HUKUMAN
Bilang Maylalang ng sansinukob, ang Diyos na Jehova ang may kataas-taasang soberanya. Gaya ng pagkakilala sa kaniya ng sinaunang bansang Israel, gayon siya sa sansinukob, samakatuwid nga, Hukom, Tagapagbigay-Batas, at Hari. (Isa 33:22) Kinilala siya ng ulo ng pamilya na si Abraham bilang “Hukom ng buong lupa.” (Gen 18:25) Inilalarawan ni Jehova ang kaniyang sarili bilang ang Kataas-taasang Hukom sa isang usapin sa batas laban sa Israel (Mik 6:2), gayundin sa isang usapin sa batas alang-alang sa kaniyang bayan laban naman sa mga bansa. (Isa 34:8) Sa isa namang kaso kung saan hinamon ng mga mananamba ng huwad na mga diyos ang kaniyang pagka-Diyos, tinatawagan niya ang kaniyang bayan upang maging mga saksi.—Isa 43:9-12.
Patriyarkal na Lipunan. Pagkatapos ng Baha, si Noe ang naging ulo ng pamilya o patriyarka, at nakipagtipan ang Diyos sa kaniya at sa kaniyang mga anak bilang mga kinatawan ng lahi ng tao. (Gen 9:12-16) Tumanggap din si Noe ng mga saligang kautusan bilang karagdagan sa mga isinaysay na noon ng Diyos. (Gen 9:3-6) Bilang patriyarka, gumawa si Noe ng mga pasiya na nakaapekto hindi lamang sa kaniya mismong sambahayan kundi pati rin sa kaniyang mga anak na may asawa at sa kanilang mga supling.—Gen 9:20-27.
Noon, ang ulo ng pamilya ang hukom ng pamilya, na kinabibilangan ng mga alipin at lahat niyaong nakatira sa loob ng sambahayan ng ulo ng pamilya, kung paanong ang Diyos na Jehova ang dakilang Ulo at Hukom ng pamilya. (Gen 38:24) Nilulutas ng mga ulo ng pamilya ang mga pagtatalo sa pagitan ng mga pamilya kung posibleng lutasin ang mga ito nang mapayapa.
Gumanap si Jacob bilang hukom para sa kaniyang sambahayan nang mag-akusa si Laban na ang kaniyang terapim ay ninakaw ng isa na nasa kampo ni Jacob. Sinabi ni Jacob: “Kung kanino mo masumpungan ang iyong mga diyos ay huwag na siyang mabuhay pa.” (Gen 31:32) Gayunman, hindi alam ni Jacob na kinuha ni Raquel ang mga iyon, at hindi nakita ni Laban ang mga iyon, kaya hindi naakusahan si Raquel. Nang si Jose ay ipagbili ng kaniyang mga kapatid patungong Ehipto at iharap ng mga ito ang duguang kasuutan ni Jose upang palitawing pinatay siya ng mabangis na hayop, umupo si Jacob upang humatol, sinuri niya ang katibayan, at gumawa siya ng hudisyal na pasiya: “Si Jose ay tiyak na nagkaluray-luray!” (Gen 37:33) Umupo si Juda upang humatol nang matuklasan niyang nagdadalang-tao si Tamar, anupat sinentensiyahan niya ito ng kamatayan. Ngunit nang matuklasan niyang minaniobra siya ni Tamar upang matupad niya ang legal na obligasyon na dapat sana’y ipinatupad niya sa kaniyang anak na si Shela, ipinahayag niyang si Tamar ay higit na matuwid kaysa sa kaniya.—Gen 38:24-26.
Mula’t sapol, sa gitna ng mga mananamba ng tunay na Diyos, si Jehova ay kinikilala bilang ang Kataas-taasang Hukom. Noon, ang ulo ng pamilya bilang hukom ay nananagot sa Diyos, na umupo rin upang humatol sa mga kaso nina Adan at Eva (Gen 3:8-24); ni Cain (Gen 4:9-15); ng sangkatauhan noong panahon ng Baha (Gen 6:1-3, 11-13, 17-21); ng mga tagapagtayo ng Tore ng Babel (Gen 11:1-9); ng Sodoma at Gomorra (Gen 18:20-33); at ni Abimelec (Gen 20:3-7).
Sa Ilalim ng Kautusan. Noong Pag-alis ng mga Israelita mula sa Ehipto, si Moises, bilang kinatawan ni Jehova, ay naging hukom. Noong pasimula ay sinikap niyang asikasuhin ang lahat ng usapin, na lubhang napakarami anupat naging abala siya mula umaga hanggang gabi. Dahil sa payo ni Jetro, nag-atas siya ng mga lalaking may kakayahan upang maging mga pinuno ng libu-libo, ng daan-daan, ng lima-limampu, at ng sampu-sampu. (Exo 18:13-26) Waring hindi naman ito nangangahulugan na sa bawat pito o walong matitipunong lalaki ay nagkaroon isang hukom na pantanging inatasan. Sa halip, inorganisa ang bansa at nagkaroon ng mga pinuno na awtorisadong mag-asikaso sa mas maliliit na usapin kailanma’t kailangan. Ngunit anumang usapin na lubhang masalimuot o mabigat, o bagay na may pambansang kahalagahan, ay dadalhin kay Moises o sa santuwaryo sa harap ng mga saserdote.
Kabilang sa mahihirap na usaping ito ang mga sumusunod: Kapag naghinala ang asawang lalaki sa kalinisan ng kaniyang asawa (Bil 5:11-31), isang kaso ng pagbububo ng dugo dahil sa pagtatalo (Deu 17:8, 9), at ilang kaso ng pagpaparatang ng paghihimagsik sa isang tao ngunit ang katibayan ay di-malinaw o kahina-hinala (Deu 19:15-20). Ang mga saserdote ang mangangasiwa sa kaso ng pagpaslang na di-nalutas.—Deu 21:1-9.
Walang itinakdang mga probisyon noon para sa pag-apela sa matataas na hukuman mula sa mabababang hukuman, ngunit kung ang isang kaso ay hindi mapagpasiyahan ng mga pinuno ng sampu-sampu, maaari nila itong iharap sa mga pinuno ng lima-limampu, at patuloy, o tuwiran itong dalhin sa santuwaryo o kay Moises.—Exo 18:26; Deu 1:17; 17:8-11.
Ang mga lalaking pinili bilang mga hukom ay dapat na may kakayahan, mga lalaking mapagkakatiwalaan, natatakot kay Jehova at napopoot sa di-tapat na pakinabang. (Exo 18:21) Karaniwan na, sila ay mga ulo ng pamilya o mga ulo ng mga tribo, matatandang lalaki ng lunsod na doon ay gumanap sila bilang mga hukom. Ang mga Levita, na ibinukod ni Jehova bilang pantanging mga tagapagturo ng Kautusan, ay prominenteng naglingkod din bilang mga hukom.—Deu 1:15.
Maraming mga payo laban sa pagbaluktot sa kahatulan, pagtanggap ng mga suhol, o pagtatangi. (Exo 23:6-8; Deu 1:16, 17; 16:19; Kaw 17:23; 24:23; 28:21; 29:4) Hindi dapat paboran ang isang taong dukha dahil lamang sa siya ay dukha, ni bibigyan man ng bentaha ang taong mayaman kaysa sa dukha. (Lev 19:15) Igagalang ang mga karapatan ng mga naninirahang dayuhan, at hindi sila pakikitunguhan nang di-makatarungan. Hindi dapat siilin ng mga hukom ang ganitong mga tao, ni ang mga babaing balo at ang mga ulila, na waring walang tagapagsanggalang, sapagkat si Jehova ang kanilang makaamang Hukom at Tagapagsanggalang. (Lev 19:33, 34; Exo 22:21; 23:9; Deu 10:18; 24:17, 18; 27:19; Aw 68:5) Samantala, ang mga naninirahang dayuhan ay hinihilingang gumalang sa batas ng lupain. (Lev 18:26) Ngunit nang maglaon, ang mga batas at mga payo na ito mula kay Jehova ay winalang-halaga ng mga prinsipe at mga hukom sa Israel, anupat ang pagwawalang-halagang ito ay isa sa mga dahilan ng paghatol ng Diyos sa bansa.—Isa 1:23; Eze 22:12; 1Sa 8:3; Aw 26:10; Am 5:12.
Yamang ang mga hukom ay dapat maging mga taong matuwid, anupat humahatol ayon sa kautusan ni Jehova, kinakatawanan nila si Jehova. Kaya naman, ang pagtayo sa harap ng mga hukom ay itinuturing na pagtayo sa harap ni Jehova. (Deu 1:17; 19:17; Jos 7:19; 2Cr 19:6) Karaniwan na, ang terminong “kapulungan” o “kongregasyon” ay tumutukoy sa pangkalahatang kapulungan ng mga tao, ngunit kung tungkol sa paghaharap ng mga kaso sa kapulungan o kongregasyon upang hatulan, ang tinutukoy ng Bibliya ay ang mga miyembrong kumakatawan sa kapulungan, ang mga hukom, gaya sa Bilang 35:12, 24, 25 at Mateo 18:17.
Noon, ang lokal na hukuman ay nasa pintuang-daan ng isang lunsod. (Deu 16:18; 21:19; 22:15, 24; 25:7; Ru 4:1) Ang tinutukoy na “pintuang-daan” ay ang maluwang na dako sa loob ng lunsod malapit sa pintuang-daan. Sa mga pintuang-daan binabasa ang Kautusan sa nagkakatipong bayan at doon ipinahahayag ang mga ordinansa. (Ne 8:1-3) Sa pintuang-daan, madaling makakuha ng mga saksi para sa gawaing sibil, gaya ng bilihan ng ari-arian, at iba pa, yamang sa maghapon ay labas-pasok doon ang karamihan sa mga tao. Gayundin, dahil sa publisidad na natatamo ng alinmang paglilitis sa pintuang-daan, waring naiimpluwensiyahan ang mga hukom na maging maingat at makatarungan sa paglilitis at sa kanilang mga pasiya. Maliwanag na noon ay may isang dakong nakalaan malapit sa pintuang-daan kung saan maalwang makapangangasiwa ang mga hukom. (Job 29:7) Naglakbay si Samuel at inikot niya ang Bethel, Gilgal, at Mizpa at “humatol sa Israel sa lahat ng mga dakong ito,” gayundin sa Rama, sa kinaroroonan ng kaniyang bahay.—1Sa 7:16, 17.
Ang mga hukom ay dapat pakitunguhan nang may paggalang, yamang nasa isang posisyon sila na kumakatawan kay Jehova. (Exo 22:28; Gaw 23:3-5) Noon, kapag nagbaba ng pasiya ang mga saserdote, ang mga Levita sa santuwaryo, o ang gumaganap na hukom (halimbawa, si Moises o si Samuel), iyon ay may-bisa, at ang sinumang tumangging sumunod sa pasiyang iyon ay papatayin.—Deu 17:8-13.
Kung ang isang tao ay sinentensiyahang hampasin sa pamamagitan ng mga pamalo, padadapain siya sa harap ng hukom at papaluin sa harap nito. (Deu 25:2) Noon, mabilis ang paglalapat ng katarungan. Pinipigilan lamang ang isang tao sa loob ng ilang panahon kapag mahirap ang kaso at kailangang kay Jehova magmula ang hatol. Kung magkagayon ay inilalagay ang akusado sa kulungan hanggang sa matanggap ang pasiya. (Lev 24:12; Bil 15:34) Walang probisyon sa Kautusan para sa pagbibilanggo. Naging kaugalian lamang ang pagbibilanggo noong maglaon, nang sumamâ ang bansa, at gayundin noong panahon ng pamumunong Gentil.—2Cr 18:25, 26; Jer 20:2; 29:26; Ezr 7:26; Gaw 5:19; 12:3, 4.
Noong Kapanahunan ng mga Hari. Pagkatapos na maitatag ang kaharian sa Israel, ang pinakamahihirap na usapin ay dinadala sa hari o kaya ay sa santuwaryo. Sa Deuteronomio 17:18, 19, hinilingan ng Kautusan ang hari na sa pag-upo niya sa kaniyang trono ay susulat siya para sa kaniyang sarili ng isang kopya ng Kautusan at babasahin niya iyon araw-araw, upang maging lubusan siyang kuwalipikado na humatol sa mahihirap na usapin. Minaniobra si David ng propetang si Natan upang siya ay umupo at humatol sa sarili niyang kaso may kinalaman kay Bat-sheba at kay Uria na Hiteo. (2Sa 12:1-6) May-katusuhang nagsugo si Joab ng isang babaing Tekoita upang magharap ng usapin kay David alang-alang kay Absalom. (2Sa 14:1-21) Bago mamatay si David, nag-atas siya ng 6,000 kuwalipikadong mga Levita upang gumanap bilang mga opisyal at mga hukom sa Israel. (1Cr 23:4) Nakilala naman si Haring Solomon sa kaniyang karunungan sa paghatol. Ang isang kaso na malawakang nagpabantog sa kaniya ay ang kaso ng dalawang ina na patutot. (1Ha 3:16-28) Nagsagawa si Jehosapat ng isang reporma sa relihiyon sa Juda at pinatibay niya ang kaayusang hudisyal.—2Cr 19:5-11.
Sino ang mga miyembro ng Judiong Sanedrin?
Ang Sanedrin ang mataas na hukumang Judio. Ito ay nasa Jerusalem. Pitumpu’t isang miyembro ang bumubuo sa mataas na hukumang ito na tinawag na Dakilang Sanedrin. Noong panahon ng ministeryo ni Jesus sa lupa, kabilang sa 71 miyembro nito ang mataas na saserdote at ang iba na dating nanungkulan bilang mataas na saserdote (maaaring buháy pa noon ang ilan sa mga ito, sapagkat nang maglaon, ang katungkulang ito, sa ilalim ng pamamahala ng Roma, ay iniaatas). Kabilang din dito ang mga miyembro ng mga pamilya ng mga mataas na saserdote, matatandang lalaki, mga ulo ng mga tribo at mga pamilya, at mga eskriba, mga lalaking bihasa sa Kautusan. (Gaw 4:5, 6) Ang mga lalaking ito ay mga miyembro ng mga sekta ng mga Pariseo at mga Saduceo.—Gaw 23:6.
Ang ulo at presidente ng Sanedrin ay ang mataas na saserdote, na siyang tumitipon sa kapulungan. (Gaw 5:17, 21, 27; 7:1; 22:5; 23:2) Si Caifas na mataas na saserdote ang nangasiwa sa paglilitis kay Jesus, bagaman dinala muna si Jesus kay Anas upang pagtatanungin. (Mat 26:3, 57; Mar 14:53, 55, 60, 63; 15:1; Luc 22:54; Ju 18:12, 13, 19-24) Si Ananias naman ang mataas na saserdoteng nangangasiwa sa Sanedrin noong panahong litisin si Pablo.—Gaw 23:2.
Ayon sa Tosefta (Sanhedrin 7:1) at sa Mishnah (Sanhedrin 4:1), ang pag-upo ng Sanedrin ay mula sa oras ng paghahandog ng pang-araw-araw na pang-umagang hain hanggang sa panggabing paghahain. Hindi sila umuupo upang humatol kapag Sabbath o kapag mga araw ng kapistahan. Sa araw ginaganap ng Sanedrin ang paglilitis ng mga kaso na may parusang kamatayan, at ang desisyon ay dapat nilang mabuo sa araw. Kung ang nililitis ay nahatulang nagkasala, kinabukasan pa nila dapat ilabas ang hatol. Kaya naman ang mga paglilitis ay hindi maaaring idaos sa gabi bago ang Sabbath o sa gabi bago ang araw ng kapistahan. Gayunman, winalang-bahala ang pamamaraang ito sa kaso ng paglilitis kay Jesus.
Sinasabi ng Mishnah (Sanhedrin 4:3): “Ang Sanedrin ay nakaayos na gaya ng kalahati ng isang pabilog na dakong giikan upang makita nilang lahat ang isa’t isa. Nakatayo sa harap nila ang dalawang eskriba ng mga hukom, isa sa kanan at isa sa kaliwa, at isinusulat ng mga ito ang mga salita niyaong mga pabor sa pagpapawalang-sala at ang mga salita niyaong mga pabor naman sa paghatol.”—Isinalin ni H. Danby.
Ayon sa tradisyong Judio, ang Sanedrin ay itinatag ni Moises (Bil 11:16-25) at kaagad na muling inorganisa ni Ezra pagkabalik nila mula sa pagkatapon. Ngunit walang katibayan ng kasaysayan na sumusuporta sa ideya na noong unang mga panahong iyon ay 70 matandang lalaki ang umuupo bilang iisang hukuman upang duminig sa mga kaso. Sa halip, waring umiral ang Sanedrin noong panahon ng pamamahala ng Gresya sa Palestina. Noong panahon ng ministeryo ni Jesus sa lupa, binigyan ng pamahalaang Romano ng malaking antas ng kalayaan ang Sanedrin, anupat pinagkalooban ito ng awtoridad na sibil at administratibo. Mayroon itong mga tauhan at gayundin ng kapangyarihang gumawa ng mga pag-aresto at pagbibilanggo. (Mat 26:47; Gaw 4:1-3; 9:1, 2) Kinilala ang relihiyosong awtoridad nito maging ng mga Judiong nasa Pangangalat. (Tingnan ang Gaw 9:1, 2.) Gayunman, sa ilalim ng pamamahala ng Roma, maliwanag na nang maglaon ay naiwala ng Sanedrin ang legal na awtoridad na maglapat ng parusang kamatayan, maliban kung may pahintulot sila ng Romanong gobernador (prokurador). (Ju 18:31) Pagkatapos ng pagkawasak ng Jerusalem noong 70 C.E., nabuwag ang Sanedrin.
Bukod sa Sanedrin, may mabababang hukuman noon sa Jerusalem na binubuo naman ng tig-23 miyembro. Ayon sa Mishnah (Sanhedrin 1:6), ang maliliit na hukumang ito ay matatagpuan din sa buong Palestina sa ibang mga lunsod na may sapat na laki. Hindi umuupo sa bawat kaso ang kabuuang bilang ng mga hukom ng hukumang ito. Iba-iba ang bilang ng mga hukom depende sa kalubhaan ng kasong hahatulan at sa hirap ng desisyon na gagawin. Bukod pa rin dito ang hukuman ng nayon na binubuo ng tatlong lalaki, at isang hukuman na binubuo naman ng pitong matatandang lalaki ng nayon.
Ang mga sinagoga, na pangunahin nang ginagamit noon para sa pagtuturo, ay ginamit din sa paanuman bilang mga dako ng lokal na mga hukuman, anupat kung minsan ay tinutukoy ang mga ito noon bilang ‘lokal na mga Sanedrin,’ palibhasa’y may kapangyarihan ang mga ito na maglapat ng mga parusang paghagupit at ekskomunikasyon.—Mat 10:17, tlb sa Rbi8; 23:34; Mar 13:9; Luc 21:12; Ju 9:22; 12:42; 16:2; tingnan ang ILUSTRASYON, MGA (Ilan sa prominenteng mga ilustrasyon ni Jesus [21]).
Ang Kongregasyong Kristiyano. Ang kongregasyong Kristiyano, bagaman walang sekular na awtoridad bilang isang hukuman, ay maaaring kumilos laban sa magugulong miyembro nito na nangangailangan ng disiplina sa espirituwal na paraan, at maaari pa nga nitong itiwalag ang mga iyon mula sa kongregasyon. Kaya naman, sinabi ng apostol na si Pablo sa kongregasyon, samakatuwid nga, sa kinatawang mga miyembro nito o yaong mga nangangasiwa, na dapat nilang hatulan yaong mga nasa loob ng organisasyon. (1Co 5:12, 13) Nang sumulat si Pablo at si Pedro sa mga kongregasyon, kapuwa nila itinawag-pansin na dapat na maingat na bantayan ng matatanda ang espirituwal na kalagayan ng kongregasyon at dapat nilang tulungan at payuhan ang sinumang gumagawa ng di-matalino o maling hakbang. (2Ti 4:2; 1Pe 5:1, 2; ihambing ang Gal 6:1.) Yaong mga lumilikha ng pagkakabaha-bahagi o mga sekta ay dapat payuhan sa una at ikalawang pagkakataon bago gumawa ng pagkilos ang kongregasyon. (Tit 3:10, 11) Ngunit ang paulit-ulit na nagsasagawa ng kasalanan ay dapat alisin o itiwalag mula sa kongregasyon. Ito ay pagdidisiplina, anupat ipinakikita sa mga manlalabag na ang kanilang landasin ng kasalanan ay hindi maaaring kunsintihin sa kongregasyon. (1Ti 1:20) Tinagubilinan ni Pablo ang mga lalaking iyon sa kongregasyon, yaong may pananagutang gumanap bilang mga hukom, na magtipon at dinggin ang gayong bagay. (1Co 5:1-5; 6:1-5) Tatanggapin lamang nila na totoo ang akusasyon kapag may dalawa o tatlong saksi, anupat kanilang tinitimbang ang katibayan nang hindi patiunang humahatol, at walang anumang ginagawang pagkiling.—1Ti 5:19, 21.
Inutusan ni Jesus ang mga alagad niya na kung ang isa ay magkasala sa kaniyang kapuwa, dapat muna nilang sikapin na personal na lutasin ang bagay na ito sa pagitan nilang dalawa. Kung mabigo ang mga pagsisikap na ito at kung ang usapin ay maselan, dapat nila itong dalhin sa kongregasyon upang malutas (samakatuwid nga, doon sa mga inatasan sa mabibigat na posisyon upang mangasiwa sa kongregasyon). Nang maglaon ay pinayuhan ni Pablo ang mga Kristiyano na lutasin ang mga suliranin sa ganitong paraan at huwag nilang dalhin ang isa’t isa sa harap ng mga hukuman ng sanlibutan.—Mat 18:15-17; 1Co 6:1-8; tingnan ang USAPIN SA BATAS.