DEBORA
[Bubuyog].
1. Yaya ni Rebeka. Sumama si Debora kay Rebeka nang iwan nito ang sambahayan ng kaniyang amang si Betuel upang lumipat sa Palestina para maging asawa ni Isaac. (Gen 24:59) Pagkalipas ng maraming taon ng paglilingkod sa sambahayan ni Isaac, si Debora ay pumisan sa sambahayan ni Jacob, marahil pagkamatay ni Rebeka. Maliwanag na mga 125 taon pagkaraang mapangasawa ni Rebeka si Isaac, si Debora ay namatay at inilibing sa ilalim ng isang malaking punungkahoy sa Bethel. Ang pangalang ibinigay sa punungkahoy (Alon-bakut, nangangahulugang “Dambuhalang Punungkahoy ng Pagtangis”) ay nagpapahiwatig na lubhang napamahal siya kay Jacob at sa sambahayan nito.—Gen 35:8.
2. Isang propetisa sa Israel; asawa ni Lapidot. (Huk 4:4) Walang katibayan na si Lapidot at si Barak ay iisang tao, gaya ng ipinapalagay ng ilan. Nagkasama lamang sina Debora at Barak dahil kapuwa nila nais na mapalaya ang Israel mula sa paniniil ng mga Canaanita. Si Debora ay nananahanan noon sa ilalim ng isang puno ng palma na nasa bulubunduking pook ng Efraim sa pagitan ng Rama at ng Bethel; “ang mga anak ni Israel ay pumaparoon sa kaniya upang magpahatol.”—Huk 4:5.
Ginamit ni Jehova si Debora upang ipatawag si Barak mula sa Kedes-neptali at sabihin dito ang layunin ng Diyos na gumamit ng 10,000 lalaki upang talunin ang napakalaking hukbo ng Canaanitang si Haring Jabin sa ilalim ng pinuno ng hukbo na si Sisera. Nangako si Jehova kay Barak na ibibigay Niya sa kamay nito ang kaaway. Ngunit bilang karagdagan, habang tinitipon niya ang mga pulutong at dinadala sila sa Bundok Tabor, iginiit niyang samahan siya ni Debora bilang kinatawan ng Diyos, bagaman si Debora ay isang babae. Handa naman si Debora na iwanan ang kaniyang mas matiwasay na kinaroroonan upang samahan si Barak. Gayunman, inihula niya na “ang kagandahan” ng tagumpay ay mapupunta sa isang babae. Natupad ang mga salitang ito nang patayin si Sisera ng babaing si Jael.—Huk 4:6-10, 17-22.
Magkasamang umawit sina Debora at Barak ng isang awit noong araw ng tagumpay. Ang isang bahagi ng awit ay isinulat sa unang panauhan, na nagpapahiwatig na si Debora ang kumatha ng ilang bahagi nito, kung hindi man ng buong awit. (Huk 5:7) Isang kaugalian noon ng mga babae na ipagdiwang ang mga tagumpay sa pamamagitan ng awit at sayaw. (Exo 15:20, 21; Huk 11:34; 1Sa 18:6, 7; Aw 68:11) Iniuukol ng awit ang lahat ng karangalan at kapurihan kay Jehova dahil sa tagumpay na iyon alang-alang sa kaniyang bayan. Nagdaragdag ito ng maraming detalye sa salaysay na sinundan nito, at upang makita ang buong larawan, dapat na isaalang-alang kapuwa ang awit at ang salaysay. Pagkatapos ilarawan ang kapangyarihan at karingalan ni Jehova at alalahanin ang kalagayan ng Israel bago makipaglaban si Barak, pinapurihan nito ang mga tribong tumugon sa panawagan at nagtanong ito tungkol sa iba na hindi tumugon. Buong-linaw na nagdaragdag ito ng mga detalye may kinalaman sa labanan at sa pagkatalo ng mga Canaanita, sa lakas-loob na pagkilos ni Jael nang patayin nito si Sisera, at sa kabiguan ng ina ni Sisera, na naghintay nang walang saysay sa mga samsam at mga aliping maiuuwi sana mula sa Israel kung nagtagumpay ang kaniyang anak na si Sisera.—Huk 5.