ATAD
[Kambron].
Isang lugar na hindi matiyak ang lokasyon sa pook ng Jordan ang tinawag na “giikan ng Atad.” Doon huminto ang prusisyon ng libing ni Jacob para sa pitong araw na pagdadalamhati habang naglalakbay ito mula sa Ehipto patungo sa yungib ng parang ng Macpela sa Canaan. Maaaring ang Atad ay isang tao, ngunit ang pangalan mismo ay waring tumutukoy sa isang lokasyon. Ang pangkat ng libing ay kinabibilangan ng mga lingkod ni Paraon gayundin ng matatandang lalaki ng Ehipto, at nang makita ng mga Canaanita ang mga ritwal ng pagdadalamhati, bumulalas sila: “Ito ay isang matinding pagdadalamhati para sa mga Ehipsiyo!” Kaya naman ang lugar ay tinawag na Abel-mizraim, na nangangahulugang “Pagdadalamhati ng mga Ehipsiyo.”—Gen 50:7-13.
Ginagamit ng iba’t ibang salin (gaya ng AS, AT, BSP, RS) sa Genesis 50:10, 11 ang pananalitang “sa kabilang-ibayo ng Jordan,” at ipinapalagay ng ilan na ang giikan ng Atad ay nasa S ng Ilog Jordan. Mangangahulugan ito na ang prusisyon ay hindi naglakbay nang deretso, kundi lumigid sa Dagat na Patay, maaaring upang maiwasan ang mga Filisteo. Gayunman, ang pananalitang Hebreo na beʽeʹver, na isinaling “sa kabilang-ibayo,” ay maaaring tumukoy sa isang pook sa S o kaya’y sa K ng Jordan. Mula sa pangmalas ni Moises na nasa lupain ng Moab noong panahong makumpleto ang Pentateuch, ang “sa kabilang-ibayo ng Jordan” ay maaaring mangahulugang sa K ng ilog. Ngunit nalutas ng Bagong Sanlibutang Salin ang suliraning ito sa pamamagitan ng may-katumpakang pagsasalin sa tekstong Hebreo gamit ang pananalitang “nasa pook ng Jordan.”