HARDIN
Ang terminong Hebreo na gan at ang terminong Griego na keʹpos ay tumutukoy sa isang nililinang na lupain, na kadalasa’y pinatutubigan. Karaniwan na, ang mga hardin noong panahon ng Bibliya ay mga lugar na pinalibutan ng halamang-bakod na matinik o ng pader na bato o putik, na marahil ay nilagyan ng mga tinik sa ibabaw.—Sol 4:12.
Sa pangkalahatan, ang mga harding tinutukoy sa Bibliya ay ibang-iba sa pangkaraniwang mga hardin sa Kanluran. Marami sa mga ito ang katulad ng isang parke na may iba’t ibang uri ng punungkahoy, kabilang na ang mga namumungang punungkahoy at mga puno ng nogales (Ec 2:5; Am 9:14; Sol 6:11), gayundin ang mga halamang espesya at mga bulaklak. (Sol 6:2) Nadidiligang mabuti ang mga ito sa pamamagitan ng mga batis o ng patubig at kadalasa’y may paliku-likong mga daanan sa loob ng mga ito. Ang mas maliliit na hardin ay maaaring nililinang noon ng indibiduwal na mga pamilya. Sinabi ni Haring Ahab na nais niyang gawing hardin ng mga gulay ang ubasan ni Nabot.—1Ha 21:2.
Kadalasan nang nasa labas ng lunsod ang tulad-parkeng mga hardin na binanggit sa itaas, maliban sa mga hardin ng mga hari o ng mga taong napakayaman. Ang Hardin ng Hari, malapit sa lugar kung saan tinangkang tumakas ni Zedekias at ng kaniyang mga tauhan mula sa Jerusalem noong panahon ng pagkubkob ng mga Caldeo, ay malamang na nasa labas lamang ng TS pader ng lunsod na iyon. (2Ha 25:4; Ne 3:15) Bumabanggit din si Josephus ng isang lugar na tinatawag na Etan, na sinasabi niyang 13 hanggang 16 na km (8 hanggang 10 mi) ang layo mula sa Jerusalem at inilalarawan niya bilang “kalugud-lugod dahil sa marami nitong parke at umaagos na mga batis”, anupat doon, ayon sa kaniya, ay kinaugaliang pumasyal ni Solomon sakay ng karo nito. (Jewish Antiquities, VIII, 186 [vii, 3]) Malamang na malaki at maganda ang harding pinagdausan ni Haring Ahasuero ng isang engrandeng pitong-araw na piging sa Susan noong ikatlong taon ng kaniyang paghahari.—Es 1:1-5.
Sa Babilonya. Ang Hanging Gardens ng Babilonya ay isa sa pitong kamangha-manghang gawa ng sinaunang daigdig. Itinayo ito ni Haring Nabucodonosor upang palugdan ang asawa niya, isang Medianong prinsesa na nagmula sa isang maburol na lupain, at, palibhasa’y dismayado ito sa pagiging patag ng Babilonia, labis nitong pinananabikan ang kabundukan ng kaniyang tinubuang lupain. Sinasabing nagtayo si Nabucodonosor ng magkakasunod at papataas na mga arko, anupat baytang-baytang ang mga iyon, at tinambakan niya ng sapat na lupa ang bundok na ito ng masoneriya upang mabuhay roon ang pinakamalalaking punungkahoy. Gumawa siya sa taluktok nito ng isang imbakan ng tubig, na sinusuplayan ng tubig mula sa Eufrates sa pamamagitan ng isang malaki at hugis-turnilyong bomba ng tubig.
Sa Ehipto. Samantalang nasa Ehipto, naglinang ang mga Israelita ng sa wari’y maliliit na hardin ng mga gulay. Sa Deuteronomio 11:10, binabanggit na nagpatubig sila sa mga iyon sa pamamagitan ng paa, posibleng alinman sa gumamit sila ng de-padyak na mga gulong ng panalok ng tubig o kaya’y pinadaloy nila sa mga lagusan ang tubig para sa irigasyon, anupat binubuksan at muling sinasarhan sa pamamagitan ng paa ang mga dingding na putik ng mga lagusan upang matubigan ang iba’t ibang bahagi ng hardin.
Getsemani. Isang paboritong lugar noon ni Jesu-Kristo ang hardin ng Getsemani sa Bundok ng mga Olibo, sa kabila lamang ng Libis ng Kidron mula sa Jerusalem, anupat dito’y nakasusumpong siya ng katahimikan kasama ng kaniyang mga alagad. Sa harding ito nagpahinga si Jesus kasama ng kaniyang mga alagad pagkatapos niyang kumain ng kaniyang huling Paskuwa at pasinayaan ang Hapunan ng Panginoon. Doon ay lumayo siya nang kaunti sa kaniyang mga alagad at marubdob na nanalangin, anupat pinaglingkuran siya ng isang anghel. Palibhasa’y alam ng traidor na si Hudas ang kaugaliang ito ni Jesus, inakay niya ang mga mang-uumog patungo sa Getsemani, kung saan ipinagkanulo niya si Jesus sa pamamagitan ng isang halik.—Mat 26:36, 46-49; Luc 22:39-48; Ju 18:1, 2.
Mga Dakong Libingan. Noon, kung minsan ay ginagamit ang mga hardin bilang mga dakong libingan. Si Manases at ang kaniyang anak na si Amon ay inilibing sa hardin ni Uza. (2Ha 21:18, 25, 26) Sa isang bagong alaalang libingan na nasa isang hardin inilibing si Jesus. (Ju 19:41, 42) Nahulog ang mga Israelita sa masamang kaugalian na maghain sa mga hardin ukol sa mga paganong diyos, anupat umuupo sila sa gitna ng mga dakong libingan at kumakain ng karima-rimarim na mga bagay bilang pagsunod sa kanilang huwad na relihiyon, kaya naman ipinahayag ni Jehova na maggagawad siya ng kahatulan.—Isa 65:2-5; 66:16, 17.
Hardin ng Eden. Sa buong kasaysayan, ang pinakabantog na hardin ay ang hardin ng Eden. Waring isa itong lugar na kulong, anupat walang alinlangang likas na mga harang ang nagsilbing mga hangganan nito. Ang hardin, na nasa “Eden, sa dakong silangan,” ay may isang pasukan sa silanganing panig nito. Pagkatapos na magkasala si Adan, dito inilagay ang mga kerubin at ang nagliliyab na talim ng tabak upang ang tao ay hindi makapasok sa hardin at makalapit sa punungkahoy ng buhay na nasa gitna nito. (Gen 2:8; 3:24) Ang hardin ay natutubigang mainam ng isang ilog na umaagos mula roon at nahahati anupat nagiging mga bukal ng apat na malalaking ilog. Masusumpungan sa tulad-parkeng ‘paraisong ito ng kaluguran’ (Gen 2:8, Dy) ang bawat punungkahoy na kanais-nais sa paningin at mabuting kainin, gayundin ang iba pang pananim, at pinananahanan ito noon ng mga hayop at mga ibon. Inatasan si Adan na linangin at alagaan ito at sa kalaunan ay palawakin ito sa buong lupa habang tinutupad niya ang utos ng Diyos na “supilin” ang lupa. Isa itong santuwaryo, isang lugar na doo’y makasagisag na lumakad ang Diyos at nakipagtalastasan kina Adan at Eva; isa itong sakdal na tahanan para sa kanila.—Gen 2:9, 10, 15-18, 21, 22; 1:28; 3:8-19; tingnan ang PARAISO.
Bagaman hindi sinabi ng Bibliya kung gaano katagal nanatili ang mga kerubin upang bantayan ang daan patungo sa punungkahoy ng buhay, posibleng nagpatuloy ang kaayusang ito hanggang noong Baha, 1,656 na taon pagkaraang lalangin si Adan. Palibhasa’y hindi na naalagaan ni Adan, na pinalayas kasama ni Eva dahil sa kanilang pagsuway nang kumain sila mula sa ipinagbawal na punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama, malamang na nasira na ang hardin. Anuman ang naging kalagayan, maaaring, pinakamatagal na, napawi ito sa pamamagitan ng Baha.—Tingnan ang EDEN Blg. 1.
Mga ilang siglo pagkatapos ng Baha, muling nagunita ang kagandahan ng hardin ng Eden nang tanawin ni Lot ang buong Distrito ng Jordan, anupat namasdan niya “na lahat niyaon ay isang pook na natutubigang mainam . . . tulad ng hardin ni Jehova.” (Gen 13:10) Pinanatili ni Jehova ang Kaniyang mga mata sa Lupang Pangako, sa gayo’y iningatan Niya ito bilang mana para sa Israel. Ipinakita ni Moises ang kaibahan nito sa Ehipto, na doo’y kailangan pang magpatubig ang mga Israelita gaya sa isang hardin ng mga gulay, anupat inilarawan niya ang Lupang Pangako bilang isang lupain na dinidilig ng “ulan ng langit.”—Deu 11:10-12.
Makasagisag na mga Paggamit. Sa isang babala para sa Juda sa pamamagitan ni Joel, bumabanggit si Jehova ng “isang bayan na malaki at makapangyarihan” na magwawasak sa lupain, anupat mula sa kalagayang “katulad ng hardin ng Eden” ay gagawin itong isang ilang. (Joe 2:2, 3) Kabaligtaran naman nito, yaong mga gumagawa ng kalooban ni Jehova at kalugud-lugod sa kaniya ay inihahalintulad sa isang hardin na nadidiligang mainam. (Isa 58:8-11) Gayon ang magiging kalagayan noon ng katipang bayan ni Jehova kapag isinauli na sila mula sa pagkatapon sa Babilonya.—Isa 51:3, 11; Jer 31:10-12.
Sa Ezekiel 28:12-14, sinasabing ang “hari ng Tiro” ay naroon sa hardin ng Eden at sa “banal na bundok ng Diyos.” Sa tabi ng mga dalisdis ng Bundok Lebanon na bantog dahil sa mga sedro nito, ang hari, samantalang nagagayakan ng mahahabang damit na napakagaganda at ng maharlikang karilagan, ay parang nasa isang hardin ng Eden at nasa isang bundok ng Diyos.
Sa Awit ni Solomon, sa isang hardin inihalintulad ng mangingibig na pastol ang kaibigan niyang babaing Shulamita, isang hardin na kaiga-igaya, maganda, kalugud-lugod, at may maiinam na bunga.—Sol 4:12-16.