JOSE
[pinaikling anyo ng Josipias na nangangahulugang “Dagdagan (Paramihin) Nawa ni Jah; Dinagdagan (Pinarami) ni Jah”].
1. Ang una sa dalawang anak ni Jacob sa kaniyang minamahal na asawang si Raquel. (Gen 35:24) Palibhasa’y naging baog si Raquel, nang ipanganak niya ito ay bumulalas siya: “Inalis ng Diyos ang aking kadustaan!” Pagkatapos ay tinawag niyang Jose ang pangalan nito, na sinasabi: “Dinaragdagan ako ni Jehova ng isa pang anak,” samakatuwid nga, isa pang anak bukod kina Dan at Neptali, na tinanggap ni Raquel bilang sarili niyang mga anak bagaman isinilang ang mga ito ng kaniyang alilang babae na si Bilha. (Gen 30:3-8, 22-24) Lumilitaw na 91 taóng gulang na si Jacob noong panahong iyon.—Ihambing ang Gen 41:46, 47, 53, 54; 45:11; 47:9.
Pagkaraan ng mga anim na taon ay nilisan ni Jacob ang Padan-aram kasama ang kaniyang buong pamilya upang bumalik sa lupain ng Canaan. (Gen 31:17, 18, 41) Nang malaman niyang sasalubungin siya ng kaniyang kapatid na si Esau kasama ang 400 lalaki, binaha-bahagi ni Jacob ang kaniyang mga anak, mga asawa, at mga babae, anupat inilagay sina Raquel at Jose sa hulihan, ang pinakaligtas na posisyon. (Gen 33:1-3) Sa gayon ay si Jose at ang kaniyang ina ang pinakahuling yumukod kay Esau.—Gen 33:4-7.
Pagkatapos ay nanirahan si Jose kasama ng pamilya sa Sucot, sumunod ay sa Sikem (Gen 33:17-19), at pagkatapos ay sa Bethel. (Gen 35:1, 5, 6) Nang maglaon, noong naglalakbay sila mula sa Bethel patungong Eprat (Betlehem), ang ina ni Jose na si Raquel ay namatay habang isinisilang nito si Benjamin.—Gen 35:16-19.
Kinapootan ng Kaniyang mga Kapatid sa Ama. Sa edad na 17, si Jose, kasama ng mga anak ni Jacob kina Bilha at Zilpa, ay nag-aalaga ng mga tupa. Habang ginagawa iyon, siya, bagaman mas bata sa kanila, ay hindi nakibahagi sa paggawa nila ng masama kundi sa halip ay dinala niya sa kaniyang ama ang masamang ulat tungkol sa kanila.—Gen 37:2.
Inibig ni Jacob si Jose nang higit kaysa sa lahat ng iba pa niyang anak, palibhasa’y anak niya ito sa kaniyang katandaan. Maaaring ang isa pang dahilan kung bakit pinag-ukulan ni Jacob ng pantanging pagmamahal si Jose ay ang panghahawakan nito sa kung ano ang matuwid. Ipinagpagawa ito ni Jacob ng isang mahaba at guhit-guhit na kasuutan, maaaring gaya ng isinusuot ng mga taong may mataas na posisyon. Dahil dito, kinapootan si Jose ng kaniyang mga kapatid sa ama. Nang maglaon, nang ilahad niya ang isang panaginip na nagpapakitang magiging mas nakahihigit siya sa kanila, lalo pang napoot ang kaniyang mga kapatid. Ipinahiwatig pa nga ng ikalawang panaginip na yuyukod sa kaniya hindi lamang ang kaniyang mga kapatid kundi pati ang kaniyang ama at ina (maliwanag na hindi si Raquel, yamang patay na ito, ngunit marahil ay ang sambahayan o ang pangunahing buháy na asawa ni Jacob). Dahil sa paglalahad niya ng panaginip na ito, sinaway si Jose ng kaniyang ama, at lalo pang sumidhi ang paninibugho ng kaniyang mga kapatid. Ang pagsasalaysay ni Jose ng kaniyang mga panaginip ay hindi nangangahulugan na inisip niyang siya’y nakahihigit. Ipinaaalam lamang niya kung ano ang isiniwalat sa kaniya ng Diyos. Maaaring natanto ni Jacob na ang mga panaginip ay makahula, sapagkat kaniyang ‘iningatan ang pananalita.’—Gen 37:3-11.
Sa isang pagkakataon naman, samantalang nasa Hebron si Jacob, hiniling niya kay Jose na tingnan ang kalagayan ng kawan at ng kaniyang mga kapatid noong ang mga ito ay nasa kapaligiran ng Sikem. Dahil sa kanilang matinding poot, tiyak na mahirap na atas ito para kay Jose. Ngunit walang-pag-aatubili niyang sinabi: “Narito ako!” Mula sa Mababang Kapatagan ng Hebron ay naglakbay siya patungong Sikem. Sinabi sa kaniya ng isang lalaki roon na ang kaniyang mga kapatid ay nagtungo sa Dotan, kaya nagpatuloy pa si Jose sa kaniyang lakad. Nang makita nila siya sa malayo, ang kaniyang mga kapatid ay nagsimulang magpakana laban sa kaniya, na sinasabi: “Narito! Dumarating ang mapanaginiping iyan. At ngayon ay halikayo at patayin natin siya at ihagis sa isa sa mga balon . . . Pagkatapos ay tingnan natin kung ano ang mangyayari sa kaniyang mga panaginip.” (Gen 37:12-20) Ngunit sinikap ng panganay na si Ruben na hadlangan ang mapamaslang na pakanang ito at hinimok niya sila na huwag patayin si Jose kundi ihulog ito sa isang tuyong balon. Nang dumating si Jose, hinubad nila sa kaniya ang kaniyang mahabang guhit-guhit na kasuutan at sinunod ang mungkahi ni Ruben. Nang maglaon, nang makita nila ang isang naglalakbay na pulutong ng mga Ismaelita, sinikap ni Juda, samantalang wala si Ruben, na hikayatin ang iba na ipagbili si Jose sa mga mangangalakal na iyon sa halip na patayin ito,.—Gen 37:21-27.
Ipinagbili sa Pagkaalipin. Sa kabila ng pakiusap ni Jose na siya’y kahabagan, ipinagbili nila siya sa halagang 20 pirasong pilak. (Gen 37:28; 42:21) Nang maglaon, nilinlang nila si Jacob at pinapaniwalang isang mabangis na hayop ang pumatay kay Jose. Ang matanda nang si Jacob ay lubhang napighati dahil sa pagkawala ng kaniyang anak anupat tumanggi siyang maaliw.—Gen 37:31-35.
Sa kalaunan, dinala ng mga mangangalakal si Jose sa Ehipto at ipinagbili siya kay Potipar, ang pinuno ng tagapagbantay ni Paraon. (Gen 37:28, 36; 39:1) Hindi pambihira ang pagbiling isinagawa ng Ehipsiyong si Potipar, yamang ipinahihiwatig ng mga sinaunang dokumentong papiro na ang mga aliping Siryano (si Jose ay mestisong Siryano [Gen 29:10; 31:20]) ay ipinagbibili sa mataas na halaga sa lupaing iyon.
Kung paanong naging masikap si Jose sa pagtulong sa mga gawain ng kaniyang ama, naging masipag at mapagkakatiwalaan din siya bilang isang alipin. Sa tulong ni Jehova, ang lahat ng gawin ni Jose ay naging matagumpay. Dahil dito, ipinagkatiwala sa kaniya ni Potipar ang lahat ng gawain sa sambahayan. Kaya lumilitaw na si Jose ay naging isang superintendent, isang katungkulang binanggit sa mga rekord ng Ehipto may kaugnayan sa malalaking tahanan ng maimpluwensiyang mga Ehipsiyo.—Gen 39:2-6.
Nilabanan ang Tukso. Samantala, si Jose ay naging isang napakakisig na kabataang lalaki. Dahil dito, nahumaling sa kaniya ang asawa ni Potipar. Paulit-ulit nitong hinihiling sa kaniya na siya’y sipingan. Palibhasa’y sinanay sa daan ng katuwiran, si Jose ay tumanggi, na sinasabi: “Paano ko magagawa ang malaking kasamaang ito at magkasala nga laban sa Diyos?” Ngunit nanganganib pa rin si Jose. Ipinakikita ng mga arkeolohikal na katibayan na dahil sa pagkakaayos ng mga bahay sa Ehipto, kakailanganin ng isang tao na dumaan sa pangunahing bahagi ng bahay upang makarating sa mga silid-imbakan. Kung ganito rin ang pagkakadisenyo ng bahay ni Potipar, imposible para kay Jose na lubusang iwasan ang asawa ni Potipar.—Gen 39:6-10.
Sa wakas ay sinamantala ng asawa ni Potipar ang inaakala niyang isang mabuting pagkakataon. Habang walang ibang tao sa bahay at habang inaasikaso ni Jose ang gawain sa sambahayan, sinunggaban niya ang kasuutan nito at sinabi: “Sipingan mo ako!” Ngunit iniwan ni Jose ang kaniyang kasuutan sa kamay nito at tumakas. Sa gayon ay nagsisigaw ang babae at pinalitaw na pinagtangkaan siyang halayin ni Jose. Nang ikuwento niya ito sa kaniyang asawa, ipinatapon ng nagngangalit na si Potipar si Jose sa bahay-bilangguan, kung saan ikinukulong ang mga bilanggo ng hari.—Gen 39:11-20.
Sa Bilangguan. Lumilitaw na sa pasimula ay pinagmalupitan si Jose sa bilangguan. “Sinaktan nila ng mga pangaw ang kaniyang mga paa, sa mga bakal ay nalagay ang kaniyang kaluluwa.” (Aw 105:17, 18) Ngunit nang maglaon, dahil sa mabuting paggawi ni Jose sa ilalim ng masasamang kalagayan at dahil sa pagpapala ni Jehova, inilagay siya ng punong opisyal ng bahay-bilangguan sa posisyon bilang katiwala upang mangasiwa sa ibang mga bilanggo. Sa ganitong tungkulin, tiniyak ng bilanggong si Jose na ang lahat ng gawain ay naisasagawa, sa gayo’y muling ipinakita na isa siyang may-kakayahang administrador.—Gen 39:21-23.
Pagkatapos nito, nang ilagay sa bilangguan ding iyon ang dalawa sa mga opisyal ni Paraon, ang pinuno ng mga katiwala ng kopa at ang pinuno ng mga magtitinapay, si Jose ang inatasang magsilbi sa kanila. Nang maglaon, ang mga lalaking ito ay kapuwa nagkaroon ng mga panaginip, na ipinaliwanag sa kanila ni Jose matapos sabihing ang mga pakahulugan ay galing sa Diyos. Ipinakita ng panaginip ng katiwala ng kopa na ibabalik siya sa kaniyang posisyon pagkaraan ng tatlong araw. Dahil dito, hiniling ni Jose na alalahanin siya ng katiwala ng kopa at banggitin siya kay Paraon upang mapalaya siya mula sa bilangguan. Ipinaliwanag niya na dinukot siya mula “sa lupain ng mga Hebreo” at na wala siyang ginawang anuman na karapat-dapat sa pagkabilanggo. Malamang na upang hindi mapulaan ang kaniyang pamilya, minabuti ni Jose na huwag tukuyin ang mga dumukot sa kaniya. Pagkatapos ay binigyang-kahulugan ni Jose ang panaginip ng magtitinapay na nangangahulugang papatayin ito pagkaraan ng tatlong araw. Ang mga panaginip ay kapuwa natupad pagkaraan ng tatlong araw sa okasyon ng kaarawan ni Paraon. Walang alinlangang napatibay nito si Jose upang umasa na tiyak na matutupad ang kaniyang sariling mga panaginip at nakatulong ito sa kaniya na patuloy na magbata. Nang panahong iyon, mga 11 taon na ang nakalilipas mula nang ipagbili siya ng kaniyang mga kapatid.—Gen 40:1-22; ihambing ang Gen 37:2; 41:1, 46.
Sa Harap ni Paraon. Nang maibalik na sa kaniyang posisyon ang katiwala ng kopa, nakalimutan na niya si Jose. (Gen 40:23) Ngunit sa pagwawakas ng dalawang buong taon, si Paraon ay nagkaroon ng dalawang panaginip na hindi mabigyang-kahulugan ng sinuman sa mga mahikong saserdote at marurunong na tao ng Ehipto. Noon binanggit kay Paraon ng katiwala ng kopa ang tungkol kay Jose. Kaagad na ipinatawag ni Paraon si Jose. Bilang pagsunod sa kaugalian sa Ehipto, si Jose ay nag-ahit at nagpalit ng kaniyang mga kasuutan bago humarap kay Paraon. Sa pagkakataon ding iyon ay hindi niya inangkin ang karangalan kundi sinabi niya na ang pakahulugan ay galing sa Diyos. Pagkatapos ay ipinaliwanag niya na ang mga panaginip ni Paraon ay kapuwa tumutukoy sa pitong taóng kasaganaan na susundan ng pitong taóng taggutom. Bukod diyan, nagrekomenda siya ng mga hakbang upang maibsan ang mga kahirapang idudulot ng taggutom.—Gen 41:1-36.
Ginawang Pangalawang Tagapamahala sa Ehipto. Nakita ni Paraon na ang 30-taóng-gulang na si Jose ang lalaking may sapat na karunungan upang mapangasiwaan ang mga gawain sa panahon ng kasaganaan at sa panahon ng taggutom. Sa gayon ay inatasan si Jose bilang pangalawang tagapamahala sa Ehipto, anupat ibinigay ni Paraon kay Jose ang sarili niyang singsing na panlagda, mga kasuutan na mainam na lino, at isang kuwintas na ginto. (Gen 41:37-44, 46; ihambing ang Aw 105:17, 20-22.) Ang ganitong paraan ng pagtatalaga ay pinatutunayan ng mga inskripsiyon at miyural sa Ehipto. Ipinakikita rin ng sinaunang mga rekord ng Ehipto na may ilang Canaanita na binigyan ng matataas na posisyon sa Ehipto at na ang pagpapalit ng pangalan ni Jose tungo sa Zapenat-panea ay may nakakatulad noon. Ibinigay rin kay Jose si Asenat na anak ni Potipera (mula sa Ehipsiyo, nangangahulugang “Siya na Ibinigay ni Ra”) na saserdote ng On bilang asawa.—Gen 41:45.
Pagkatapos ay nilibot ni Jose ang lupain ng Ehipto, naghanda siyang pangasiwaan ang mga gawain ng bansa, at nang maglaon ay nag-imbak siya ng napakaraming pagkain noong mga taóng sagana. Bago dumating ang taggutom, ipinanganak sa kaniya ng asawa niyang si Asenat ang dalawang anak na lalaki, sina Manases at Efraim.—Gen 41:46-52.
Dumating ang mga Kapatid sa Ama Upang Bumili ng Pagkain. Pagkatapos ay dumating ang taggutom. Yamang lumaganap ito sa ibayo pa ng mga hanggahan ng Ehipto, ang mga tao mula sa nakapalibot na mga lupain ay pumaroon upang bumili ng pagkain kay Jose. Nang maglaon, maging ang kaniyang sampung kapatid sa ama ay dumating at yumukod sa kaniya, anupat bahagyang natupad ang dalawang panaginip ni Jose noon. (Gen 41:53–42:7) Ngunit hindi nila siya nakilala, palibhasa’y nakadamit siya ng maharlikang kasuutan at nakikipag-usap sa kanila sa pamamagitan ng isang tagapagsalin. (Gen 42:8, 23) Nagkunwari si Jose na hindi niya sila kilala, at inakusahan niya sila na sila’y mga tiktik. Bilang tugon sa paratang na iyon, sinabi nila na sampu silang magkakapatid, na iniwan nila sa kanilang tahanan ang kanilang ama at nakababatang kapatid, at na ang isa pa nilang kapatid ay wala na. Ngunit iginiit ni Jose na sila’y mga tiktik at inilagay sila sa kulungan. Noong ikatlong araw ay sinabi niya sa kanila: “Gawin ninyo ito at manatili kayong buháy. Ako ay natatakot sa tunay na Diyos. Kung kayo ay matuwid, ang isa sa inyong mga kapatid ay manatiling nakagapos sa inyong bahay-kulungan [maliwanag na ito yaong pinagkulungan sa kanilang lahat na sampu], ngunit ang iba pa sa inyo ay yumaon, kumuha kayo ng mga binutil dahil sa taggutom sa inyong mga sambahayan. Pagkatapos ay dadalhin ninyo sa akin ang inyong bunsong kapatid, upang ang inyong mga salita ay mapatunayang mapagkakatiwalaan; at hindi kayo mamamatay.”—Gen 42:9-20.
Dahil sa mga pangyayaring ito, ang mga kapatid sa ama ni Jose ay nagsimulang makadama na pinarurusahan sila ng Diyos dahil ipinagbili nila siya sa pagkaalipin maraming taon na ang nakararaan. Pinag-usapan nila ito sa harap ng kanilang kapatid, na hindi pa nila nakikilala. Nang marinig ang kanilang pananalita na nagpapakita ng pagsisisi, lubhang nabagbag ang damdamin ni Jose anupat kinailangan niyang umalis sa harap nila upang tumangis. Pagbalik niya, ipinagapos niya si Simeon hanggang sa panahong bumalik sila kasama ang kanilang bunsong kapatid.—Gen 42:21-24.
Dumating ang mga Kapatid sa Ama Kasama si Benjamin. Nang sabihin kay Jacob ng siyam na kapatid ni Jose sa ama kung ano ang nangyari sa Ehipto at nang matuklasan nila na ang kanilang salapi ay nabalik sa kanilang mga sako, silang lahat ay lubhang natakot, at ang kanilang ama ay nagpahayag ng pamimighati. Dahil sa tindi ng taggutom, at dahil nagbigay-katiyakan din si Juda na ligtas na makababalik si Benjamin, pinahintulutan ni Jacob ang kaniyang bunsong anak na sumama sa mga kapatid nito pabalik sa Ehipto.—Gen 42:29–43:14.
Pagdating nila roon, nakasama nilang muli si Simeon, at laking gulat nila nang anyayahan silang lahat na kumain kasama ng administrador ng pagkain. Nang dumating si Jose ay binigyan nila siya ng isang kaloob, nagpatirapa sila sa harap niya, at matapos sagutin ang mga tanong niya tungkol sa kanilang ama, muli silang yumukod sa kaniya. Nang makita ni Jose ang kaniyang tunay na kapatid na si Benjamin, labis na naantig ang kaniyang damdamin anupat umalis siya sa harapan nila at umiyak. Pagkaraan nito ay napigilan na niya ang kaniyang damdamin at ipinahain ang tanghalian. Ang 11 magkakapatid ay nakaupo sa kanilang sariling mesa ayon sa edad, at si Benjamin ay binigyan ng mga bahagi na limang ulit ang dami kaysa sa iba. Malamang na ginawa ito ni Jose upang subukin kung ang kaniyang mga kapatid ay may kinikimkim na paninibugho. Ngunit hindi niya sila kinakitaan nito.—Gen 43:15-34.
Gaya noong una nilang pagpunta roon, ipinabalik ni Jose ang salapi ng bawat isa sa kani-kaniyang supot (Gen 42:25), at bukod diyan, ipinalagay niya ang kaniyang pilak na kopa sa supot ni Benjamin. Nang makayaon na sila, ipinahabol niya sila at nang maabutan ay pinaratangang ninakaw nila ang kaniyang pilak na kopa. Maaaring upang idiin sa kanila na napakahalaga nito sa kaniya at na malubha ang ipinaparatang na krimen, ang lalaking namamahala sa sambahayan ni Jose ay dapat magsabi: “Hindi ba ito ang bagay na iniinuman ng aking panginoon at sa pamamagitan nito ay may-kahusayan siyang nakababasa ng mga tanda?” (Gen 44:1-5) Sabihin pa, yamang ang lahat ng ito ay isang pakana lamang, hindi dapat isipin na aktuwal na ginamit ni Jose ang pilak na kopa upang bumasa ng mga tanda. Maliwanag na nais ni Jose na magpakilala bilang administrador ng isang lupaing walang kabatiran sa tunay na pagsamba.
Malamang na lubhang nagitla ang kaniyang mga kapatid nang masumpungan ang kopa sa supot ni Benjamin. Matapos nilang hapakin ang kanilang mga kasuutan, bumalik sila sa bahay ni Jose at yumukod sa harap niya. Sinabi ni Jose na silang lahat ay malaya nang makaaalis maliban kay Benjamin. Ngunit ayaw nilang umalis, na nagpapakitang wala na ang mapanibughuing saloobin na nag-udyok sa kanila na ipagbili ang kanilang kapatid mga 22 taon na ang nakararaan. Buong-kahusayang iniharap ni Juda sa kaniya ang kanilang pagsusumamo, anupat inialok ang sarili kapalit ni Benjamin sa pangambang mamatay ang kanilang ama sa pamimighati kung hindi makababalik si Benjamin.—Gen 44:6-34.
Nagpakilala si Jose. Labis na nabagbag ang damdamin ni Jose sa pagsusumamo ni Juda anupat hindi na siya nakapagpigil. Matapos paalisin ang ibang mga tao, nagpakilala siya sa kaniyang mga kapatid. Bagaman labis nila siyang pinagmalupitan noon, hindi siya nagkimkim ng poot. Sinabi niya: “Ngayon ay huwag kayong masaktan at huwag kayong magalit sa inyong sarili dahil ipinagbili ninyo ako rito; sapagkat isinugo ako ng Diyos sa unahan ninyo upang mag-ingat ng buhay. Sapagkat ito ang ikalawang taon ng taggutom sa gitna ng lupa, at mayroon pang limang taon na hindi magkakaroon ng panahon ng pag-aararo o pag-aani. Dahil dito ay isinugo ako ng Diyos sa unahan ninyo upang maglagay ng isang nalabi para sa inyo sa lupa at upang panatilihin kayong buháy sa pamamagitan ng isang malaking pagliligtas. Kaya ngayon ay hindi kayo ang nagsugo sa akin dito, kundi ang tunay na Diyos.” (Gen 45:1-8) Ang pagpapatawad ni Jose ay tunay, sapagkat tumangis siya at hinalikan ang lahat ng kaniyang mga kapatid.—Gen 45:14, 15.
Pagkatapos, sa utos ni Paraon, binigyan ni Jose ng mga karwahe ang kaniyang mga kapatid upang madala nila sa Ehipto si Jacob at ang buong sambahayan nito. Binigyan din niya sila ng mga kaloob at mga panustos para sa paglalakbay. At bago maghiwalay, tinagubilinan niya sila na huwag “mayamot sa isa’t isa habang nasa daan.”—Gen 45:16-24.
Dumating sa Ehipto ang Ama ni Jose. Noong una ay hindi makapaniwala si Jacob na buháy pa ang kaniyang anak na si Jose. Ngunit nang makumbinsi na siya, ang 130-taóng-gulang na si Jacob ay bumulalas: “Ah, yayaon ako at titingnan ko siya bago ako mamatay!” Nang maglaon, sa Beer-sheba habang nasa daan patungong Ehipto kasama ang buong sambahayan niya, sa isang pangitain ni Jacob ay ipinahiwatig ng Diyos na sinasang-ayunan niya ang paglipat na iyon at sinabi rin sa kaniya: “Ipapatong ni Jose ang kaniyang kamay sa iyong mga mata.” Kaya si Jose ang magpipikit ng mga mata ni Jacob pagkamatay niya. Yamang kaugalian nang ang panganay ang gumagawa nito, sa gayong paraan ay isiniwalat ni Jehova na si Jose ang tatanggap ng karapatan sa pagkapanganay.—Gen 45:25–46:4.
Patiunang isinugo si Juda upang sabihin kay Jose ang tungkol sa pagdating ng kaniyang ama. Sa gayon ay ipinahanda ni Jose ang kaniyang karo at sinalubong si Jacob sa Gosen. Pagkatapos, kasama ang lima sa kaniyang mga kapatid, pumaroon si Jose kay Paraon. Gaya ng itinagubilin ni Jose, ang kaniyang mga kapatid ay nagpakilala bilang mga tagapagpastol ng tupa at humiling na makapanirahan sila bilang mga dayuhan sa lupain ng Gosen. Ipinagkaloob ni Paraon ang kanilang kahilingan, at, matapos ipakilala kay Paraon ang kaniyang ama, pinatahan ni Jose si Jacob at ang sambahayan nito sa pinakamainam ng lupain. (Gen 46:28–47:11) Sa gayon, may-katalinuhang sinamantala ni Jose ang diskriminasyon ng mga Ehipsiyo laban sa mga pastol. Bilang resulta, naipagsanggalang ang pamilya ni Jacob mula sa pagkahawa sa impluwensiya ng mga Ehipsiyo at hindi sila nanganib na mapahalo sa mga Ehipsiyo sa pamamagitan ng pag-aasawa. Mula noon ay kay Jose dumepende si Jacob at ang kaniyang buong sambahayan. (Gen 47:12) Sa diwa, silang lahat ay yumukod kay Jose bilang ang punong ministro ni Paraon, anupat natupad ang makahulang mga panaginip ni Jose sa kahanga-hangang paraan.
Epekto ng Taggutom sa mga Ehipsiyo. Habang nagpapatuloy ang taggutom, unti-unting naubos ng mga Ehipsiyo ang lahat ng kanilang salapi at mga alagang hayop bilang kapalit ng pagkain. Nang bandang huli ay ipinagbili pa nga nila ang kanilang lupain at ang kanilang sarili bilang mga alipin kay Paraon. Sa gayon ay pinatira sila ni Jose sa mga lunsod, walang alinlangang upang mapadali ang pamamahagi ng mga butil. Ngunit lumilitaw na pansamantala lamang silang pinatira sa mga lunsod. Yamang kailangang bumalik ang mga Ehipsiyo sa kanilang mga bukid upang maghasik ng binhi, tiyak na muli silang maninirahan sa dati nilang mga bahay. Kapag nakapag-aani na silang muli mula sa lupain, ang mga Ehipsiyo, alinsunod sa batas ni Jose, ay kailangang magbigay kay Paraon ng isang kalima ng kanilang ani kapalit ng paggamit sa lupain. Gayunman, hindi nito saklaw ang mga saserdote.—Gen 47:13-26.
Pinagpala ni Jacob ang mga Anak ni Jose. Mga 12 taon pagkaraang magwakas ang taggutom, dinala ni Jose sa harap ni Jacob ang kaniyang dalawang anak, sina Manases at Efraim. Noon ipinahiwatig ni Jacob na ang karapatan sa pagkapanganay ay mapupunta kay Jose, anupat sina Efraim at Manases ay itinuring na kapantay ng mga tunay na anak ni Jacob. Kaya dalawang magkaibang tribo, na may dalawang magkahiwalay na mana ng tribo, ang magmumula kay Jose. Nang pagpalain ni Jacob sina Efraim at Manases, pinanatili niya ang kaniyang kanang kamay sa nakababata, kay Efraim, anupat hindi iyon naging kalugud-lugod kay Jose. Gayunman, ang pagbibigay ni Jacob ng higit na pabor kay Efraim ay nagsilbing makahulang pahiwatig na ang nakababata ang magiging mas dakila.—Gen 47:28, 29; 48:1-22; tingnan din ang Deu 21:17; Jos 14:4; 1Cr 5:1.
Pinagpala ni Jacob si Jose at ang Iba Pang mga Anak. Nang maglaon, nang mamamatay na si Jacob, tinawag niya ang lahat ng kaniyang mga anak at isa-isa silang pinagpala. Inihalintulad niya si Jose sa “supling ng namumungang punungkahoy.” Ang “namumungang punungkahoy” ay ang patriyarkang si Jacob mismo, at si Jose ang isa sa mga prominenteng sanga. (Gen 49:22) Bagaman si Jose ay niligalig ng mga mamamana at kinapootan nang matindi, ang kaniyang busog ay “nanahanan sa permanenteng dako, at ang lakas ng kaniyang mga kamay ay bumabagay.” (Gen 49:23, 24) Maaari itong personal na lumarawan kay Jose. Nagkimkim ng matinding poot ang kaniyang mga kapatid sa ama at sa makasagisag na paraan ay pinana nila siya upang puksain siya. Ngunit ginantihan sila ni Jose ng awa at maibiging-kabaitan, anupat ang mga katangiang ito ay parang mga palaso na pumatay sa kanilang matinding poot. Ang mga kaaway na mamamana ay hindi nagtagumpay na patayin si Jose ni pahinain ang kaniyang debosyon sa katuwiran at pagmamahal na pangkapatid.
Gayunman, bilang hula, ang mga salita ni Jacob ay maaaring kumapit sa mga tribo na magmumula sa dalawang anak ni Jose, sina Efraim at Manases, at sa kanilang mga pakikipagbaka sa hinaharap. (Ihambing ang Deu 33:13, 17; Huk 1:23-25, 35.) Sa tribo ni Efraim nanggaling si Josue (Hosea; Jehosua), ang kahalili ni Moises at lider sa pakikipaglaban sa mga Canaanita. (Bil 13:8, 16; Jos 1:1-6) Isa pang inapo ni Jose, si Gideon na mula sa tribo ni Manases, ang tumalo sa mga Midianita sa tulong ni Jehova. (Huk 6:13-15; 8:22) At si Jepte, maliwanag na mula rin sa tribo ni Manases, ang sumupil sa mga Ammonita.—Huk 11:1, 32, 33; ihambing ang Huk 12:4; Bil 26:29.
Ang iba pang mga aspekto ng makahulang pagpapala ni Jacob ay mayroon ding pagkakatulad sa mga karanasan ni Jose. Nang si Jose, sa halip na maghiganti, ay maglaan ng panustos para sa buong sambahayan ni Jacob, o Israel, siya ay naging gaya ng isang pastol at isang batong suhay ng Israel. Yamang pinatnubayan ni Jehova ang mga bagay-bagay upang makapaglingkod siya sa gayong kapasidad, si Jose ay nagmula sa mga kamay ng “Makapangyarihan ng Jacob.” Palibhasa’y mula sa Diyos, tinulungan ni Jehova si Jose. Siya ay kasama ng Makapangyarihan-sa-lahat sa diwa na siya ay nasa panig ni Jehova at sa gayon ay tumanggap ng Kaniyang pagpapala.—Gen 49:24, 25.
Ang pagpapala ni Jehova ay tatamasahin din ng mga tribong magmumula kay Jose sa pamamagitan nina Efraim at Manases. Sinabi ni Jacob: “Pagpapalain ka niya [ng Makapangyarihan-sa-lahat] ng mga pagpapala ng langit sa itaas, ng mga pagpapala ng matubig na kalaliman na naroon sa ibaba, ng mga pagpapala ng mga suso at bahay-bata.” (Gen 49:25) Tiniyak nito sa mga inapo ni Jose na magkakaroon sila ng kinakailangang suplay ng tubig mula sa langit at mula sa ilalim ng lupa, gayundin ng isang malaking populasyon.—Ihambing ang Deu 33:13-16; Jos 17:14-18.
Ang mga pagpapalang binigkas ni Jacob sa kaniyang minamahal na anak na si Jose ay magiging tulad ng palamuti sa dalawang tribo na magmumula kay Jose. Ang mga pagpapalang iyon ay palamuti na nakahihigit sa mga pagpapala ng mga kagubatan at mga bukal na nagsisilbing kagayakan ng walang-hanggang mga bundok at ng mga burol na namamalagi nang walang takda. Ang mga iyon ay permanenteng pagpapala, na mananatiling nasa ulo ni Jose at niyaong mga supling niya hangga’t nananatili ang mga bundok at mga burol.—Gen 49:26; Deu 33:16.
Si Jose ay “pinili mula sa kaniyang mga kapatid” sapagkat pinili siya ng Diyos upang gumanap sa isang pantanging papel. (Gen 49:26) Siya ay naging bukod-tangi dahil nagpakita siya ng napakainam na saloobin at ng kakayahang mangasiwa at mag-organisa. Kaya angkop lamang na mapasatuktok ng kaniyang ulo ang pantanging mga pagpapala.
Matapos pagpalain ni Jacob ang kaniyang mga anak, siya ay namatay. Sa gayon ay sumubsob si Jose sa mukha ng kaniyang ama at hinalikan niya ito. Bilang pagsunod sa kahilingan ni Jacob na ilibing siya sa yungib ng Macpela, ipinaembalsamo ni Jose sa mga manggagamot na Ehipsiyo ang bangkay ng kaniyang ama upang maihanda ito para sa paglalakbay patungong Canaan.—Gen 49:29–50:13.
Saloobin sa Kaniyang mga Kapatid. Nang makabalik na sila mula sa paglilibing kay Jacob, ang mga kapatid sa ama ni Jose, na binabagabag pa rin ng kanilang budhi, ay nangambang paghigantihan sila ni Jose at nagsumamong patawarin niya sila. Sa gayon ay tumangis si Jose, anupat inaliw at pinatibay-loob sila na wala silang dapat ikatakot: “Huwag kayong matakot, sapagkat nasa kalagayan ba ako ng Diyos? Kung tungkol sa inyo, nag-isip kayo ng masama laban sa akin. Nasa isip ng Diyos ang ikabubuti sa layuning kumilos gaya ng sa araw na ito upang ingatang buháy ang maraming tao. Kaya ngayon ay huwag kayong matakot. Ako mismo ang patuloy na maglalaan ng pagkain sa inyo at sa inyong maliliit na anak.”—Gen 50:14-21.
Kamatayan. Pagkamatay ng kaniyang ama, si Jose ay nabuhay pa nang mga 54 na taon, anupat umabot sa edad na 110. Nakita pa niya ang ilan sa kaniyang mga apo sa tuhod. Bago siya mamatay, sa pananampalataya ay hiniling ni Jose na ang kaniyang mga buto ay dalhin ng mga Israelita sa Canaan sa panahon ng kanilang Pag-alis. Nang mamatay si Jose, ang kaniyang bangkay ay inembalsamo at inilagay sa isang kabaong.—Gen 50:22-26; Jos 24:32; Heb 11:22.
Ang Pangalang Jose ay Naging Prominente. Dahil sa prominenteng posisyon ni Jose sa gitna ng mga anak ni Jacob, angkop na angkop na kung minsan ay ginagamit ang kaniyang pangalan upang tumukoy sa lahat ng tribo ng Israel (Aw 80:1) o doon sa mga napabilang sa hilagang kaharian. (Aw 78:67; Am 5:6, 15; 6:6) Ang kaniyang pangalan ay lumilitaw rin sa mga hula ng Bibliya. Sa makahulang pangitain ni Ezekiel, ang mana ni Jose ay dobleng bahagi (Eze 47:13), ang isa sa mga pintuang-daan ng lunsod na “Si Jehova Mismo ay Naroroon” ay nagtataglay ng pangalang Jose (Eze 48:32, 35), at sa pagtukoy sa muling-pinagkaisang bayan ni Jehova, ang Jose ay binanggit bilang pinuno ng isang bahagi ng bansa at ang Juda bilang pinuno ng isa pang bahagi. (Eze 37:15-26) Inihula ni Obadias na ang “sambahayan ni Jose” ay makikibahagi sa pagwasak sa “sambahayan ni Esau” (Ob 18), at inihula naman ni Zacarias na ililigtas ni Jehova ang “sambahayan ni Jose.” (Zac 10:6) Sa halip na Efraim, ang Jose ang lumilitaw bilang isa sa mga tribo ng espirituwal na Israel.—Apo 7:8.
Yamang itinala ang Jose sa Apocalipsis 7:8, ipinahihiwatig nito na ang hula ni Jacob noong mamamatay na siya ay magkakaroon ng pagkakapit sa espirituwal na Israel. Kaya naman kapansin-pansin na inilaan ng Makapangyarihan ng Jacob, ng Diyos na Jehova, si Kristo Jesus bilang ang Mabuting Pastol na nagbigay ng kaniyang buhay para sa “mga tupa.” (Ju 10:11-16) Si Kristo Jesus din ang pundasyong batong-panulok na kinatatayuan ng templo ng Diyos na binubuo ng espirituwal na mga Israelita. (Efe 2:20-22; 1Pe 2:4-6) At ang Pastol at Batong ito ay kasama ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat.—Ju 1:1-3; Gaw 7:56; Heb 10:12; ihambing ang Gen 49:24, 25.
Mga Pagkakatulad ni Jose at ni Kristo. Mapapansin natin na maraming pagkakatulad ang buhay ni Jose at ang buhay ni Kristo Jesus. Kung paanong pinag-ukulan si Jose ng pantanging pagmamahal ng kaniyang ama, gayundin si Jesus. (Ihambing ang Mat 3:17; Heb 1:1-6.) Napoot kay Jose ang kaniyang mga kapatid sa ama. Sa gayunding paraan, itinakwil si Jesus ng kaniyang mga kababayang Judio (Ju 1:11), at sa pasimula ay hindi nanampalataya sa kaniya ang kaniyang mga kapatid sa laman. (Ju 7:5) Nang utusan si Jose ng kaniyang ama na tingnan ang kalagayan ng kaniyang mga kapatid, ang maagap niyang pagsunod bilang pagtupad sa kalooban ng kaniyang ama ay nakakatulad ng kusang-loob na pagparito ni Jesus sa lupa. (Fil 2:5-8) Ang mapapait na karanasang ibinunga ng atas na iyon kay Jose ay maihahalintulad sa nangyari kay Jesus, lalo na nang pakitunguhan siya nang may pang-aabuso at nang bandang huli ay patayin sa isang pahirapang tulos. (Mat 27:27-46) Kung paanong ipinagbili si Jose ng kaniyang mga kapatid sa ama sa pulutong ng mga Midianita-Ismaelita, gayon dinala si Jesus ng mga Judio sa mga Romanong awtoridad upang patayin. (Ju 18:35) Kapuwa si Jose at si Jesus ay dinalisay at inihanda para sa kanilang nagliligtas-buhay na papel sa pamamagitan ng pagdurusa. (Aw 105:17-19; Heb 5:7-10) Ang pagkakataas ni Jose sa posisyon bilang administrador ng pagkain sa Ehipto at ang pagliligtas ng buhay na ibinunga nito ay may pagkakatulad sa pagdakila kay Jesus at sa kaniyang pagiging Tagapagligtas kapuwa ng mga Judio at mga di-Judio. (Ju 3:16, 17; Gaw 5:31) Ang pakana ng mga kapatid ni Jose na gawan siya ng masama ang naging paraan ng Diyos upang iligtas sila mula sa pagkagutom. Sa gayunding paraan, inilaan ng kamatayan ni Jesus ang saligan ukol sa kaligtasan.—Ju 6:51; 1Co 1:18.
2. Ama ni Igal, ang tiktik na mula sa tribo ni Isacar na isinugo ni Moises mula sa Ilang ng Paran.—Bil 13:2, 3, 7.
3. Isang Levita mula “sa mga anak ni Asap” na itinalaga, sa pamamagitan ng palabunutan, sa una sa 24 na pangkat na naglilingkod bilang mga manunugtog noong panahong naghahari si David.—1Cr 25:1, 2, 9.
4. “Anak ni Jonam”; ninuno ni Kristo Jesus sa angkan ng kaniyang ina sa lupa na si Maria. (Luc 3:30) Si Jose ay isang inapo ni David at nabuhay bago wasakin ng mga Babilonyo ang Jerusalem.
5. Isa sa mga nagpaalis sa kanilang mga asawang banyaga at mga anak dahil sa payo ni Ezra.—Ezr 10:10-12, 42, 44.
6. Isang saserdote ng sambahayan ni Sebanias sa panig ng ama noong panahon ng mataas na saserdoteng si Joiakim, ni Gobernador Nehemias, at ni Ezra na saserdote.—Ne 12:12, 14, 26.
7. “Anak ni Matatias” at ninuno ni Jesu-Kristo sa panig ng ina. (Luc 3:24, 25) Nabuhay si Jose maraming taon pagkatapos ng pagkatapon sa Babilonya.
8. Anak ng isang nagngangalang Jacob; ama-amahan ni Kristo Jesus, asawa ni Maria, at nang maglaon, ang likas na ama ng di-kukulangin sa apat na anak na lalaki, sina Santiago, Jose, Simon, at Hudas, bukod pa sa mga anak na babae. (Mat 1:16; 13:55, 56; Luc 4:22; Ju 1:45; 6:42) Si Jose ay tinawag ding anak ni Heli (Luc 3:23), na lumilitaw na pangalan ng kaniyang biyenang lalaki. Palibhasa’y laging masunurin sa utos ng Diyos, ang matuwid na si Jose ay maingat na sumunod sa Kautusang Mosaiko at nagpasakop sa mga batas ni Cesar.
Si Jose ay naninirahan sa Nazaret, naghahanapbuhay bilang karpintero, at mahirap na tao lamang. (Mat 13:55; Luc 2:4; ihambing ang Luc 2:24 sa Lev 12:8.) Nakatakdang mapangasawa niya ang dalagang si Maria (Luc 1:26, 27), ngunit bago sila nagsama bilang mag-asawa ay nagdalang-tao si Maria sa pamamagitan ng banal na espiritu. Palibhasa’y ayaw ni Jose na gawing isang pangmadlang panoorin si Maria, binalak niya na diborsiyuhin ito nang palihim. (Tingnan ang DIBORSIYO.) Ngunit nang makatanggap ng paliwanag mula sa anghel ni Jehova sa pamamagitan ng isang panaginip, iniuwi ni Jose si Maria bilang kaniyang legal na asawa. Gayunman, hindi siya sumiping dito hanggang sa maisilang ni Maria ang kaniyang anak na lalaki na ipinaglihi sa makahimalang paraan.—Mat 1:18-21, 24, 25.
Bilang pagsunod sa batas ni Cesar Augusto na magparehistro ang mga tao sa kani-kanilang lunsod, si Jose, na isang inapo ni Haring David, ay naglakbay kasama si Maria patungo sa Betlehem ng Judea. Doon isinilang ni Maria si Jesus at inilagay niya ito sa isang sabsaban, dahil wala nang ibang matutuluyan. Nang gabing iyon, ang mga pastol, na sinabihan ng isang anghel hinggil sa kapanganakan, ay dumating upang tingnan ang bagong-silang na sanggol. Pagkaraan ng mga 40 araw, ayon sa kahilingan ng Kautusang Mosaiko, iniharap nina Jose at Maria si Jesus sa templo sa Jerusalem kasama ang isang handog. Kapuwa nagtaka sina Jose at Maria nang marinig nila ang makahulang mga salita ng matanda nang si Simeon tungkol sa dakilang mga bagay na gagawin ni Jesus.—Luc 2:1-33; ihambing ang Lev 12:2-4, 6-8.
Lumilitaw na ilang panahon pagkaraan nito, samantalang naninirahan sila sa isang bahay sa Betlehem, si Maria at ang kaniyang maliit na anak ay dinalaw ng ilang astrologong taga-Silangan. (Bagaman waring ipinahihiwatig ng Lucas 2:39 na sina Jose at Maria ay bumalik kaagad sa Nazaret pagkatapos na iharap si Jesus sa templo, dapat tandaan na ang kasulatang ito ay bahagi ng isang lubhang pinaikling ulat.) Namagitan ang Diyos upang ang kanilang pagdalaw ay hindi maging sanhi ng kamatayan ni Jesus. Palibhasa’y binabalaan si Jose sa isang panaginip na hinahanap ni Herodes ang bata upang patayin ito, sinunod niya ang tagubilin ng Diyos na tumakas siya patungong Ehipto kasama ang kaniyang pamilya.—Mat 2:1-15.
Pagkamatay ni Herodes, ang anghel ni Jehova ay muling nagpakita kay Jose sa isang panaginip, na sinasabi: “Bumangon ka, dalhin mo ang bata at ang kaniyang ina at pumaroon ka sa lupain ng Israel.” Ngunit nang marinig niya na ang anak ni Herodes na si Arquelao ang namamahala kahalili ng kaniyang ama, natakot siyang bumalik sa Judea, at “yamang binigyan siya ng babalang mula sa Diyos sa isang panaginip, siya ay umalis patungo sa teritoryo ng Galilea, at dumating at tumahan sa lunsod na pinanganlang Nazaret.”—Mat 2:19-23.
Taun-taon ay isinasama ni Jose ang kaniyang buong pamilya upang dumalo sa pagdiriwang ng Paskuwa sa Jerusalem. Sa isang pagkakataon noong pabalik na sila sa Nazaret, pagkaraang makapaglakbay ng layong isang araw mula sa Jerusalem, natuklasan nina Jose at Maria na ang 12-taóng-gulang na si Jesus ay nawawala. Masikap nila siyang hinanap at sa wakas ay nasumpungan nila siya sa templo sa Jerusalem, nakikinig at nagtatanong sa mga gurong naroroon.—Luc 2:41-50.
Hindi sinasabi ng ulat ng Kasulatan kung gaano kalaking pagsasanay ang ibinigay ni Jose kay Jesus. Ngunit tiyak na nakatulong siya sa pagsulong ni Jesus sa karunungan. (Luc 2:51, 52) Tinuruan din niya si Jesus ng pagkakarpintero, sapagkat nakilala ito kapuwa bilang “ang anak ng karpintero” (Mat 13:55) at bilang “ang karpintero.”—Mar 6:3.
Hindi espesipikong binabanggit sa Kasulatan ang kamatayan ni Jose. Ngunit waring nauna siyang namatay kaysa kay Jesus. Kung buháy pa siya pagkalipas ng Paskuwa ng 33 C.E., malamang na hindi ipagkakatiwala si Maria ng nakabayubay na si Jesus sa pangangalaga ng apostol na si Juan.—Ju 19:26, 27.
9. Isang kapatid sa ina ni Jesu-Kristo. (Mat 13:55; Mar 6:3) Tulad ng iba pa niyang mga kapatid, noong una ay hindi nananampalataya si Jose kay Jesus. (Ju 7:5) Ngunit nang maglaon, naging mga mananampalataya ang mga kapatid sa ina ni Jesus, walang alinlangang kabilang din si Jose. Binabanggit na sila’y kasama ng mga apostol at ng iba pa pagkaakyat ni Jesus sa langit, kaya malamang na kasama sila sa grupo ng mga 120 alagad na nagtitipon sa isang silid sa itaas sa Jerusalem nang piliin si Matias sa pamamagitan ng palabunutan bilang kapalit ng di-tapat na si Hudas Iscariote. Lumilitaw na nang maglaon, ang grupo ring ito ng mga 120 ay tumanggap ng espiritu ng Diyos nang araw ng Pentecostes noong 33 C.E.—Gaw 1:9–2:4.
10. Isang taong mayaman mula sa Judeanong lunsod ng Arimatea at isang kinikilalang miyembro ng Judiong Sanedrin. Bagaman isang mabuti at matuwid na lalaki na naghihintay sa Kaharian ng Diyos, si Jose, dahil sa takot sa di-sumasampalatayang mga Judio, ay hindi hayagang nagpakilala bilang isang alagad ni Jesu-Kristo. Gayunman, hindi siya bumoto bilang pagtangkilik sa di-makatarungang pagkilos ng Sanedrin laban kay Kristo Jesus. Nang maglaon, lakas-loob niyang hiningi kay Pilato ang katawan ni Jesus at, kasama si Nicodemo, inihanda niya iyon para sa libing at pagkatapos ay inilagay iyon sa isang bagong libingan na inuka sa bato. Ang libingang ito ay nasa isang hardin na malapit sa dako ng pagbabayubay at pag-aari ni Jose ng Arimatea.—Mat 27:57-60; Mar 15:43-46; Luc 23:50-53; Ju 19:38-42.
11. Isang lalaki na iniharap kasama ni Matias bilang isang kandidato para sa katungkulan ng pangangasiwa na naiwan ng di-tapat na si Hudas Iscariote. Si Jose, na tinatawag ding Barsabas (marahil ay isang apelyido o isang karagdagang pangalan lamang) at may huling pangalang Justo, ay isang saksi sa gawain, mga himala, at pagkabuhay-muli ni Jesu-Kristo. Gayunman, si Matias, hindi si Jose, ang napili sa pamamagitan ng palabunutan upang pumalit kay Hudas Iscariote bago ang Pentecostes ng 33 C.E. at “ibinilang siyang kasama ng labing-isang apostol.”—Gaw 1:15–2:1.
12. Isang Levita na may huling pangalang Bernabe at isang katutubo ng Ciprus. (Gaw 4:36, 37) Siya ay isang matalik na kasamahan ng apostol na si Pablo.—Tingnan ang BERNABE.
[Larawan sa pahina 1248]
Kaayon ng ulat ng Bibliya na si Paraon ay may punong katiwala ng kopa, ang pag-aani ng ubas at paggawa ng alak ay inilalarawan sa isang libingan sa Thebes
[Larawan sa pahina 1249]
Pag-aani at pag-iimbak ng mga butil gaya ng inilalarawan sa isang libingan sa Ehipto. Binabanggit sa Genesis ang saganang pag-aani ng mga butil sa Ehipto