Lagi Mo Bang Kailangan ng Utos Mula sa Bibliya?
NOONG bata ka pa, binigyan ka marahil ng maraming alituntunin ng mga magulang mo. Habang nagkakaedad ka, naunawaan mo na talagang nagmamalasakit sila sa kapakanan mo. Bilang adulto, namumuhay ka pa rin marahil ayon sa ilang simulaing ikinintal nila sa iyo, bagaman wala ka na sa ilalim ng kanilang awtoridad.
Nagbibigay sa atin ng maraming tuwirang mga utos ang ating makalangit na Ama, si Jehova, sa pamamagitan ng kaniyang Salita, ang Bibliya. Halimbawa, ipinagbabawal niya ang idolatriya, pakikiapid, pangangalunya, at pagnanakaw. (Exodo 20:1-17; Gawa 15:28, 29) Habang ‘lumalaki tayo [sa espirituwal] sa lahat ng mga bagay,’ nauunawaan natin na talagang nagmamalasakit si Jehova sa ating kapakanan at hindi labis na mahigpit ang kaniyang mga utos.—Efeso 4:15; Isaias 48:17, 18; 54:13.
Gayunman, walang tuwirang utos para sa maraming situwasyon. Kaya naman, inaakala ng ilan na kapag walang tuwirang batas sa Bibliya, malaya na silang gawin ang kahit na anong bagay na nais nila. Ikinakatuwiran nila na kung itinuturing ng Diyos na talagang kailangang gawin ang isang bagay, ipinahayag niya sana ang kaniyang kalooban sa pamamagitan ng tuwirang utos.
Ang mga nag-iisip ng ganito ay kadalasang nakagagawa ng di-matatalinong pasiya na lubos nilang pinagsisisihan sa bandang huli. Hindi nila nakikita na ang Bibliya ay naglalaman hindi lamang ng mga batas kundi ng mga pahiwatig din hinggil sa paraan ng pag-iisip ng Diyos. Habang pinag-aaralan natin ang Bibliya at natututuhan ang pangmalas ni Jehova sa mga bagay-bagay, nagkakaroon tayo ng budhing sinanay sa Bibliya at natutulungang gumawa ng mga pasiya na nagpapaaninag ng kaniyang mga daan. Kapag ginagawa natin ito, pinagagalak natin ang kaniyang puso at umaani tayo ng mga pakinabang na bunga ng matalinong pagpapasiya.—Efeso 5:1.
Namumukod-Tanging mga Halimbawa sa Bibliya
Kapag sinuri natin ang mga ulat ng Bibliya hinggil sa mga lingkod ng Diyos noong sinaunang panahon, mababasa natin ang mga situwasyon kung saan isinaalang-alang nila ang pangmalas ni Jehova kahit na walang tuwirang utos. Isaalang-alang ang halimbawa ni Jose. Nang mapaharap siya sa imoral na pang-aakit ng asawa ni Potipar, wala pang kinasihang nasusulat na batas ng Diyos laban sa pangangalunya. Gayunman, kahit wala pang tuwirang batas, naunawaan ni Jose na kasalanan ang pangangalunya hindi lamang laban sa sarili niyang budhi kundi “laban sa Diyos.” (Genesis 39:9) Maliwanag, kinilala ni Jose na ang pangangalunya ay labag sa pangmalas at kalooban ng Diyos, gaya ng ipinahayag sa Eden.—Genesis 2:24.
Isaalang-alang ang isa pang halimbawa. Sa Gawa 16:3, nalaman nating bago isama ni Pablo si Timoteo sa kaniyang Kristiyanong mga paglalakbay, tinuli niya ito. Gayunman, mababasa natin sa talata 4 na sina Pablo at Timoteo ay naglakbay pagkatapos nito sa mga lunsod upang dalhin “ang mga tuntunin na naipasiya ng mga apostol at ng matatandang lalaki na nasa Jerusalem.” Kabilang sa mga tuntuning iyon ang pasiyang wala na ang mga Kristiyano sa ilalim ng batas na dapat magpatuli! (Gawa 15:5, 6, 28, 29) Bakit inisip ni Pablo na kailangang tuliin si Timoteo? “Dahil sa mga Judio na nasa mga dakong iyon, sapagkat alam ng lahat na ang . . . ama [ni Timoteo] ay Griego.” Hindi nais ni Pablo na makatisod nang di-kinakailangan. Iniisip niya na ang mga Kristiyano ay dapat na patuloy na ‘nagrerekomenda ng kanilang sarili sa bawat budhi ng tao sa paningin ng Diyos.’—2 Corinto 4:2; 1 Corinto 9:19-23.
Karaniwan na kina Pablo at Timoteo ang ganitong uri ng pag-iisip. Basahin ang mga kasulatang tulad ng Roma 14:15, 20, 21 at 1 Corinto 8:9-13; 10:23-33, at tingnan kung gaano kasidhi ang pagmamalasakit ni Pablo sa espirituwal na kapakanan ng iba, lalo na ng mga maaaring matisod sa mga bagay na hindi naman talaga mali. At sumulat si Pablo tungkol kay Timoteo: “Wala na akong iba pa na may saloobing katulad ng sa kaniya na tunay na magmamalasakit sa mga bagay na may kinalaman sa inyo. Sapagkat ang lahat ng iba pa ay naghahangad ng kanilang sariling mga kapakanan, hindi yaong mga kay Kristo Jesus. Ngunit alam ninyo ang katunayan na ipinakita niya tungkol sa kaniyang sarili, na tulad ng isang anak sa ama ay nagpaalipin siyang kasama ko sa ikasusulong ng mabuting balita.” (Filipos 2:20-22) Napakainam ngang halimbawa ang ibinigay para sa atin ngayon ng dalawang Kristiyanong lalaking ito! Sa halip na piliin ang personal na kaalwanan o kagustuhan kapag walang espesipikong utos ng Diyos, tinularan nila ang pag-ibig ni Jehova at ng kaniyang Anak sa pamamagitan ng pagsasaalang-alang sa kung paano makaaapekto sa iba sa espirituwal na paraan ang kanilang personal na mga pasiya.
Isaalang-alang si Jesu-Kristo, ang ating pangunahing halimbawa. Sa kaniyang Sermon sa Bundok, malinaw niyang ipinaliwanag na ang isang nakauunawa sa diwa ng mga batas ng Diyos ay susunod sa mga iyon kahit na ang kaniyang mga ikinikilos ay hindi espesipikong iniuutos o ipinagbabawal. (Mateo 5:21, 22, 27, 28) Hindi nanghawakan sina Jesus, Pablo, Timoteo, at Jose sa pangangatuwirang magagawa ng isang tao ang kahit na anong bagay na nais niyang gawin kapag walang espesipikong batas ang Diyos. Upang maging kasuwato ng paraan ng pag-iisip ng Diyos, namuhay ang mga lalaking ito ayon sa sinabi ni Jesus na dalawang pinakadakilang utos sa lahat—ang ibigin ang Diyos at ang ibigin ang iyong kapuwa.—Mateo 22:36-40.
Kumusta Naman ang mga Kristiyano sa Ngayon?
Maliwanag na hindi natin dapat ituring ang Bibliya na gaya ng legal na dokumento—anupat inaasahang detalyadong nakasaad ang bawat obligasyon. Lubos nating napagagalak ang puso ni Jehova kapag pinipili nating gawin yaong nagpapaaninag ng kaniyang pangmalas, kahit na walang espesipikong batas na nagtatakda ng ating landasin. Sa ibang salita, sa halip na laging umasa sa tuwirang utos mula sa Diyos, maaari nating “unawain kung ano ang kalooban ni Jehova.” (Efeso 5:17; Roma 12:2) Bakit ito nakapagpapaligaya kay Jehova? Sapagkat ipinakikita nito na mas mahalaga sa atin ang mapaluguran siya kaysa sa personal nating mga kagustuhan at karapatan. Ipinakikita rin nito na pinahahalagahan natin ang pag-ibig niya hanggang sa puntong nais nating tularan ito, anupat ang gayong pag-ibig ay ginagawang puwersa na gumaganyak sa atin. (Kawikaan 23:15; 27:11) Karagdagan pa, ang paggawi na salig sa kung ano ang nakasaad sa Kasulatan ay nakabubuti sa ating espirituwal na kalusugan at kadalasan ay sa pisikal na kalusugan din.
Tingnan natin kung paano maikakapit ang simulaing ito sa personal na mga bagay.
Pagpili ng Libangan
Isaalang-alang ang kalagayan ng isang kabataang lalaki na nais bumili ng isang album ng musika. Nakawiwili ang naririnig niya mula sa album, ngunit nababahala siya dahil ipinakikita ng pabalat sa likod na malalaswa at mahahalay ang liriko. Alam din niya na karamihan sa mga rekording ng mang-aawit ay may galít at agresibong damdamin. Bilang isa na umiibig kay Jehova, interesado ang kabataang lalaking ito sa Kaniyang iniisip at damdamin sa bagay na ito. Paano niya uunawain kung ano ang kalooban ng Diyos hinggil dito?
Sa kaniyang liham sa mga taga-Galacia, itinala ni apostol Pablo ang mga gawa ng laman at ang mga bunga ng espiritu ng Diyos. Malamang na alam mo kung ano ang kabilang sa mga bunga ng espiritu ng Diyos: pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, mahabang pagtitiis, kabaitan, kabutihan, pananampalataya, kahinahunan, pagpipigil sa sarili. Ngunit anong mga aktibidad ang kasali sa mga gawa ng laman? Sumulat si Pablo: “At ang mga gawa ng laman ay hayag, at ang mga ito ay pakikiapid, karumihan, mahalay na paggawi, idolatriya, pagsasagawa ng espiritismo, mga alitan, hidwaan, paninibugho, mga silakbo ng galit, mga pagtatalo, mga pagkakabaha-bahagi, mga sekta, mga inggitan, mga paglalasingan, mga walang-taros na pagsasaya, at mga bagay na tulad ng mga ito. Tungkol sa mga bagay na ito ay patiuna ko kayong binababalaan, kung paanong patiuna ko kayong binabalaan, na yaong mga nagsasagawa ng gayong mga bagay ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos.”—Galacia 5:19-23.
Pansinin ang pinakahuling pananalita sa listahang iyon—“mga bagay na tulad ng mga ito.” Hindi nagbigay si Pablo ng kumpletong listahan ng lahat ng maituturing na gawa ng laman. Hindi nito ipinahihiwatig na maikakatuwiran ng isang tao, ‘Pinahihintulutan ako ng Kasulatan na gawin ang anumang wala sa listahan ni Pablo ng mga gawa ng laman.’ Sa halip, kakailanganing gamitin ng mga mambabasa ang kanilang mga kakayahan sa pang-unawa upang malaman ang mga bagay na wala sa listahan ngunit “tulad ng mga ito.” Hindi magmamana ng mga pagpapala ng Kaharian ng Diyos ang mga di-nagsisising gumagawa ng mga bagay na hindi binanggit ngunit “tulad ng mga ito.”
Kaya kailangan nating unawain, o kilalanin, kung ano ang di-nakalulugod sa paningin ni Jehova. Mahirap ba ito? Ipagpalagay na sinabihan ka ng doktor mo na kumain ng mas maraming prutas at gulay ngunit umiwas sa pie, sorbetes, at sa mga bagay na tulad ng mga ito. Mahirap bang malaman kung sa aling listahan kasali ang keyk? Muli mong tingnan ngayon ang mga bunga ng espiritu ng Diyos at ang mga gawa ng laman. Sa aling listahan kasali ang album ng musika na binanggit sa itaas? Tiyak na hindi ito nagpapakita ng pag-ibig, kabutihan, pagpipigil sa sarili, o iba pang mga katangiang may kaugnayan sa mga bunga ng espiritu ng Diyos. Hindi na kakailanganin ng isa ang tuwirang batas upang maunawaan na ang ganitong uri ng musika ay hindi kasuwato ng paraan ng pag-iisip ng Diyos. Kumakapit din ang mga simulaing ito sa mga babasahin, pelikula, programa sa telebisyon, laro sa computer, Web site, at iba pa.
Kaayaayang Personal na Hitsura
Ang Bibliya ay nagbibigay rin ng mga simulaing may kinalaman sa pananamit at pag-aayos. Tumutulong ang mga ito na patnubayan ang bawat Kristiyano sa pagpapanatili ng angkop at nakalulugod na personal na hitsura. Sa bagay ring ito, nakikita ng isang umiibig kay Jehova ang pagkakataong gawin, hindi ang kahit na anong bagay na nais niya, kundi ang makapagpapagalak sa kaniyang makalangit na Ama. Gaya ng nakita na natin, ang katotohanang hindi nagbigay si Jehova ng espesipikong mga tuntunin hinggil sa isang bagay ay hindi nangangahulugang wala siyang pakialam sa ginagawa ng kaniyang bayan. Iba-iba ang mga istilo sa iba’t ibang lugar, at maging sa iisang lugar, nagbabago sa pana-panahon ang mga ito. Gayunman, naglalaan ang Diyos ng saligang mga simulain na dapat pumatnubay sa kaniyang bayan sa lahat ng panahon at sa lahat ng dako.
Halimbawa, sinasabi sa 1 Timoteo 2:9, 10: “Gayundin naman nais kong gayakan ng mga babae ang kanilang sarili ng maayos na pananamit, na may kahinhinan at katinuan ng pag-iisip, hindi ng mga istilo ng pagtitirintas ng buhok at ginto o mga perlas o napakamamahaling kagayakan, kundi sa paraan na angkop sa mga babae na nag-aangking nagpipitagan sa Diyos, samakatuwid nga, sa pamamagitan ng mabubuting gawa.” Kaya naman, kailangang pag-isipan ng Kristiyanong mga babae—at lalaki—kung ano ang hitsurang inaasahan ng mga tao sa kanilang lugar sa mga “nag-aangking nagpipitagan sa Diyos.” Lalo nang angkop na pag-isipan ng isang Kristiyano kung ano ang iisipin ng iba tungkol sa mensahe ng Bibliya na dala niya dahil sa kaniyang hitsura. (2 Corinto 6:3) Ang isang huwarang Kristiyano ay hindi labis na mababahala sa sarili niyang mga kagustuhan o diumanong mga karapatan kundi, sa halip, isasaalang-alang niya na hindi siya maging sanhi ng pagkagambala o katitisuran sa iba.—Mateo 18:6; Filipos 1:10.
Kapag napansin ng isang Kristiyano na nakababagabag o nakatitisod sa iba ang partikular na istilo sa personal niyang hitsura, maaari niyang tularan si apostol Pablo sa pamamagitan ng pag-iisip muna sa espirituwal na kapakanan ng iba bago ang personal niyang mga kagustuhan. Sinabi ni Pablo: “Maging mga tagatulad kayo sa akin, gaya ko naman kay Kristo.” (1 Corinto 11:1) At tungkol kay Jesus, sumulat si Pablo: “Maging ang Kristo ay hindi nagpalugod sa kaniyang sarili.” Maliwanag ang itinuturo ni Pablo sa lahat ng Kristiyano: “Gayunman, tayong malalakas ay dapat na magdala ng mga kahinaan niyaong hindi malalakas, at huwag magpalugod sa ating sarili. Palugdan ng bawat isa sa atin ang kaniyang kapuwa sa anumang mabuti para sa kaniyang ikatitibay.”—Roma 15:1-3.
Pinatatalas ang mga Kakayahan Natin sa Pang-unawa
Paano natin malilinang ang ating mga kakayahan sa pang-unawa upang malaman kung paano palulugdan si Jehova kahit na wala siyang espesipikong patnubay hinggil sa isang bagay? Kung babasahin natin ang Salita niya araw-araw, pag-aaralan ito nang regular, at bubulay-bulayin ang nababasa natin, susulong ang ating mga kakayahan sa pang-unawa. Hindi kaagad nangyayari ang gayong pagsulong. Tulad ng pisikal na paglaki ng bata, ang espirituwal na pagsulong ay unti-unti at hindi kaagad nakikita. Kaya kailangan ang pagtitiyaga, at hindi tayo dapat masiphayo kung wala tayong napapansing kagyat na pagsulong. Sa kabilang banda, ang paglipas ng panahon ay hindi nakapagpapatalas sa ganang sarili ng ating mga kakayahan sa pang-unawa. Dapat punan ang gayong panahon ng regular na pagsasaalang-alang ng Salita ng Diyos gaya ng nabanggit sa itaas, at dapat tayong mamuhay ayon sa Salitang iyon sa abot ng ating makakaya.—Hebreo 5:14.
Masasabing samantalang sinusubok ng mga batas ng Diyos ang ating pagkamasunurin, sinusubok naman ng kaniyang mga simulain ang lalim ng ating espirituwalidad at pagnanais na palugdan siya. Habang sumusulong tayo sa espirituwal, higit nating bibigyan ng pansin ang pagtulad kay Jehova at sa kaniyang Anak. Magiging sabik tayong isalig ang ating mga pasiya sa pangmalas ng Diyos sa mga bagay-bagay gaya ng nakasaad sa Kasulatan. Habang pinaliligaya natin ang ating makalangit na Ama sa lahat ng ginagawa natin, mararanasan nating sumisidhi rin ang ating sariling kagalakan.
[Mga larawan sa pahina 23]
Iba-iba ang mga istilo ng pananamit sa iba’t ibang lugar, subalit ang mga simulain sa Bibliya ang dapat pumatnubay sa ating pagpili