KABANATA 9
‘Tumakas Mula sa Pakikiapid’
“Patayin ninyo, kung gayon, ang mga sangkap ng inyong katawan na nasa ibabaw ng lupa may kinalaman sa pakikiapid, karumihan, pita sa sekso, nakasasakit na pagnanasa, at kaimbutan, na siyang idolatriya.”—COLOSAS 3:5.
1, 2. Anong pakana ang ginawa ni Balaam para mapahamak ang bayan ni Jehova?
PUMUNTA ang mangingisda sa paborito niyang lugar na pangisdaan. May partikular siyang isda na gustong mahuli. Pumili siya ng pain, ikinabit ito sa tanse ng kaniyang pamingwit, at inihagis ang pain sa tubig. Mayamaya, nabatak ang tanse ng pamingwit. Hinila niya ito at kinuha ang kaniyang nahuling isda. Tuwang-tuwa siya dahil alam niyang tama ang ginamit niyang pain.
2 Noong taóng 1473 B.C.E., isang lalaking nagngangalang Balaam ang nag-isip ding mabuti ng isang pain. Ang kaniyang pinaplanong biktimahin ay ang bayan ng Diyos, na nagkakampo sa Kapatagan ng Moab malapit sa hangganan ng Lupang Pangako. Inangkin ni Balaam na propeta siya ni Jehova, pero ang totoo, isa lamang siyang sakim na taong binayaran upang sumpain ang Israel. Pero dahil kumilos si Jehova, pagpapala ang nabigkas ni Balaam sa halip na sumpa. Palibhasa’y determinadong makuha ang ibabayad sa kaniya, inisip ni Balaam na marahil ay mauudyukan niya si Jehova na sumpain ang Israel kung matutukso lamang niya ang bayan na gumawa ng malubhang kasalanan. Dahil dito, nakaisip si Balaam ng kaniyang ipapain sa Israel—ang mapang-akit na mga babae ng Moab.—Bilang 22:1-7; 31:15, 16; Apocalipsis 2:14.
3. Sa anong paraan nagtagumpay ang pakana ni Balaam?
3 Nagtagumpay ba ang pakana niya? Sa paanuman, nagtagumpay ito. Libu-libong lalaking Israelita ang kumagat sa pain nang sila ay ‘imoral na makipagtalik sa mga anak na babae ng Moab.’ Sumamba pa nga sila sa mga diyos ng Moab, pati na sa kasuklam-suklam na si Baal ng Peor, ang diyos ng pag-aanak, o sekso. Bilang resulta, 24,000 Israelita ang namatay malapit sa hangganan ng Lupang Pangako. Napakasaklap ng nangyari sa kanila!—Bilang 25:1-9.
4. Bakit libu-libong Israelita ang nahulog sa bitag ng imoralidad?
4 Bakit dinanas ng Israel ang trahedyang ito? Marami sa kanila ang nagkaroon ng pusong balakyot sa pamamagitan ng paglayo kay Jehova, ang mismong Diyos na nagligtas sa kanila mula sa Ehipto, nagpakain sa kanila sa iláng, at nag-ingat sa kanila hanggang sa makarating sila malapit sa hangganan ng lupang pangako. (Hebreo 3:12) Ganito ang isinulat ni apostol Pablo hinggil dito: “Ni mamihasa man tayo sa pakikiapid, kung paanong ang ilan sa kanila ay nakiapid, upang mabuwal lamang, dalawampu’t tatlong libo sa kanila sa isang araw.”a—1 Corinto 10:8.
5, 6. Bakit mahalaga sa atin sa ngayon ang ulat hinggil sa pagkakasala ng Israel noong sila’y nasa Kapatagan ng Moab?
5 Maraming matututuhan ang bayan ng Diyos sa ngayon hinggil sa pangyayaring iyon na nakaulat sa Mga Bilang, yamang malapit na silang pumasok sa isang mas mainam na lupang pangako. (1 Corinto 10:11) Halimbawa, ang pagkahumaling ng sinaunang mga Moabita sa sekso ay kitang-kita rin ngayon sa sanlibutang ito, at mas masahol pa nga kung ikukumpara noon. Bukod diyan, libu-libong Kristiyano taun-taon ang nahuhulog sa bitag ng imoralidad—ang mismong pain na ginamit para mabitag ang mga Israelita. (2 Corinto 2:11) At gaya ni Zimri na hindi nahiyang ipasok ang isang babaing Midianita sa mismong kampo ng Israel hanggang sa kaniyang tolda, ang ilan na kabilang sa bayan ng Diyos sa ngayon ay nagiging masamang impluwensiya sa loob mismo ng kongregasyong Kristiyano.—Bilang 25:6, 14; Judas 4.
6 Nakikita mo ba ang iyong sarili sa makabagong-panahong Kapatagan ng Moab? Nakikita mo bang napakalapit mo nang makamit ang iyong gantimpala—ang bagong sanlibutan na matagal mo nang hinihintay? Kung oo, gawin mo ang iyong buong makakaya na manatili sa pag-ibig ng Diyos sa pamamagitan ng pagsunod sa utos na ito: ‘Tumakas mula sa pakikiapid.’—1 Corinto 6:18.
ANO ANG PAKIKIAPID?
7, 8. Ano ang “pakikiapid,” at paano inaani ng mga gumagawa nito ang kanilang inihasik?
7 Gaya ng pagkakagamit sa Bibliya, ang “pakikiapid” (Griego, por·neiʹa) ay tumutukoy sa bawal na pagtatalik ng mga hindi mag-asawa ayon sa Kasulatan. Kabilang dito ang pangangalunya, prostitusyon, at pagtatalik ng mga hindi mag-asawa gayundin ang oral at anal sex at paghimas sa ari ng isang indibiduwal na hindi niya asawa. Kasama rin dito ang gayong seksuwal na mga gawain sa pagitan ng mga indibiduwal na magkapareho ng kasarian, gayundin ang bestiyalidad.b
8 Napakalinaw ng sinasabi sa Kasulatan: Ang mga nakikiapid ay hindi maaaring manatili sa kongregasyong Kristiyano at hindi tatanggap ng buhay na walang hanggan. (1 Corinto 6:9; Apocalipsis 22:15) Karagdagan pa, kahit ngayon pa lamang, pinipinsala na nila ang kanilang sarili dahil ang pakikiapid ay nagbubunga ng kawalan ng paggalang sa sarili at pagtitiwala, alitan sa pagitan ng mag-asawa, nababagabag na budhi, di-inaasahang pagbubuntis, sakit, at maging kamatayan. (Galacia 6:7, 8) Bakit mo sisimulan ang isang landasin na batbat ng kahapisan? Nakalulungkot, hindi ito iniisip ng marami kapag nasangkot sila sa unang hakbang na kadalasan nang nauuwi sa pakikiapid—ang pornograpya.
PORNOGRAPYA—ANG UNANG HAKBANG NA KADALASAN NANG NAUUWI SA PAKIKIAPID
9. Totoo bang hindi nakapipinsala ang pornograpya gaya ng sinasabi ng ilan? Ipaliwanag.
9 Sa maraming lupain, itinatampok ang pornograpya sa mga bilihan ng diyaryo, sa musika, at sa telebisyon. Napakalaganap din nito sa Internet.c Sinasabi ng ilan na hindi naman daw ito nakapipinsala. Totoo ba ito? Hinding-hindi! Dahil sa panonood ng pornograpya, nakakagawian ng ilan ang masturbasyon at nagkakaroon sila ng “kahiya-hiyang mga pita sa sekso,” na maaaring maging sanhi ng pagkahayok sa sekso, pagkakaroon ng maruming pagnanasa, malulubhang problema sa pag-aasawa, at pagdidiborsiyo pa nga.d (Roma 1:24-27; Efeso 4:19) Itinulad ng isang mananaliksik ang pagkahayok sa sekso sa kanser. “Lumalala ito at kumakalat,” ang sabi niya. “Bihira itong mawala, at napakahirap din itong gamutin.”
10. Sa anu-anong paraan natin maikakapit ang simulaing mababasa sa Santiago 1:14, 15? (Tingnan din ang kahong “Kung Paano Ako Nagkaroon ng Lakas na Maging Malinis sa Moral.”)
10 Isaalang-alang ang mga salitang nakaulat sa Santiago 1:14, 15: “Ang bawat isa ay nasusubok kapag nahihila at naaakit ng sarili niyang pagnanasa. Pagkatapos ang pagnanasa, kapag naglihi na ito, ay nagsisilang ng kasalanan; ang kasalanan naman, kapag naisagawa na ito, ay nagluluwal ng kamatayan.” Kaya kapag pumasok sa iyong isipan ang masamang pagnanasa, alisin agad ito! Halimbawa, kung hindi mo sinasadya ay nakakita ka ng mahalay na larawan, iwasan agad ito, o patayin ang computer, o ilipat ang channel ng TV. Gawin mo ang lahat ng kinakailangan bago ka madaig ng imoral na pagnanasa!—Mateo 5:29, 30.
11. Kapag pinaglalabanan ang maling mga pagnanasa, paano natin maipapakita ang ating pagtitiwala kay Jehova?
11 Kaya may mabuting dahilan kung bakit tayo pinapayuhan ng Isa na nakakakilala sa atin nang higit kaysa sa pagkakilala natin sa ating sarili: “Patayin ninyo, kung gayon, ang mga sangkap ng inyong katawan na nasa ibabaw ng lupa may kinalaman sa pakikiapid, karumihan, pita sa sekso, nakasasakit na pagnanasa, at kaimbutan, na siyang idolatriya.” (Colosas 3:5) Totoo, baka isang hamon na gawin ito. Pero tandaan, nariyan ang ating maibigin at matiising Ama sa langit na mahihingan natin ng tulong. (Awit 68:19) Kaya agad na lumapit sa kaniya kapag may pumasok na maruruming bagay sa iyong isip. Manalangin ukol sa “lakas na higit sa karaniwan,” at piliting ituon ang iyong isip sa ibang mga bagay.—2 Corinto 4:7; 1 Corinto 9:27; tingnan ang kahong “Paano Ko Maititigil ang Bisyo Ko?”
12. Sa ano tumutukoy ang ating “puso,” at bakit natin dapat ingatan ito?
12 Sumulat ang matalinong tao na si Solomon: “Higit sa lahat na dapat bantayan, ingatan mo ang iyong puso, sapagkat nagmumula rito ang mga bukal ng buhay.” (Kawikaan 4:23) Ang ating “puso” ay ang atin mismong pagkatao, kung sino talaga tayo bilang persona sa paningin ng Diyos. Bukod diyan, ang pagkakamit natin ng buhay na walang hanggan ay nakadepende hindi sa kung ano ang tingin sa atin ng iba kundi sa kung ano ang pananaw ng Diyos sa ating “puso.” Napakasimpleng unawain, hindi ba? Pero buhay ang nakataya rito. Para hindi tumingin nang may pagnanasa sa isang babae ang tapat na si Job, nakipagtipan, o gumawa siya ng pormal na kasunduan, sa kaniyang mga mata. (Job 31:1) Napakainam ngang halimbawa para sa atin! Ipinakita ng salmista na ganiyan din ang kaniyang kaisipan nang siya’y manalangin: “Palampasin mo ang aking mga mata sa pagtingin sa walang kabuluhan.”—Awit 119:37.
DI-MATALINONG PASIYA NI DINA
13. Sino si Dina, at bakit hindi siya naging matalino sa pagpili ng mga kaibigan?
13 Gaya ng nabasa natin sa Kabanata 3, ang ating mga kaibigan ay may malakas na impluwensiya sa atin, mabuti man ito o masama. (Kawikaan 13:20; 1 Corinto 15:33) Isaalang-alang ang halimbawa ni Dina, ang anak na babae ng patriyarkang si Jacob. (Genesis 34:1) Bagaman mahusay ang pagpapalaki sa kaniya, hindi naging matalino si Dina sa pagpili ng mga kaibigan. Nakipagkaibigan siya sa mga babaing Canaanita. Gaya ng mga Moabita, kilalang imoral ang mga Canaanita. (Levitico 18:6-25) Sa mata ni Sikem—“ang pinakamarangal” sa sambahayan ng kaniyang ama—at ng iba pang mga lalaking Canaanita, waring handang gumawa ng imoralidad si Dina gaya ng mga babaing naninirahan sa Canaan.—Genesis 34:18, 19.
14. Paano humantong sa trahedya ang maling pagpili ni Dina ng mga kaibigan?
14 Nang makita ni Dina si Sikem, malamang na wala naman sa isip ni Dina na makipagtalik dito. Pero ginawa ni Sikem ang marahil ay likas na gagawin ng maraming Canaanita kapag napukaw ang seksuwal na pagnanasa. Walang saysay ang anumang pagtangging ginawa ni Dina, dahil “kinuha siya” ni Sikem at “hinalay siya.” Waring nang bandang huli ay “inibig” ni Sikem si Dina, pero hindi nito mababago ang ginawa niya kay Dina. (Genesis 34:1-4) At hindi lamang si Dina ang nagdusa. Dahil sa kaniyang maling pagpili ng mga kaibigan, sunud-sunod na naganap ang masaklap na mga pangyayaring nagdala ng kahihiyan at kadustaan sa kaniyang buong pamilya.—Genesis 34:7, 25-31; Galacia 6:7, 8.
15, 16. Paano tayo makapagtatamo ng tunay na karunungan? (Tingnan din ang kahong “Mga Tekstong Magandang Bulay-bulayin.”)
15 Natutuhan ni Dina ang isang mahalagang aral sa masaklap na paraan. Pero hindi kailangang matutuhan ng mga umiibig at sumusunod kay Jehova ang mahahalagang aral sa buhay sa ganitong paraan. Dahil nakikinig sila sa Diyos, pinipili nilang ‘lumakad na kasama ng marurunong.’ (Kawikaan 13:20a) Sa gayon, nauunawaan nila “ang buong landasin ng kabutihan” at naiiwasan ang mga problema at pasakit.—Kawikaan 2:6-9; Awit 1:1-3.
16 Kung nais ng isa na makamit ang makadiyos na karunungan, kailangan siyang kumilos para matamo ang karunungang ito. Magagawa niya ito kung magiging matiyaga siya sa pananalangin at regular na mag-aaral ng Salita ng Diyos at ng mga publikasyong inilalaan ng uring tapat na alipin. (Mateo 24:45; Santiago 1:5) Mahalaga rin ang kapakumbabaan, na makikita sa ating pagiging handang sumunod sa payo mula sa Kasulatan. (2 Hari 22:18, 19) Halimbawa, baka naniniwala ang isang Kristiyano na ang kaniyang puso ay maaaring maging mapandaya at mapanganib. (Jeremias 17:9) Pero kung mapaharap na siya sa isang situwasyon na kailangan niya ang espesipiko at maibiging payo, mapagpakumbaba kaya niyang tatanggapin ang tulong na ibinibigay sa kaniya?
17. Ilarawan ang isang situwasyon na maaaring bumangon sa isang pamilya, at ipakita kung paano maaaring mangatuwiran ang isang ama sa kaniyang anak na babae.
17 Gunigunihin ang situwasyong ito. Hindi pinayagan ng isang ama ang kaniyang anak na babae at isang kabataang Kristiyanong lalaki na mamasyal nang walang tsaperon. Sinabi ng kaniyang anak: “Pero Itay, wala ka bang tiwala sa akin? Wala naman po kaming gagawing masama!” Maaaring mahal niya si Jehova at baka wala naman talaga siyang masamang binabalak na gawin, pero siya ba ay “lumalakad na may [makadiyos na] karunungan”? Siya kaya ay ‘tumatakas mula sa pakikiapid’? O may-kamangmangan siyang “nagtitiwala sa kaniyang sariling puso”? (Kawikaan 28:26) Marahil ay may maiisip ka pang ibang mga simulain hinggil dito na makatutulong sa ama at sa kaniyang anak.—Tingnan ang Kawikaan 22:3; Mateo 6:13; 26:41.
TUMAKAS SI JOSE MULA SA PAKIKIAPID
18, 19. Anong tukso ang napaharap noon kay Jose, at paano niya ito hinarap?
18 Si Jose, ang kapatid sa ama ni Dina, ay isang mahusay na kabataan na umibig sa Diyos at tumakas mula sa pakikiapid. (Genesis 30:20-24) Noong bata pa siya, nakita mismo ni Jose ang naging resulta ng kamangmangan ng kaniyang ate. Tiyak na dahil natatandaan ito ni Jose at nais niyang manatili sa pag-ibig ng Diyos, napagtagumpayan niya ang isang pagsubok pagkalipas ng maraming taon nang siya’y mapunta sa Ehipto at “araw-araw” na tinutukso ng asawa ng kaniyang panginoon. Siyempre, bilang alipin, hindi naman puwedeng basta na lamang umalis si Jose sa kaniyang trabaho! Upang maharap ang situwasyon, kinailangan niya ng lakas ng loob at karunungan. Ipinakita niya ito nang paulit-ulit siyang tumanggi sa asawa ni Potipar, at sa kalaunan, nang tumakas siya mula rito.—Genesis 39:7-12.
19 Pag-isipan ito: Kung pinagpantasyahan ni Jose ang asawa ni Potipar o nahirati siyang mag-isip hinggil sa sekso, nanatili kaya siyang tapat? Malamang na hindi. Sa halip na bulay-bulayin ang masasamang kaisipan, pinahalagahan ni Jose ang kaniyang kaugnayan kay Jehova, na makikita sa paulit-ulit na sinabi niya sa asawa ni Potipar: “Hindi . . . ipinagkait sa akin [ng aking panginoon] ang anupaman maliban sa iyo, sapagkat ikaw ang kaniyang asawa. Kaya paano ko magagawa ang malaking kasamaang ito at magkasala nga laban sa Diyos?”—Genesis 39:8, 9.
20. Paano minaniobra ni Jehova ang mga bagay-bagay sa kaso ni Jose?
20 Siguradong tuwang-tuwa si Jehova habang pinagmamasdan niya si Jose, na bagaman malayo sa kaniyang pamilya ay nananatiling tapat sa Kaniya araw-araw. (Kawikaan 27:11) Nang maglaon, minaniobra ni Jehova ang mga bagay-bagay hindi lamang para mapalaya si Jose mula sa bilangguan kundi para maging punong ministro din at tagapangasiwa sa pagkain ng Ehipto. (Genesis 41:39-49) Totoo nga ang mga salita sa Awit 97:10: “O kayong mga umiibig kay Jehova, kapootan ninyo ang kasamaan. Binabantayan niya ang mga kaluluwa ng kaniyang mga matapat; mula sa kamay ng mga balakyot ay inililigtas niya sila”!
21. Paano ipinakita ng isang kabataang kapatid na lalaki sa Aprika ang kaniyang lakas-loob na paninindigan sa mga pamantayang moral ng Diyos?
21 Gayundin sa ngayon, maraming lingkod ng Diyos ang ‘napopoot sa masama, at umiibig sa kabutihan.’ (Amos 5:15) Natatandaan ng isang kabataang lalaking Saksi sa Aprika na sinabi sa kaniya noon ng isa niyang babaing kaklase na makikipagtalik ito sa kaniya kung tutulungan niya ito sa isang pagsusulit sa matematika. “Kaagad ko siyang tinanggihan,” ang sabi niya. “Dahil nanatili akong tapat, hindi nawala ang aking dignidad at paggalang sa sarili, na di-hamak na mas mahalaga sa ginto at pilak.” Totoo, ang kasalanan ay maaaring magbigay ng “pansamantalang kasiyahan,” subalit kadalasan nang labis na pasakit ang dulot nito. (Hebreo 11:25) Bukod diyan, napakaliit ng kasiyahang iyan kung ihahambing sa walang-hanggang kaligayahang naidudulot ng pagsunod kay Jehova.—Kawikaan 10:22.
TANGGAPIN ANG TULONG MULA SA DIYOS NG KAAWAAN
22, 23. (a) Kung makagawa ng malubhang kasalanan ang isang Kristiyano, mapapatawad pa kaya siya ng Diyos? Ipaliwanag. (b) Sino ang maaaring makatulong sa isang nagkasala?
22 Palibhasa’y di-sakdal, lahat tayo ay nagpupunyagi upang madaig ang makalamang mga pagnanasa at nagsisikap na gawin kung ano ang tama sa paningin ng Diyos. (Roma 7:21-25) Alam ito ni Jehova, anupat “inaalaalang tayo ay alabok.” (Awit 103:14) Subalit kung minsan, baka makagawa ng malubhang kasalanan ang isang Kristiyano. Mapapatawad pa kaya siya ng Diyos? Oo naman! Siyempre pa, maaaring anihin ng nagkasala ang mapait na bunga ng kaniyang ginawa, gaya ng nangyari kay Haring David. Gayunpaman, ang Diyos ay laging “handang magpatawad” sa mga nagsisisi at ‘hayagang nagtatapat’ ng kanilang kasalanan.—Awit 86:5; Santiago 5:16; Kawikaan 28:13.
23 Karagdagan pa, may-kabaitang naglaan ang Diyos sa kongregasyong Kristiyano ng “mga kaloob na mga tao”—may-gulang sa espirituwal na mga pastol na kuwalipikado at handang tumulong. (Efeso 4:8, 12; Santiago 5:14, 15) Ang kanilang tunguhin ay tulungan ang nagkasala na maibalik ang kaniyang kaugnayan sa Diyos at ‘magtamo siya ng puso’ upang hindi na niya maulit ang kaniyang kasalanan.—Kawikaan 15:32.
‘MAGTAMO NG PUSO’
24, 25. (a) Paano naging “kapos ang puso” ng kabataang lalaki na inilarawan sa Kawikaan 7:6-23? (b) Paano tayo ‘makapagtatamo ng puso’?
24 Binabanggit ng Bibliya ang tungkol sa mga taong “kapos ang puso” at ang mga “nagtatamo ng puso.” (Kawikaan 7:7) Palibhasa’y hindi lubusang nauunawaan ang mga pamantayan ni Jehova at kulang sa karanasan sa paglilingkod sa Diyos, ang isa na “kapos ang puso” ay maaaring magkamali sa pagpapasiya. Gaya ng kabataang lalaking inilarawan sa Kawikaan 7:6-23, baka madali siyang makagawa ng malubhang kasalanan. Subalit sinusuring mabuti ng “nagtatamo ng puso” ang kaniyang pagkatao sa pamamagitan ng regular na pag-aaral ng Salita ng Diyos at pananalangin. At bagaman di-sakdal, ginagawa niya ang kaniyang buong makakaya upang maiayon ang kaniyang kaisipan, hangarin, damdamin, at tunguhin sa buhay sa kung ano ang nais ng Diyos. Sa gayon, ‘iniibig niya ang kaniyang sariling kaluluwa,’ o nagdudulot siya ng pagpapala sa kaniyang sarili, at tiyak na “makasusumpong [siya] ng mabuti.”—Kawikaan 19:8.
25 Tanungin ang sarili: ‘Kumbinsidung-kumbinsido ba ako na tama ang mga pamantayan ng Diyos? Talaga bang naniniwala ako na ang pagsunod sa mga ito ay magdudulot ng tunay na kaligayahan?’ (Awit 19:7-10; Isaias 48:17, 18) Kung ikaw ay may kahit na katiting na pag-aalinlangan, sikaping alisin agad ito. Bulay-bulayin ang mga resulta ng pagwawalang-bahala sa mga utos ng Diyos. Bukod diyan, ‘tikman at tingnan na si Jehova ay mabuti’ sa pamamagitan ng pamumuhay kasuwato ng katotohanan at pagpuno sa iyong isip ng kaayaayang mga bagay—mga bagay na totoo, matuwid, malinis, kaibig-ibig, at may kagalingan. (Awit 34:8; Filipos 4:8, 9) Makatitiyak ka na habang ginagawa mo ito, lalago ang iyong pag-ibig sa Diyos, anupat iniibig ang mga iniibig niya, at kinapopootan ang mga kinapopootan niya. Hindi sakdal si Jose. Pero ‘nakatakas siya mula sa pakikiapid’ dahil nagpahubog siya kay Jehova sa loob ng maraming taon, at nais niyang paluguran si Jehova. Sana’y ganiyan ka rin.—Isaias 64:8.
26. Anong mahalagang paksa ang tatalakayin sa mga susunod na kabanata?
26 Ginawa ng ating Maylalang ang ating mga sangkap sa sekso, hindi para gawing laruan ni gamitin man para sa katuwaan, kundi para sa pag-aanak at pagmulan ng kasiyahan ng mag-asawa. (Kawikaan 5:18) Ang pananaw ng Diyos hinggil sa pag-aasawa ay tatalakayin sa susunod na dalawang kabanata.
a Lumilitaw na kasama sa bilang ng mga namatay na binanggit sa aklat ng Mga Bilang ang mga tuwirang pinatay ni Jehova at ang mga “pangulo ng bayan” na pinatay ng mga hukom. Malamang na ang mga pangulong ito ay umaabot sa 1,000 lalaki.—Bilang 25:4, 5.
b Para sa pagtalakay sa kahulugan ng karumihan at mahalay na paggawi, tingnan ang “Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa” sa Ang Bantayan ng Hulyo 15, 2006, inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
c Ang “pornograpya,” gaya ng pagkakagamit sa aklat na ito, ay tumutukoy sa larawan, babasahin, rekording o aktuwal na pakikipag-usap sa telepono na ang layunin ay pukawin ang seksuwal na pagnanasa ng isa. Kasama sa pornograpya ang erotikong larawan ng isang tao hanggang sa pinakamalalaswang eksena ng pagtatalik ng dalawa o higit pang mga indibiduwal.
d Ang masturbasyon ay tinatalakay sa Apendise, sa artikulong “Kung Paano Mapagtatagumpayan ang Masturbasyon.”