POTIPAR
[mula sa Ehipsiyo, pinaikling anyo ng Potipera].
Isang Ehipsiyong opisyal ng korte at pinuno ng tagapagbantay ni Paraon. Naging amo siya ni Jose nang ilang panahon at, lumilitaw na isang taong mayaman. (Gen 37:36; 39:4) Binili ni Potipar si Jose mula sa naglalakbay na mga mangangalakal na Midianita at, nang mapansin na isang mabuting lingkod si Jose, nang bandang huli ay inatasan niya ito na mamahala sa kaniyang buong bahay at bukid, na mga ari-ariang pinagpala ni Jehova dahil kay Jose.—Gen 37:36; 39:1-6.
Ang asawa ni Potipar ay hindi tapat sa kaniya gaya ng katapatan ng lingkod niyang si Jose. Paulit-ulit nitong sinikap na akitin si Jose at, isang araw nang walang ibang tao sa paligid, sinunggaban nito si Jose, ngunit tumanggi pa rin si Jose at tumakbong palabas. Nang umuwi si Potipar, ang narinig lamang niya ay ang desperadong mga bulaang akusasyon ng kaniyang asawa. Galít na ipinatapon ni Potipar si Jose sa bilangguan.—Gen 39:7-20.
Ang bilangguang ito ay waring konektado sa bahay ni Potipar o kaya ay nasa ilalim ng kaniyang pangangasiwa bilang “pinuno ng tagapagbantay.” Kaya, bumabanggit ang ulat tungkol sa punong katiwala ng kopa at sa punong magtitinapay ni Paraon na itinapon sa bilangguan ding iyon, “sa piitan ng bahay ng pinuno ng tagapagbantay,” ‘sa piitan ng bahay ng panginoon’ ni Jose. (Gen 39:1; 40:1-7) Gayunman, waring malayong mangyari na si Potipar ang siya ring “punong opisyal ng bahay-bilangguan” na ‘nagpaubaya sa kamay ni Jose ng lahat ng bilanggo na nasa bahay-bilangguan.’ (Gen 39:21-23) Ang opisyal na ito ay malamang na isang tauhan ni Potipar.
Ang titulo ni Potipar na “opisyal ng korte” ay salin ng salitang Hebreo na sa·risʹ, “bating,” na sa mas malawak na diwa ay nangangahulugang isang tagapangasiwa sa sambahayan, tauhan sa korte, o katiwalang opisyal ng trono. Ang “opisyal ng korte [sa·risʹ] na namamahala sa mga lalaking mandirigma” nang bumagsak ang Jerusalem noong 607 B.C.E. ay tiyak na isang mataas na opisyal ng pamahalaan, hindi isang taong kinapon na kulang ang pagkalalaki. (2Ha 25:19) Kaya, si Potipar ay isa ring taong militar, pinuno ng tagapagbantay, at isang taong may asawa, mga bagay na nagpapahiwatig na hindi siya isang bating sa mas karaniwang diwa nito.