Nakapasok Na ba Kayo sa Kapahingahan ng Diyos?
“Ang tao na pumasok sa kapahingahan ng Diyos ay nagpahinga rin mismo mula sa kaniyang sariling mga gawa.”—HEBREO 4:10.
1. Bakit totoong kalugud-lugod ang kapahingahan?
KAPAHINGAHAN. Kay-tamis at kay-gandang pakinggan! Palibhasa’y nabubuhay sa paspasan at magulong daigdig sa ngayon, sasang-ayon ang karamihan sa atin na totoong kalugud-lugod ang kaunting pahinga. Bata man o matanda, may asawa o wala, maaaring sa pang-araw-araw na pamumuhay lamang ay nagigipit at napapagod na tayo. Para sa mga may pisikal na limitasyon o kapansanan, ang bawat araw ay isang hamon. Gaya ng sinasabi ng Kasulatan, “ang buong paglalang ay patuloy na dumaraing na magkakasama at nasasaktang magkakasama hanggang ngayon.” (Roma 8:22) Hindi naman nangangahulugang tamad ang isang taong nagpapahinga. Ang pagpapahinga ay isang pangangailangan ng tao na dapat matugunan.
2. Mula pa kailan nagsimulang magpahinga si Jehova?
2 Ang Diyos na Jehova mismo ay nagpapahinga. Sa aklat ng Genesis, mababasa natin: “Nayari ang langit at ang lupa at ang lahat ng kanilang hukbo. At sa ikapitong araw ay nayari ng Diyos ang kaniyang gawain na ginawa niya, at siya ay nagpasimulang magpahinga sa ikapitong araw mula sa lahat ng kaniyang gawain na ginawa niya.” Binigyan ni Jehova ng pantanging kahulugan ang “ikapitong araw,” sapagkat nagpatuloy ang kinasihang ulat: “Pinasimulang pagpalain ng Diyos ang ikapitong araw at ginawa itong sagrado.”—Genesis 2:1-3.
Nagpahinga ang Diyos Mula sa Kaniyang Gawain
3. Ano ang hindi maaaring maging dahilan ng pamamahinga ng Diyos?
3 Bakit nagpahinga ang Diyos sa “ikapitong araw”? Mangyari pa, hindi siya nagpahinga dahil sa pagod na siya. Si Jehova ay nagtatamasa ng “kasaganaan ng dinamikong kalakasan” at “hindi nanghihina o napapagod man.” (Isaias 40:26, 28) Ni nagpahinga man ang Diyos dahil sa kailangan niyang magpahingalay o magmabagal, sapagkat sinabi ni Jesus sa atin: “Ang aking Ama ay patuloy na gumagawa hanggang ngayon, at ako ay patuloy na gumagawa.” (Juan 5:17) Sa anumang kalagayan, “ang Diyos ay Espiritu” at hindi nalilimitahan ng mga siklo sa katawan at mga pangangailangan ng isang pisikal na nilalang.—Juan 4:24.
4. Sa anong paraan naiiba “ang ikapitong araw” mula sa naunang anim na ‘mga araw’?
4 Paano tayo magkakaroon ng malalim na unawa sa dahilan kung bakit nagpahinga ang Diyos sa “ikapitong araw”? Sa pamamagitan ng pagbibigay-pansin na bagaman totoong nalugod ang Diyos sa kaniyang nagawa sa loob ng mahabang yugto ng anim na lumipas na ‘araw’ ng paglalang, espesipikong pinagpala ng Diyos “ang ikapitong araw” at ipinahayag na ito’y “sagrado.” Binigyang-kahulugan ng Concise Oxford Dictionary ang “sagrado” bilang “bukod-tanging nakaalay o nakatalaga (sa isang diyos o sa isang relihiyosong layunin).” Sa gayon, ang pagpapala ni Jehova sa “ikapitong araw” at pagpapahayag na ito’y sagrado ay nagpapakita na ito at ang kaniyang “kapahingahan” ay tiyak na may kaugnayan sa kaniyang sagradong kalooban at layunin sa halip na sa anumang pangangailangan niya. Ano ang kaugnayang iyon?
5. Ano ang pinakilos ng Diyos noong unang anim na ‘mga araw’ ng paglalang?
5 Sa loob ng naunang anim na ‘mga araw’ ng paglalang, ginawa at pinakilos ng Diyos ang lahat ng siklo at mga batas na umuugit sa pag-iral ng lupa at ng lahat ng nasa palibot nito. Nalalaman na ngayon ng mga siyentipiko kung gaano kahusay ang pagkakadisenyo sa mga ito. Sa pagtatapos ng “ikaanim na araw,” nilalang ng Diyos ang unang mag-asawang tao at inilagay sila sa “isang hardin sa Eden, sa dakong silangan.” Sa wakas, ipinahayag ng Diyos ang kaniyang layunin hinggil sa pamilya ng tao at sa lupa sa ganitong makahulang mga salita: “Magpalaanakin kayo at magpakarami at punuin ang lupa at supilin iyon, at magkaroon kayo ng kapamahalaan sa mga isda sa dagat at sa mga lumilipad na nilalang sa langit at sa bawat nilalang na buháy na gumagapang sa ibabaw ng lupa.”—Genesis 1:28, 31; 2:8.
6. (a) Pagkatapos ng “ikaanim na araw,” ano ang nadama ng Diyos tungkol sa lahat ng kaniyang nilalang? (b) Sa anong diwa sagrado ang “ikapitong araw”?
6 Pagkatapos ng “ikaanim na araw” ng paglalang, sinasabi sa atin ng ulat: “Nakita ng Diyos ang bawat bagay na ginawa niya at, narito! iyon ay napakabuti.” (Genesis 1:31) Nasiyahan ang Diyos sa lahat ng bagay na kaniyang ginawa. Sa gayon ay nagpahinga siya, o tumigil, sa karagdagang gawain ng paglalang may kinalaman sa lupa. Gayunman, bagaman sakdal at maganda ang paraisong hardin noon, maliit na lugar lamang ang saklaw niyaon, at mayroon lamang dalawang nilalang na tao sa lupa. Mangangailangan ng panahon ang lupa at ang pamilya ng tao upang maabot ang kalagayan na nilayon ng Diyos. Sa dahilang ito, nagtakda siya ng isang “ikapitong araw” na magpapangyari sa lahat ng kaniyang nilalang sa nagdaang anim na ‘mga araw’ upang sumulong ayon sa kaniyang sagradong kalooban. (Ihambing ang Efeso 1:11.) Sa pagtatapos ng “ikapitong araw,” ang lupa ay magiging isang pangglobong paraiso na tatahanan magpakailanman ng isang pamilya ng sakdal na mga tao. (Isaias 45:18) “Ang ikapitong araw” ay inilaan, o inialay, sa pagsasagawa at katuparan ng layunin ng Diyos hinggil sa lupa at sa sangkatauhan. “Sagrado” iyon sa gayong diwa.
7. (a) Sa anong paraan nagpahinga ang Diyos sa “ikapitong araw”? (b) Ano ang kalalabasan ng lahat ng bagay sa katapusan ng “ikapitong araw”?
7 Kaya nagpahinga ang Diyos mula sa kaniyang gawaing paglalang sa “ikapitong araw.” Para bang tumigil siya at hinayaan yaong kaniyang pinakilos na tapusin ang landasin nito. Lubos ang kaniyang tiwala na sa katapusan ng “ikapitong araw,” ang lahat ay eksaktong magiging gaya ng nilayon niya. Kahit na nagkaroon ng mga hadlang, napagtagumpayan ang mga ito. Ang buong masunuring sangkatauhan ay makikinabang kapag lubusang natupad ang kalooban ng Diyos. Walang makahahadlang dito sapagkat pinagpala ng Diyos “ang ikapitong araw,” at ginawa niya itong “sagrado.” Tunay na isang maluwalhating pag-asa para sa masunuring sangkatauhan!
Hindi Nakapasok ang Israel sa Kapahingahan ng Diyos
8. Kailan at paano nangyaring ipinangilin ng mga Israelita ang Sabbath?
8 Nakinabang ang bansang Israel sa kaayusan ni Jehova para sa paggawa at kapahingahan. Bago pa man bigyan ang mga Israelita ng Batas sa Bundok Sinai, sinabi sa kanila ng Diyos sa pamamagitan ni Moises: “Tandaan ang bagay na ibinigay sa inyo ni Jehova ang sabbath. Iyan ang dahilan kung bakit sa ikaanim na araw ay binibigyan niya kayo ng tinapay para sa dalawang araw. Patuloy na maupo ang bawat isa sa kaniyang sariling dako. Huwag hayaan ang sinuman na lumabas sa kaniyang lugar sa ikapitong araw.” Ang resulta ay na “ang bayan ay nagpasimulang mangilin ng sabbath sa ikapitong araw.”—Exodo 16:22-30.
9. Bakit tiyak na isang kanais-nais na pagbabago para sa mga Israelita ang batas ng Sabbath?
9 Bago ang kaayusang ito para sa mga Israelita, na katatapos lamang iligtas mula sa pagkaalipin sa Ehipto. Bagaman sinusukat ng mga Ehipsiyo at ng iba pa ang panahon sa mga yugto ng lima hanggang sampung araw, malayong binigyan ang mga aliping Israelita ng isang araw ng kapahingahan. (Ihambing ang Exodo 5:1-9.) Kaya makatuwirang isipin na kanais-nais para sa bayang Israel ang pagbabagong ito. Sa halip na ituring na isang pasanin o paghihigpit ang kahilingan ng Sabbath, tiyak na nagalak silang sundin ito. Sa katunayan, nang dakong huli ay sinabi sa kanila ng Diyos na ang Sabbath ay magsisilbing paalaala ng kanilang pagkaalipin sa Ehipto at ng kaniyang pagliligtas sa kanila.—Deuteronomio 5:15.
10, 11. (a) Sa pagiging masunurin, ano sana ang maaaring asahang tamasahin ng mga Israelita? (b) Bakit hindi nakapasok ang mga Israelita sa kapahingahan ng Diyos?
10 Kung naging masunurin lamang ang mga Israelita na nakalabas sa Ehipto kasama ni Moises, sila sana ay nagkapribilehiyo na makapasok sa ipinangakong “lupain na inaagusan ng gatas at pulot-pukyutan.” (Exodo 3:8) Doon ay nagtamasa sana sila ng tunay na kapahingahan, hindi lamang tuwing Sabbath kundi sa buong buhay nila. (Deuteronomio 12:9, 10) Gayunman, hindi nangyari iyon. Hinggil sa kanila, sumulat si apostol Pablo: “Sino ba sila na mga nakarinig at gayunma’y pumukaw ng mapait na galit? Sa katunayan, hindi ba ang lahat ng lumabas mula sa Ehipto sa ilalim ni Moises? Bukod diyan, kanino ba nasuklam ang Diyos sa loob ng apatnapung taon? Hindi ba doon sa mga nagkasala, na ang mga bangkay ay nabuwal sa ilang? Subalit kanino siya sumumpa na hindi sila papasok sa kaniyang kapahingahan kundi doon sa mga kumilos nang masuwayin? Kaya nakikita natin na hindi sila makapapasok dahil sa kawalan ng pananampalataya.”—Hebreo 3:16-19.
11 Isa ngang matinding aral para sa atin! Dahil sa kanilang kawalan ng pananampalataya kay Jehova, hindi nakamit ng salinlahing iyon ang kapahingahan na ipinangako niya sa kanila. Sa halip, sila’y nalipol sa ilang. Hindi nila naunawaan na bilang mga inapo ni Abraham, sila’y may malapit na kaugnayan sa kalooban ng Diyos na maglaan ng pagpapala para sa lahat ng bansa sa lupa. (Genesis 17:7, 8; 22:18) Sa halip na gumawang kasuwato ng kalooban ng Diyos, sila’y lubusang nailihis ng kanilang makasanlibutan at mapag-imbot na mga hangarin. Huwag nawa tayong mahulog sa gayong landasin!—1 Corinto 10:6, 10.
Nalalabi ang Isang Kapahingahan
12. Anong pag-asa ang umiiral pa rin para sa mga Kristiyano noong unang siglo, at paano nila matatamo iyon?
12 Matapos sabihin ang pagkabigo ng Israel na makapasok sa kapahingahan ng Diyos dahil sa kawalan ng pananampalataya, ibinaling naman ni Pablo ang kaniyang pansin sa kaniyang mga kapananampalataya. Gaya ng sinasabi sa Hebreo 4:1-5, tiniyak niya sa kanila na “may iniwang pangako ng pagpasok sa kapahingahan [ng Diyos].” Hinimok sila ni Pablo na manampalataya sa “mabuting balita,” sapagkat “tayo na mga nagsagawa ng pananampalataya ay pumapasok sa kapahingahan.” Yamang ang Batas ay napawi na ng haing pantubos ni Jesus, ang tinutukoy ni Pablo rito ay hindi ang pisikal na pamamahinga na inilalaan sa pamamagitan ng Sabbath. (Colosas 2:13, 14) Sa pagsipi sa Genesis 2:2 at Awit 95:11, hinihimok ni Pablo ang mga Hebreong Kristiyano na pumasok sa kapahingahan ng Diyos.
13. Sa pagsipi sa Awit 95, bakit itinawag-pansin ni Pablo ang salitang “ngayon”?
13 Ang pagkakataong makapasok sa kapahingahan ng Diyos ay tiyak na “mabuting balita” sa mga Hebreong Kristiyano, kung paanong ang pamamahinga sa Sabbath ay tiyak na “mabuting balita” sa mga Israelitang nauna sa kanila. Kaya naman, hinimok ni Pablo ang kaniyang mga kapananampalataya na huwag gumawa ng katulad na pagkakamaling nagawa ng Israel sa ilang. Sa pagbanggit sa ngayo’y Awit 95:7, 8, itinawag-pansin niya ang salitang “ngayon,” bagaman napakatagal na buhat nang magpahinga ang Diyos mula sa paglalang. (Hebreo 4:6, 7) Ano ang ibig sabihin ni Pablo? Na ang “ikapitong araw,” na inilaan ng Diyos upang lubusang matupad ang kaniyang layunin hinggil sa lupa at sa sangkatauhan, ay patuloy pa rin. Kung gayon, napakahalaga para sa kaniyang mga kapuwa Kristiyano na gumawa ayon sa layuning iyan sa halip na maging okupado sa mapag-imbot na mga tunguhin. Minsan pa niyang inihudyat ang babala: “Huwag ninyong patigasin ang inyong mga puso.”
14. Paano ipinakita ni Pablo na may nalalabi pang “pagpapahinga” ang Diyos?
14 Karagdagan pa, ipinakita ni Pablo na ang ipinangakong “kapahingahan” ay hindi lamang tungkol sa paninirahan sa Lupang Pangako sa ilalim ng pamumuno ni Josue. (Josue 21:44) “Sapagkat kung inakay sila ni Josue sa isang dako ng kapahingahan,” katuwiran ni Pablo, “hindi na sana nagsalita ang Diyos pagkatapos tungkol sa iba pang araw.” Dahil dito, idinagdag ni Pablo: “May nalalabi pang sabbath na pagpapahinga para sa bayan ng Diyos.” (Hebreo 4:8, 9) Ano ang “sabbath na pagpapahinga” na iyon?
Pumasok sa Kapahingahan ng Diyos
15, 16. (a) Ano ang kahulugan ng terminong “sabbath na pagpapahinga”? (b) Ano ang ibig sabihin ng ‘magpahinga mula sa sariling gawa ng isa’?
15 Ang pananalitang “sabbath na pagpapahinga” ay isinalin mula sa isang salitang Griego na nangangahulugang “pagsa-sabbath.” (Kingdom Interlinear) Sinabi ni Propesor William Lane: “Nakuha ng salita ang partikular na katangian nito mula sa tagubilin sa Sabbath na nabuo sa Judaismo batay sa Exodo 20:8-10, kung saan idiniin na ang kapahingahan at pagpuri ay magkasama . . . Idiniriin [nito] ang pantanging bahagi ng kapistahan at pagsasaya, na ipinahahayag ukol sa pagsamba at pagpuri sa Diyos.” Kaya ang ipinangakong kapahingahan, kung gayon, ay hindi lamang paglaya mula sa pagtatrabaho. Ito ay isang pagbabago mula sa nakapapagod at walang-saysay na pagpapagal tungo sa maligayang paglilingkuran na nagpaparangal sa Diyos.
16 Ito ay ipinakikita ng sumunod na mga salita ni Pablo: “Sapagkat ang tao na pumasok sa kapahingahan ng Diyos ay nagpahinga rin mismo mula sa kaniyang sariling mga gawa, gaya ng ginawa ng Diyos mula sa kaniyang sariling mga gawa.” (Hebreo 4:10) Hindi nagpahinga ang Diyos sa ikapitong araw ng paglalang dahil sa kapaguran. Sa halip, tumigil siya sa gawaing paglalang sa lupa upang hayaang sumulong at sumapit sa ganap na kaluwalhatian ang mga gawa ng kaniyang kamay, ukol sa kaniyang kapurihan at karangalan. Bilang bahagi ng paglalang ng Diyos, dapat din tayong makasuwato ng kaayusang iyan. Dapat tayong ‘magpahinga mula sa ating sariling mga gawa,’ samakatuwid nga, dapat tayong huminto sa pagsisikap na ipangatuwiran ang ating sarili sa harapan ng Diyos sa pagtatangkang makamit ang kaligtasan. Sa halip, dapat tayong manampalataya na ang ating kaligtasan ay nakadepende sa haing pantubos ni Jesu-Kristo, na sa pamamagitan nito ang lahat ng bagay ay muling gagawing kasuwato ng layunin ng Diyos.—Efeso 1:8-14; Colosas 1:19, 20.
Ang Salita ng Diyos ay May Lakas
17. Anong landasing tinahak ng Israel sa laman ang dapat nating iwasan?
17 Hindi nakapasok ang mga Israelita sa ipinangakong kapahingahan ng Diyos dahil sa kanilang pagsuway at kawalan ng pananampalataya. Kaya naman, hinimok ni Pablo ang mga Hebreong Kristiyano: “Samakatuwid ay gawin natin ang ating sukdulang makakaya na pumasok sa kapahingahang iyon, baka may sinumang mahulog sa gayunding parisan ng pagsuway.” (Hebreo 4:11) Karamihan sa mga Judio noong unang siglo ay hindi nanampalataya kay Jesus, at marami sa kanila ang labis na nagdusa nang magwakas ang Judiong sistema ng mga bagay noong 70 C.E. Tunay ngang mahalaga na sumampalataya tayo ngayon sa salitang ipinangako ng Diyos!
18. (a) Anu-anong dahilan ang ibinigay ni Pablo para sa pananampalataya sa salita ng Diyos? (b) Paanong “mas matalas kaysa anumang dalawang-talim na tabak” ang salita ng Diyos?
18 Mayroon tayong mabubuting dahilan upang manampalataya sa salita ni Jehova. Sumulat si Pablo: “Ang salita ng Diyos ay buháy at may lakas at mas matalas kaysa anumang dalawang-talim na tabak at tumatagos maging hanggang sa paghahati ng kaluluwa at espiritu, at ng mga kasukasuan at ng kanilang utak sa buto, at may kakayahang umunawa ng mga kaisipan at mga intensiyon ng puso.” (Hebreo 4:12) Oo, ang salita, o mensahe ng Diyos, ay “mas matalas kaysa anumang dalawang-talim na tabak.” Kinailangang tandaan ng mga Hebreong Kristiyano kung ano ang nangyari sa kanilang mga ninuno. Bilang pagwawalang-bahala sa kahatulan ni Jehova na sila’y malilipol sa ilang, sila’y nagtangkang pumasok sa Lupang Pangako. Ngunit binabalaan sila ni Moises: “Ang mga Amalekita at mga Canaanita ay nasa harap ninyo; at tiyak na babagsak kayo sa pamamagitan ng tabak.” Nang magpatuloy ang mga Israelitang matitigas ang ulo, “ang mga Amalekita at mga Canaanita na naninirahan sa bundok na iyon ay bumaba at nagsimulang lipulin sila at papangalatin sila hanggang sa Horma.” (Bilang 14:39-45) Ang salita ni Jehova ay mas matalas kaysa anumang dalawang-talim na tabak, at sinumang sadyang magwawalang-bahala rito ay tiyak na aani ng masasamang bunga.—Galacia 6:7-9.
19. Gaano kalakas ‘tumagos’ ang salita ng Diyos, at bakit dapat nating kilalanin na magsusulit tayo sa Diyos?
19 Tunay na ang salita ng Diyos ay buong-lakas na “tumatagos maging hanggang sa paghahati ng kaluluwa at espiritu, at ng mga kasukasuan at ng kanilang utak sa buto”! Nakaaabot ito sa kaisipan at motibo ng mga tao, anupat makasagisag na tumatagos hanggang sa utak sa kaloob-loobang bahagi ng mga buto! Bagaman ang mga Israelitang napalaya mula sa pagkaalipin sa Ehipto ay sumang-ayong susunod sa Batas, batid ni Jehova na sa kalooban nila ay hindi nila pinahahalagahan ang kaniyang mga paglalaan at kahilingan. (Awit 95:7-11) Sa halip na gawin ang kaniyang kalooban, sila’y nagtuon ng pansin sa pagpapalugod sa kanilang makalaman na mga hangarin. Kaya naman, hindi sila nakapasok sa ipinangakong kapahingahan ng Diyos, kundi nalipol sa ilang. Kailangang isapuso natin ito, sapagkat “walang nilalang na hindi hayag sa paningin [ng Diyos], kundi ang lahat ng mga bagay ay hubad at hayagang nakalantad sa mga mata niya na pagsusulitan natin.” (Hebreo 4:13) Kaya tuparin nawa natin ang ating pag-aalay kay Jehova at huwag ‘umurong tungo sa pagkapuksa.’—Hebreo 10:39.
20. Ano pa ang mangyayari, at ano ang dapat nating gawin ngayon upang makapasok sa kapahingahan ng Diyos?
20 Bagaman ang “ikapitong araw”—ang araw ng kapahingahan ng Diyos—ay patuloy pa rin, siya’y gising sa pagsasakatuparan ng kaniyang layunin hinggil sa lupa at sa sangkatauhan. Hindi na magtatagal, kikilos ang Mesiyanikong Hari, si Jesu-Kristo, upang alisin sa lupa ang lahat ng sumasalansang sa kalooban ng Diyos, pati na si Satanas na Diyablo. Sa loob ng Sanlibong Taóng Paghahari ni Kristo, pasasapitin ni Jesus at ng kaniyang 144,000 kasamang tagapamahala ang lupa at ang sangkatauhan sa kalagayang nilayon ng Diyos. (Apocalipsis 14:1; 20:1-6) Ngayon na ang panahon para patunayan nating nakasentro ang ating buhay sa kalooban ng Diyos na Jehova. Sa halip na sikaping ipangatuwiran ang ating sarili sa harapan ng Diyos at itaguyod ang ating sariling kapakanan at ambisyon, panahon na ngayon upang tayo ay ‘magpahinga mula sa ating sariling mga gawa’ at buong-pusong maglingkod sa kapakanan ng Kaharian. Sa paggawa nito at sa pananatiling tapat sa ating makalangit na Ama, si Jehova, magkakaroon tayo ng pribilehiyo na magtamasa ng mga pakinabang sa kapahingahan ng Diyos ngayon at magpakailanman.
Maipaliliwanag ba Ninyo?
◻ Sa anong layunin nagpahinga ang Diyos sa “ikapitong araw”?
◻ Anong kapahingahan ang tinamasa sana ng mga Israelita, ngunit bakit hindi sila nakapasok dito?
◻ Ano ang dapat nating gawin upang makapasok sa kapahingahan ng Diyos?
◻ Paanong ang salita ng Diyos ay buháy, may lakas, at mas matalas kaysa anumang dalawang-talim na tabak?
[Larawan sa pahina 16, 17]
Nangilin ng Sabbath ang mga Israelita, ngunit hindi sila nakapasok sa kapahingahan ng Diyos. Alam ba ninyo kung bakit?