PAGKAMAPAGPATULOY
Ang magandang-loob at bukas-palad na pagtanggap at pag-aasikaso sa mga panauhin o ibang mga tao. Ang “pagkamapagpatuloy” ay isinalin mula sa Griegong phi·lo·xe·niʹa, literal na nangangahulugang “pag-ibig (pagkagiliw, o kabaitan) sa ibang mga tao.”
Noong Sinaunang Panahon. Noong panahon ng mga patriyarka, bagaman kaugalian ng mga Ehipsiyo at ng iba pang mga tao ang pagiging mapagpatuloy, ang mga Semita ang pinakabantog sa katangiang ito. Itinuturing noon ang pangangalaga sa mga manlalakbay bilang isang mahalagang bahagi ng pamumuhay, at matindi ang paggalang na ipinakikita sa bisita, ito man ay estranghero, kaibigan, kamag-anak, o inanyayahang panauhin.
Mula sa mga ulat ng Bibliya, matututuhan natin na kinaugalian na noon ang pagiging mapagpatuloy sa manlalakbay. Binabati siya sa pamamagitan ng isang halik, lalo na kung isa siyang kamag-anak. (Gen 29:13, 14) Hinuhugasan ang kaniyang mga paa ng isang miyembro ng sambahayan, karaniwa’y ng isang lingkod (Gen 18:4), at pinakakain at inaalagaan ang kaniyang mga hayop. (Gen 24:15-25, 29-33) Kadalasan, hinihimok siyang manatili nang magdamag at kung minsan ay sa loob pa nga ng ilang araw. (Gen 24:54; 19:2, 3) Itinuturing na ang bisita ay nasa ilalim ng proteksiyon ng may-bahay sa panahon ng kaniyang pananatili sa tahanan nito. (Gen 19:6-8; Huk 19:22-24) Sa paglisan niya, maaaring samahan siya nang bahagya sa kaniyang paglalakbay.—Gen 18:16.
Itinuturing noon na mahalaga ang pagpapakita ng pagkamapagpatuloy, gaya ng makikita sa sinabi ni Reuel nang banggitin ng kaniyang mga anak na babae ang tungkol sa manlalakbay na “Ehipsiyo” (na ang totoo ay si Moises) na tumulong sa kanila na magpainom ng kanilang kawan. Bumulalas si Reuel: “Ngunit nasaan siya? Bakit ninyo iniwan ang lalaki? Tawagin ninyo siya, upang makakain siya ng tinapay.”—Exo 2:16-20.
Sa mga lunsod. Maliwanag mula sa mga ulat ng Bibliya na, lalo na sa mga lunsod, ang mga di-Israelita ay maaaring hindi laging mapagpatuloy sa mga Israelita. (Huk 19:11, 12) Gayundin, malamang na sa mga lunsod ay hindi gaanong mapagpatuloy ang mga tao, di-gaya sa mas liblib na mga lugar. Gayunman, isang lalaking Levita, kasama ang kaniyang tagapaglingkod at ang kaniyang babae, ang umupo sa liwasan ng Gibeah pagkalubog ng araw, sa wari’y umaasang may mag-aalok sa kanila ng dako na doo’y maaari silang magpalipas ng magdamag. Ipinahihiwatig nito na kahit sa mga lunsod ay pangkaraniwan ang pagkamapagpatuloy. (Huk 19:15) Sa pangyayaring ito, sinabi ng lalaking Levita na mayroon siyang mga panustos para sa kaniyang grupo at para rin sa kaniyang mga hayop. (Huk 19:19) Kailangan lamang niya ng masisilungan. Ngunit dahil sa kasamaan ng mga Benjamitang tumatahan sa lunsod, napatunayang di-mapagpatuloy ang lugar na iyon, gaya ng pinatotohanan ng naganap nang dakong huli.—Huk 19:26-28.
Sa mga lingkod ng Diyos. Bagaman karaniwang kaugalian noon ang pagkamapagpatuloy, ang mainam na pagkamapagpatuloy na inilahad sa mga ulat ng Bibliya ay walang alinlangang dahil ang karamihan sa mga nagpakita nito ay mga lingkod ni Jehova. Partikular na kapansin-pansin ang pagkamapagpatuloy at paggalang na ipinakita sa mga propeta o sa pantanging mga lingkod ng Diyos. Habang kumakain ang tatlong anghel na pinaglaanan ni Abraham ng pagkain, nanatili siyang nakatayo sa tabi nila. Waring isa itong palatandaan ng paggalang ni Abraham sa mga lalaking iyon na nakilala niya bilang mga anghelikong kinatawan ni Jehova. (Gen 18:3, 7, 8) At gaya ni Abraham na “tumakbo” upang maghanda para sa kaniyang mga panauhin, ipinakita ni Manoa na nasasabik siyang ipaghanda ng pagkain ang lalaki na inakala niyang isang lalaki ng Diyos, ngunit sa totoo ay isang anghel. (Huk 13:15-18, 21) Isang prominenteng babae ng Sunem ang nagpakita ng pagkamapagpatuloy kay Eliseo dahil, gaya ng sabi niya: “Narito ngayon, alam na alam ko na ang palaging dumaraan sa atin ay isang banal na lalaki ng Diyos.”—2Ha 4:8-11.
Hinatulan ang pagiging di-mapagpatuloy. Dahil ang mga Ammonita at mga Moabita ay tumangging magpakita ng pagkamapagpatuloy sa bansang Israel noong naglalakbay ang mga ito patungo sa Lupang Pangako, anupat inupahan pa nga ng mga Moabita si Balaam upang sumpain ang mga ito, itinalaga ni Jehova na walang lalaking Ammonita o Moabita ang maaaring tanggapin sa kongregasyon ng Israel. (Deu 23:3, 4) Sa pangyayaring iyon, hindi ang basta pagtangging magpamalas ng makataong pagkamapagpatuloy kundi ang pagkapoot sa Diyos at sa kaniyang bayan ang nag-udyok sa mga Ammonita at mga Moabita na maging di-mapagpatuloy at makipag-alit.
Sa pamamagitan ng propetang si Isaias, hinatulan ni Jehova ang bayan ng Israel dahil hindi sila naging mapagpatuloy, anupat sinabi Niya sa kanila na walang kabuluhan ang kanilang pag-aayuno at pagyukod sa harap Niya kung kasabay nito ay hinahayaan nilang dumanas ng kawalan ng pagkain, pananamit, at tirahan ang kanilang mga kapatid.—Isa 58:3-7.
Noong Unang Siglo C.E. Ang pagpapakita ng pagkamapagpatuloy noong unang siglo ng Karaniwang Panahon ay halos kagaya rin noong mas naunang mga panahon, bagaman waring nabawasan ang antas ng pagpapakita nito dahil sa mga kalagayan. Palibhasa’y may hidwaan ang mga Samaritano at mga Judio, kadalasa’y hindi sila mapagpatuloy sa isa’t isa. (Ju 4:7-9; 8:48) Gayundin, dahil sa pamumuno ng mga banyagang bansa, sumidhi ang mga alitan, at naglipana noon sa mga daan sa kanayunan ang mga magnanakaw. Maging ang ilang bahay-tuluyan ay pinangangasiwaan ng mga taong di-tapat at di-mapagpatuloy.
Gayunpaman, sa gitna ng mga Judio, ang mga kagandahang-asal na karaniwang ipinakikita sa panauhin ay gaya rin noong sinaunang mga panahon. Tinatanggap siya sa pamamagitan ng isang halik, pinapahiran ng langis ang kaniyang ulo, at hinuhugasan ang kaniyang mga paa. Sa mga piging, kadalasan nang pinauupo ang mga panauhin ayon sa ranggo at karangalan.—Luc 7:44-46; 14:7-11.
Pagkamapagpatuloy sa mga alagad ni Jesus. Nang isinusugo niya ang 12, at nang maglaon ay ang 70, upang mangaral sa Israel, sinabi ng Panginoong Jesu-Kristo na magiliw silang tatanggapin sa mga tahanan niyaong mga magpapahalaga sa mabuting balitang ipinangangaral nila. (Mat 10:5, 6, 11-13; Luc 10:1, 5-9) Bagaman si Jesus mismo ay “walang dakong mahihigan ng kaniyang ulo,” inasikaso siya sa mga tahanan ng mga taong kumilala sa kaniya bilang isinugo ng Diyos.—Mat 8:20; Luc 10:38.
May tiwala si Pablo na ang kaniyang Kristiyanong kapatid na si Filemon ay magiging mapagpatuloy sa kaniya kapag dumalaw siya rito pagkalaya niya sa bilangguan. Hindi ito pagsasamantala kay Filemon, sapagkat alam ni Pablo batay sa nakaraan niyang pakikipagsamahan kay Filemon na labis itong masasabik na maglaan ng anumang makakayanan nito. (Flm 21, 22) Sa liham na isinulat ng apostol na si Juan noong mga 98 C.E., itinawag-pansin niya na ang mga miyembro ng kongregasyong Kristiyano ay may pananagutang tumulong sa isinugong mga naglalakbay na kinatawan, “upang tayo ay maging mga kamanggagawa sa katotohanan.” Pinapurihan din ni Juan si Gayo dahil sa pagkamapagpatuloy nito, anupat sinabing ipinakita nito ang gayong saloobin sa mga isinugo na “ibang mga tao pa man din.” Samakatuwid nga, ang mga iyon ay hindi dating personal na kakilala ni Gayo ngunit sa kabila nito, magiliw niya silang pinakitunguhan dahil sa kanilang paglilingkod sa kongregasyon.—3Ju 5-8.
Isang Tanda ng Tunay na Kristiyanismo. Ang taimtim na pagkamapagpatuloy, na mula sa puso, ay isang tanda ng tunay na Kristiyanismo. Pagkatapos ng pagbubuhos ng banal na espiritu noong araw ng Pentecostes, 33 C.E., maraming bagong-kumberteng Kristiyano ang nanatili sa Jerusalem upang matuto nang higit pa tungkol sa mabuting balita ng Kaharian bago sila bumalik sa kani-kanilang tahanan sa iba’t ibang bahagi ng lupa. Pinagpakitaan sila ng pagkamapagpatuloy ng mga Kristiyanong naninirahan sa Jerusalem, anupat inasikaso sila ng mga ito sa kanilang mga tahanan at ipinagbili pa nga ng mga ito ang kanilang mga pag-aari at itinuring na ang lahat ng bagay ay para sa lahat. (Gaw 2:42-46) Nang maglaon, isang organisadong kaayusan ang itinatag ng mga apostol para sa pamamahagi ng pagkain sa nagdarahop na mga babaing balo sa gitna nila.—Gaw 6:1-6.
Ang pagkamapagpatuloy ay isang kahilingan sa mga Kristiyano. Bagaman dumanas ng matinding pag-uusig ang marami at ang ilan naman ay dinambungan ng mga ari-arian, nag-utos si Pablo: “Huwag ninyong kalilimutan ang pagkamapagpatuloy.” (Heb 13:2; 10:34) Ipinakita ni Pedro na dapat itong ipamalas nang maluwag sa kalooban, anupat sinabi niya: “Maging mapagpatuloy sa isa’t isa nang walang bulung-bulungan.” (1Pe 4:9; ihambing ang 2Co 9:7.) Upang idiin na ang pangunahing obligasyon nila ay sa kanilang mga kapananampalataya, sumulat si Pablo na ang mga kapuwa Kristiyano ay dapat na ‘gumawa ng mabuti sa lahat, ngunit lalo na roon sa mga may kaugnayan sa atin sa pananampalataya.’—Gal 6:10.
Ang pagkamapagpatuloy ay isa sa mahahalagang katangiang hinihiling sa mga aatasan bilang mga tagapangasiwa sa mga kongregasyong Kristiyano. (1Ti 3:2; Tit 1:7, 8) Gayundin, tinagubilinan ni Pablo si Timoteo, isang tagapangasiwa sa Efeso, na ang mga Kristiyanong babaing balo na ilalagay sa talaan ng mga tatanggap ng materyal na tulong mula sa kongregasyon ay dapat na yaong mga ‘nag-asikaso ng ibang tao.’ (1Ti 5:9, 10) Maliwanag na tinanggap at pinatuloy ng mga babaing ito sa kanilang mga tahanan ang Kristiyanong mga ministro o mga misyonero na dumalaw o naglingkod sa kongregasyon, bagaman bago nito, tiyak na marami sa mga bisitang iyon ang “ibang tao” sa kanila. Isa si Lydia sa gayong mga babae. Pambihirang pagkamapagpatuloy ang ipinakita niya, anupat iniulat ni Lucas: “Talaga namang pinilit niya kaming pumaroon.”—Gaw 16:14, 15.
Isang katunayan ng pananampalataya. Itinawag-pansin ng alagad na si Santiago na ang pagkamapagpatuloy ay mahalaga bilang isang gawa na nagpapakita ng pananampalataya ng isang tao. Sinabi niya: “Kung ang isang kapatid na lalaki o isang kapatid na babae ay nasa hubad na kalagayan at nagkukulang ng pagkaing sapat para sa araw, gayunman ay sinasabi sa kanila ng isa sa inyo: ‘Yumaon kayong payapa, magpainit kayo at magpakabusog,’ ngunit hindi ninyo sila binibigyan ng mga pangangailangan para sa kanilang katawan, ano nga ang pakinabang dito? Gayundin naman, ang pananampalataya, kung wala itong mga gawa, ay patay sa ganang sarili.”—San 2:14-17.
Mga pagpapala. Sa pagrerekomenda ng pagkamapagpatuloy, binabanggit ng Kasulatan na malalaking espirituwal na pagpapala ang tinatanggap ng isa na mapagpatuloy. Sinabi ni Pablo: “Huwag ninyong kalilimutan ang pagkamapagpatuloy, sapagkat sa pamamagitan nito ang ilan, nang hindi nila namamalayan, ay nag-asikaso sa mga anghel.” (Heb 13:2; Gen 19:1-3, 6, 7; Huk 6:11-14, 22; 13:2, 3, 8, 11, 15-18, 20-22) Si Jesus mismo ang nagsabi ng simulain: “May higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap.”—Gaw 20:35.
Dahil sa pagpapahalaga sa gawain ni Jesus, naghanda si Mateo Levi ng isang malaking piging bilang pagsalubong kay Jesus at pinagpala naman siya sapagkat narinig niya ang sagot ni Jesus sa mapamunang mga tanong ng mga Pariseo at gayundin ang isa sa magagandang ilustrasyon na inilahad nito. Ang paggamit ni Mateo ng kaniyang bahay sa mapagpatuloy na paraang ito ay nagbukas ng pagkakataon upang mapatotohanan ang mga maniningil ng buwis at ang iba pang mga kakilala ni Mateo.—Luc 5:27-39.
Pagkatapos pagpakitaan ni Zaqueo si Jesus ng pagkamapagpatuloy udyok ng kaniyang pananampalataya, lubha siyang pinagpala nang marinig niyang sinabi ni Jesus: “Sa araw na ito ay dumating sa bahay na ito ang kaligtasan.”—Luc 19:5-10.
Sa isang hula may kinalaman sa panahon ng pagbabalik niya taglay ang kaluwalhatian ng Kaharian, sinabi ni Jesus na ang mga tao ay pagbubukud-bukurin, kung paanong ibinubukod ng pastol ang mga tupa mula sa mga kambing. Iyon ay salig sa pakikitungo nila sa kaniyang “mga kapatid,” yamang hindi nila nakikita si Jesus sa pamamagitan ng kanilang pisikal na mga mata. Yaong mga nagpapakita ng pagkamapagpatuloy at kabaitan sa “mga kapatid” ni Kristo ay gumagawa niyaon dahil kinikilala nila ang mga ito bilang mga kapatid ni Kristo at mga anak ng Diyos. (Mat 25:31-46) Ipinakita rin ni Jesus na hindi ang basta makataong pagkamapagpatuloy ang magdudulot ng namamalaging gantimpala mula sa Diyos kundi ang pagkamapagpatuloy na iniuukol sa mga propeta ng Diyos dahil sa pagkilala sa kanila bilang mga kinatawan ng Diyos, mga alagad ni Kristo.—Mat 10:40-42; Mar 9:41, 42.
Kung Kailan Ito Hindi Dapat Ipakita. Sinasabi ng Bibliya sa mga Kristiyano na may ilan na hindi dapat pagpakitaan ng pagkamapagpatuloy. “Ang bawat isa na nagpapauna at hindi nananatili sa turo ng Kristo ay hindi kinaroroonan ng Diyos. . . . Kung may sinumang dumating sa inyo at hindi dala ang turong ito, huwag ninyo siyang tanggapin sa inyong mga tahanan o magsabi sa kaniya ng isang pagbati. Sapagkat siya na nagsasabi sa kaniya ng isang pagbati ay kabahagi sa kaniyang balakyot na mga gawa.” (2Ju 9-11) Kung pahihintulutan ng isang Kristiyano na manatili ang taong iyon sa kaniyang tahanan o kung pakikisamahan niya ito, manganganib ang kaniyang espirituwalidad at sa diwa ay kinukunsinti niya ang landasin nito. Makapagliligaw ito sa iba at magiging kadustaan ito sa kongregasyon. Nakasaad din ang simulaing ito sa Roma 16:17, 18; Mateo 7:15; 1 Corinto 5:11-13.
Mga Bahay-Tuluyan at mga Dakong Tuluyan. Lumilitaw na ang sinaunang bahay-tuluyan ay isa lamang dakong masisilungan ng manlalakbay, anupat naglalaan din ng lugar para sa kaniyang mga hayop. Maaaring ganiyan ang dakong tuluyan kung saan tumigil ang mga kapatid sa ama ni Jose sa kanilang paglalakbay mula sa Ehipto pabalik sa Canaan (Gen 42:27; 43:21) at kung saan nagpakita ang isang anghel sa asawa ni Moises na si Zipora.—Exo 4:24.
Noon, waring kung minsan ay nagpapaupa ng mga dakong tuluyan ang mga patutot. Nakipanuluyan kay Rahab na patutot ng Jerico ang dalawang tiktik na isinugo ni Josue, at pinagpakitaan sila ni Rahab ng kabaitan at pagkamapagpatuloy nang itago niya sila mula sa mga tumutugis sa kanila. (Jos 2:1-13) Nakipanuluyan naman si Samson sa bahay ng isang babaing patutot sa Gaza hanggang hatinggabi, kung kailan tinangay niya ang mga pintuang-daan ng lunsod upang hiyain ang mga Filisteo.—Huk 16:1-3.
Maliwanag na ang ilan sa mga bahay-tuluyan sa Palestina noong unang siglo C.E. ay mas mararangya, anupat marahil ay naglalaan ang mga ito hindi lamang ng masisilungan kundi pati ng pagkain at iba pang mga serbisyo, na may takdang singil. Sa talinghaga ni Jesus, binayaran ng mapagpatuloy na Samaritano ang isang bahay-tuluyan para alagaan ang isang taong sugatán.—Luc 10:30-35.
Ang Panauhin. Noong sinaunang panahon, bagaman pinakikitunguhan nang may matinding paggalang at karangalan ang isang panauhin, inaasahang susundin niya ang ilang kagandahang-asal at kahilingan. Halimbawa, itinuturing na isa sa pinakamasasamang gawa ang makibahagi sa pagkain ng ibang tao at pagkatapos ay ipagkanulo siya o pinsalain siya. (Aw 41:9; Ju 13:18) Hindi dapat pangunahan ng panauhin ang kaniyang punong-abala o ang grupong nagkakatipon sa pamamagitan ng pag-ukupa sa upuang pandangal, o sa prominenteng dako, kundi dapat niyang ipaubaya sa punong-abala kung sino ang pauupuin doon. (Luc 14:7-11) Ni dapat man niyang ‘sairin ang pagtanggap sa kaniya,’ sa pamamagitan ng pagbababad sa tahanan ng kaniyang punong-abala o sa pagpunta roon nang napakadalas. (Kaw 25:17) Mapapansin na palaging nagbabahagi si Jesus ng espirituwal na mga pagpapala habang tinatamasa ang pagkamapagpatuloy ng kaniyang punong-abala. (Luc 5:27-39; 19:1-8) Sa katulad na dahilan, sinabi niya sa kaniyang isinugong mga alagad na kapag nakarating sila sa isang bayan, dapat silang manatili sa tahanan kung saan sila pinagpakitaan ng pagkamapagpatuloy at huwag silang “magpalipat-lipat sa bahay-bahay.” Sa gayon ay hindi sila dapat maghanap ng lugar na doo’y higit silang mapaglalaanan ng may-bahay ng kaginhawahan, libangan, o materyal na mga bagay.—Luc 10:1-7; Mar 6:7-11.
Ang apostol na si Pablo, bagaman madalas maglakbay at tumanggap ng pagkamapagpatuloy ng marami sa kaniyang mga kapatid na Kristiyano, ay umiwas na maging pabigat sa pinansiyal sa kaninuman sa kanila. Kalimitan ay nagtatrabaho siya sa isang sekular na hanapbuhay, at siya ang nagsabi ng kautusan: “Kung ang sinuman ay ayaw magtrabaho, huwag din naman siyang pakainin.” (2Te 3:7-12; 1Te 2:6) Dahil dito, may naisagot si Pablo sa mga paratang ng tinatawag na ubod-galing na mga apostol sa Corinto, na nag-akusa kay Pablo ng pagsasamantala sa mga Kristiyano sa kongregasyon doon. (2Co 11:5, 7-10) Maaari niyang ipaghambog na inilaan niya sa kanila ang mabuting balita nang walang anumang bayad, anupat hindi man lamang niya kinuha ang mga bagay na karapatan niyang kunin bilang apostol at ministro ng Diyos.—1Co 9:11-18.
Iwasan ang Paimbabaw na Pagkamapagpatuloy. Isang babala tungkol sa pagtanggap ng paimbabaw na pagkamapagpatuloy ang ibinibigay sa Kawikaan 23:6-8: “Huwag kang kumain ng pagkain ng sinumang may matang di-mapagbigay [sa literal, “masama ang mata”], ni maging mapaghangad ka man sa kaniyang masasarap na pagkain. Sapagkat gaya ng isa na nagninilay-nilay sa kaniyang kaluluwa, gayon din siya. ‘Kumain ka at uminom,’ ang sabi niya sa iyo, ngunit ang kaniyang puso ay hindi sumasaiyo. Ang iyong subo ng pagkain na kinain mo ay isusuka mo, at sasayangin mo lamang ang iyong mga salitang kaiga-igaya.” Palibhasa’y hindi nagbibigay ng isang bagay nang bukal sa puso, kundi umaasa ng kagantihan kapalit ng ibinigay niya, ang gayong tao ay nagninilay-nilay nang laban sa iyo, anupat buong-init na nag-aanyaya sa iyo, ngunit mayroon siyang ibang motibo. Sa pakikibahagi mo sa kaniyang pagkain, at lalo na kung hinahangad mo ang kaniyang masasarap na pagkain anupat nais mong muling makakain niyaon, sa paanuman ay inilalagay mo ang iyong sarili sa ilalim ng kaniyang kapangyarihan. Baka mahirapan kang tanggihan ang isang kahilingan niya, at posibleng magkaproblema ka dahil dito. Pagkatapos ay mayayamot ka kung bakit ka nga ba kumaing kasama niya, at ang mga salitang kaiga-igaya na ipinahayag mo, sa pag-asang magtataguyod ang mga ito ng espirituwalidad at nakapagpapatibay na pagkakaibigan, ay tiyak na nasayang lamang.—Ihambing ang Aw 141:4.