Ang Salita ni Jehova ay Buháy
Mga Tampok na Bahagi sa Aklat ng Genesis—II
MULA sa paglalang sa unang tao, si Adan, hanggang sa kamatayan ng anak ni Jacob na si Jose, sinasaklaw ng Genesis ang 2,369 na taon ng kasaysayan ng tao. Tinalakay sa naunang labas ng magasing ito ang unang 10 kabanata gayundin ang 9 na talata ng ika-11 kabanata, anupat sinasaklaw ang ulat mula sa paglalang hanggang sa tore ng Babel.a Tinatalakay ng artikulong ito ang mga tampok na bahagi sa natitirang nilalaman ng Genesis, na may kinalaman sa mga pakikitungo ng Diyos kina Abraham, Isaac, Jacob, at Jose.
NAGING KAIBIGAN NG DIYOS SI ABRAHAM
Mga 350 taon pagkatapos ng Baha, isinilang sa linya ng angkan ni Sem na anak ni Noe ang isang lalaki na napatunayang lubhang natatangi sa Diyos. Abram ang kaniyang pangalan, na ginawang Abraham nang maglaon. Sa utos ng Diyos, iniwan ni Abram ang Ur na lunsod ng mga Caldeo at naging isang naninirahan sa tolda sa lupain na ipinangako ni Jehova na ibibigay sa kaniya at sa kaniyang mga inapo. Dahil sa kaniyang pananampalataya at pagkamasunurin, tinawag si Abraham na “kaibigan ni Jehova.”—Santiago 2:23.
Kumilos si Jehova laban sa balakyot na mga naninirahan sa Sodoma at sa karatig na mga lunsod nito, samantalang iningatang buháy naman si Lot at ang kaniyang mga anak na babae. Natupad ang isang pangako ng Diyos nang isilang si Isaac na anak na lalaki ni Abraham. Pagkalipas ng maraming taon, nasubok ang pananampalataya ni Abraham nang utusan siya ni Jehova na ihandog ang anak na ito bilang hain. Handang sumunod si Abraham ngunit pinigil siya ng isang anghel. Walang alinlangan na isang lalaking may pananampalataya si Abraham, at tiniyak sa kaniya na pagpapalain ng lahat ng mga bansa ang kanilang sarili sa pamamagitan ng kaniyang binhi. Lubhang namighati si Abraham sa pagkamatay ng kaniyang mahal na asawang si Sara.
Sagot sa Maka-Kasulatang mga Tanong:
12:1-3—Kailan nagkabisa ang Abrahamikong tipan, at gaano katagal? Lumilitaw na nagkabisa ang tipan ni Jehova kay Abram na “pagpapalain ng lahat ng pamilya sa lupa ang kanilang sarili sa pamamagitan [ni Abram]” nang tawirin ni Abram ang Eufrates habang patungo siya sa Canaan. Malamang na Nisan 14, 1943 B.C.E. noon—430 taon bago iniligtas ang Israel mula sa Ehipto. (Exodo 12:2, 6, 7, 40, 41) Ang Abrahamikong tipan ay “tipan hanggang sa panahong walang takda.” Mananatili itong may bisa hanggang sa pagpalain ang mga pamilya sa lupa at puksain ang lahat ng mga kaaway ng Diyos.—Genesis 17:7; 1 Corinto 15:23-26.
15:13—Kailan natupad ang inihulang 400-taóng kapighatian ng mga supling ni Abram? Nagsimula ang yugtong ito ng kapighatian noong 1913 B.C.E. nang awatin sa suso si Isaac na anak ni Abraham noong mga 5 taóng gulang ito at ‘tuksuhin’ siya ng kaniyang 19-na-taóng-gulang na kapatid sa ama na si Ismael. (Genesis 21:8-14; Galacia 4:29) Natapos ito nang iligtas ang mga Israelita mula sa pagkaalipin sa Ehipto noong 1513 B.C.E.
16:2—Wasto ba para kay Sarai na ibigay ang kaniyang alilang babae na si Hagar bilang asawa ni Abram? Ang ginawa ni Sarai ay kasuwato ng kaugalian noong panahong iyon—na ang baog na asawang babae ay obligadong magbigay ng babae sa kaniyang asawa upang makapagluwal ng isang tagapagmana. Unang isinagawa ang poligamya sa angkan ni Cain. Nang maglaon, naging kaugalian ito at isinagawa ng ilang mananamba ni Jehova. (Genesis 4:17-19; 16:1-3; 29:21-28) Gayunman, hindi tinalikuran kailanman ni Jehova ang kaniyang orihinal na pamantayan ng monogamya. (Genesis 2:21, 22) Maliwanag na pawang tig-iisa lamang ang asawa nina Noe at ng kaniyang mga anak na lalaki, na sa kanila ay muling ibinigay ang utos na ‘magpalaanakin at punuin ang lupa.’ (Genesis 7:7; 9:1; 2 Pedro 2:5) At muling iginiit ni Jesu-Kristo ang pamantayang ito ng monogamya.—Mateo 19:4-8; 1 Timoteo 3:2, 12.
19:8—Hindi ba mali na ialok ni Lot sa mga Sodomita ang kaniyang mga anak na babae? Ayon sa kodigo ng etika ng mga taga-Silangan, pananagutan ng punong-abala na ipagsanggalang ang mga panauhin na nasa kaniyang tahanan, anupat ipinagtatanggol sila hanggang kamatayan kung kinakailangan. Handa itong gawin ni Lot. Buong-katapangan siyang lumabas sa mga mang-uumog, isinara ang pinto sa likuran niya, at hinarap sila nang nag-iisa. Nang panahong ialok niya ang kaniyang mga anak na babae, malamang na natanto na ni Lot na mga mensahero ng Diyos ang kaniyang mga panauhin, at maaaring nangatuwiran siya na maipagsasanggalang ng Diyos ang kaniyang mga anak na babae kung paanong ipinagsanggalang Niya ang kaniyang tiyahing si Sara sa Ehipto. (Genesis 12:17-20) Sa katunayan, gaya nga ng nangyari, naingatang ligtas si Lot at ang kaniyang mga anak na babae.
19:30-38—Kinunsinti ba ni Jehova ang pagkalasing ni Lot at ang kaniyang pagiging ama ng mga anak na lalaki ng kaniyang dalawang anak na babae? Hindi kinukunsinti ni Jehova ang insesto ni ang paglalasing. (Levitico 18:6, 7, 29; 1 Corinto 6:9, 10) Ang totoo, nakapighati kay Lot ang “mga gawang katampalasanan” ng mga naninirahan sa Sodoma. (2 Pedro 2:6-8) Ipinahihiwatig ng mismong bagay na nilasing si Lot ng kaniyang mga anak na babae na alam nila na hindi siya papayag na makipagtalik sa kanila kung nasa katinuan siya. Ngunit bilang mga dayuhan sa lupain, nadama ng kaniyang mga anak na babae na ito lamang ang tanging paraan upang mahadlangan ang pagkapawi ng pamilya ni Lot. Nasa Bibliya ang ulat na ito upang isiwalat ang kaugnayan ng mga Moabita (sa pamamagitan ni Moab) at ng mga Ammonita (sa pamamagitan ni Ben-ami) sa mga inapo ni Abraham, ang mga Israelita.
Mga Aral Para sa Atin:
13:8, 9. Kaygandang huwaran ang inilaan ni Abraham sa paglutas sa mga di-pagkakasundo! Hindi natin dapat isakripisyo kailanman ang mapayapang mga kaugnayan para lamang sa pinansiyal na pakinabang, personal na mga kagustuhan, o pagmamapuri.
15:5, 6. Noong tumatanda na si Abraham at hindi pa nagkaroon ng anak, ipinakipag-usap niya ito sa Diyos. Binigyan naman siya ng katiyakan ni Jehova. Ang resulta? Si Abraham ay “nanampalataya kay Jehova.” Kung isisiwalat natin ang nilalaman ng ating puso kay Jehova sa panalangin, tatanggapin ang kaniyang mga pagbibigay-katiyakan mula sa Bibliya, at susundin siya, mapatitibay ang ating pananampalataya.
15:16. Ipinagpaliban ni Jehova ang pagsasagawa ng kaniyang hatol sa mga Amorita (o, mga Canaanita) sa loob ng apat na salinlahi. Bakit? Dahil siya ay matiising Diyos. Naghintay siya hanggang sa wala na ang lahat ng pag-asa ukol sa pagbuti. Gaya ni Jehova, kailangang maging matiisin tayo.
18:23-33. Si Jehova ay hindi walang-habas sa pagpuksa sa mga tao. Ipinagsasanggalang niya ang matuwid.
19:16. Si Lot ay ‘nagluwat pa,’ at siya at ang kaniyang pamilya ay halos kinailangang kaladkarin ng mga anghel palabas sa lunsod ng Sodoma. Matalino tayo kung hindi natin iwawala ang ating pagkadama ng pagkaapurahan habang hinihintay natin ang wakas ng balakyot na sanlibutan.
19:26. Kaylaking kamangmangan na magpagambala o lumingon nang may pananabik sa mga bagay na iniwan na natin sa sanlibutan!
MAY 12 ANAK NA LALAKI SI JACOB
Isinaayos ni Abraham ang pagpapakasal ni Isaac kay Rebeka, isang babaing may pananampalataya kay Jehova. Isinilang nito ang kambal na sina Esau at Jacob. Hinamak ni Esau ang kaniyang pagkapanganay at ipinagbili ito kay Jacob, na nang maglaon ay tumanggap ng pagpapala ng kaniyang ama. Tumakas sa Padan-aram si Jacob, kung saan niya napangasawa sina Lea at Raquel at inalagaan ang mga kawan ng kanilang ama sa loob ng mga 20 taon bago lumisan kasama ng kaniyang pamilya. Sa pamamagitan nina Lea, Raquel, at ng dalawa nilang alilang babae, nagkaanak si Jacob ng 12 lalaki at isang babae. Nakipagbuno si Jacob sa isang anghel at pinagpala siya, at ginawang Israel ang kaniyang pangalan.
Sagot sa Maka-Kasulatang mga Tanong:
28:12, 13—Ano ang kahulugan ng panaginip ni Jacob may kaugnayan sa “isang hagdanan”? Ipinahiwatig ng “hagdanan” na ito, na maaaring mistulang isang pataas na salansan ng mga bato, na may komunikasyon sa pagitan ng lupa at langit. Ipinakita ng pagmamanhik-manaog doon ng mga anghel ng Diyos na naglilingkod ang mga anghel sa isang mahalagang paraan kay Jehova at sa mga tao na sinasang-ayunan niya.—Juan 1:51.
30:14, 15—Bakit pinakawalan ni Raquel ang pagkakataong maglihi kapalit ng ilang mandragoras? Noong sinaunang panahon, ginagamit sa panggagamot ang bunga ng halamang mandragoras bilang narkotiko at para sa paghadlang o pagpawi sa mga hilab. Pinaniniwalaan din na ang prutas ay may kakayahang pumukaw ng seksuwal na pagnanasa at magpataas ng posibilidad na magkaanak ang isang tao o tumulong sa paglilihi. (Awit ni Solomon 7:13) Bagaman hindi isinisiwalat ng Bibliya ang motibo ni Raquel sa pakikipagpalit, maaaring inakala niya na makatutulong ang mga mandragoras upang maglihi siya at magwakas ang kaniyang kadustaan bilang baog. Gayunman, ilang taon pa ang lumipas bago “binuksan [ni Jehova] ang kaniyang bahay-bata.”—Genesis 30:22-24.
Mga Aral Para sa Atin:
25:23. May kakayahan si Jehova na tiyakin ang henetikong kayarian ng isa na hindi pa naisisilang at gamitin ang kaniyang patiunang kaalaman at piliin nang patiuna kung sino ang hihirangin niya para sa kaniyang layunin. Gayunman, hindi niya patiunang tinitiyak ang pangwakas na kahihinatnan ng mga indibiduwal.—Oseas 12:3; Roma 9:10-12.
25:32, 33; 32:24-29. Ipinakikita ng pagkabahala ni Jacob na matamo ang pagkapanganay at ang magdamag na pakikipagbuno niya sa isang anghel upang makakuha ng pagpapala na talagang pinahahalagahan niya ang mga bagay na sagrado. Ipinagkatiwala sa atin ni Jehova ang ilang bagay na sagrado, tulad ng ating kaugnayan sa kaniya at sa kaniyang organisasyon, ng pantubos, ng Bibliya, at ng ating pag-asa sa Kaharian. Maging katulad nawa tayo ni Jacob sa pagpapakita ng pagpapahalaga sa mga ito.
34:1, 30. Nagsimula ang suliranin na ‘nagdala ng sumpa’ kay Jacob dahil nakipagkaibigan si Dina sa mga taong hindi umiibig kay Jehova. Dapat nating piliin nang may katalinuhan ang ating mga kasamahan.
PINAGPALA NI JEHOVA SI JOSE SA EHIPTO
Paninibugho ang nag-udyok sa mga anak na lalaki ni Jacob upang ipagbili ang kanilang kapatid na si Jose bilang isang alipin. Sa Ehipto, ibinilanggo si Jose dahil tapat at lakas-loob siyang nanghawakan sa moral na mga pamantayan ng Diyos. Nang maglaon, inilabas siya sa bilangguan upang bigyang-kahulugan ang mga panaginip ni Paraon, na humuhula tungkol sa pitong taóng sagana na susundan ng pitong taóng taggutom. Nang magkagayon ay ginawang administrador ng pagkain sa Ehipto si Jose. Nagpunta sa Ehipto ang kaniyang mga kapatid na lalaki upang humanap ng pagkain dahil sa taggutom. Muling nagkasama-sama ang pamilya at nanirahan sa matabang lupain ng Gosen. Nang mamamatay na siya, pinagpala ni Jacob ang kaniyang mga anak na lalaki at binigkas ang isang hula na nagbibigay ng tiyak na pag-asa hinggil sa dakilang mga pagpapala sa hinaharap. Dinala sa Canaan ang bangkay ni Jacob upang doon ilibing. Nang mamatay si Jose sa edad na 110, inembalsamo ang kaniyang katawan, na nang maglaon ay dinala sa Lupang Pangako.—Exodo 13:19.
Sagot sa Maka-Kasulatang mga Tanong:
43:32—Bakit kasuklam-suklam sa mga Ehipsiyo ang kumain na kasama ng mga Hebreo? Malamang na dahil ito sa relihiyosong pagtatangi o pagmamapuri dahil sa lahi. Kinasusuklaman din ng mga Ehipsiyo ang mga pastol. (Genesis 46:34) Bakit? Maaaring malapit na sa pinakamababang antas sa lipunan ng mga Ehipsiyo ang katayuan ng mga pastol. O baka yamang limitado ang masasakang lupain, kinasusuklaman ng mga Ehipsiyo ang mga naghahanap ng pastulan para sa mga kawan.
44:5—Aktuwal bang gumagamit ng kopa si Jose sa pagbasa ng mga pamahiing tanda? Maliwanag na bahagi ng mapanlinlang na pakana ang kopang pilak at ang mga sinabi tungkol dito. Isang tapat na mananamba ni Jehova si Jose. Hindi niya talaga ginagamit ang kopa upang bumasa ng mga pamahiing tanda, kung paanong hindi rin talaga ito ninakaw ni Benjamin.
49:10—Ano ang kahulugan ng “setro” at ng “baston ng kumandante”? Ang setro ay isang baton na dala ng isang tagapamahala bilang sagisag ng maharlikang awtoridad. Ang baston ng kumandante ay isang mahabang tungkod na tanda ng kaniyang kapangyarihang mag-utos. Ipinahiwatig ng pagbanggit ni Jacob sa mga ito na mapupunta ang malaking awtoridad at kapangyarihan sa tribo ng Juda hanggang sa dumating ang Shilo. Ang inapong ito ni Juda ay si Jesu-Kristo, ang isa na pinagkalooban ni Jehova ng makalangit na pamamahala. Hawak ni Kristo ang maharlikang awtoridad at taglay niya ang kapangyarihang mag-utos.—Awit 2:8, 9; Isaias 55:4; Daniel 7:13, 14.
Mga Aral Para sa Atin:
38:26. Mali ang pakikitungo ni Juda sa kaniyang nabalong manugang na babae, si Tamar. Gayunman, nang iharap ang pananagutan niya sa pagdadalang-tao nito, mapagpakumbabang inamin ni Juda ang kaniyang pagkakamali. Dapat din nating mabilis na tanggapin ang ating mga pagkakamali.
39:9. Ipinakikita ng tugon ni Jose sa asawa ni Potipar na kasuwato ng kaisipan ng Diyos ang kaniyang kaisipan hinggil sa moral at pinapatnubayan ng makadiyos na mga simulain ang kaniyang budhi. Hindi ba dapat din nating sikapin ang gayon habang lumalago tayo sa tumpak na kaalaman sa katotohanan?
41:14-16, 39, 40. Maaaring baligtarin ni Jehova ang mga kalagayan alang-alang sa mga natatakot sa kaniya. Kapag dumanas ng mga kahirapan, matalino tayo kung magtitiwala tayo kay Jehova at mananatiling tapat sa kaniya.
Mayroon Silang Matatag na Pananampalataya
Sina Abraham, Isaac, Jacob, at Jose ay talagang mga lalaking may takot sa Diyos at may pananampalataya. Ang ulat ng kanilang buhay, na nakapaloob sa aklat ng Genesis, ay tunay na nakapagpapatibay-pananampalataya at nagtuturo sa atin ng maraming mahahalagang aral.
Maaari kang makinabang sa ulat na ito habang isinasagawa mo ang iyong atas sa lingguhang pagbasa sa Bibliya para sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo. Tutulong ang pagsasaalang-alang sa mga nabanggit upang maging buháy ang ulat.
[Talababa]
a Tingnan ang artikulong “Ang Salita ni Jehova ay Buháy—Mga Tampok na Bahagi sa Aklat ng Genesis—I” sa Enero 1, 2004, labas ng Ang Bantayan.
[Larawan sa pahina 26]
Si Abraham ay isang lalaking may pananampalataya
[Larawan sa pahina 26]
Pinagpala ni Jehova si Jose
[Larawan sa pahina 26]
Iniligtas ang matuwid na si Lot at ang kaniyang mga anak na babae
[Larawan sa pahina 29]
Pinahalagahan ni Jacob ang mga bagay na sagrado. Ganoon ka rin ba?