“Nagbigay Ako ng Parisan Para sa Inyo”
“Dapat sanang maging mga guro na kayo dahilan sa panahon.”—HEBREO 5:12.
1. Bakit likas lamang na medyo mabahala ang isang Kristiyano dahil sa mga salita sa Hebreo 5:12?
HABANG binabasa mo ang kinasihang mga salita ng ating temang teksto, medyo nababahala ka ba sa iyong sarili? Kung oo, hindi ka nag-iisa. Bilang mga tagasunod ni Kristo, alam natin na dapat tayong maging mga guro. (Mateo 28:19, 20) Alam natin na dahil sa panahon na ating kinabubuhayan ay apurahan na magturo tayo nang buong husay hangga’t maaari. At alam natin na ang ating pagtuturo ay maaari pa ngang mangahulugan ng buhay o kamatayan para sa ating mga tinuturuan! (1 Timoteo 4:16) Kung gayon, likas lamang na tanungin natin ang ating sarili: ‘Ako ba’y karapat-dapat sa aking pagiging guro? Paano ako susulong?’
2, 3. (a) Paano ipinaliwanag ng isang guro ang saligan ng mahusay na pagtuturo? (b) Nagbigay si Jesus ng anong parisan para sa atin kung tungkol sa pagtuturo?
2 Ang gayong mga pagkabahala ay hindi dapat makasira ng ating loob. Kung itinuturing natin ang pagtuturo bilang isang bagay lamang na nangangailangan ng ilang pantanging teknikal na kasanayan, baka akalain natin na magiging napakahirap para sa atin na gumawa ng mga pagsulong. Gayunman, ang saligan ng mahusay na pagtuturo ay hindi teknikal na kasanayan kundi isang bagay na mas mahalaga pa roon. Pansinin ang isinulat ng isang makaranasang guro sa isang aklat hinggil sa paksang iyon: “Ang mahusay na pagtuturo ay hindi nakasalalay sa espesipikong mga teknikal na kasanayan o istilo, mga plano o pagkilos. . . . Ang pagtuturo ay pangunahin nang nakasalalay sa pag-ibig.” Sabihin pa, iyan ay pangmalas ng isang sekular na guro. Gayunman, ang kaniyang sinabi ay maaaring mas kapit pa nga sa pagtuturo na ginagawa natin bilang mga Kristiyano. Sa paanong paraan?
3 Ang ating Huwaran bilang guro ay walang iba kundi si Jesu-Kristo, na nagsabi sa kaniyang mga tagasunod: “Nagbigay ako ng parisan para sa inyo.” (Juan 13:15) Ang tinutukoy niya ay ang kaniyang halimbawa sa pagpapakita ng kapakumbabaan, ngunit tiyak na kalakip sa parisan na ibinigay ni Jesus sa atin ang kaniyang pinakamahalagang gawain bilang isang tao sa lupa—ang pagtuturo ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos sa mga tao. (Lucas 4:43) Ngayon, kung pipili ka ng isang salita upang ilarawan ang ministeryo ni Jesus, malamang na pipiliin mo ang salitang “pag-ibig,” hindi ba? (Colosas 1:15; 1 Juan 4:8) Ang pag-ibig ni Jesus sa kaniyang makalangit na Ama, si Jehova, ang pinakapangunahin. (Juan 14:31) Gayunman, bilang guro ay ipinamalas ni Jesus ang pag-ibig sa dalawang karagdagang paraan. Inibig niya ang mga katotohanan na kaniyang itinuro, at inibig niya ang mga tao na kaniyang tinuruan. Magtuon tayo ng higit na pansin sa dalawang aspektong ito ng parisan na ibinigay niya sa atin.
Isang Matagal Nang Pag-ibig sa Makadiyos na mga Katotohanan
4. Paano nagkaroon ng pag-ibig si Jesus sa mga turo ni Jehova?
4 Ang saloobin ng isang guro sa kaniyang paksang itinuturo ay may malaking epekto sa kalidad ng kaniyang pagtuturo. Anumang kawalang-interes ay malamang na makita at makahawa sa kaniyang mga estudyante. Si Jesus ay hindi nakadama ng kawalang-interes sa mahahalagang katotohanan na itinuro niya tungkol kay Jehova at sa Kaniyang Kaharian. Napakalalim ng pag-ibig ni Jesus sa paksang ito. Nalinang niya ang gayong pag-ibig bilang isang estudyante. Sa loob ng mahabang panahon ng kaniyang pag-iral bago naging tao, ang bugtong na Anak ay isang masugid na mág-aarál. Iniuulat ng Isaias 50:4, 5 ang angkop na mga salitang ito: “Binigyan ako ng Soberanong Panginoong Jehova ng dila ng mga naturuan, upang malaman ko kung paano sasagutin ng salita ang pagód. Nanggigising siya uma-umaga; ginigising niya ang aking pandinig upang makarinig na gaya ng mga naturuan. Binuksan ng Soberanong Panginoong Jehova ang aking pandinig, at ako, sa ganang akin, ay hindi naging mapaghimagsik. Hindi ako bumaling sa kabilang direksiyon.”
5, 6. (a) Ano ang lumilitaw na naging karanasan ni Jesus noong panahon ng kaniyang bautismo at ano ang naging epekto nito sa kaniya? (b) Anong pagkakaiba ang nakita natin sa pagitan ni Jesus at ni Satanas hinggil sa paggamit ng Salita ng Diyos?
5 Habang siya’y lumalaki bilang isang tao sa lupa, patuloy na inibig ni Jesus ang makadiyos na karunungan. (Lucas 2:52) Pagkatapos, noong panahon ng kaniyang bautismo ay nagkaroon siya ng kakaibang karanasan. “Ang langit ay nabuksan,” ang sabi ng Lucas 3:21. Lumilitaw na naalaala ni Jesus nang pagkakataong iyon ang kaniyang pag-iral bago naging tao. Pagkatapos ay 40 araw siyang nag-ayuno sa iláng. Malamang na labis siyang nalugod sa pagbubulay-bulay sa maraming pagkakataon sa langit na tinuruan siya ni Jehova. Gayunman, di-nagtagal ay nasubok ang kaniyang pag-ibig sa mga katotohanang mula sa Diyos.
6 Nang si Jesus ay hapô at gutom na, sinikap siyang tuksuhin ni Satanas. Kaylaki ng pagkakaiba ng dalawang anak na ito ng Diyos! Kapuwa sila sumipi mula sa Hebreong Kasulatan—ngunit taglay ang lubos na magkaibang saloobin. Pinilipit ni Satanas ang Salita ng Diyos, anupat walang-pakundangang ginamit ito para sa kaniyang sariling mapag-imbot na kapakanan. Tunay, pawang paghamak sa makadiyos na mga katotohanan ang taglay ng rebeldeng iyon. Sa kabilang dako naman, sinipi ni Jesus ang Kasulatan taglay ang maliwanag na pag-ibig dito, anupat buong-ingat na ginamit ang Salita ng Diyos sa bawat pagsagot. Matagal nang umiiral si Jesus bago pa unang naisulat ang kinasihang mga salitang iyon, gayunma’y pinagpitaganan niya ang mga ito. Mahahalagang katotohanan ang mga ito mula sa kaniyang makalangit na Ama! Sinabi niya kay Satanas na ang gayong mga salita mula kay Jehova ay mas mahalaga pa kaysa sa pagkain. (Mateo 4:1-11) Oo, inibig ni Jesus ang lahat ng katotohanang itinuro ni Jehova sa kaniya. Gayunman, paano niya ipinakita ang pag-ibig na iyan bilang isang guro?
Pag-ibig sa mga Katotohanan na Kaniyang Itinuro
7. Bakit umiwas si Jesus sa pagkatha ng kaniyang sariling mga turo?
7 Ang pag-ibig ni Jesus sa mga katotohanang kaniyang itinuro ay laging madaling mapansin. Kung tutuusin, madali sana siyang makabuo ng kaniyang sariling mga ideya. Mayroon siyang malawak na kaalaman at karunungan. (Colosas 2:3) Magkagayunman, paulit-ulit niyang pinaalalahanan ang kaniyang mga tagapakinig na lahat ng kaniyang itinuro ay nagmula, hindi sa kaniyang sarili, kundi sa kaniyang makalangit na Ama. (Juan 7:16; 8:28; 12:49; 14:10) Inibig niya ang makadiyos na mga katotohanan nang gayon na lamang anupat hindi niya hinalinhan ang mga ito ng kaniyang sariling kaisipan.
8. Sa pasimula ng kaniyang ministeryo, paano nagbigay si Jesus ng parisan sa pagtitiwala sa Salita ng Diyos?
8 Nang pasimulan ni Jesus ang kaniyang pangmadlang ministeryo, agad siyang nagbigay ng parisan. Isaalang-alang ang paraan nang una niyang ipahayag sa bayan ng Diyos na siya ang ipinangakong Mesiyas. Basta na lamang ba siya nagpakita sa mga pulutong, nagpahayag na siya ang Kristo, at pagkatapos ay nagsagawa ng kagila-gilalas na mga himala upang patunayan ang kaniyang sinabi? Hindi. Nagtungo siya sa isang sinagoga, kung saan nakaugalian ng bayan ng Diyos na magbasa mula sa Kasulatan. Doon ay binasa niya nang malakas ang hula sa Isaias 61:1, 2 at ipinaliwanag na ang makahulang mga katotohanang ito ay kumakapit sa kaniya. (Lucas 4:16-22) Ang marami niyang himala ay nakatulong upang patunayan na taglay niya ang suporta ni Jehova. Magkagayunman, lagi siyang umaasa sa Salita ng Diyos sa kaniyang pagtuturo.
9. Sa kaniyang pakikitungo sa mga Pariseo, paano ipinakita ni Jesus ang kaniyang matapat na pag-ibig sa Salita ng Diyos?
9 Nang hamunin si Jesus ng relihiyosong mga kaaway, hindi siya nakipagtagisan ng talino sa kanila, bagaman madali sana niyang tinalo sila sa gayong paligsahan. Sa halip, hinayaan niya ang Salita ng Diyos na pabulaanan sila. Halimbawa, alalahanin nang pagbintangan ng mga Pariseo na nilabag ng mga tagasunod ni Jesus ang kautusan ng Sabbath nang mangitil sila ng ilang uhay ng butil sa bukid at kumain ng mga ito habang dumaraan sila. Sumagot si Jesus: “Hindi ba ninyo nabasa kung ano ang ginawa ni David nang siya at ang mga lalaking kasama niya ay magutom?” (Mateo 12:1-5) Sabihin pa, malamang na nabasa na ng mapagmatuwid-sa-sarili na mga lalaking iyon ang kinasihang salaysay na iyan na nakaulat sa 1 Samuel 21:1-6. Kung oo, hindi nila naunawaan ang mahalagang aral na nilalaman nito. Gayunman, hindi lamang binasa ni Jesus ang salaysay. Pinag-isipan niya ito at isinapuso ang mensahe nito. Inibig niya ang mga simulain na itinuro ni Jehova sa pamamagitan ng tekstong iyon. Kaya ginamit niya ang salaysay na iyon, gayundin ang isang halimbawa mula sa Kautusang Mosaiko, upang isiwalat ang pagkamakatuwiran ng Kautusan. Sa katulad na paraan, ang matapat na pag-ibig ni Jesus ang nagpakilos sa kaniya na ipagtanggol ang Salita ng Diyos laban sa mga pagsisikap ng relihiyosong mga lider na pilipitin ito ukol sa kanilang sariling kapakinabangan o ikubli ito sa nakalilitong mga tradisyon ng tao.
10. Paano tinupad ni Jesus ang mga hula tungkol sa kalidad ng kaniyang pagtuturo?
10 Ang pag-ibig ni Jesus sa paksang kaniyang itinuturo ay hindi kailanman nagpahintulot na basta na lamang siya magturo sa paraang rutin lamang, sa isang paraan na nakababagot o mekanikal. Ipinahiwatig ng kinasihang mga hula na ang Mesiyas ay magsasalita nang may ‘panghalina sa kaniyang mga labi,’ anupat gumagamit ng “maririkit na salita.” (Awit 45:2; Genesis 49:21) Tinupad ni Jesus ang mga hulang iyon sa pamamagitan ng pagpapanatiling kapana-panabik at buháy sa kaniyang mensahe, na gumagamit ng ‘kaakit-akit na mga salita’ habang itinuturo niya ang mga katotohanan na lubhang iniibig niya. (Lucas 4:22) Walang alinlangan na binigyang-buhay ng kaniyang kasiglahan ang mga ekspresyon ng kaniyang mukha, at nagningning ang kaniyang mga mata taglay ang masiglang interes sa kaniyang paksa. Tiyak na nakatutuwang makinig sa kaniya, at kay-inam na parisan para tularan natin kapag nakikipag-usap tayo sa iba tungkol sa ating natutuhan!
11. Bakit ang mga kakayahan ni Jesus bilang isang guro ay hindi kailanman naging dahilan upang magmalaki siya?
11 Ang malawak na unawa ba ni Jesus sa makadiyos na mga katotohanan at ang kaniyang kaakit-akit na pananalita ay nagtulak sa kaniya upang magmalaki? Iyan ang madalas na nangyayari sa mga taong guro. Gayunman, tandaan na si Jesus ay marunong sa makadiyos na paraan. Ang gayong karunungan ay hindi nagpapahintulot sa kapalaluan, sapagkat “ang karunungan ay nasa mga mahinhin.” (Kawikaan 11:2) Mayroon pang ibang bagay na humadlang kay Jesus na maging mapagmapuri o palalo.
Inibig ni Jesus ang mga Tao na Kaniyang Tinuruan
12. Paano ipinakita ni Jesus na ayaw niyang matakot o manliit ang kaniyang mga alagad sa kaniya?
12 Ang matinding pag-ibig ni Jesus sa mga tao ay laging nakikita sa kaniyang pagtuturo. Ang kaniyang pagtuturo ay hindi kailanman nagpadama ng takot o panliliit sa mga tao, di-tulad ng pagtuturo ng mapagmapuring mga tao. (Eclesiastes 8:9) Matapos masaksihan ang isa sa mga himala ni Jesus, si Pedro ay nalipos ng panggigilalas, at sumubsob siya sa mga tuhod ni Jesus. Ngunit ayaw ni Jesus na magkaroon ang kaniyang mga alagad ng di-mabuting takot sa kaniya. May kabaitan niyang sinabi, “Huwag ka nang matakot” at pagkatapos ay binanggit niya kay Pedro ang kapana-panabik na gawaing paggawa ng alagad kung saan makikibahagi si Pedro. (Lucas 5:8-10) Nais ni Jesus na ang kaniyang mga alagad ay maudyukan ng kanilang sariling pag-ibig sa mahahalagang katotohanan hinggil sa Diyos at hindi dahil sa takot nila sa kanilang tagapagturo.
13, 14. Sa anu-anong paraan nagpakita si Jesus ng empatiya sa mga tao?
13 Ang pag-ibig ni Jesus sa mga taong kaniyang tinuruan ay makikita rin sa kaniyang empatiya sa kanila. “Pagkakita sa mga pulutong ay nahabag siya sa kanila, sapagkat sila ay nabalatan at naipagtabuyan kung saan-saan tulad ng mga tupang walang pastol.” (Mateo 9:36) Nahabag siya sa kanilang miserableng kalagayan at naudyukan siyang tulungan sila.
14 Pansinin ang empatiya ni Jesus sa isa pang pagkakataon. Nang isang babaing inaagasan ng dugo ang lumapit sa kaniya sa gitna ng pulutong at hinipo ang laylayan ng kaniyang kasuutan, makahimalang gumaling ito. Naramdaman ni Jesus na may kapangyarihang lumabas sa kaniya, ngunit hindi niya nakita kung sino ang napagaling. Nagpumilit siyang hanapin ang babae. Bakit? Hindi para pagalitan ito dahil sa paglabag sa Kautusan o sa mga alituntunin ng mga eskriba at mga Pariseo, gaya ng marahil ay kinatatakutan nito. Sa halip, sinabi ni Jesus sa kaniya: “Anak, pinagaling ka ng iyong pananampalataya. Yumaon kang payapa, at magkaroon ka ng mabuting kalusugan mula sa iyong nakapipighating sakit.” (Marcos 5:25-34) Pansinin ang empatiya sa mga pananalitang iyon. Hindi lamang niya sinabi, “Gumaling ka.” Sa halip, sinabi niya: “Magkaroon ka ng mabuting kalusugan mula sa iyong nakapipighating sakit.” Gumamit dito si Marcos ng isang salita na maaaring literal na mangahulugang “paghagupit,” isang anyo ng paghampas na kadalasang ginagamit bilang pagpapahirap. Kaya, kinilala ni Jesus na ang sakit ng babae ay nagdulot dito ng pagdurusa, marahil ng matinding pisikal at emosyonal na kirot pa nga. Nahabag si Jesus sa kaniya.
15, 16. Anong mga pangyayari sa ministeryo ni Jesus ang nagpapakita na hinanap niya ang mabubuting katangian sa mga tao?
15 Ipinakita rin ni Jesus ang pag-ibig sa mga tao sa pamamagitan ng paghahanap niya sa kanilang mabubuting katangian. Isaalang-alang ang nangyari nang makausap niya si Natanael, na naging apostol nang maglaon. “Nakita ni Jesus si Natanael na papalapit sa kaniya at sinabi tungkol sa kaniya: ‘Tingnan ninyo, isang tunay na Israelita, na sa kaniya ay walang panlilinlang.’ ” Sa makahimalang paraan, nakita ni Jesus ang panloob na mga katangian ni Natanael, sa gayo’y marami siyang nalaman tungkol dito. Sabihin pa, tiyak na hindi sakdal si Natanael. May mga pagkakamali rin siya, na gaya nating lahat. Sa katunayan, nang marinig niya ang tungkol kay Jesus, nagbitiw siya ng medyo tahasang pananalita: “Mayroon kayang anumang mabuting bagay na manggagaling sa Nazaret?” (Juan 1:45-51) Gayunman, sa lahat ng masasabi tungkol kay Natanael, pinili ni Jesus ang isang positibong bagay na mapagtutuunan ng pansin, ang pagkamatapat ng lalaking ito.
16 Gayundin naman, nang ang isang opisyal ng hukbo—marahil isang Gentil, isang Romano—ay lumapit at humiling kay Jesus na pagalingin ang isang may-sakit na alipin, alam ni Jesus na ang sundalo ay may mga pagkakamali. Ang isang opisyal ng hukbo nang mga panahong iyon ay malamang na may nakaraan na batbat ng maraming gawa ng karahasan, pagbububo ng dugo, at huwad na pagsamba. Gayunman, nagtuon ng pansin si Jesus sa bagay na mabuti—ang namumukod-tanging pananampalataya ng lalaki. (Mateo 8:5-13) Nang maglaon, nang kausapin ni Jesus ang manggagawa ng kasamaan na nakabayubay na katabi niya sa pahirapang tulos, hindi pinagwikaan ni Jesus ang lalaki dahil sa kaniyang nakaraan bilang kriminal kundi pinatibay-loob niya ito sa pamamagitan ng pag-asa sa hinaharap. (Lucas 23:43) Alam na alam ni Jesus na ang pagkakaroon ng negatibo at mapamintas na pangmalas sa iba ay makasisira lamang ng kanilang loob. Walang alinlangan na ang kaniyang mga pagsisikap na hanapin ang mabubuting katangian sa iba ay nakapagpatibay-loob sa marami upang higit pang sumulong.
Pagkukusang Maglingkod sa mga Tao
17, 18. Sa pagtanggap sa atas na pumarito sa lupa, paano ipinakita ni Jesus ang kaniyang pagkukusa na paglingkuran ang iba?
17 Ang isa pang matibay na patotoo ng pag-ibig ni Jesus sa mga tao na kaniyang tinuruan ay ang pagkukusa niyang paglingkuran sila. Bago pa ang kaniyang pag-iral bilang tao, matagal nang kinagigiliwan ng Anak ng Diyos ang sangkatauhan. (Kawikaan 8:30, 31) Bilang ang “Salita,” o tagapagsalita, ni Jehova, malamang na tinamasa niya ang maraming pakikisalamuha sa mga tao. (Juan 1:1) Gayunman, bilang bahagi ng pagparito niya sa lupa upang turuan ang sangkatauhan nang lalong tuwiran, “hinubad niya ang kaniyang sarili at nag-anyong alipin,” anupat iniwan ang kaniyang matayog na posisyon sa langit. (Filipos 2:7; 2 Corinto 8:9) Habang nasa lupa, hindi umasa si Jesus na siya ay pagsisilbihan at paglilingkuran. Sa kabaligtaran, sinabi niya: “Ang Anak ng tao ay dumating, hindi upang paglingkuran, kundi upang maglingkod at ibigay ang kaniyang kaluluwa bilang pantubos na kapalit ng marami.” (Mateo 20:28) Lubusang tinupad ni Jesus ang mga salitang iyon.
18 Mapagpakumbabang naglingkod si Jesus sa mga pangangailangan ng mga tinuruan niya, anupat handang gamitin ang kaniyang sarili alang-alang sa kanila. Nilakbay niya ang Lupang Pangako nang naglalakad, anupat nilakad ang daan-daang kilometro sa paglilibot para mangaral sa pagsisikap na maabot ang mas maraming tao hangga’t maaari. Di-tulad ng mapagmapuring mga Pariseo at mga eskriba, nanatili siyang mapagpakumbaba at madaling lapitan. Ang lahat ng uri ng tao—mga dignitaryo, sundalo, abogado, babae, bata, dukha, maysakit, maging ang mga itinakwil ng lipunan—ay may pananabik at walang takot na lumapit sa kaniya. Bagaman sakdal, si Jesus noon ay tao, napapagod at nagugutom. Gayunman, kahit na pagod siya o nangangailangan ng pahinga o tahimik na panahon upang manalangin, inuna niya ang mga pangangailangan ng iba bago ang sa kaniya.—Marcos 1:35-39.
19. Paano nagbigay ng parisan si Jesus sa pakikitungo nang may kapakumbabaan, pagtitiis, at kabaitan sa kaniyang mga alagad?
19 Si Jesus ay handa ring maglingkod sa kaniya mismong mga alagad. Ginawa niya ito sa pamamagitan ng pagtuturo sa kanila nang may kabaitan at pagtitiis. Kapag mabagal silang makaunawa sa ilang mahahalagang aral, hindi siya sumusuko, nawawalan ng pasensiya, o labis na nagagalit sa kanila. Patuloy siyang humahanap ng bagong mga paraan upang tulungan silang makaunawa. Halimbawa, isipin na lamang kung gaano kadalas mag-away ang mga alagad hinggil sa kung sino ang pinakadakila sa kanila. Paulit-ulit, hanggang noong gabi bago siya patayin, humanap si Jesus ng bagong mga paraan upang turuan sila na makitungo sa isa’t isa nang may kapakumbabaan. Kung tungkol sa kapakumbabaan, gayundin sa iba pang bagay, may kawastuang masasabi ni Jesus: “Nagbigay ako ng parisan para sa inyo.”—Juan 13:5-15; Mateo 20:25; Marcos 9:34-37.
20. Anong paraan ng pagtuturo ang dahilan kaya naiiba si Jesus sa mga Pariseo, at bakit mabisa ang paraang iyon?
20 Pansinin na hindi lamang sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad kung ano ang parisan; siya ang ‘nagbigay ng parisan.’ Tinuruan niya sila sa pamamagitan ng halimbawa. Hindi siya nagsalita sa kanila na gaya ng isa na nakahihigit sa kanila, na para bang itinuturing niya ang kaniyang sarili na napakaimportante para gawin ang mga bagay na ipinagagawa niya sa kanila. Ganiyan ang paraan ng mga Pariseo. “Sinasabi nila ngunit hindi isinasagawa,” ang sabi ni Jesus tungkol sa kanila. (Mateo 23:3) May kapakumbabaang ipinakita ni Jesus sa kaniyang mga estudyante kung ano ang eksaktong kahulugan ng kaniyang mga turo sa pamamagitan ng pamumuhay ayon sa mga ito, anupat ikinakapit ang mga ito. Kaya nang himukin niya ang kaniyang mga tagasunod na magkaroon ng simpleng buhay na malaya sa materyalismo, hindi na nila kailangang hulaan kung ano ang ibig niyang sabihin. Nakikita nila ang pagiging totoo ng kaniyang mga salita: “Ang mga sorra ay may mga lungga at ang mga ibon sa langit ay may mga dapuan, ngunit ang Anak ng tao ay walang dakong mahihigan ng kaniyang ulo.” (Mateo 8:20) Pinaglingkuran ni Jesus ang kaniyang mga alagad sa pamamagitan ng mapagpakumbabang pagbibigay ng parisan para sa kanila.
21. Ano ang isasaalang-alang sa susunod na artikulo?
21 Maliwanag, si Jesus ang pinakadakilang Guro na nabuhay kailanman sa lupa! Ang pag-ibig niya sa kaniyang itinuro at ang kaniyang pag-ibig sa mga taong tinuruan niya ay maliwanag sa lahat ng tapat-pusong tao na nakakita at nakarinig sa kaniya. Ito ay maliwanag din sa atin na mga nag-aaral sa ngayon ng parisan na ibinigay niya. Gayunman, paano natin matutularan ang sakdal na halimbawa ni Kristo? Tatalakayin ng susunod na artikulo ang tanong na iyan.
Paano Mo Sasagutin?
• Ano ang saligan ng mahusay na pagtuturo, gaya ng ipinakita nino?
• Sa anu-anong paraan ipinakita ni Jesus ang pag-ibig sa mga katotohanan na kaniyang itinuro?
• Paano ipinakita ni Jesus ang pag-ibig sa mga taong kaniyang tinuruan?
• Anong mga halimbawa ang nagpapakita ng mapagpakumbabang pagkukusang-loob ni Jesus na maglingkod sa mga tinuruan niya?
[Larawan sa pahina 12]
Paano ipinakita ni Jesus na inibig niya ang mga simulaing masusumpungan sa Salita ng Diyos?