Ginawa Nila ang Kalooban ni Jehova
Binubuksan ng Isang Gawa ng Pagpapatawad ang Daan ng Kaligtasan
ANG sampung anak na lalaki ni Jacob na nakatayo sa harap ng punong ministro ng Ehipto ay may isang nakasisindak na lihim. Ilang taon bago nito ay ipinagbili nila ang kanilang kapatid sa ama na si Jose sa pagkaalipin, na ang plano’y sabihin sa kanilang ama na ito ay napatay ng isang mabangis na hayop.—Genesis 37:18-35.
Ngayon, pagkalipas ng 20 taon, isang matinding taggutom ang nagtaboy sa sampung lalaking ito na magtungo sa Ehipto upang bumili ng mga binutil. Subalit hindi naging maayos ang mga bagay-bagay. Pinaratangan sila ng punong ministro, na siya ring nagsisilbing administrador ng pagkain, na sila’y mga espiya. Ipinabilanggo niya ang isa sa kanila at iniutos na sila’y umuwi at isama ang kanilang bunsong kapatid na si Benjamin. Kung gagawin nila ito, isinaplano ng punong ministro na ipaaaresto niya si Benjamin.—Genesis 42:1-44:12.
Tumutol si Juda, isa sa mga anak ni Jacob. ‘Kung uuwi kaming hindi kasama si Benjamin,’ sabi niya, ‘mamamatay ang aming ama.’ Pagkatapos ay naganap ang isang bagay na hindi inaasahan ni Juda ni ng sinuman sa kaniyang mga kasamang naglakbay. Matapos pag-utusan ang lahat maliban sa mga anak ni Jacob na lisanin ang silid, ang punong ministro ay malakas na nanangis. Pagkatapos, nang manauli ang kaniyang hinahon, nagpahayag siya: “Ako si Jose.”—Genesis 44:18–45:3.
Awa at Katubusan
“Ang akin bang ama ay buháy pa?” tanong ni Jose sa kaniyang mga kapatid sa ama. Walang nakasagot. Tunay, hindi nakapagsalita ang mga kapatid ni Jose sa ama. Sila ba’y dapat matuwa, o sila ba’y dapat masindak? Mangyari pa, noong nakalipas na 20 taon, ipinagbili nila ang lalaking ito sa pagkaalipin. May awtoridad si Jose na ipabilanggo sila, pauwiin sila nang walang dalang pagkain, o—pinakagrabe sa lahat—ipapatay sila! Makatuwiran naman, ang mga kapatid ni Jose sa ama ay “di-nagawang sumagot man lamang sa kaniya, sapagkat sila’y naguluhan dahil sa kaniya.”—Genesis 45:3.
Agad na kinalma ni Jose ang mga lalaking ito. “Lumapit kayo sa akin, pakisuyo,” sabi niya. Tumalima sila. Saka niya sinabi: “Ako si Jose na inyong kapatid, na ipinagbili ninyo tungo sa Ehipto. Ngunit ngayon ay huwag kayong magdamdam at huwag kayong magalit sa inyong sarili sapagkat ipinagbili ninyo ako rito; sapagkat ukol sa pag-iingat ng buhay ay sinugo ako ng Diyos sa unahan ninyo.”—Genesis 45:4, 5.
Ang awa ni Jose ay hindi inilawit nang walang batayan. Napatunayan na niya ang kanilang pagsisisi. Halimbawa, nang paratangan ni Jose ang kaniyang mga kapatid sa ama na sila’y mga espiya, narinig niyang sila’y nagsabi sa isa’t isa: “Walang-alinlangang tayo ay nagkasala may kinalaman sa ating kapatid . . . Iyan ang dahilan kung bakit ang kabagabagang ito ay dumating sa atin.” (Genesis 42:21) Gayundin, nag-alok si Juda na maging alipin kapalit ni Benjamin upang ang batang lalaki ay makabalik sa kaniyang ama.—Genesis 44:33, 34.
Kaya nga, may katuwiran si Jose na maglawit ng awa. Tunay, napagtanto niya na ang paggawa nito ay magdudulot ng kaligtasan sa kaniyang buong pamilya. Sa gayon, sinabi ni Jose sa kaniyang mga kapatid sa ama na bumalik sila sa kanilang ama, si Jacob, at sabihin sa kaniya: “Ito ang sinabi ng iyong anak na si Jose: ‘Ang Diyos ay nag-atas sa akin bilang panginoon para sa buong Ehipto. Bumaba ka sa akin. Huwag kang magpaliban. At dapat kang manahanan sa lupain ng Goshen, at dapat kang magpatuloy na malapit sa akin, ikaw at ang iyong mga anak at ang mga anak ng iyong mga anak at ang iyong mga kawan at ang iyong mga pangkat ng hayop at ang lahat ng bagay na taglay mo. At ako ay maglalaan sa iyo ng pagkain doon.’ ”—Genesis 45:9-11.
Ang Mas Dakilang Jose
Si Jesu-Kristo ay matatawag na Mas Dakilang Jose, sapagkat may malalaking pagkakahawig ang dalawang lalaking ito. Gaya ni Jose, si Jesus ay minaltrato ng kaniyang mga kapatid, mga kapuwa inapo ni Abraham. (Ihambing ang Gawa 2:14, 29, 37.) Ngunit ang dalawang lalaking ito ay nakaranas ng pambihirang pagbabago ng kalagayan. Dumating ang panahon, ang kalagayan ni Jose bilang alipin ay nabago tungo sa pagiging punong ministro, na pangalawa lamang sa Paraon. Sa katulad na paraan, ibinangon ni Jehova si Jesus mula sa mga patay at itinaas siya sa isang matayog na posisyon “sa kanang kamay ng Diyos.”—Gawa 2:33; Filipos 2:9-11.
Bilang punong ministro, nakapagbibigay si Jose ng pagkain sa lahat ng pumupunta noon sa Ehipto para bumili ng binutil. Sa ngayon, ang Mas Dakilang Jose ay may isang tapat at maingat na alipin sa lupa na sa pamamagitan nito’y nagbibigay siya ng espirituwal na pagkain “sa tamang panahon.” (Mateo 24:45-47; Lucas 12:42-44) Tunay, yaong mga lalapit kay Jesus ay “hindi na magugutom pa ni mauuhaw pa man . . . sapagkat ang Kordero, na nasa gitna ng trono, ay magpapastol sa kanila, at aakay sa kanila sa mga bukal ng mga tubig ng buhay.”—Apocalipsis 7:16, 17.
Aral Para sa Atin
Si Jose ay naglaan ng isang napakahusay na halimbawa ng awa. Ang mahigpit na katarungan ay humihiling na parusahan niya yaong mga nagbili sa kaniya sa pagkaalipin. Sa kabaligtaran, maaari sanang maudyukan siya ng kaniyang damdamin na palampasin na lamang ang kanilang pagkakasala. Wala isa man dito ang ginawa ni Jose. Sa halip, sinubok niya ang pagsisisi ng kaniyang mga kapatid sa ama. Pagkatapos, nang makita niyang taimtim naman ang kalungkutan nila, pinatawad niya sila.
Matutularan natin si Jose. Kapag nagpakita ng pagsisisi ang isang nagkasala sa atin, dapat natin siyang patawarin. Mangyari pa, hindi kailanman dapat na dahil lamang sa udyok ng damdamin ay hindi na natin makita ang malubhang kasalanan. Sa kabilang dako naman, hindi natin hahayaang bulagin tayo ng hinanakit upang di-makita ang tunay na pagsisisi. Kaya “patuloy [nating] pagtiisan ang isa’t isa at malayang patawarin ang isa’t isa.” (Colosas 3:13) Sa paggawa nito, matutularan natin ang ating Diyos, si Jehova, na “handang magpatawad.”—Awit 86:5; Mikas 7:18, 19.