PAA
Ang Hebreong reʹghel at ang Griegong pous ay pangunahin nang tumutukoy sa pinakaibabang bahagi ng binti, ang bahagi ng katawan na ipinantatayo ng tao o ng hayop. Ang mga terminong ito ay kapuwa ginagamit sa literal at sa makasagisag na mga paraan.
Noong sinaunang mga panahon, gaya sa maraming bahagi ng lupa sa ngayon, mga paa ang pangunahing ginagamit bilang transportasyon. Ang ilan sa karaniwang mga tao ay naglalakad nang nakatapak, ngunit pangkaraniwang isinusuot ang mga sandalyas na binubuo ng suwelas at ng ilang mga panali. (Tingnan ang SANDALYAS.) Pagpasok sa bahay, inaalis ng isang tao ang kaniyang mga sandalyas. Isang mahalagang tanda ng pagkamapagpatuloy na halos isang tungkulin na ay ang paghuhugas ng mga paa ng isang panauhin; ang paglilingkod na ito ay ginagawa ng may-bahay o ng isang lingkod, o sa paanuman ay naglalaan ng tubig para sa layuning ito.—Gen 18:4; 24:32; 1Sa 25:41; Luc 7:37, 38, 44.
Yamang inaalis ang mga sandalyas kapag ang isa ay nakatuntong sa banal na lupa, ang mga saserdoteng nagsasagawa ng mga tungkulin sa tabernakulo o sa templo ay walang alinlangang naglilingkod nang nakatapak. (Exo 3:5; Jos 5:15) Hindi kasama ang mga sandalyas sa mga tagubilin sa paggawa ng mga kasuutan ng saserdote.—Exo kab 28; tingnan ang POSISYON AT KILOS NG KATAWAN.
Hinugasan ni Kristo ang mga Paa ng mga Alagad. Tinuruan ni Jesu-Kristo ang kaniyang mga alagad ng aral sa kapakumbabaan at paglilingkod sa isa’t isa nang siya, na kanilang Panginoon, ay maghugas ng kanilang mga paa. (Ju 13:5-14; ihambing ang 1Ti 5:9, 10.) Nang pagkakataong ito ay sinabi ni Jesus: “Siya na nakapaligo na ay hindi na kailangang mahugasan maliban sa kaniyang mga paa, kundi lubusan na siyang malinis,” anupat walang alinlangang tinutukoy niya ang bagay na bagaman nakapaligo na ang isang tao, maaalikabukan pa rin ang mga paa nito kahit sa kaunting paglalakad anupat kailangang hugasan ang mga ito nang madalas. Noong mga araw ng ministeryo ni Jesus sa lupa, ang mga saserdote at mga Levita na may tungkuling magbantay sa templo, matapos silang maligo nang maaga sa kinaumagahan, ay hindi kailangang muling maligo sa araw na iyon, kailangan lamang silang maghugas ng kanilang mga kamay at mga paa. (Tingnan din ang Exo 30:19-21.) Sa pagsasabing, “kayo ay malilinis, ngunit hindi ang lahat [anupat tinutukoy si Hudas],” maliwanag na binigyan ni Jesus ng karagdagang espirituwal na kahulugan ang kaniyang mga ikinilos sa pagkakataong iyon. (Ju 13:10, 11) Ipinakikita sa Efeso 5:25, 26, na nililinis ni Jesus ang kongregasyong Kristiyano sa “paghuhugas ng tubig sa pamamagitan ng salita” ng katotohanan. Makatuwiran kung gayon na ang tapat na mga tagasunod ni Jesus ay magpapakita ng mapagpakumbabang pagkabahala hindi lamang para sa pisikal na mga pangangailangan ng kanilang mga kapatid kundi lalo na para sa espirituwal na mga pangangailangan ng mga ito. Sa gayon ay matutulungan nila ang isa’t isa na manatiling malinis mula sa pang-araw-araw na mga tukso at mga silo na maaaring makarumi sa isang Kristiyano habang lumalakad siya sa sanlibutang ito.—Heb 10:22; Gal 6:1; Heb 12:13; tingnan ang PAGHUHUGAS NG MGA PAA.
“Paglalakad.” Ang mga salitang “paa” at “mga paa” ay malimit gamitin upang tumukoy sa hilig ng isang tao o sa landasin na kaniyang tinatahak, mabuti man o masama. (Aw 119:59, 101; Kaw 1:16; 4:26; 5:5; 19:2; Ro 3:15) Ang salitang “lakad” ay ginagamit sa gayunding kahulugan, gaya sa pananalitang, “Si Noe ay lumakad na kasama ng tunay na Diyos,” na nangangahulugang tinahak niya ang isang landasin na kasuwato ng kalooban at mga utos ng Diyos. (Gen 6:9; ihambing ang Efe 2:1, 2.) Sa makasagisag na paraan ay pinapatnubayan ng Diyos sa tamang landas ang mga paa ng kaniyang tapat mga lingkod, anupat ipinakikita sa kanila ang daan na dapat nilang lakaran upang hindi sila matisod tungo sa espirituwal na pagkabuwal o kaya ay masilo sa kasamaan, at kung minsan ay iniingatan pa nga niya sila upang huwag silang mabihag ng kaaway. (1Sa 2:9; Aw 25:15; 119:105; 121:3; Luc 1:78, 79) Sa kabilang dako, pangyayarihin niyang madulas ang balakyot at mabuwal sa pagkatalo. (Deu 32:35; Aw 9:15) Nagbababala si Jehova laban sa pakikisama sa isang landasin kasama ng masasamang tao, o sa pagparoon sa isang masamang landas. (Kaw 1:10, 15; 4:27) Pinapayuhan niya ang tao na bantayan ang mga paa nito kapag pumaparoon sa bahay ng Diyos. Dapat na lumapit ang tao taglay ang isang taimtim na puso upang makinig at matuto.—Ec 5:1.
Iba Pang Makasagisag na mga Paggamit. Ang iba pang makasagisag na mga pananalita ay ang ‘madadapuan ng talampakan ng paa’ at ‘pahingahang-dako para sa talampakan ng paa,’ samakatuwid nga, isang dakong tirahan o pag-aari (Gen 8:9; Deu 28:65); “sinlapad-ng-talampakan,” upang tukuyin ang pinakamaliit na bahagi ng lupa na maaaring ariin ng isa (Gaw 7:5; Deu 2:5; ihambing ang Jos 1:3); ‘magtaas ng paa,’ tumahak sa o simulan ang isang landasin ng pagkilos (Gen 41:44); “gawin mong madalang ang iyong paa sa bahay ng iyong kapuwa,” anupat hindi nagsasamantala sa kaniyang pagkamapagpatuloy (Kaw 25:17); ‘lumalakad nang nakatapak,’ sa kahihiyan o pagdadalamhati (ang mga bihag ay kadalasang inaakay nang nakatapak) (Isa 20:2); ‘paglalagay ng isang bagay sa paanan’ ng isang tao, bilang isang kaloob o handog (Gaw 5:1, 2); ‘pagsubsob sa paanan ng isa,’ bilang pangangayupapa (Mar 5:22); ‘paglalagay sa ilalim ng mga paa,’ ipinasakop (1Co 15:27; Heb 2:8); ‘pagsugat o pagyapak sa ilalim ng mga paa,’ sa tagumpay (Mal 4:3; Ro 16:20); ‘paglalagay ng mga paa sa batok ng isang kaaway,’ bilang sagisag ng pagsupil o paglupig sa kaniya (Jos 10:24); ‘paghuhugas ng paa sa dugo,’ sa paglalapat ng kamatayan sa mga kaaway (Aw 68:22, 23); ‘pagtatakip sa mga paa,’ nananabi (sa literal, ‘pinananatiling nakatago ang mga paa’; Huk 3:24; 1Sa 24:3). Ang pariralang “naglulubog ng kaniyang paa sa langis” ay ginamit sa makahulang paraan upang tukuyin ang mataba, o saganang bahagi ng lupain na tataglayin ng tribo ni Aser sa gitna ng iba pang mga tribo ng Israel. (Deu 33:24) Inalisan ni Ruth ng takip ang mga paa ni Boaz at nahiga siya sa paanan nito upang itawag-pansin dito na kailangan itong gumawa ng legal na pagkilos may kinalaman sa pag-aasawa bilang bayaw.—Ru 3:4, 7, 8.
Mga paa na “pagkaganda-ganda.” Espesyal ang turing ni Jehova sa mga paa niyaong naghahayag ng mabuting balita ng Kaharian, anupat tinatawag ang mga ito na “pagkaganda-ganda.” (Isa 52:7; Ro 10:15) Ang mga paa ng isang Kristiyano ay dapat na may suot na “panyapak para sa mabuting balita ng kapayapaan” upang madala niya nang wasto ang mabuting balita. (Efe 6:15) Tinagubilinan ni Jesus ang kaniyang mga alagad na kapag yaong nasa bahay o lunsod ay hindi tumanggap sa kanila o nakinig sa kanilang mga salita, dapat nilang ipagpag ang alabok mula sa kanilang mga paa, sa gayon ay ipinakikitang ipinauubaya nila ang di-tumanggap na bahay o lunsod sa mga resulta na nakatakdang dumating mula sa nakatataas na pinagmumulan, mula sa langit.—Mat 10:14.
‘Putulin mo ang iyong paa.’ Binanggit ni Jesus ang tungkol sa ‘pagputol sa paa ng isa,’ hindi sa literal kundi sa makasagisag na diwa, nang sabihin niya: “Kaya nga, kung ang iyong kamay o ang iyong paa ay nagpapatisod sa iyo, putulin mo ito at itapon mula sa iyo.” Ibig niyang sabihin, sa halip na hayaan ang isang sangkap ng katawan gaya ng isang kamay o isang paa na magpangyari sa may-ari nito na magkasala ng kasalanang walang kapatawaran, dapat niyang lubusang patayin ang gayong sangkap na para bang pinutol ito mula sa katawan.—Mat 18:8; Mar 9:45; ihambing ang Col 3:5.
Sa Kristiyanong “katawan.” Nang ihalintulad ng apostol na si Pablo ang kongregasyong Kristiyano sa katawan ng tao, pinatingkad niya ang pagtutulungan ng mga miyembro sa isa’t isa nang kaniyang sabihin: “Kung sasabihin ng paa: ‘Sapagkat ako ay hindi kamay, hindi ako bahagi ng katawan,’ hindi sa dahilang ito ay hindi iyon bahagi ng katawan.”—1Co 12:15.
Tuntungan ng Diyos. Inilalarawan ni Jehova ang kaniyang soberanong posisyon sa pagsasabing siya’y nakaupo sa isang makalangit na trono at na ang lupa ang kaniyang tuntungan. (Isa 66:1) Sinasabi niya sa Sion na pagagandahin niya ang dako ng kaniyang santuwaryo, at idinaragdag niya: “Luluwalhatiin ko ang mismong dako ng aking mga paa.”—Isa 60:13, 14; tingnan ang DALIRI SA PAA; SAKONG.