-
Pag-eembalsamo—Ito ba ay Para sa mga Kristiyano?Ang Bantayan—2002 | Marso 15
-
-
Pag-eembalsamo—Ito ba ay Para sa mga Kristiyano?
Nang malapit na siyang mamatay, ganito ang huling kahilingan ng tapat na patriyarkang si Jacob: “Ilibing ninyo akong kasama ng aking mga ama sa yungib na nasa parang ni Epron na Hiteo, sa yungib na nasa parang ng Macpela na nasa tapat ng Mamre sa lupain ng Canaan.”—Genesis 49:29-31.
NATUPAD ni Jose ang kahilingan ng kaniyang ama sa pamamagitan ng isang kaugalian noon sa Ehipto. Inutusan niya ang “kaniyang mga lingkod, na mga manggagamot, na embalsamuhin ang kaniyang ama.” Ayon sa ulat na masusumpungan sa Genesis kabanata 50, ginugol ng mga manggagamot ang kinaugaliang 40 araw upang ihanda ang bangkay. Dahil sa pag-eembalsamo kay Jacob, ang mabagal na pulutong ng mga kapamilya at mga dignitaryong Ehipsiyo ay nakapaglakbay nang mga 400 kilometro upang dalhin ang mga labí ni Jacob sa Hebron para ilibing.—Genesis 50:1-14.
Posible kaya na isang araw ay matagpuan ang inembalsamong katawan ni Jacob? Sa pinakamaiinam na kalagayan, ang posibilidad ay napakaliit. Ang Israel ay isang mainam na natutubigang rehiyon, kung kaya limitado lamang ang uri ng mga sinaunang bagay sa arkeolohiya na natuklasan doon. (Exodo 3:8) Sagana ang sinaunang mga bagay na yari sa metal at bato, ngunit ang karamihan sa mas marurupok na bagay, gaya ng tela, katad, at inembalsamong mga katawan, ay hindi nakatagal sa halumigmig at mga pagbabago na dulot ng panahon.
-
-
Pag-eembalsamo—Ito ba ay Para sa mga Kristiyano?Ang Bantayan—2002 | Marso 15
-
-
Inembalsamo si Jacob ng mga taong hindi niya kapareho ang mga relihiyosong paniniwala. Gayunman, mahirap nating isipin na noong ibigay ni Jose ang katawan ng kaniyang ama sa mga manggagamot ay hiniling niya ang mga panalangin at ritwal na maaaring kalakip sa karamihan ng pag-eembalsamong ginagawa noon sa Ehipto. Sina Jacob at Jose ay kapuwa mga lalaking may matibay na pananampalataya. (Hebreo 11:21, 22) Bagaman lumilitaw na hindi ito iniutos ni Jehova, wala namang nabanggit sa Kasulatan na ang pagpepreserba sa mga labí ni Jacob ay hindi sinang-ayunan. Ang pag-eembalsamo kay Jacob ay hindi nilayong maging parisan para sa bansang Israel o para sa kongregasyong Kristiyano. Sa katunayan, walang espesipikong tagubilin ang matatagpuan sa Salita ng Diyos hinggil sa bagay na ito. Matapos na si Jose mismo ay maembalsamo sa Ehipto, wala nang nabanggit pa sa Kasulatan tungkol sa gawaing ito.—Genesis 50:26.
-