TULARAN ANG KANILANG PANANAMPALATAYA | JOSE
“Pakisuyo, Pakinggan Ninyo ang Panaginip na Ito”
MALUNGKOT na nililingon ni Jose ang silangan at iniisip na sana’y makatakas siya mula sa caravan. Nasa kabila lang ng mga burol sa di-kalayuan ang kanilang tahanan sa Hebron. Papagabi na at magpapahinga na ang kaniyang amang si Jacob. Wala itong kamalay-malay sa nangyayari sa kaniyang paboritong anak. Pero hindi na makauuwi si Jose. Basta ang alam niya, posibleng hindi na niya makita pang muli ang kaniyang minamahal na ama. Binabantayan ng mga mangangalakal si Jose habang tinatahak ng kanilang mga kamelyo ang landas na laging dinaraanan patimog. Pag-aari na nila ngayon si Jose, at hindi nila hahayaang mawala ito sa kanilang paningin. Ang batang ito ay isang mahalagang kargamento gaya ng mabangong dagta at langis—mamahaling kalakal sa Ehipto.
Mga 17 anyos lang noon si Jose. Tinanaw niya ang langit sa gawing kanluran at nasilaw sa papalubog na araw sa Malaking Dagat. Hindi niya maintindihan kung bakit biglang gumuho ang mundo niya. Hindi siya makapaniwala na halos patayin siya ng mga kapatid niya at saka ipinagbili bilang alipin. Tiyak na nahirapan si Jose na pigilin ang kaniyang mga luha. Hindi niya alam kung ano ang mangyayari sa kaniya.
Bakit napakasaklap ng sinapit ni Jose? Ano ang matututuhan natin sa pananampalataya ng kabataang ito na naging biktima at itinakwil ng kaniyang mga kapamilya?
ISANG KOMPLIKADONG PAMILYA
Si Jose ay galing sa napakalaking pamilya—pero watak-watak at hindi maligaya. Ang paglalarawan ng Bibliya sa pamilya ni Jacob ay malinaw na katibayan ng negatibong mga epekto ng pagkakaroon ng maraming asawa, o poligamya—na pinahintulutan noon ng Diyos sa kaniyang bayan hanggang sa isauli ng kaniyang Anak ang orihinal na pamantayan ng monogamya. (Mateo 19:4-6) Si Jacob ay may di-kukulangin sa 14 na anak sa apat na babae—mula sa kaniyang dalawang asawa na sina Lea at Raquel, at sa kanilang mga alilang sina Zilpa at Bilha. Sa simula pa lang, ang magandang si Raquel na ang laman ng puso ni Jacob, at hindi ang ate nitong si Lea, na napakasalan ni Jacob dahil sa panlilinlang. Matinding selos ang namagitan sa dalawang babae na nakaapekto sa kanilang mga anak.—Genesis 29:16-35; 30:1, 8, 19, 20; 37:35.
Matagal na naging baog si Raquel. Nang sa wakas ay isilang niya si Jose, naging espesyal kay Jacob ang anak na ito sa kaniyang katandaan. Halimbawa, nang ang pamilya ay makikipagtagpo sa mapaghiganting kapatid ni Jacob na si Esau, tiniyak ni Jacob na si Raquel at ang batang si Jose ay nasa ligtas na lugar sa hulihan ng buong sambahayan. Tiyak na hindi nakalimutan ni Jose ang maigting na araw na iyon. Gunigunihin ang nadama niya noong umagang iyon. Takang-taka siya kung bakit ang kaniyang may-edad na pero malakas na ama ay iika-ika ngayon. Tiyak na namangha siya nang malaman niya ang dahilan: Nakipagbuno nang gabing iyon ang kaniyang ama sa isang malakas na anghel! Bakit? Kasi gusto ni Jacob na pagpalain siya ng Diyos na Jehova. Bilang gantimpala, ginawa ng Diyos na Israel ang pangalan niya. Dadalhin ng buong bansa ang pangalan niya! (Genesis 32:22-31) Sa kalaunan, nalaman ni Jose na ang mga anak ni Israel ang magiging ama ng mga tribo ng bansang iyon!
Nang maglaon, naranasan ng batang si Jose ang malungkot na pangyayari nang maagang mamatay ang pinakamamahal niyang ina. Namatay ito sa panganganak sa bunso niyang kapatid, si Benjamin. Labis na namighati ang kaniyang ama. Isip-isipin si Jacob habang pinupunasan ang mga luha sa mata ni Jose at inaaliw ito ng pag-asang ipinang-aliw rin kay Jacob ng lolo niyang si Abraham. Naantig ang damdamin ni Jose nang malaman niya na isang araw ay bubuhaying muli ni Jehova ang nanay niya! Marahil lalo pang sumidhi ang pag-ibig ni Jose sa bukas-palad na “Diyos . . . ng mga buháy.” (Lucas 20:38; Hebreo 11:17-19) Pagkamatay ni Raquel, patuloy na ipinadama ni Jacob ang kaniyang pagmamahal sa dalawang batang naulila ni Raquel.—Genesis 35:18-20; 37:3; 44:27-29.
Maraming bata ang nagiging spoiled o lumalaki ang ulo kapag pinakitaan ng pantanging atensiyon. Pero natuto si Jose sa magagandang katangian ng kaniyang mga magulang. Nagkaroon siya ng matibay na pananampalataya at mahusay na pagkaunawa sa kung ano ang tama at mali. Sa edad na 17, naging pastol siya at tumulong sa kaniyang mga kuya. Napansin niyang may ginagawa silang masama. Natukso ba siyang manahimik na lang para hindi mapag-initan? Hindi, ginawa niya ang tama. Sinabi niya ito sa kaniyang ama. (Genesis 37:2) Marahil dahil sa katapangang ipinakita ni Jose, lalo pa siyang napamahal kay Jacob. Napakahusay na halimbawa na dapat tularan ng mga kabataang Kristiyano! Kapag natutuksong pagtakpan ang malubhang kasalanan ng iba—marahil ng isang kapatid o kaibigan—matalinong tularan si Jose at tiyaking malaman ito ng mga puwedeng tumulong sa nagkasala.—Levitico 5:1.
May matututuhan din tayo sa pamilya nina Jose. Bagaman ang mga tunay na Kristiyano ngayon ay hindi nagsasagawa ng poligamya, marami sa kanila ang may mga pamilya mula sa muling pag-aasawa o stepfamily. Nakita natin sa pamilya ni Jacob na ang paboritismo at pagtatangi ay sumisira sa pagkakaisa ng pamilya. Kaya dapat gawin ng mga magulang na may stepfamily ang buo nilang makakaya na ipakita sa bawat isa sa kanilang mga anak ang pagmamahal nila. Dapat din nilang ipadama sa bawat isa na sila ay espesyal at nakadaragdag sa kaligayahan ng pamilya.—Roma 2:11.
NAG-UGAT ANG INGGIT
Marahil dahil sa lakas-loob na paninindigan ni Jose sa kung ano ang tama, niregaluhan siya ni Jacob. Nagpagawa siya ng isang espesyal na damit para sa kaniyang anak. (Genesis 37:3) Malamang na ito ay elegante at mahabang kasuutan na umaabot hanggang paa at may mahabang manggas. Marahil katulad ito ng isinusuot ng maharlika o prinsipe.
Tiyak na mabuti ang intensiyon ni Jacob at naantig si Jose sa ipinakitang pagpapahalaga at pagmamahal ng kaniyang ama. Subalit ipapahamak siya ng damit na ito. Tandaan na isa siyang pastol. Mabigat na trabaho iyan. Isip-isipin ang isang kabataang nakamaharlikang kasuutan habang naglalakad sa talahiban, umaakyat sa mga batuhan, o nag-aalis ng isang nakasalabid na kordero sa tinikang-palumpong. Bukod diyan, ano kaya ang epekto sa mga kuya ni Jose ng espesyal na regalo ni Jacob?
Ganito ang sabi ng Bibliya: “Nang makita ng kaniyang mga kapatid na iniibig siya ng kanilang ama nang higit kaysa sa lahat ng kaniyang mga kapatid, sila ay nagsimulang mapoot sa kaniya, at hindi sila makapagsalita sa kaniya nang mapayapa.”a (Genesis 37:4) Mauunawaan naman kung bakit sila naiinggit. Pero hindi katalinuhan para sa mga kuya ni Jose na magpadala sa gayong nakapipinsalang damdamin. (Kawikaan 14:30; 27:4) Naranasan mo na bang mainggit nang husto sa isa na tumanggap ng atensiyon o karangalan na gusto mo? Alalahanin ang mga kuya ni Jose. Ang kanilang inggit ay humantong sa paggawa ng mga bagay na labis nilang pagsisisihan. Ang kanilang halimbawa ay nagpapaalaala sa mga Kristiyano na mas mabuting “makipagsaya sa mga taong nagsasaya.”—Roma 12:15.
Tiyak na naramdaman ni Jose ang matinding galit ng kaniyang mga kuya. Itinatago kaya niya ang kaniyang magandang damit kapag nariyan sila? Baka naisip niyang gawin iyon. Pero tandaan na gusto ni Jacob na ang damit ay maging tanda ng kaniyang pabor at pagmamahal kay Jose. Gusto naman ni Jose na maingatan ang tiwala ng kaniyang ama, kaya lagi niya itong suot. Matututo tayo sa halimbawa niya. Hindi nagtatangi ang ating Ama sa langit, pero kung minsan, binibigyan niya ng espesyal na atensiyon ang kaniyang tapat na mga lingkod at pinagpapala sila. Bukod diyan, hinihiling niya na maging iba sila sa masama at imoral na sanlibutang ito. Gaya ng espesyal na damit ni Jose, ang paggawi ng mga tunay na Kristiyano ay naiiba sa mga nasa palibot nila. Kung minsan, dahil sa gayong paggawi, sila ay kinaiinggitan at kinapopootan. (1 Pedro 4:4) Dapat bang itago ng isang Kristiyano ang kaniyang tunay na pagkakakilanlan bilang lingkod ng Diyos? Hindi—kung paanong hindi rin itinago ni Jose ang kaniyang damit.—Lucas 11:33.
MGA PANAGINIP NI JOSE
Hindi pa natatagalan, nagkaroon si Jose ng dalawang pambihirang panaginip. Una, nakita ni Jose na siya at ang kaniyang mga kuya ay nagtatali ng kani-kaniyang tungkos ng mga butil. Pumalibot at yumukod ang mga ito sa kaniyang tungkos. Ikalawa, ang araw, buwan, at 11 bituin ay yumuyukod kay Jose. (Genesis 37:6, 7, 9) Ano ang dapat gawin ni Jose sa kakaiba at napakalinaw na mga panaginip na iyon?
Galing sa Diyos na Jehova ang mga panaginip, at gusto niyang ipahayag ni Jose ang makahulang mensaheng ito sa iba. Dapat gawin ni Jose ang gaya ng ginawa ng mga propeta nang maglaon. Inihayag nila ang mga mensahe at kahatulan ng Diyos sa Kaniyang suwail na bayan.
Mataktikang sinabi ni Jose sa kaniyang mga kuya: “Pakisuyo, pakinggan ninyo ang panaginip na ito na aking napanaginipan.” Naintindihan nila ang panaginip, pero hindi nila ito nagustuhan. Sinabi nila: “Ikaw ba ay talagang maghahari sa amin? o, Ikaw ba ay talagang magpupuno sa amin?” Sinabi pa ng ulat: “Nagkaroon sila ng bagong dahilan upang kapootan siya dahil sa kaniyang mga panaginip at dahil sa kaniyang mga salita.” Nang ikuwento ni Jose ang ikalawang panaginip sa kaniyang ama at mga kuya, ganoon din ang reaksiyon nila. Ayon sa ulat: “Pinasimulan siyang sawayin ng kaniyang ama at sinabi sa kaniya: ‘Ano ang kahulugan ng panaginip na ito na iyong napanaginipan? Ako ba at gayundin ang iyong ina at ang iyong mga kapatid ay talagang yayaon at yuyukod sa lupa sa harap mo?’” Gayunman, naging palaisipan ito kay Jacob. Maaari kayang nakikipag-usap si Jehova kay Jose?—Genesis 37:6, 8, 10, 11.
Hindi si Jose ang una ni ang huling lingkod ni Jehova na pinag-usig dahil sa paghahatid ng makahulang mensahe na hindi nagustuhan ng mga tao. Si Jesus ang pangunahin sa kanila, at sinabi niya sa kaniyang mga tagasunod: “Kung pinag-usig nila ako, pag-uusigin din nila kayo.” (Juan 15:20) Bata man o matanda, maraming matututuhan ang mga Kristiyano sa pananampalataya at lakas ng loob ng kabataang si Jose.
UMABOT SA SUKDULAN ANG PAGKAPOOT
Di-nagtagal, inutusan ni Jacob si Jose na puntahan ang kaniyang mga kapatid. Nagpapastol sila sa gawing hilaga malapit sa Sikem, kung saan nagkaroon sila kamakailan ng mahihigpit na kaaway. Natural lang na mag-alala si Jacob sa mga anak niya kaya pinapunta niya si Jose para tingnan sila. Ano kaya ang naramdaman ni Jose? Alam niyang galít na galít sila sa kaniya! Ano kaya ang magiging reaksiyon nila kapag dumating siya bilang tagapagsalita ng ama nila? Pero sumunod pa rin si Jose.—Genesis 34:25-30; 37:12-14.
Malayong paglalakbay iyon—marahil mga apat o limang araw na lakarin. Ang Sikem ay mga 80 kilometro sa hilaga ng Hebron. Subalit pagdating sa Sikem, nalaman ni Jose na ang kaniyang mga kuya ay lumipat na sa Dotan, mga 22 kilometro pahilaga. Nang malapit na si Jose sa Dotan, natanaw siya ng mga kapatid niya. Nagpuyos sila sa galit. Ayon sa ulat: “Sinabi nila sa isa’t isa: ‘Narito! Dumarating ang mapanaginiping iyan. At ngayon ay halikayo at patayin natin siya at ihagis sa isa sa mga balon; at sabihin natin na isang mabalasik at mabangis na hayop ang lumamon sa kaniya. Pagkatapos ay tingnan natin kung ano ang mangyayari sa kaniyang mga panaginip.’” Pero hinikayat sila ni Ruben na ihagis na lang si Jose nang buháy sa balon, sa pag-aakalang maiaahon niya ito pagkaraan.—Genesis 37:19-22.
Nilapitan sila ni Jose na walang kamalay-malay sa kanilang maitim na balak. Umaasa siyang hindi nila siya aawayin. Pero sinunggaban nila siya! Hinubad nila ang kaniyang espesyal na damit, kinaladkad, at inihagis sa tuyong balon. Kawawang Jose! Sinubukan niyang tumayo, pero hindi siya makaahon mula sa balon. Ang nakikita lang niya mula sa butas ng balon ay ang langit. Habang humihina ang tinig ng papalayô niyang mga kuya, sumigaw siya at nagmakaawa. Ngunit hindi nila siya pinansin. Wala silang awa, nakuha pa nilang kumain malapit doon. Habang wala si Ruben, binalak na naman nilang patayin si Jose, pero kinumbinsi sila ni Juda na ipagbili na lang ito sa mga mangangalakal. Ang Dotan ay malapit sa ruta ng kalakalan patungo sa Ehipto. Di-nagtagal, dumaan ang caravan ng mga Ismaelita at Midianita. Bago pa makabalik si Ruben, naipagbili na nila si Jose bilang alipin sa halagang 20 siklo.b—Genesis 37:23-28; 42:21.
Diyan nagsimula ang ating kuwento. Habang dinadala si Jose patungo sa Ehipto, waring kinuha na sa kaniya ang lahat. Sapilitan siyang inihiwalay sa pamilya! Sa loob ng maraming taon, wala na siyang mababalitaan tungkol sa kanila. Hindi na niya malalaman ang pagdadalamhati ni Ruben nang pagbalik nito ay wala na siya; ang pamimighati ni Jacob nang papaniwalain siyang patay na ang minamahal niyang si Jose; ang mangyayari sa kaniyang may-edad nang lolo na si Isaac; at ang tungkol sa kaniyang kapatid na si Benjamin, na hahanap-hanapin niya. Pero wala na nga bang natira kay Jose?—Genesis 37:29-35.
Mayroon. May isang bagay na hindi maaaring kunin ng mga kapatid niya: ang kaniyang pananampalataya. Malapít na malapít siya sa kaniyang Diyos na si Jehova, at walang anuman ang makapaglalayo kay Jose sa kaniyang Diyos—hindi ang pagkawalay sa pamilya, ni ang hirap ng malayong paglalakbay patungong Ehipto, ni ang kahihiyan na maipagbili bilang alipin sa mayamang Ehipsiyo na si Potipar. (Genesis 37:36) Lalo pang tumibay ang pananampalataya at determinasyon ni Jose na manatiling malapít sa Diyos dahil sa mga pagdurusang iyon. Sa susunod na mga artikulo, makikita natin kung paanong ang kaniyang pananampalataya ay naging dahilan upang higit pa siyang magamit ng Diyos na Jehova at makatulong din sa kaniyang pamilya. Napakaganda ngang tularan ang pananampalataya ni Jose!
a Ayon sa ilang mananaliksik, para sa mga kuya ni Jose ang regalo ng tatay nila kay Jose ay patunay na balak nitong ibigay rito ang karapatan sa pagkapanganay. Alam nilang si Jose ang panganay ni Jacob sa paborito nitong asawa—ang isa na una niyang gustong pakasalan. Isa pa, ang panganay ni Jacob na si Ruben ay sumiping sa babae ng kaniyang ama, anupat ipinahiya ang kaniyang ama sa gayo’y naiwala ang kaniyang karapatan sa pagkapanganay.—Genesis 35:22; 49:3, 4.
b Tumpak ang ulat ng Bibliya kahit na sa maliit na detalyeng ito. Ipinakikita ng mga dokumento noong panahong iyon na 20 siklo nga ang karaniwang presyo ng mga alipin sa Ehipto.