Alam ba ng Diyos na Magkakasala Sina Adan at Eva?
GUSTONG malaman ng maraming tao ang sagot sa tanong na ito. Kapag pinag-uusapan kung bakit pinahihintulutan ng Diyos ang labis na kasamaan, nauungkat ang kasalanan ng unang mag-asawa sa hardin ng Eden. Dahil sa paniniwalang ‘nalalaman ng Diyos ang lahat ng bagay,’ iniisip ng iba na tiyak na sa umpisa pa lang, alam na ng Diyos na susuway sa kaniya sina Adan at Eva.
Kung talagang alam na ng Diyos na magkakasala ang sakdal na mag-asawang ito, ano ang ipinakikita nito? Na ang Diyos ay masama. Lalabas na siya ay walang pag-ibig, di-makatarungan, at hindi taimtim. Baka isipin pa nga ng iba na napakalupit ng ginawa ng Diyos nang ilagay niya ang unang tao sa isang sitwasyong alam niyang may kapaha-pahamak na kahihinatnan. Lilitaw na ang Diyos ang may pananagutan sa lahat ng kasamaan at pagdurusa o may kinalaman siya sa mga ito. Para sa ilan, ang ating Maylalang ay magtitingin pa ngang mangmang.
Ganiyan ba ang sinasabi ng Kasulatan tungkol sa Diyos na Jehova? Para masagot iyan, suriin natin ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa paglalang at personalidad ni Jehova.
“Iyon ay Napakabuti”
Tungkol sa mga nilalang ng Diyos, kasali na ang unang mga tao sa lupa, sinasabi ng ulat ng Genesis: “Nakita ng Diyos ang bawat bagay na ginawa niya at, narito! iyon ay napakabuti.” (Genesis 1:31) Sina Adan at Eva ay perpekto, at dinisenyo talaga para makapamuhay sa lupa. Walang depekto ang pagkakagawa sa kanila. Dahil “napakabuti” ng pagkakalalang sa kanila, may kakayahan silang gumawa ng mabuti, na siya namang hinihiling sa kanila. Nilalang sila “ayon sa larawan ng Diyos.” (Genesis 1:27) Kaya sa paanuman, may kakayahan din silang magpakita ng makadiyos na mga katangiang gaya ng karunungan, matapat na pag-ibig, katarungan, at kabutihan. Ang mga katangiang ito ay tutulong sa kanila na makagawa ng pasiyang makabubuti sa kanila at magpapasaya sa kanilang Ama sa langit.
Pinagkalooban ni Jehova ang sakdal at matatalinong nilalang na ito ng kalayaang magpasiya. Hindi sila dinisenyo na parang mga robot upang pasayahin ang Diyos. Pag-isipan ito. Alin ang mas gusto mo—isang regalo na basta ibinigay sa iyo o isa na ibinigay sa iyo mula sa puso? Maliwanag ang sagot. Sa katulad na paraan, kung kusang pinili nina Adan at Eva na sumunod sa Diyos, mas masisiyahan siya sa kanilang pagsunod. Dahil may kalayaang magpasiya ang unang mag-asawa, makasusunod sila kay Jehova udyok ng pag-ibig.—Deuteronomio 30:19, 20.
Makatuwiran, Makatarungan, at Mabuti
Ipinakikita sa atin ng Bibliya ang mga katangian ni Jehova. Dahil sa mga katangiang ito, imposibleng gumawa ng masama ang Diyos. Ayon sa Awit 33:5, si Jehova ay “maibigin sa katuwiran at katarungan.” Kaya sinasabi ng Santiago 1:13: “Sa masasamang bagay ay hindi masusubok ang Diyos ni sinusubok man niya ang sinuman.” Dahil makatarungan at makonsiderasyon ang Diyos, binabalaan niya si Adan: “Mula sa bawat punungkahoy sa hardin ay makakakain ka hanggang masiyahan. Ngunit kung tungkol sa punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama ay huwag kang kakain mula roon, sapagkat sa araw na kumain ka mula roon ay tiyak na mamamatay ka.” (Genesis 2:16, 17) Ang unang mag-asawa ay pinapili sa pagitan ng buhay na walang hanggan at kamatayan. Hindi ba’t parang nililinlang lang sila ng Diyos kung bababalaan niya sila laban sa isang espesipikong kasalanan gayong alam na niya na susuway rin sila? Dahil si Jehova ay “maibigin sa katuwiran at katarungan,” hindi niya sila papipiliin kung wala naman talagang pagpipilian.
Si Jehova ay sagana rin sa kabutihan. (Awit 31:19) Ganito inilarawan ni Jesus ang kabutihan ng Diyos: “Sinong tao sa gitna ninyo ang hinihingan ng kaniyang anak ng tinapay—hindi niya siya bibigyan ng bato, hindi ba? O, kaya, hihingi siya ng isda—hindi niya siya bibigyan ng serpiyente, hindi ba? Samakatuwid, kung kayo, bagaman balakyot, ay marunong magbigay ng mabubuting kaloob sa inyong mga anak, lalo pa ngang higit na ang inyong Ama na nasa langit ay magbibigay ng mabubuting bagay sa mga humihingi sa kaniya!” (Mateo 7:9-11) Ang Diyos ay nagbibigay ng “mabubuting bagay” sa kaniyang mga nilalang. Ang pagkakalalang sa tao at ang Paraisong tahanan na inihanda niya para sa kanila ay katibayan ng kabutihan ng Diyos. Maglalaan ba ng isang magandang tahanan sa mga tao ang isang mabuting Soberano kung alam niya na sa dakong huli ay hindi rin ito mapapasakanila? Ang ating Maylikha ay matuwid at mabuti at hindi dapat isisi sa kaniya ang paghihimagsik ng tao.
Ang “Tanging Marunong”
Ipinakikita rin ng Kasulatan na si Jehova ang “tanging marunong.” (Roma 16:27) Nakita ng mga anghel ng Diyos sa langit ang maraming katibayan ng walang-hanggang karunungang ito. Sila ay nagsimulang “sumigaw sa pagpuri” nang lalangin ni Jehova ang buong lupa. (Job 38:4-7) Tiyak na sinubaybayan ng matatalinong espiritung nilalang na ito ang mga pangyayari sa hardin ng Eden. Kaya makatuwiran ba na ang isang matalinong Diyos, pagkatapos niyang lumalang ng isang kahanga-hangang uniberso at ng iba pang bagay sa lupa, ay lilikha ng dalawang espesyal na nilalang na alam niyang magkakasala at masasaksihan pa ng kaniyang mga anghel? Hindi nga makatuwiran iyan.
Pero baka may magsabi, ‘Paanong hindi ito malalaman ng isang ubod-talinong Diyos?’ Totoo, dahil sa dakilang karunungan ni Jehova, may kakayahan siyang malaman ang “wakas mula pa sa pasimula.” (Isaias 46:9, 10) Pero hindi niya kailangang gamitin nang pagkakataong iyon ang kakayahang ito, kung paanong hindi niya laging ginagamit nang lubusan ang kaniyang napakalakas na kapangyarihan. May-katalinuhang nagpapasiya si Jehova kung kailan niya gagamitin ang kaniyang kakayahan na patiunang alamin ang mga bagay-bagay.
Maihahalintulad ito sa isang bagay na nagagawa ng modernong teknolohiya. Maaaring piliin ng isang nanonood ng nakarekord na laro ng basketball ang mga huling segundo nito upang makita na niya kung sino ang mananalo. Pero hindi naman kailangang ganito ang gawin niya. Puwede naman niyang panoorin ang buong laro mula sa simula kung gusto niya. Sa katulad na paraan, maliwanag na pinili ng Maylalang na huwag tingnan ang kalalabasan ng mga pangyayari. Sa halip, pinili niyang maghintay at, habang nagaganap ang mga bagay-bagay, makita kung ano ang gagawin ng kaniyang mga anak sa lupa.
Gaya ng nabanggit na, dahil sa karunungan ni Jehova, hindi niya nilalang ang unang mga tao na parang robot. Sa halip, maibigin niya silang pinagkalooban ng kalayaang magpasiya. Kung pipiliin nila ang tamang landasin, maipakikita nila ang kanilang pag-ibig, pasasalamat, at pagsunod, sa gayo’y higit silang masisiyahan pati na si Jehova na kanilang Ama sa langit.—Kawikaan 27:11; Isaias 48:18.
Ipinakikita ng Kasulatan na sa maraming pagkakataon, hindi ginamit ng Diyos ang kaniyang kakayahang malaman nang patiuna ang mga bagay-bagay. Halimbawa, nang ihahandog na ng tapat na si Abraham ang kaniyang anak, nasabi ni Jehova: “Ngayon ay nalalaman ko ngang ikaw ay may takot sa Diyos sa dahilang hindi mo ipinagkait sa akin ang iyong anak, ang iyong kaisa-isa.” (Genesis 22:12) May mga pagkakataon namang nasaktan ang Diyos dahil sa masamang gawa ng ilang indibiduwal. Masasaktan pa ba siya kung alam na niya ang gagawin nila?—Awit 78:40, 41; 1 Hari 11:9, 10.
Kaya makatuwiran lamang isipin na hindi ginamit ng ubod-talinong Diyos ang kaniyang kakayahan para patiunang alamin kung magkakasala ang ating unang mga magulang. Hindi mangmang ang Diyos para lumikha ng tao at pagkatapos ay gawin silang mga tauhan sa isang serye ng mga pangyayari na alam na niya ang katapusan.
“Ang Diyos ay Pag-ibig”
Ang kaaway ng Diyos, si Satanas, ang pasimuno ng paghihimagsik sa Eden na nagbunga ng negatibong resulta, kasali na ang kasalanan at kamatayan. Kaya si Satanas ay isang “mamamatay-tao.” Siya rin ay “isang sinungaling at ama ng kasinungalingan.” (Juan 8:44) Pinalalabas niya na ang ating maibiging Maylalang ang may masamang motibo at hindi siya. Gusto niyang isisi kay Jehova ang pagkakasala ng tao.
Ang pag-ibig ang pinakadahilan kung bakit pinili ni Jehova na huwag alamin nang patiuna kung magkakasala sina Adan at Eva. Pag-ibig ang pangunahing katangian ng Diyos. “Ang Diyos ay pag-ibig,” ang sabi ng 1 Juan 4:8. Ang pag-ibig ay positibo, hindi negatibo. Hinahanap nito ang mabuti sa iba. Oo, dahil sa pag-ibig, gusto ng Diyos na Jehova ang pinakamabuti para sa unang mag-asawa.
Bagaman ang mga anak ng Diyos sa lupa ay maaaring makagawa ng maling desisyon, hindi nasiraan ng loob ang ating maibiging Diyos ni nagduda man sa kaniyang sakdal na mga nilalang. Ibinigay niya sa kanila ang lahat ng kailangan nila at ipinaalam ang lahat ng dapat nilang malaman. Angkop lamang na asahan ng Diyos na susuklian nila ito ng maibiging pagsunod, hindi ng paghihimagsik. Alam niyang magagawa nina Adan at Eva na maging tapat, gaya ng pinatunayan nang dakong huli ng di-sakdal na mga taong tulad nina Abraham, Job, Daniel, at marami pang iba.
Maaaliw tayo sa sinabi ni Jesus: “Sa Diyos ay posible ang lahat ng mga bagay.” (Mateo 19:26) Dahil sa pag-ibig ni Jehova, kasama na ang iba pa niyang nangingibabaw na mga katangian gaya ng katarungan, karunungan, at kapangyarihan, makatitiyak tayo na kaya niya at talagang aalisin niya sa takdang panahon ang lahat ng epekto ng kasalanan pati na ang kamatayan.—Apocalipsis 21:3-5.
Maliwanag, hindi inalam ni Jehova kung magkakasala ang unang mag-asawa. Bagaman nasaktan siya sa pagsuway ng tao at sa idinulot nitong pagdurusa, alam niyang panandalian lamang ito at hindi nito mapipigilan ang katuparan ng kaniyang layunin para sa lupa at sa mga tao. Bakit hindi magsuri nang higit tungkol sa layuning ito at kung paano ka makikinabang sa katuparan nito?a
[Talababa]
a Para sa higit pang impormasyon tungkol sa layunin ng Diyos sa lupa, tingnan ang kabanata 3 ng aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
[Blurb sa pahina 14]
Hindi nilalang ni Jehova ang unang mga tao na parang mga robot
[Blurb sa pahina 15]
Alam ng Diyos na magagawa nina Adan at Eva na maging tapat