Ano ang Kahulugan ng Isang Pangalan?
Isang babaing taga-Etiopia ang nagsilang ng isang sanggol na lalaki. Pero ang kaniyang kagalakan ay nauwi sa pamimighati nang makita niyang hindi gumagalaw ang kaniyang anak. Nang buhatin ng lola ang walang-malay na sanggol para paliguan ito, bigla itong gumalaw at huminga at umiyak! Ang pangalan ng ama ng sanggol ay nangangahulugang “Himala,” kaya isinama ng mga magulang ang pangalang iyon sa isa pang salitang Amharic at pinanganlan ang bata na May Nangyaring Himala.
Sa Burundi, isang binata ang tumatakas mula sa mga sundalong gustong pumatay sa kaniya. Habang nagtatago sa isang bukirin, nangako ang binata na kung ililigtas siya ng Diyos, tatawagin niya ang kaniyang panganay na anak na Manirakiza, na nangangahulugang “Ang Diyos ang Tagapagligtas.” Makalipas ang limang taon, dahil nagpapasalamat na buháy pa siya, iyon nga ang ipinangalan niya sa kaniyang panganay na anak na lalaki.
ANG pagbibigay sa mga bata ng pangalang may espesipikong kahulugan ay maaaring kakatwa para sa ilan, pero kaugalian na ito mula pa noong sinaunang panahon. Sa katunayan, naglalaman ang Bibliya ng daan-daang gayong pangalan. Lalo kang makikinabang sa iyong pagbabasa ng Bibliya kung mauunawaan mo ang kahulugan ng pangalan ng iba’t ibang mga indibiduwal. Pansinin ang ilan lamang sa mga halimbawa.
Makahulugang mga Pangalan sa Hebreong Kasulatan
Isa sa mga pangalang unang binanggit sa Bibliya ay ang Set, na nangangahulugang “Inilaan.” Ipinaliwanag ng ina ni Set, si Eva, ang dahilan kaya niya napili ang pangalang iyon: “Ang Diyos ay naglaan sa akin ng isa pang binhi bilang kahalili ni Abel, sapagkat pinatay siya ni Cain.” (Genesis 4:25) Pinanganlan naman ng inapo ni Set na si Lamec ang kaniyang anak na lalaki na Noe, na nangangahulugang “Kapahingahan” o “Kaaliwan.” Sinabi ni Lamec na ibinigay niya ang pangalang iyon sa kaniyang anak dahil “ang isang ito ay magdadala sa atin ng kaaliwan sa ating gawa at sa kirot ng ating mga kamay dahil sa lupang isinumpa ni Jehova.”—Genesis 5:29.
Binago mismo ng Diyos ang pangalan ng ilang indibiduwal para humula ng isang bagay. Halimbawa, binago niya ang pangalan ni Abram, na nangangahulugang “Ang Ama ay Dinakila,” at ginawang Abraham, na nangangahulugang “Ama ng Karamihan.” Totoo nga, si Abraham ay naging ama ng maraming bansa. (Genesis 17:5, 6) Pansinin din ang asawa ni Abraham na si Sarai, na malamang na nangangahulugang “Mahilig Makipagtalo.” Tiyak na tuwang-tuwa siya nang palitan ng Diyos ang pangalan niya at gawing “Sara,” na nangangahulugang “Prinsesa,” na tumutukoy sa papel niya bilang ninuno ng mga hari.—Genesis 17:15, 16.
Ang Diyos din mismo ang pumili ng pangalan ng ilang bata. Halimbawa, sinabi niya kina Abraham at Sara na panganlan ang kanilang anak na lalaki ng Isaac, na nangangahulugang “Katatawanan.” Ang pangalang iyan ang laging magpapaalaala sa tapat na mag-asawang ito sa reaksiyon nila sa balitang magkakaroon sila ng anak sa kanilang katandaan. Nang si Isaac ay lumaking isang tapat na lingkod ng Diyos, walang alinlangan na ang kaniyang pangalan ay patuloy na nagdulot ng tuwa kina Abraham at Sara habang kapiling ang kanilang minamahal na anak.—Genesis 17:17, 19; 18:12, 15; 21:6.
Ibang-iba naman ang dahilan ng manugang ni Isaac na si Raquel sa pagbibigay niya ng pangalan sa kaniyang bunsong anak na lalaki. Nang mamamatay na siya, tinawag ni Raquel ang kaniyang anak na Ben-oni, na nangangahulugang “Anak ng Aking Pagdadalamhati.” Bahagyang binago naman ng naulila niyang asawang si Jacob ang pangalang ito at ginawang Benjamin, na nangangahulugang “Anak ng Kanang Kamay.” Ang pangalang ito ay nagpapahiwatig hindi lamang ng pagsang-ayon sa kaniya, kundi na itinuturing din siyang isang suporta.—Genesis 35:16-19; 44:20.
Kung minsan, ang mga pangalan ay ibinibigay sa isa dahil sa kaniyang pisikal na mga katangian. Halimbawa, ang isang anak na lalaki nina Isaac at Rebeka ay isinilang na may mapulang buhok na singkapal ng kasuutang lana, kaya Esau ang ipinangalan nila rito. Bakit? Sa wikang Hebreo, ang pangalang ito ay nangangahulugang “Mabalahibo.” (Genesis 25:25) Gaya ng binabanggit sa aklat ng Ruth, may dalawang anak na lalaki si Noemi. Ang isa ay pinanganlang Mahalon, na nangangahulugang “Sakitin, May-sakit,” at Kilion naman ang isa pa, na nangangahulugang “Mahina.” Walang binabanggit sa Bibliya kung ibinigay man ito nang maglaon o noon mismong ipanganak sila, pero waring angkop ang mga pangalan dahil maagang namatay ang dalawang lalaking ito.—Ruth 1:5.
Kaugalian din noon na palitan o baguhin ang mga pangalan. Nang bumalik si Noemi sa Betlehem na naghihirap matapos mamatay ang kaniyang asawa at mga anak, ayaw na niyang patawag sa pangalang iyon, na nangangahulugang “Ang Aking Kaigayahan.” Sa halip, iginiit niya: “Huwag ninyo akong tawaging Noemi. Tawagin ninyo akong Mara [nangangahulugang “Mapait”], sapagkat lubha akong pinapait ng Makapangyarihan-sa-lahat.”—Ruth 1:20, 21.
Isa pang kaugalian noon na panganlan ang bata ayon sa isang mahalagang pangyayari. Halimbawa, ang pangalan ng propetang si Hagai ay nangangahulugang “Ipinanganak Nang Kapistahan.”a
Makahulugang mga Pangalan sa Panahon ng mga Kristiyano
Ang pangalan ni Jesus ay may mahalagang kahulugan na nagpapakita ng magiging papel niya. Bago siya ipanganak, tinagubilinan ng Diyos ang kaniyang mga magulang: ‘Tatawaging Jesus ang kaniyang pangalan,’ na nangangahulugang “Si Jehova ay Kaligtasan.” Bakit? “Sapagkat ililigtas niya ang kaniyang bayan mula sa kanilang mga kasalanan,” ang sabi ng anghel na nakipag-usap kay Jose. (Mateo 1:21) Matapos pahiran si Jesus ng banal na espiritu noong bautismuhan siya, idinagdag sa kaniyang pangalan ang titulong Hebreo na “Mesiyas.” Sa wikang Griego, ang titulong ito ay isinaling “Kristo.” Kapuwa ito nangangahulugang “Isa na Pinahiran.”—Mateo 2:4.
Si Jesus mismo ang pumili ng pangalan ng ilan sa kaniyang mga alagad na naglalarawan sa personalidad ng mga ito. Halimbawa, binigyan niya si Simon ng Semitikong pangalan na Cefas, na nangangahulugang “Bato.” Mas kilalá si Cefas sa Griegong salin ng pangalang iyon na “Pedro.” (Juan 1:42) Tinawag ni Jesus ang masigasig na magkapatid na sina Santiago at Juan na “Boanerges,” na nangangahulugang “Mga Anak ng Kulog.”—Marcos 3:16, 17.
Maging ang mga alagad ni Jesus ay nagbigay rin ng karagdagang pangalan sa iba ayon sa katangian o kalagayan ng isa. Isang halimbawa ang alagad na si Jose, na tinawag ng mga apostol na Bernabe, na nangangahulugang “Anak ng Kaaliwan.” Angkop na angkop ang pangalang ito sa kaniya dahil nagdulot si Bernabe ng pisikal at espirituwal na kaaliwan sa marami.—Gawa 4:34-37; 9:27; 15:25, 26.
Mahalaga ang Iyong Pangalan
Hindi natin mapipili ang pangalang ibinigay sa atin noong isilang tayo. Pero nakadepende lamang sa atin ang magiging reputasyon natin. (Kawikaan 20:11) Bakit hindi mo tanungin ang iyong sarili: ‘Kung papipiliin si Jesus o ang mga apostol, ano kayang pangalan ang ibibigay nila sa akin? Anong pangalan ang angkop na lumalarawan sa aking katangian o reputasyon?’
Kailangang pag-isipang mabuti ang mga tanong na ito. Bakit? “Ang pangalan ay mas mabuting piliin sa halip na saganang kayamanan,” ang isinulat ng matalinong haring si Solomon. (Kawikaan 22:1) Isa ngang napakahalagang bagay ang taglay natin kung tayo ay may mabuting pangalan, o reputasyon, sa ating lugar. Pero higit sa lahat, kung may mabuting pangalan tayo sa harap ng Diyos, magkakaroon tayo ng namamalaging kayamanan. Bakit natin nasabi iyon? Nangangako ang Diyos na isusulat niya sa kaniyang “aklat ng alaala” ang lahat ng pangalan ng mga natatakot sa kaniya at pagkakalooban sila ng pag-asang buhay na walang hanggan.—Malakias 3:16; Apocalipsis 3:5; 20:12-15.
[Talababa]
a Marami sa mga Saksi ni Jehova sa Aprika ang may pangalang kaugnay ng tema ng kombensiyon at asamblea ng mga Saksi na idinaos noong ipanganak sila.
[Blurb sa pahina 15]
Anong pangalan ang angkop na lumalarawan sa aking reputasyon?
[Kahon/Larawan sa pahina 14]
Sino si Emmanuel?
Ang pangalan ng ilang indibiduwal sa Bibliya ay may makahulang kahulugan at lumalarawan sa kung ano ang magiging atas nila. Halimbawa, si propeta Isaias ay kinasihang sumulat: “Narito! Ang dalaga mismo ay magdadalang-tao nga, at magsisilang siya ng isang anak na lalaki, at tatawagin nga niyang Emmanuel ang pangalan nito.” (Isaias 7:14) Ang pangalang ito ay nangangahulugang “Sumasaatin ang Diyos.” Ang unang katuparan ng hulang ito ay iniuugnay ng ilang komentarista sa Bibliya sa isang hari ng Israel o sa isang anak na lalaki ni Isaias. Pero ipinakita ng manunulat ng Ebanghelyo na si Mateo na ang hula ni Isaias ay lubusang natupad kay Jesus.—Mateo 1:22, 23.
Inaangkin ng ilan na kung kay Jesus tumutukoy ang pangalang Emmanuel, kung gayon, itinuturo ng Bibliya na si Jesus ang Diyos. Pero kung ganito ang pangangatuwiran, ang kabataang si Elihu na umaliw at nagtuwid kay Job ay Diyos din. Bakit? Ang pangalan niya ay nangangahulugang “Ang Aking Diyos ay Siya.”
Hindi kailanman inangkin ni Jesus na siya ang Diyos. (Juan 14:28; Filipos 2:5, 6) Pero lubusan niyang ipinakita ang personalidad ng kaniyang Ama, at tinupad ang lahat ng pangako ng Diyos hinggil sa Mesiyas. (Juan 14:9; 2 Corinto 1:20) Ang pangalang Emmanuel ay angkop na lumalarawan sa papel ni Jesus bilang ang Mesiyanikong Binhi, isang inapo ni David, ang isa na nagpapatunay na hindi iniiwan ng Diyos ang mga sumasamba sa Kaniya.
[Larawan]
EMMANUEL “Sumasaatin ang Diyos”
[Kahon/Larawan sa pahina 15]
Ang Pinakamahalagang Pangalan
Ang personal na pangalan ng Diyos ay lumilitaw ng mga 7,000 ulit sa buong Bibliya. Ang pangalang ito, na kinakatawan ng apat na titik Hebreo na יהוה, ay karaniwang isinasaling “Jehova” sa Tagalog. Ano ang kahulugan ng pangalang iyan? Nang magtanong si Moises hinggil sa pangalan ng Diyos, sumagot si Jehova: “Ako’y Magiging anuman na kalugdan ko.” (Exodo 3:14, The Emphasised Bible, ni J. B. Rotherham) Kaya ang personal na pangalan ng Diyos ay garantiya na siya ay magiging anuman na kinakailangan upang matupad ang kaniyang mga layunin. (Isaias 55:8-11) Kapag nangako ang Diyos, maaasahan natin ito at maipaplano natin ang ating buhay ayon dito. Bakit? Dahil ang pangalan niya ay Jehova.
[Larawan sa pahina 13]
ABRAHAM “Ama ng Karamihan”
[Larawan sa pahina 13]
SARA “Prinsesa”