ako ng masama. . . . Kinukuha ng Diyos ang kawan ng inyong ama at ibinibigay sa akin.” Tiniyak din ni Jehova kay Jacob na nakita Niya ang lahat ng ginawa ni Laban ngunit hindi dapat mabahala si Jacob. “Bumalik ka sa iyong lupain at sa iyong mga kamag-anak,” ang sabi ng Diyos, “at gagawan kita ng mabuti.”—Genesis 31:1-13; 32:9.
Sa wakas, matapos siyang makalayo sa mapandayang si Laban, naglakbay pauwi si Jacob. Bagaman 20 taon na ang lumipas, natatakot pa rin siya kay Esau, lalo na nang mabalitaan niya na papalapit na si Esau kasama ang apat na raang lalaki. Ano ang maaaring gawin ni Jacob? Palibhasa’y laging isang taong espirituwal na nagtitiwala sa Diyos, kumilos siya nang may pananampalataya. Nanalangin siya, na kinikilalang hindi siya karapat-dapat sa pagkabukas-palad ni Jehova at nagsumamo sa Diyos salig sa Kaniyang mga pangako na siya at ang pamilya niya ay iligtas mula sa kamay ni Esau.—Genesis 32:2-12.
Pagkatapos ay nangyari ang di-inaasahan. Isang estranghero, na isa palang anghel, ang nakipagbuno kay Jacob noong gabi, at sa pamamagitan lamang ng minsanang paghipo ay naalis niya sa hugpungan ang hita ni Jacob. Tumangging bumitiw si Jacob malibang pagpalain muna siya ng anghel. Nang maglaon ay sinabi ni propeta Oseas na si Jacob ay ‘tumangis, upang makapamanhik siya para sa kaniyang sarili.’ (Oseas 12:2-4; Genesis 32:24-29) Alam ni Jacob na ang nakaraang mga pagpapakita ng mga anghel ay may kaugnayan sa pagsasakatuparan ng Abrahamikong tipan sa pamamagitan ng kaniyang binhi. Kaya puspusan siyang nagpumilit na makipagbuno at nagtamo siya ng pagpapala. Nang panahong iyon, binago ng Diyos ang kaniyang pangalan tungo sa Israel, na nangangahulugang “Isa na Nakikipagpunyagi (Isa na Nagmamatiyaga) sa Diyos,” o “Nakikipagpunyagi ang Diyos.”
Handa Ka Bang Makipagbuno?
Hindi lamang ang pakikipagbuno sa isang anghel at ang muling pakikipagkita kay Esau ang mga problemang kinailangang mapagtagumpayan ni Jacob. Gayunman, ang mga pangyayaring isinaalang-alang dito ay naglalawaran kung anong uri siya ng lalaki. Kung si Esau ay hindi nakapagbata ng gutom alang-alang sa kaniyang karapatan sa pagkapanganay, si Jacob naman ay nakipagpunyagi sa buong buhay niya upang matamo ang mga pagpapala, anupat nakipagbuno pa nga sa isang anghel. Gaya ng ipinangako ng Diyos, natanggap ni Jacob ang patnubay at proteksiyon ng Diyos, anupat pinagmulan siya ng isang malaking bansa at naging ninuno ng Mesiyas.—Mateo 1:2, 16.
Handa ka bang magpagal nang husto upang matamo ang paglingap ni Jehova, anupat nakikipagbuno para rito, wika nga? Ang buhay sa ngayon ay punô ng mga problema at pagsubok para sa mga nagnanais gumawa ng kalooban ng Diyos, at kung minsan ay kailangan ang pakikipagpunyagi upang magawa ang tamang mga pasiya. Gayunman, ang mainam na halimbawa ni Jacob ay nagbibigay ng mapuwersang pampasigla sa atin na manghawakan sa pag-asa hinggil sa gantimpala na inilalaan sa atin ni Jehova.
[Talababa]
a Ang pangyayaring iyon ay nakakatulad ng pangyayari nang painumin ng ina ni Jacob, si Rebeka, ang mga kamelyo ni Eliezer. Pagkatapos ay tumakbong pauwi si Rebeka dala ang balita hinggil sa pagdating ng estranghero. Nang makita ang mga kagamitang ginto na tinanggap ng kaniyang kapatid na babae bilang kaloob, tumakbo si Laban upang malugod na tanggapin si Eliezer.—Genesis 24:28-31, 53.
[Mga larawan sa pahina 31]
Buong-buhay na nakipagpunyagi si Jacob upang matamo ang mga pagpapala