MARDOKEO
1. Isa na bumalik sa Jerusalem at Juda noong 537 B.C.E. pagkatapos ng 70 taon ng pagkatapon sa Babilonya. (Ezr 2:1, 2) Si Mardokeo ay isang prominenteng Israelita at lider na tumulong kay Zerubabel at kinilala sa unang pagkakatala sa talaangkanan ng muling natatag na komunidad sa Juda.—Ne 7:5-7.
2. Ang “anak ni Jair na anak ni Simei na anak ni Kis na Benjaminita” (Es 2:5), nakatatandang pinsan at tagapag-alaga kay Esther. (Es 2:7) Si Mardokeo ay sa aklat lamang ng Bibliya na Esther inilarawan. Isinasalaysay ng aklat na iyon ang kaniyang prominenteng papel sa mga pangyayari sa Imperyo ng Persia noong maagang bahagi ng ikalimang siglo B.C.E. Ipinakikita ng katibayan na siya ang sumulat ng aklat ng Esther.
Pinag-aalinlanganan ng ilan ang autentisidad ng aklat o kung si Mardokeo ay isang tunay na persona. Ang kanilang pagtutol, na siya ay di-kukulangin sa 120 taóng gulang at may magandang pinsan na mas bata nang 100 taon, ay salig sa maling palagay na diumano, ipinakikita ng Esther 2:5, 6 na si Mardokeo ay yumaon sa pagkatapon sa Babilonya kasama ni Haring Jeconias. Gayunman, ang layunin ng Bibliya sa tekstong ito ay hindi upang isalaysay ang kasaysayan ni Mardokeo kundi upang ipakita ang kaniyang angkan. Maaaring si Kis ang lolo sa tuhod ni Mardokeo, o baka isa pa ngang mas naunang ninuno na “dinala sa pagkatapon.” Isa pang pangmalas, kasuwato ng pananalita sa Bibliya, ay na si Mardokeo, bagaman ipinanganak sa pagkatapon, ay itinuring na dinala sa pagkatapon noong 617 B.C.E., yamang siya ay nasa mga balakang ng kaniyang mga ninuno, palibhasa’y di-pa-naisisilang.—Ihambing ang Heb 7:9, 10.
Matapat Bilang Lingkod ng Hari. Ayon sa ulat, si Mardokeo, bagaman isang Judiong tapon, ay isang lingkod ng hari. Narinig niya na si Reyna Vasti ay pinatalsik ni Haring Ahasuero ng Persia mula sa puwesto nito at na ang lahat ng magagandang kabataang dalaga sa buong imperyo ay tinitipon upang mula sa mga ito ay makahanap ng kapalit para sa katungkulan ng pagkareyna. Ang pinsan ni Mardokeo na si Esther, isang babaing “may magandang tindig at kahali-halinang anyo,” ay iniharap bilang kandidato sa pagkareyna, ngunit hindi isiniwalat na isa siyang Judio. (Es 2:7, 8) Siya ang napiling maging reyna. Nagpatuloy si Mardokeo sa kaniyang mga tungkulin, anupat ‘nakaupo sa pintuang-daan ng hari,’ nang may maghatid sa kaniya ng impormasyon na dalawa sa mga opisyal ng korte, sina Bigtan at Teres, ang nagpapakanang pagbuhatan ng kamay si Haring Ahasuero. Binabalaan niya ang hari sa pamamagitan ni Esther, at ang kaniyang gawa ng pagkamatapat ay itinala sa “aklat ng mga pangyayari nang mga araw.”—Es 2:21-23.
Tumangging Yumukod kay Haman. Kasunod nito, si Haman na Agagita ay ginawang punong ministro ni Ahasuero, na nag-utos na ang lahat ng nasa pintuang-daan ng hari ay magpatirapa kay Haman sa kaniyang itinaas na posisyon. Matatag na tumanggi si Mardokeo at idinahilan na isa siyang Judio. (Es 3:1-4) Ipinakikita ng pagkilos ni Mardokeo salig sa kadahilanang ito na may kinalaman iyon sa kaniyang kaugnayan, bilang isang nakaalay na Judio, sa kaniyang Diyos na si Jehova. Natanto niya na ang pagpapatirapa sa harap ni Haman ay hindi lamang basta pagsubsob sa lupa sa isang taong dinakila, gaya ng ginawa ng mga Israelita noong nakalipas na mga panahon, bilang simpleng pagkilala sa nakatataas na posisyon ng isa bilang tagapamahala. (2Sa 14:4; 18:28; 1Ha 1:16) Sa kaso ni Haman, may mabuting dahilan si Mardokeo para hindi yumukod sa kaniya. Malamang na si Haman ay isang Amalekita, at ipinahayag ni Jehova na makikipagdigma siya sa Amalek “sa sali’t salinlahi.” (Exo 17:16; tingnan ang HAMAN.) Hindi iyon isang usaping pampulitika, kundi nasasangkot doon ang katapatan ni Mardokeo sa Diyos.
Galít na galít si Haman, lalo na nang malaman niyang si Mardokeo ay isang Judio. Gayon na lamang katindi ang kaniyang pagkapoot anupat nasira ang kasiyahan niya sa lahat ng kaniyang kapangyarihan at mga pribilehiyo hangga’t nakaupo si Mardokeo sa may pintuang-daan at tumatangging yumukod sa kaniya. Palibhasa’y hindi lamang si Mardokeo ang nais niyang paghigantihan, hinimok niya ang hari na magpalabas ng isang batas na magpapahintulot na puksain ang lahat ng kababayan ni Mardokeo sa nasasakupan ng Persia.—Es 3:5-12.
Ginamit Upang Iligtas ang Israel. Sa harap ng utos na puksain ang lahat ng Judio sa imperyo, naniniwala si Mardokeo na si Esther ay binigyan ng maharlikang dangal nito noong mismong panahong iyon para sa katubusan ng mga Judio. Ipinakita niya kay Esther ang mabigat na pananagutan nito at inutusan ito na mamanhik at humingi ng tulong sa hari. Bagaman manganganib ang kaniyang buhay sa paggawa nito, sumang-ayong sumunod si Esther.—Es 4:7–5:2.
Pabor naman para kay Mardokeo at sa mga Judio (sapagkat may kinalaman iyon sa isyu hinggil sa pagkamatapat ni Mardokeo sa hari) ang naganap noong isang gabing hindi makatulog si Haring Ahasuero; sa patnubay ng Diyos, napagtuunan niya ng pansin ang opisyal na aklat ng mga talaan ng estado. Sa gayo’y naipaalaala sa hari na hindi pa nagagantimpalaan si Mardokeo sa nakaraan nitong paglilingkod, samakatuwid nga, noong ibunyag nito ang pakanang sedisyon nina Bigtan at Teres. Dahil dito ay ninais ng hari na bigyan ng malaking parangal si Mardokeo—na ikinapahiya naman ni Haman, na siyang inutusang magsaayos at hayagang magpatalastas ng pagpaparangal na ito.—Es 6:1-12.
Nagtagumpay si Esther na maipakitang nagkasala si Haman ng pagsisinungaling at paninirang-puri sa mga Judio at ng tusong pagpapakana laban sa sariling kapakanan ng hari. Ipinag-utos ng nagngangalit na si Ahasuero na lapatan ng hatol na kamatayan si Haman, at ang tulos na may taas na 22 m (73 piye) na itinindig ni Haman para kay Mardokeo ang siyang ginamit upang pagbitinan ng katawan ni Haman.—Es 7:1-10.
Si Mardokeo ang inihalili kay Haman bilang punong ministro at tinanggap niya ang singsing na panlagda ng hari na pantatak sa mga dokumento ng estado. Inatasan ni Esther si Mardokeo upang mamahala sa sambahayan ni Haman, na ibinigay ng hari kay Esther. Nang magkagayon ay ginamit ni Mardokeo ang awtorisasyon ng hari upang maglabas ng isang kontra-batas na nagbibigay sa mga Judio ng legal na karapatang ipagtanggol ang kanilang sarili. Para sa mga Judio, iyon ay nangahulugan ng katubusan at kagalakan. Marami sa mga nasa Imperyo ng Persia ang kumampi sa mga Judio, at pagsapit ng Adar 13, ang araw kung kailan magkakabisa ang mga kautusan, nakahanda na ang mga Judio. Sinuportahan sila ng lahat ng mga opisyal dahil sa mataas na posisyon ni Mardokeo. Sa Susan ay lumawig pa ng isang araw ang labanan. Mahigit 75,000 kaaway ng mga Judio sa Imperyo ng Persia ang napuksa, kabilang na ang sampung anak ni Haman. (Es 8:1–9:18) Taglay ang pagpapatibay ni Esther, ipinag-utos ni Mardokeo ang taunang pagdiriwang ng kapistahan ng ika-14 at ika-15 araw ng Adar, ang ‘mga araw ng Purim,’ para sa kasayahan at pagpipiging at pagbibigayan ng mga kaloob sa isa’t isa at sa mga dukha. Tinanggap ng mga Judio ang kapistahan at ipinatupad nila iyon sa kanilang mga supling at sa lahat ng mga pumipisan sa kanila. Bilang ikalawa sa imperyo, si Mardokeo ay iginalang ng nakaalay na bayan ng Diyos, ang mga Judio, at patuloy siyang gumawa para sa kanilang kapakanan.—Es 9:19-22, 27-32; 10:2, 3.
Isang Taong May Pananampalataya. Si Mardokeo ay isang tao na may pananampalataya na tulad niyaong mga tinukoy ng apostol na si Pablo sa Hebreo kabanata 11, bagaman hindi binanggit doon ang pangalan niya. Nagpakita siya ng lakas ng loob, katatagan, at katapatan sa Diyos at sa kaniyang bayan, at sinunod niya ang simulaing sinabi ni Jesus nang maglaon: “Kung gayon, ibayad ninyo kay Cesar ang mga bagay na kay Cesar, ngunit sa Diyos ang mga bagay na sa Diyos.” (Mat 22:21) Siya at si Esther ay mula sa tribo ni Benjamin, na hinggil dito ay humula ang patriyarkang si Jacob: “Si Benjamin ay patuloy na manlalapa na tulad ng lobo. Sa umaga ay kakainin niya ang hayop na hinuli at sa gabi ay hahatiin niya ang samsam.” (Gen 49:27) Ang gawain ng mga Benjamitang ito ay naganap sa dapit-hapon ng kasaysayan ng bansang Israel, noong wala na sa trono ang kanilang mga hari at nasa ilalim na sila ng pamumunong Gentil. Posibleng sina Mardokeo at Esther ang nagkapribilehiyong puksain ang kahuli-hulihan sa kinapopootang mga Amalekita. Ipinakikita ng interes ni Mardokeo sa kapakanan ng kaniyang mga kababayan na siya’y nananampalataya na mula sa mga anak ni Israel ay darating ang Binhi ni Abraham na magpapala sa lahat ng mga pamilya sa lupa.—Gen 12:2; 22:18.