HALIGI
Isang patayong suhay o posteng pang-istraktura, o isang bagay na kahawig o katulad ng isang posteng suhay.
Noon, ang ilang sinaunang mga tao sa Gitnang Silangan ay nagtayo ng mga sagradong haligi may kaugnayan sa kanilang huwad na relihiyon; malamang na kasangkot sa mga ito ang paggamit ng sagisag ng ari ng lalaki. Kapag pumasok ang mga Israelita sa Lupang Pangako, dapat nilang wasakin ang mga sagradong haliging iyon, at pinagbawalan silang magtayo ng gayong uri ng mga haligi. (Deu 7:5; 16:22) Gayunman, may mga panahong tinularan nila ang paganong relihiyon at gumamit sila ng mga sagradong haligi.—1Ha 14:23; 2Ha 3:2; tingnan ang SAGRADONG HALIGI.
Ibang-iba sa kinapopootan ng Diyos na di-wastong paggamit ng mga haligi, ang Hebreong Kasulatan ay bumabanggit ng pagtatayo ng mga haligi o mga bato bilang tagapagpagunita. Ang mga haliging ito ay hindi pinag-ukulan ng idolatrosong pagsamba ni nagsilbi mang mga sagisag ng mga sangkap sa sekso. Sa halip, ang mga ito ay nagsilbing tagapagpaalaala ng makasaysayang mga gawa o mga pangyayari.
Noong dalawang pagkakataon, nagtayo si Jacob ng mga batong haligi sa Bethel. Sa mga pangyayaring ito, inalaala ang pakikitungo ni Jehova kay Jacob sa isang pantanging paraan sa lugar na iyon. (Gen 28:18, 19, 22; 31:13; 35:14, 15) Walang alinlangan, bato ang haliging inilagay ni Jacob sa ibabaw ng libingan ni Raquel at umiiral pa iyon noong mga araw ni Moises. (Gen 35:19, 20) Nang sumang-ayon ang mga Israelita sa mga kautusang tinanggap ni Moises mula sa Diyos, nagtayo si Moises ng isang altar at ng “labindalawang haligi na katumbas ng labindalawang tribo ng Israel.” (Exo 24:4) Nang maglaon, nagbigay rin si Josue ng katulad na tagubilin may kaugnayan sa mga batong kakatawan sa mga tribo, bagaman hindi tinutukoy ng ulat ang mga iyon bilang mga haligi. Ang mga iyon ay magsisilbing pinakaalaala sa Israel at magbibigay ng pagkakataon sa mga ama upang maipaliwanag nila sa kanilang mga anak kung ano ang kahulugan ng labindalawang bato.—Jos 4:1-9, 20-24.
Noon, ang isang tipan o isang tagumpay ay maaaring tandaan sa pamamagitan ng pagtitindig ng isang bato, kadalasa’y isang haligi. (Gen 31:44-53; Jos 24:26; 1Sa 7:10-12) Pagkatapos ng tagumpay niya laban sa mga Amalekita, si Haring Saul ay ‘nagtindig ng isang bantayog para sa kaniyang sarili sa Carmel.’ (1Sa 15:12) Ang salitang Hebreo rito na isinalin bilang “bantayog” ay kadalasang isinasalin bilang “kamay,” ngunit ginagamit din ito sa 2 Samuel 18:18 may kaugnayan sa “haligi” na itinayo ni Absalom na tinawag na “Bantayog ni Absalom” (NW, AT, RS), kaya maliwanag na ang itinayo ni Absalom ay isang bantayog o haligi ukol sa tagumpay.—Ihambing ang Isa 56:5; tingnan ang ABSALOM.
Maaaring kasangkot sa hula sa Isaias 19:19 ang ideya ng isang haligi na nagsisilbing isang pang-alaalang bantayog. Ang hula, isinulat noong ikawalong siglo B.C.E., ay may kinalaman sa mga kalagayang iiral pagkatapos ng pagkawasak ng Jerusalem noong 607 B.C.E. Gaya ng inihula sa Isaias 19:18, ang ilan sa mga Judiong iniwan ng mga Babilonyo sa kanilang lupain ay tumakas patungong Ehipto at nanirahan sa mga Ehipsiyong lunsod. (Jer 43:4-7; 44:1) Kaya naman, ang pangako na magkakaroon ng “isang haligi para kay Jehova” sa tabi ng hangganan ng Ehipto ay inuunawa ng maraming komentarista na nangangahulugang si Jehova ay maaalala o aalalahanin sa Ehipto, mayroon mang literal na haligi o wala.—Ihambing ang Isa 19:20-22.
Mga Haliging Pang-istraktura. Ipinakikita ng mga pagtukoy sa Bibliya at ng mga tuklas sa arkeolohiya na ginagamit noon sa Gitnang Silangan ang mga haliging yari sa kahoy, bato at laryo bilang mga suhay na pang-istraktura. Noon, ang mga biga ng bubong o ang itaas na mga palapag ng isang gusali ay kadalasang sinusuhayan ng mga haliging patayo. (Kaw 9:1; Huk 16:25, 29; 1Ha 7:2) Ang mga haliging yari sa kahoy o laryo ay maaaring nakapatong sa mga pundasyon na bato. Ang Bahay ng Kagubatan ng Lebanon ni Solomon ay may mga hanay ng mga haliging yari sa tablang sedro na sumusuhay sa mga biga at sa mga pang-itaas na silid. Lumilitaw na kaya gayon ang naging pangalan ng gusali ay dahil nagmula sa Lebanon ang mga sedro nito o dahil nahahawig sa isang kagubatan ang mga haligi nito. Maliwanag na ang kalapit na Beranda ng mga Haligi ay kilala rin noon dahil sa maraming haligi nito, bagaman hindi sinasabi ng ulat ang bilang o ang materyales ng mga ito. (1Ha 7:1-6; ihambing ang Eze 40:16, 48, 49.) Mga haliging marmol naman ang ginamit sa looban ng palasyo ni Ahasuero.—Es 1:6.
Ang pinakakapansin-pansing mga haligi sa templo ni Solomon ay ang dalawang pagkalaki-laking tansong haligi na pinanganlang Jakin at Boaz na nasa harap ng beranda. (1Ha 7:15; 2Ha 25:17; Jer 52:21; tingnan ang KAPITAL.) Sinasabi ng New Bible Dictionary na inedit ni J. Douglas (1985, p. 941) na ang hari ay tumatayo sa tabi ng isa sa mga haliging ito kapag seremonyal na mga okasyon, ngunit hindi ito matiyak, sapagkat ang sinasabi lamang ng Bibliya ay “nakatayo [ang hari] sa tabi ng kaniyang haligi sa pasukan.” (2Cr 23:13; 2Ha 11:14; 23:3) Maaaring nakatayo siya noon sa isang pintuang-daan ng pinakaloob na looban o sa iba pang mataas na lugar upang makapagpahayag siya sa bayan.
Mas maliliit na haligi naman ang ginamit sa tabernakulo, apat na haliging yari sa kahoy ng akasya upang maging suporta sa kurtinang nasa pagitan ng Banal at ng Kabanal-banalan at limang haligi upang maging suhay sa pantabing na nasa pasukan. (Exo 26:32-37) Sinuportahan naman ng 60 iba pang haligi ang mga tabing na lino na nakapalibot sa looban at ang pantabing na nasa pintuang-daan ng looban.—Exo 27:9-16.
Lumilitaw na maliliit na haliging pampalamuti ang naging suhay ng kulandong ng kamilya ni Solomon.—Sol 3:9, 10.
Makasagisag na Paggamit. Dahil sa materyales at silbi ng mga haliging pang-istraktura, ang mga ito ay naging angkop na mga sagisag ng matatag na suhay. Inilalarawan ng mga ito yaong bagay na naglalaan ng matibay na suporta. Ang kongregasyong Kristiyano ay matatawag na “isang haligi at suhay ng katotohanan,” sapagkat itinataguyod nito ang katotohanan na kabaligtaran ng relihiyosong kamalian. (1Ti 3:15) Tinukoy sina Santiago, Cefas, at Juan bilang “waring mga haligi” sa sinaunang kongregasyon; sila ay matibay na nanindigan at matatag na mga tagapagtaguyod nito. (Gal 2:9) Yaong mga Kristiyano na mananaig ay gagawing mga haligi sa “templo” ng Diyos, anupat magtatamo ng isang permanenteng posisyon sa espirituwal na istraktura. (Apo 3:12) Makikita ang ideya ng katatagan ng isang haligi sa ginawang mga pagtukoy sa mga haligi noong inilalarawan ang mga paa ng isang malakas na anghel. (Apo 10:1) Ang mga binti ng pastol na mangingibig ng babaing Shulamita ay gaya ng “mga haliging marmol,” anupat magaganda at malalakas.—Sol 5:15.
Gaano katagal nanatili sa kampo ng Israel ang makahimalang haliging ulap at haliging apoy?
Makahimalang pinatnubayan ni Jehova ang mga Israelita papalabas ng Ehipto at habang naglalakbay sila sa ilang, anupat “humahayo sa unahan nila sa araw sa isang haliging ulap . . . at sa gabi ay sa isang haliging apoy upang magbigay sa kanila ng liwanag sa pagyaon.” (Exo 13:21) Hindi ito dalawang haligi, kundi iisang “haliging apoy at ulap” na, karaniwan na, lumilitaw bilang isang ulap sa araw at bilang apoy naman sa gabi. (Exo 14:24) Nang tugisin ng mga Ehipsiyo ang mga Israelita, lumipat sa likuran ang haligi, anupat marahil ay lumatag na gaya ng isang pader. (Aw 105:38, 39) Nagdulot ito ng kadiliman sa panig ng mga Ehipsiyo ngunit pinagliwanag naman nito ang panig ng mga Israelita. (Exo 14:19, 20) Nang itayo ang tabernakulo, ang haligi sa ibabaw nito ay nagsilbing isang tanda na si Jehova ay nasa kaniyang banal na dako. (Exo 40:35) Kumakatawan noon ang haligi kay Jehova, at nagsasalita siya mula roon. (Bil 14:14; 12:5; Aw 99:7) Sa kasaysayan, ang huling pagbanggit sa haliging iyon ay noon mismong bago pumasok ang Israel sa Lupang Pangako. (Deu 31:15) Nang mamayan na sila sa kanilang lupain, hindi na kinailangan ang haliging pumapatnubay di-tulad noong panahong sila ay pagala-gala pa.—Ihambing ang Exo 40:38; Isa 4:5.