TULARAN ANG KANILANG PANANAMPALATAYA | JOSE
“Nasa Kalagayan Ba Ako ng Diyos?”
PAPATAKIP-SILIM na. Nakatayo si Jose sa kaniyang hardin habang pinagmamasdan marahil ang mga puno ng datiles, iba pang namumungang puno, at mga tipunang-tubig na may mga halaman. Sa kabila ng mga pader ay natatanaw niya ang palasyo ni Paraon. Isip-isipin ang hagikhikang naririnig niya mula sa kaniyang bahay; nilalaro ng anak niyang si Manases ang nakababatang kapatid nito na si Efraim. Nakikini-kinita ni Jose ang eksena—natatawa ang kaniyang asawa sa harutan ng magkapatid. Napangiti siya. Alam niyang pinagpala siya.
Manases ang ipinangalan ni Jose sa kaniyang panganay dahil nagpapahiwatig ito ng paglimot. (Genesis 41:51) Ang mga pagpapala ng Diyos sa nakalipas na mga taon ay tiyak na pumawi sa pangungulila ni Jose sa kaniyang pamilya. Nabago ang buhay niya dahil sa matinding galit ng mga kuya niya. Sinaktan nila siya, binalak patayin, at saka ipinagbili bilang alipin sa mga naglalakbay na mangangalakal. Mula noon, sunod-sunod na problema na ang naranasan niya. Sa loob ng mga 12 taon, naging alipin siya at nabilanggo—may panahon pa ngang nakagapos ng bakal ang mga paa niya. Pero heto siya ngayon—pangalawa kay Paraon bilang tagapamahala sa makapangyarihang bansa ng Ehipto!a
Sa loob ng ilang taon, nakita ni Jose na naganap ang mga pangyayaring inihula ni Jehova. Ang Ehipto ay nasa ikapitong taon na ng masaganang ani gaya ng inihula, at pinangasiwaan ni Jose ang pag-iimbak ng mga sobrang butil ng bansa. Nang panahong iyon, may dalawa na siyang anak na lalaki sa asawa niyang si Asenat. Pero madalas sumagi sa isip niya ang kaniyang pamilya na daan-daang kilometro ang layo—lalo na ang bunso niyang kapatid na si Benjamin at ang mahal niyang tatay na si Jacob. Marahil naiisip ni Jose kung nasa mabuti kaya silang kalagayan. Naiisip din niya siguro kung bumait na kaya ang mga kuya niya o kung maaayos pa niya ang kaniyang kaugnayan sa kanila.
Kung ang mapayapang ugnayan ng inyong pamilya ay nasira ng inggit, pagtataksil, o matinding galit, may pagkakatulad kayo ni Jose. Ano ang matututuhan natin sa pananampalataya ni Jose habang pinangangalagaan niya ang kaniyang pamilya?
“PUMAROON KAYO KAY JOSE”
Napakaraming gawain ni Jose, at mabilis na lumipas ang mga taon. Gaya ng inihula ni Jehova sa panaginip ni Paraon, ang pitong taon ng kasaganaan ay nasundan ng malaking pagbabago. Hindi na namunga ang mga pananim! Nagbabanta ang taggutom sa lahat ng kalapít na lupain. Pero gaya ng sinasabi ng Bibliya, “sa buong lupain ng Ehipto ay may nasumpungang tinapay.” (Genesis 41:54) Walang kaduda-duda, ang inihula ni Jose sa tulong ng Diyos at ang kaniyang mahusay na pangangasiwa ay naging pagpapala sa mga Ehipsiyo.
Malamang na nakadama ng utang na loob kay Jose ang mga Ehipsiyo at pinuri ang husay niya sa pangangasiwa. Pero gusto ni Jose na ang kapurihan ay iukol lang sa kaniyang Diyos, si Jehova. Kung mapagpakumbaba nating ginagamit sa paglilingkod sa Diyos ang ating mga kakayahan o talino, gagamitin niya ito para magawa natin ang mga bagay na hindi natin sukat-akalaing magagawa natin.
Nang maglaon, naramdaman na rin ng mga Ehipsiyo ang epekto ng taggutom. Nang humingi sila ng tulong kay Paraon, simple lang ang sinabi niya: “Pumaroon kayo kay Jose. Anuman ang sabihin niya sa inyo ay gawin ninyo.” Kaya binuksan ni Jose ang imbakan kung saan nakatago ang mga sobrang butil, anupat makabibili ang mga tao ng kailangan nila.—Genesis 41:55, 56.
Pero hindi gayon ang nararanasan ng mga tao sa mga lupain sa palibot. Nagdurusa ang pamilya ni Jose sa Canaan, na daan-daang kilometro ang layo. Nabalitaan ng matanda nang si Jacob na may butil sa Ehipto, kaya inutusan niya ang kaniyang mga anak na pumunta roon para bumili ng pagkain.—Genesis 42:1, 2.
Pinapunta ni Jacob sa Ehipto ang kaniyang 10 anak, pero pinaiwan niya ang bunsong si Benjamin. Tandang-tanda pa ni Jacob nang papuntahin niyang mag-isa ang mahal niyang anak na si Jose para tingnan ang mga kuya niya. Iyon na ang huling pagkakataong nakita ni Jacob si Jose. Iniuwing luray-luray at duguan ng mga anak niya ang magandang kasuutan ni Jose, na tanda ng pagmamahal at pagpapahalaga sa kaniya ng ama niya. Napaniwala nila ang kanilang nagdadalamhating ama na kinain si Jose ng mabangis na hayop.—Genesis 37:31-35.
“KAAGAD NA NAALAALA NI JOSE”
Matapos ang mahabang paglalakbay, narating ng mga anak ni Jacob ang Ehipto. Nang magtanong sila tungkol sa ipinagbibiling butil, pinapunta sila sa mataas na opisyal ng pamahalaan na si Zapenat-panea. (Genesis 41:45) Nang makita nila siya, nakilala kaya nilang siya si Jose? Hindi. Ang nakita lang nila ay isang mataas na opisyal ng Ehipto, ang isa na hihingan nila ng tulong. Para ipakita ang paggalang, ginawa nila ang dapat lang gawin: “Yumukod [sila] sa kaniya na ang kanilang mga mukha ay nakaharap sa lupa.”—Genesis 42:5, 6.
Kumusta naman si Jose? Nakilala niya agad ang mga kapatid niya! Isa pa, nang makita niyang yumukod sila sa kaniya, naalaala niya ang kaniyang kabataan. Ayon sa ulat, “kaagad na naalaala ni Jose ang mga panaginip” na ibinigay sa kaniya ni Jehova noong bata pa siya—mga panaginip na nagpapakita ng panahong yuyukod sa kaniya ang mga kuya niya—gaya mismo ng ginagawa nila ngayon! (Genesis 37:2, 5-9; 42:7, 9) Ano kaya ang gagawin ni Jose? Yayakapin sila? Maghihiganti?
Alam ni Jose na hindi siya dapat magpadala sa simbuyo ng kaniyang damdamin. Malinaw na ginagabayan ni Jehova ang mahalagang pagbabagong ito ng kalagayan. Sangkot dito ang layunin niya. Nangako siyang gagawing makapangyarihang bansa ang mga anak ni Jacob. (Genesis 35:11, 12) Kung ang mga kapatid ni Jose ay marahas pa rin, makasarili, o wala pa ring prinsipyo, maaaring maging kapaha-pahamak ang epekto nito! Bukod diyan, kung kikilos si Jose nang padalos-dalos, maaari itong magdulot ng problema sa kanilang pamilya, at baka manganib pa nga ang buhay ng kaniyang ama at ni Benjamin. Buháy pa kaya sila? Ipinasiya ni Jose na huwag munang magpakilala para masubok ang mga kapatid niya kung nagbago na ba sila. Sa gayo’y magiging mas malinaw sa kaniya kung paano niya sila dapat pakitunguhan ayon sa kagustuhan ni Jehova.
Hindi ka naman siguro malalagay sa ganiyang sitwasyon. Pero karaniwan sa ngayon ang mga hidwaan at pagkakabaha-bahagi sa loob ng pamilya. Kapag napaharap tayo sa ganiyang mga hamon, baka sundin lang natin ang sinasabi ng ating puso at kumilos nang padalos-dalos. Mas makabubuting tularan si Jose at alamin kung paano natin ito lulutasin ayon sa gusto ng Diyos. (Kawikaan 14:12) Tandaan na kung mahalaga ang pakikipagpayapaan sa mga kapamilya, lalo na kay Jehova at sa kaniyang Anak.—Mateo 10:37.
“KAYO [AY] SUSUBUKIN”
Sinimulan ni Jose ang sunod-sunod na pagsubok para malaman ang niloloob ng kaniyang mga kapatid. Una, sa pamamagitan ng isang interpreter, mabalasik siyang nagsalita sa kanila na inaakusahan silang mga banyagang espiya. Para ipagtanggol ang kanilang sarili, sinabi nila ang tungkol sa kanilang pamilya—pati na ang gusto niyang malaman tungkol sa bunso nilang kapatid na naiwan sa bahay. Hindi ipinahalata ni Jose ang pananabik niya. Talaga nga bang buháy ang kaniyang bunsong kapatid? Alam na ngayon ni Jose kung ano ang susunod niyang gagawin. Sinabi niya: “Sa ganito kayo susubukin,” at saka niya sinabi sa kanila na kailangan niyang makita ang bunsong kapatid na ito. Sa bandang huli, pumayag siyang pauwiin sila para sunduin ang bunso kung papayag ang isa sa kanila na magpaiwan bilang bihag na panagot.—Genesis 42:9-20.
Habang nag-uusap-usap ang magkakapatid, na walang kamalay-malay na naiintindihan sila ni Jose, sinisi nila ang kanilang sarili sa malaking kasalanang nagawa nila 20 taon na ang nakalipas. “Walang pagsalang tayo ay nagkasala may kinalaman sa ating kapatid,” ang sabi nila, “sapagkat nakita natin ang kabagabagan ng kaniyang kaluluwa nang magsumamo siya na kahabagan natin, ngunit hindi tayo nakinig. Iyan ang dahilan kung bakit dumating sa atin ang kabagabagang ito.” Naiintindihan ni Jose ang sinasabi nila, at kailangan niyang lumayo para hindi nila makita ang pagluha niya. (Genesis 42:21-24) Pero alam niyang ang tunay na pagsisisi ay higit pa sa basta pagkadama ng kalungkutan sa masamang epekto ng isang maling gawa. Kaya itinuloy niya ang pagsubok sa kanila.
Pinauwi niya sila, pero pinaiwan si Simeon bilang bihag. Pinalagyan din niya ng pera ang mga iniuwi nilang supot ng pagkain. Naglakbay pauwi ang magkakapatid, at kinumbinsi nang husto si Jacob para pasamahin sa kanila sa Ehipto ang mahal niyang anak na si Benjamin. Pagdating sa Ehipto, sinabi nila sa katiwala ni Jose ang tungkol sa perang nakita nila sa kanilang mga supot, at nag-alok na babayaran ang halaga nito. Kapuri-puri iyon, pero gusto pang makita ni Jose ang totoong pagkatao nila. Nagpahanda siya ng isang piging, pero hindi niya gaanong ipinahalata na tuwang-tuwa siyang makita si Benjamin. Pagkatapos, pinauwi niya sila. Punô na naman ng pagkain ang mga supot nila, pero sa pagkakataong ito, nakatago sa supot ni Benjamin ang isang pilak na kopa.—Genesis 42:26–44:2.
Sinimulan ni Jose ang kaniyang pakana. Ipinahabol, ipinaaresto, at inakusahan niya ang kaniyang mga kapatid ng pagnanakaw ng kopa. Nang makita ito sa supot ni Benjamin, pinabalik silang lahat kay Jose. Ito na ang pagkakataon ni Jose para malaman kung ano ang totoong ugali ng mga kapatid niya. Si Juda ang naging tagapagsalita nila. Nagmakaawa siya, at sinabi pa ngang handa silang 11 magkakapatid na maging alipin sa Ehipto. Sinabi ni Jose na si Benjamin lang ang maiiwan bilang alipin at silang lahat ay makaaalis na.—Genesis 44:2-17.
Sa malungkot na tinig, sumagot si Juda: “Siya na lamang ang naiwan ng kaniyang ina, at minamahal siya ng kaniyang ama.” Tiyak na naantig ng mga salitang ito si Jose, dahil siya ang nakatatandang anak ni Jacob sa minamahal niyang si Raquel, na namatay sa panganganak kay Benjamin. Gaya ng kaniyang ama, tiyak na mahal na mahal din ni Jose si Raquel. Marahil ito ang dahilan kung bakit mas mahal ni Jose si Benjamin.—Genesis 35:18-20; 44:20.
Nakiusap pa rin si Juda kay Jose na huwag gawing alipin si Benjamin. Sinabi pa nga niyang siya na lang ang gawing alipin sa halip na si Benjamin. Sa huli, malungkot niyang sinabi: “Paano ako makaaahon sa aking ama nang hindi ko kasama ang bata, dahil baka makita ko pa ang kapahamakan na sasapitin ng aking ama?” (Genesis 44:18-34) Isa nga itong ebidensiya na nagbago na si Juda! Hindi lang siya nagpakita ng pagsisisi kundi kahanga-hanga rin ang ipinakita niyang empatiya, malasakit, at habag.
Hindi na makapagpigil si Jose. Parang sasabog ang dibdib niya! Matapos palabasin ang lahat ng tagapaglingkod niya, umiyak siya nang napakalakas anupat narinig iyon hanggang sa palasyo ni Paraon. Sa wakas, nagpakilala na siya: “Ako ay si Jose na inyong kapatid.” Niyakap niya ang natigilan niyang mga kapatid at may-kabaitang pinatawad ang lahat ng ginawa nila sa kaniya. (Genesis 45:1-15) Ipinakita niya ang saloobin ni Jehova, na saganang nagpapatawad. (Awit 86:5) Ganoon din ba tayo?
“IKAW AY BUHÁY PA”!
Nang malaman ni Paraon ang buong kuwento tungkol sa nangyari sa bahay ni Jose, sinabihan niya si Jose na palipatin sa Ehipto ang kaniyang matanda nang ama at ang buong pamilya nito. Sa wakas ay muling nakasama ni Jose ang kaniyang minamahal na ama. Umiyak si Jacob at sinabi: “Sa pagkakataong ito ay handa akong mamatay, ngayong nakita ko na ang iyong mukha, yamang ikaw ay buháy pa.”—Genesis 45:16-28; 46:29, 30.
Si Jacob ay nabuhay pa nang 17 taon sa Ehipto. Nagawa pa niyang bumigkas ng makahulang mga pagpapala sa kaniyang 12 anak na lalaki. Ibinigay niya kay Jose, ang ika-11 niyang anak, ang dobleng bahagi na karaniwang ibinibigay sa panganay. Dalawang tribo ng Israel ang magmumula sa kaniya. Kumusta naman si Juda, ang ikaapat na anak, na nagpakita ng pagsisisi higit sa kaniyang mga kapatid? Malaking pagpapala ang natanggap niya: Ang Mesiyas ay magmumula sa kaniyang angkan!—Genesis, kabanata 48, 49.
Nang mamatay si Jacob sa edad na 147, natakot ang mga kapatid ni Jose na baka maghiganti ngayon ang kanilang makapangyarihang kapatid. Pero maibiging tiniyak sa kanila ni Jose na yamang si Jehova ang nasa likod ng paglipat na iyon ng kanilang pamilya sa Ehipto, hindi na sila dapat mabahala pa tungkol sa nangyari. Saka niya itinanong: “Nasa kalagayan ba ako ng Diyos?” (Genesis 15:13; 45:7, 8; 50:15-21) Alam ni Jose na si Jehova ay sakdal na Hukom. Kaya sino si Jose para parusahan ang mga pinatawad na ni Jehova?—Hebreo 10:30.
Nahihirapan ka bang magpatawad? Baka lalo nang totoo ito kung sinadya tayong saktan ng iba. Pero kung patatawarin natin mula sa puso ang mga talagang nagsisisi, makatutulong tayo na maghilom ang maraming sugat—pati na ang sa atin. At matutularan natin ang pananampalataya ni Jose at ang halimbawa ng kaniyang maawaing Ama, si Jehova.
a Tingnan ang mga artikulong “Tularan ang Kanilang Pananampalataya” sa Ang Bantayan, isyu ng Agosto 1, 2014; Nobyembre 1, 2014; at Pebrero 1, 2015.